Kaagad kong nakilala ang lalaking nasa unahan --- ang nakakatandang kapatid ni Hamish na si Prinsipe Lideo. Sa likuran nito ay ang dalawang lalaki na nababalot ng puting balabal, ang mukha ng mga ito ay natatakpan ng pangtabon kaya hindi ko makilala kung sino ang mga ito. Samantalang ang prinsipe ay maikling balabal lang ang tumatabon sa kasuotan nitong asul na pang-itaas. Umabot lamang ang haba niyon sa itaas ng siko. Kuminang pa ang bilugang insigniya na pinagtatagpo ang dalawang dulo ng maikling balabal. Alam ko ang disenyong pitong buwan sa insigniya kahit nasa malayo ako. Isa lang ang ibig sabihin niyon --- miyembro sila ng konseho ng mababang upuan at pinadala sila roon dahil sa akin. "Umalis na tayo puno," ang biglang sambit ni Episo na hindi hagip ng paningin ng mga nasa bakuran.

