Chapter 14 Meet The Boss
Samantha POV
Huminto kami sa isang mataas at malaking building. “Wow! Ilang floor kaya 'to?” namamanghang ko habang pababa ng sasakyan. Unang bumaba sa akin si Kolas. May malaking revolving glass door sa harap kaya dere-deretsong pumasok si Kolas. Aligaga akong sumunod sa kanya.
“Uy, Kolas. Dahan-dahan naman at baka maligaw ako,” tawag ko sa kanya.
“Good morning, Sir. Good morning, Ma'am,” nakangiting bati sa amin ng isang guwardiya. Tumango ako bilang ganti. Hilaw akong ngumiti. “Pasensya na po kayo, Manong, mukhang mali yata ang gising ni Kolas ngayon,” hingi ko ng paumanhin saka tumakbo palapit kay Kolas.
Hindi man lang niya ako nilingon. “Bakit hindi mo binayi si Manong. Ang sama ng ugali, ay,” komento ko. “Batiin mo siya. Ang bad mo,” dagdag ko pang sabi.
Nahinto siya sa paglalakad nang higitin ko pabalik ang kanyang suot. Hindi pa naman kami nakakalayo. Naririnig ko rin ang bulung-bulungan sa paligid pero wala akong pakialam.
Lumingon siya sa akin. “What?” seryoso niyang tanong.
“Ang sabi ko, batiin mo rin si Manong. Binati ka niya. At least be kind to others.” Ganoon na lang ang panlalaki ng mga mata ng nakarinig pagkatapos kong pangaralan si Kolas. Hindi rin niya maalis ang paningin sa kamay kong nakahawak pa rin sa suot ni Kolas.
Mga chismosa! Ano naman kaya ang nakain ng mga ito at nakikiusyoso pa? Gusto ko lang naman bumati si Kolas.
Binalingan ko si Kolas saka ininguso si Manong Guard. Kanina pa pala ito nakatingin sa amin. Ramdam kong takot ito kay Kolas.
“Are you f*cking ordering me right now?” bulong niyang tanong sa akin.
Tumango-tango ako. “Hmm? Parang ganoon na nga, Kolas. Sige na. Kanina pa tayo nakatayo rito,” paalala ko sa kanya. “Saka tigilan mo nga iyang kakamura mo. Ang pangit sa pandinig, eh. Baka humaba lalo ang sungay mo, madali mo pa yung sa 'kin.”
Huminga nang malalim si Kolas saka pumikit. “I can't believe this,” mahina niyang sabi sa sarili.
“Bakit?” tanong ko pero hindi niya ako sinagot.
Hindi na maipinta ang kanyang mukha sa sobrang pagkasimangot. Nilingon niya si Manong Guard. “Good morning,” walang hingahan na wika ni Kolas.
Putlang-putla naman sa takot si Manong. Hindi ko nga alam kung bakit siya natatakot, eh. Ano ba ang nakakatakot sa good morning? Hinigit ako ni Kolas papasok sa elevator pagkatapos.
“Kolas, bakit parang namumutla si Manong Guard?” tanong ko na naman. Alam kong nakukulitan na sa akin si Kolas pero kailangan ko ng sagot.
Nagkibit-balikat siya. “I have no idea.”
“Bakit nga? Hindi naman nakakatakot ang ‘good morning’, ah,” napapaisip ko pang sabi.
“Still, I don't know.”
Sinulyapan ko siya. “Tss. Akala ko ba matalino ‘to? May sariling kompanya tapos hindi alam ang sagot sa tanong ko,” bubulong-bulong kong sabi.
“Naririnig kita,” angal niya.
Lahat ng madaanan naming mga empleyado ay bumabati kay Kolas. “Taray! Para kang artista!” namamangha ko pang komento. “Lahat sila ikaw ang binabati. Para naman akong bulateng nakadikit sa 'yo. Walang pumapansin sa 'kin.”
“You're so talkative. Hindi ba napapagod ang panga mo?” reklamo ni Kolas.
“Ay, kahit na. At least hindi bumabaho ang hininga ko. Ikaw diyan, baka mamaya kaya hindi ka nagsasalita kasi bad breath ka,” pang-iinis ko sa kanya.
Kaagad siyang napalingon sa akin. “Hey, I have a personal dentist,” depensa niya.
“Kahit na.”
“Tsk.”
Sa labas ng opisina ni Kolas ay naroon ang cubicle ng kanyang secretary. Seryoso ito sa ginagawa kaya hindi kaagad niya kami napansin. Saka pa lang niya kami nakita pag-angat ng kanyang paningin. Diretso lang naman na pumasok si Kolas.
“Ay, Ma'am. Good morning po!” kaagad na bati sa akin ng secretary.
“Hello, ako po ang bagong secretary ni Kolas.” Kaagad na nanlaki ang kanyang mga mata sa narinig. Natawa ako nang mahina. “Ops! Nagbibiro lang po ako, hehe,” kaagad kong bawi sa aking sinabi.
Kaagad naman siyang huminga nang malalim
Napahawak pa talaga siya sa kanyang dibdib. “M-Ma'am, huwag po kayong magbiro ng ganiyan. Akala ko naman palpak na kaagad ako sa trabaho, huhu,” angal pa niya.
“Ito naman, hindi mabiro.” Sabay kaming lumingon nang bumukas ang pinto.
“What are you doing?” nagtatakang tanong ni Kolas.
“Ha? Eh, nag-uusap. Bakit?” taka ko ring tanong. “Bakit? Na-miss mo na ako?” tukso kong tanong sa kanya.
Nagsalubong ang kanyang kilay. “Get in.”
Nilingon ko ang kanyang secretary. “Pasok na ako. Bye.” Kaagad akong sumunod kay Kolas. “Ito naman siya, oh. May kinakausap lang ako.”
“You're wasting her time.”
“Psh.”