Hindi maiwasan ni Isabela na magpalipat lipat ng tingin sa triplets na nasa harap niya ngayon. Si Uno na siyang boss niya ay abala sa laptop nito, si Dos na paminsan minsan ay sumusulyap sa kaniya at si Tres na abala sa cellphone nito. Halos sampung minuto na silang nakaupo at hindi pa nagsisimula ang “meeting” na sinasabi sa kaniya ng amo niya. Kumakalam na ang sikmura niya at hindi siya sigurado kung hanggang kailan niya matitiis ang gutom na nararamdaman.
“Shall we start now?” pagbasag ni Uno sa katahimikan.
Agad na inihanda ni Isabela ang kaniyang ballpen at notebook. Sinubukan din niyang mag-focus sa lahat ng mapapag-usapan ng magkakapatid dahil iyon ang ibinilin sa kaniya ni Lucas. Panigurado raw kasi na magtatanong sa kaniya ang kaniyang boss.
“Teka nga pala, ano bang pag-uusapan natin? Hindi ba dapat ay sa board meeting iyan?” pagtatanong ni Dos na bigla na lamang naging seryoso.
“Ayokong i-open muna ang tungkol dito sa Board Members,” maiksing sagit naman ni Uno.
Sabay na kumunot ang noo nina Dos at Tres, at maski si Isabela ay ganoon din. Kung ang meeting na ito ay hindi dapat malaman ng ibang Board Members, ibig sabihin ay ilegal ang pagpupulong ng tatlong magkakapatid.
“What do you mean?” hindi napigilang itanong ni Tres.
Nagpakawala ng buntong hininga si Uno. Waring nai-stress na agad ito sapagkat nagtanggal na ito ng kaniyang coat at niluwagan ang kaniyang neck tie. Hindi ito nakatakas sa paningin ni Isabela at ramdam na ramdam niya ngayon ang pagkaproblemado ng kaniyang boss.
“Some of our authors are backing out. Halos walang natirang story na maipa-publish by next month,” dere-deretsong sambit ni Uno.
“What?” hindi makapaniwalang tanong ni Dos.
Napalunok si Isabela dahil hindi niya sigurado kung dapat ba niyang marinig ang tungkol dito. Malaking problema para sa kumpanya ang ganoon, at sa katulad niyang nagsisimula pa lamang magtrabaho ay kung ano ano na ang sumasagi sa kaniyang isipan.
“Alam na ba ito nina Mommy at Daddy?” tanong naman ni Tres.
Marahang umiling si Uno. “No. Ipinasa na nila sa ating apat ang negosyo kaya ayoko na silang ma-stress pa. They should enjoy the province,” mahinang sambit naman ni Uno.
Nahihiya man ay marahang itinaas ni Isabela ang kaniyang kanang kamay na siyang naka-agaw sa pansin ng tatlo. “Pasensya na po, pero hindi po yata dapat ako nandito? I mean..” Naumid ang dila ni Isabela sapagkat hindi niya alam kung ano pang idudugsong sa sasabihin niya. Ang alam lamang niya ay hindi siya komportable na nakaupo siya at nakikinig sa usapang pampamilya ng kaniyang boss.
“You’re my secretary, right? You need to take down notes for this meeting,” walang emosyong sabi sa kaniya ni Uno.
Napatungo naman si Isabela at mahigpit na napakapit sa kaniyang hawak na ballpen. “Sorry po pero bakit ang mga kapatid niyo ay walang kasamang sekretarya?”
Hindi alam ni Isabela kung saan siya kumukuha ng lakas ng loob upang sagutin pa ang kaniyang amo na parang tigre kung magalit. Hindi niya maintindihan kung bakit hindi niya magawang itikom na lamang ang kaniyang bibig upang wala siyang masabing ikakapahamak ng kaniyang trabaho.
“May point si Ms. Isabela,” nanunuksong sambit ni Dos.
“Can we just go back to the topic? Seryoso ang problema nating ito,” galit na sabi ni Uno na siyang ikinatango na lamang ni Dos ngunit may ngisi pa rin sa mga labi nito.
“Sa opisina ko na tayo mag-usap, Isabela,” baling pa ni Uno kay Isabela.
Sabi ko nga, tatahimik na ako, sa isip ng dalaga.
“So anong plano mo, Uno? At bakit hindi mo ito sabihin sa lahat ng Board Members?” seryosong tanong naman ni Tres.
“Nalaman kong hinigitan ng Blueprint Publishing ang offer natin sa mga authors kaya marami ang naglipatan sa kanila,” seryosong sagot naman ni Uno.
“Then paano nila nalaman ang offer natin? It’s confidential, right?” sambit naman ni Dos.
“Exactly! Iyan ang ilang araw nang gumugulo sa isipan ko.”
Muling napasulyap si Isabela sa kaniyang boss. Halatang halata sa itsura nito na stress na stress na ito. Hindi niya akalain na sa likod ng mala-tigre niyang amo ay isang maamong tupa na anumang oras ay iiyak na. Ramdam na ramdam niya ang pressure na nararamdaman nito.
“So, what’s the plan?” ulit na tanong pa ni Dos.
“That’s why I called for a meeting. Hihingin ko ang opinyon niyo sa kung ano bang dapat gawin,” sagot naman ni Uno.
“Teka, ikaw ang CEO kaya ikaw dapat ang mag-isip niyan. Ikaw ang itinalaga ni Daddy sa posisyon na ‘yan,” sabi ni Dos na umiiling iling pa.
“Sa ating tatlo, ikaw ang business-minded kaya alam naming kaya mo na ‘yan,” dugtong na sabi pa ni Tres.
“What? Mga kapatid ko ba talaga kayo?” hindi makapaniwalang tanong naman ni Uno.
Lihim na napangiti si Isabela. Hindi dapat siya nakakaramdam ng tuwa ngunit hindi niya maiwasan sapagkat nakikita niya kung paano mag-usap ang Marasigan Triplets. Si Uno na pinakaseryoso at pinakamasungit, si Dos na palabiro at tila easy-go-lucky, at si Tres naman na chill lang at palaging kalmado.
Hindi tuloy maiwasan ni Isabelang mag-isip kung anong pakiramdam na may kapatid. Nag-iisang anak lang kasi siya at ni minsan ay hindi siya nakaranas na magkaroon ng kalaro noon o kasama sa bahay bukod sa kaniyang ina. Kaya nga lumaki siyang mag-isa lang at hindi marunong makipagkaibigan. Though, kasundo naman niya ang mga naging kaklase niya ngunit wala siyang maituturing na circle of friends talaga.
“Marami rin akong inaasikaso sa Reyes Cuisine kaya hindi ko matututukan ang publishing house, at alam mo ‘yan, Uno,” seryosong sambit ni Tres.
“Marami ring event sa Kean’s Beach Resort. Pinagbigyan ko lang itong meeting mo kaya lumuwas ako dito,” seryosong sabi naman ni Dos.
“What about Fyra? Ano bang pinagkakaabalahan niya ngayon?” baritonong tanong naman ni Uno.
“Hindi niya ba naibalita sa ‘yo? Abala siya sa pagbubuo ng kaniyang banda,” kaswal na sagot naman ni Dos.
Nagpakawala ng buntong hininga si Uno. “She just took a two-year course in college, then what? Magbubuo siya ng sariling banda?” hindi makapaniwalang sambit pa niya.
Kung may pinakapasaway man sa kanilang magkakapatid, iyon ay si Fyra, ang kanilang bunso at kaisa-isang kapatid na babae. Masyado itong nahumaling sa musika kaya hindi nito pinagtuunan ng pansin ang negosyo nila at ang pag-aaral nito. Naka-graduate naman ito ng college ngunit ayaw na ayaw nitong makialam sa family business nila. Mas gusto pa rin nito ang kumanta na mariin naman niyang tinututulan.
“Hayaan mo na si Fyra, bata pa naman ang bunso natin at marami pa siyang mararanasan,” pagpapakalma sa kaniya ni Tres.
“Kaya mas lalong naging matigas ang ulo niya e dahil kinukunsinte niyo. I will talk to our parents about her. Kailangan na niyang magseryoso sa buhay dahil hindi na siya pabata,” mahabang litanya pa ni Uno.
“Yan ang problema sa ‘yo Uno, sa pagkaseryoso mo sa buhay, pati ang bunso natin ay idinadamay mo. Let her enjoy her own life,” sambit naman ni Dos.
“I can’t believe this. Kung hindi niyo ako matutulungan sa publishing house, tulungan niyo man lang ako kay Fyra,” sabi pa ni Uno.
“Wait. E kung pagsulatin mo na ulit si Mommy ng mga novels? Para may mai-publish tayo next month?” seryosong sabi naman ni Tres.
“Are you even serious? Hindi ganoon kadaling sumulat ng nobela. Baka nakakalimutan mong halos isang taon niyang sinulat ang A Week With My Ex.”
Napasinghap si Isabela at hindi iyon nakatakas sa magkakapatid. Sabay sabay na napatingin sa kaniya ang tatlo habang siya ay hindi maipaliwanag ang nararamdaman.
“A-ang mommy niyo ang sumulat ng A Week With My Ex pati na rin ang Not So Ordinary Love?” hindi niya napigilang itanong.
“You’re a fan?” nakangiting tanong sa kaniya ni Dos.
Mabilis na tumango si Isabela. “Yes po. Yun nga pong A Week With My Ex ang binabasa ko ngayon. Hindi ko lang po naitutuloy pa kasi nawalan ng stock sa mall. E doon lang po kasi ako nagbabasa sa bookstore kasi wala akong pambili ng libro,” dere-deretsong sagot naman niya.
Simula’t sapol kasi na makilala niya ang mga librong ito ay hindi pa niya nakikilala ang author nito sapagkat aunonymous ang pagkatao nito. At ngayon niya naiintindihan kung bakit kahit gaano kasikat ang mga libro nito ay napanatili nitong lihim ang tunay na pagkatao. Iyon pala ay ito mismo ang may-ari ng ABC Publishing House.
“Wow,” ang tanging nasambit ni Tres.
Napangiti naman si Isabela hanggang sa mapadako ang tingin niya sa kaniyang boss. Nakatingin na pala ito sa kaniya at walang karea-reaksyon ang mukha nito. At doon lamang na-realize ni Isabela na naging madaldal na naman siya. Agad siyang napaayos sa kaniyang salamin sa mata at agad na ibinalik ang tingin sa kaniyang notebook.
“Sorry po,” mahinang sambit pa niya dahil sa kahihiyan.
“I will look into this, Dos and Tres. At sa ayaw niyo at sa gusto, tutulungan niyo ako sa problemang ito. We can’t lose the publishing house that our father built for our mother. We can’t let this happen,” seryosong sabi ni Uno.
Napakagat sa kaniyang labi si Isabela dahil sa sinabing iyon ni Uno. Isang writer ang kanilang ina kaya naman nagpatayo ng isang publishing house ang kanilang ama. Iyon na yata ang nakakakilig na pangyayaring narinig niya. Hindi niya akalain na may ganoon pa palang klaseng lalaki sa mundo. Ang buong akala niya ay sa mga nobela niya lamang makikilala ang ganoong klase ng lalaki.
“I will just set another meeting next week. Kung ako sa ‘yo Dos, dito ka na muna sa Manila mag-stay. Kayang kaya naman ng Operation Manager natin ang pagma-manage sa resort. We need to focus on this problem. Ayokong makarating ito agad sa Board Members, so I need your help,” seryosong sabi ni Uno.
Sabay na tumango sina Dos at Tres. Kahit may pagkamagulo pala ang magkakapatid ay marunong pa ring sumunod ang dalawa kay Uno na siyang panganay sa tatlo. Nakita rin ni Isabela ang pagkaseryoso sa mukha ni Dos kaya alam niyang hindi basta-basta matitinag ang Marasigan Triplets.
Namayani ang katahimikan sa table kasabay ng malakas na pagkalam ng sikmura ni Isabela. Napahawak siya sa kaniyang tiyan at hindi niya magawang makatingin sa tatlo. Kahit hindi niya tanungin ay alam niyang rinig ng mga ito ang pagrereklamo ng kaniyang tiyan dahil sa hindi pag-kain ng almusal at tanghalian.
“Bro, I think we should call the waiter to serve the food,” narinig niyang sabi ni Tres.
Hindi niya narinig na nagsalita ang kaniyang amo ngunit maya-maya pa ay may lumapit sa kanilang waiter na may tulak na cart na may mga lamang pagkain. Sa amoy pa lamang ay mas lalong nagwawala ang kaniyang sikmura. Hindi na tuloy niya maisip kung ano pang mga kahihiyan ang magagawa niya sa harap ng triplets.
Nang matapos mag-serve ang waiter ay marahan niyang tiningnan ang malaking plato sa harapan niya. Hindi siya pamilyar sa pagkaing nasa harapan, ang alam lamang niya ay isa iyong malaking karne na halos magpatulo na sa kaniyang laway.
“Eat, Isabela.”
Napapitlag siya nang magsalita ang kaniyang amo na si Uno. Lakas loob niyang tiningnan ang tatlo, si Dos at Tres ay nagsisimula nang kumain habang si Uno ay seryosong nakatingin sa kaniya. Muli siyang napatungo.
“T-thank you po, Sir.”
Lakas loob na rin siyang kumain dahil hindi na talaga niya kaya pang tiisin ang kalam ng sikmura. Hindi na niya ininda pa ang triplets at mas pinagtuunan na lamang ng pansin ang pagkaing nakahain sa harap niya.
Halos bente minutos din bago naubos ni Isabela ang kaniyang pagkain. Busog na busog siya dahil bukod sa ngayon lamang siya nakakain ng ganoong pagkain ay napakasarap pa nito. Nang tingnan niya ang triplets ay tapos na ring kumain ang mga ito, ngunit may mga pagkain pang hindi nagalaw.
Nagpakawala siya ng malalim na hininga upang humugot ng lakas ng loob. “Ah, mga S-sir, ano pong gagawin niyo sa mga tirang pagkain?” deretsong tanong niya sa tatlo.
“Why?” nagtatakang tanong naman ni Tres.
Mariing pumikit si Isabela at mahigpit na kumapit sa laylayan ng kaniyang damit. “Pasensya na po kayo. Alam ko pong magmumukhang patay gutom ako sa sasabihin ko pero pwede po bang iuwi ko na lamang ang mga natirang pagkain? Kahit ibawas niyo na lamang po sa sweldo ko ang mga iyan ay ayos lamang po.”
Hindi nagsalita ang tatlo hanggang sa lumapit ang waiter na nag-serve sa kanila kanina.
“Waiter, paki-balot na lamang ng mga natirang pagkain. Salamat,” malumanay na sambit ni Tres na siyang ikinangiti ni Isabela.
“Maraming salamat po.”
Nagagalak ang kaniyang puso sapagkat matitikman ng kaniyang ina ang pagkaing nalasahan niya ngayon. Tiyak na matutuwa ito pag-uwi niya.
“Pero gaya ng sinabi mo, ibabawas ko ‘yan sa sweldo mo.”