Nanatili kaming dalawa ng kaibigan ko sa upuang duyan na ninanamnam ang kahinahunan ng gabi sa paglipas ng mga sandali. Walang lumabas sa aming mga bibig. Hinayaan lang namin ang aming mga sarili na marinig ang huni ng mga mumunting kulisap na sinasabayan ng pagyangitngit ng duyan. Lumalamig pa ang hangin sa paglalim ng gabi kaya naitanong ko sa aking sarili kung babalikan pa ba talaga ako ni Hamish. Ang dalawang nakakatanda naman sa amin ay nanatili sa loob ng bahay. "Parang ang tagal naman ni Hamish," ang komento ni Nip sa pagtigil niya sa pagduyan sa upuan gamit ang mga paa. Nagkatinginan pa nga kaming dalawa. "Hindi pa siguro natatapos ang pagpupulong," sabi ko naman. Tumayo siya mula sa pagkaupo. "Nasa palasyo ka na dapat sa mga sandaling ito," aniya sa akin. "Ihahatid na lang kit

