Matapos na magsalita ng kaniyang boss ay agad na nagpaalam si Isabela na magsi-CR muna siya. Agad naman siyang pinayagan ng tatlo kaya heto siya ngayon, nasa harap ng salamin. Pilit niyang binibilang ang presyo ng mga pagkaing iuuwi niya upang hindi na siya magulat sa petsa ng kaniyang unang sweldo. Ang totoo ay binibiro niya lamang si Uno na ibawas na lang sa sweldo niya ang pagkain na iyon. Hindi niya lubos akalain na seseryosohin nito iyon kaya medyo namomroblema na agad siya. Unang sweldo pa naman niya ngunit may kaltas na agad ito.
Kahit gaano pala kayaman ang binata ay may taglay din pala itong kakuriputan, sa isip isip ni Isabela.
Samantala, naiwan sa table ang magkakapatid. Kapwa nakatitig sina Dos at Tres kay Uno na abala sa cellphone nito.
“What?” walang ganang tanong ni Uno sa dalawa kahit na hindi siya lumilingon sa mga ito. Ramdam na ramdam kasi niya ang mga titig ng mga kapatid sa kaniya.
“Hindi ko akalain na sisingilin mo talaga ang sekretarya mo sa mga pagkaing natira,” dismayadong sambit ni Dos habang umiling iling pa.
“Halos dalawang araw niya ang katumbas ng mga pagkaing iyan,” dugtong naman ni Tres.
Nagpakawala ng buntong hininga si Uno. Alam na alam na niyang sasabihin ito ng mga kapatid niya. Ibinaba niya ang kaniyang cellphone at deretsong tumingin sa mga kakambal.
“Ayokong matutong umabuso ang mga empleyado ko. Any problem with it?” walang emosyon niyang sabi.
“So mas gusto mo pang itapon na lang ang mga pagkaing iyan kaysa ibigay ng libre sa ibang tao?” hindi makapaniwalang tanong pa ni Dos.
Napangisi naman si Uno. “You’re over reacting,” maiksi niyang sambit.
Sasagot pa sana si Dos ngunit nahagip ng kaniyang mga mata ang isang dalagang patungo rin sa restaurant na iyon. Matagal na niyang hindi nakikita ang babae ngunit kilalang kilala pa rin nito ang kilos at lakad nito kahit sa malayo.
“She’s back, huh?” nakangisi niyang sambit.
“Who?” kunot noong tanong naman ni Uno na sinundan ang direksyon ng tingin ng kapatid.
“Oh yeah, she’s really here,” sambit naman ni Tres na nakatingin din pala sa labas ng restaurant.
“Go to comfort room, Tres. Sunduin mo na doon si Ms. Isabela at ihatid mo na siya sa opisina,” seryosong sabi ni Uno.
“Sama ako,” parang bata namang sabi ni Dos.
“No, you will stay here, Dos,” inis na sabi pa ni Uno.
Isang nakakalokong ngiti ang ipinakita ni Dos sa kakambal, isang ngiti na alam niyang mas makakadagdag sa inis na nararamdaman ni Uno.
“Well, alam mong wala akong sasakyang dala kaya nakikisakay lang ako kay Tres. Kaya Tres, tara na.”
Hindi na hinintay pa ni Dos na makapagsalita si Uno. Agad niyang hinigit si Tres papunta sa may CR. Nang lingunin niya ang isang kakambal ay nandoon na ang dalagang kanina lamang ay nasa labas pa ng restaurant.
NANG masiguro ni Isabela na maayos na ang kaniyang itsura ay napagpasyahan na niyang lumabas. Baka naghihintay na ang kaniyang boss at baka uminit pa ang ulo nito. Saktong paglabas niya ay nakita niya ang dalawang kakambal ni Uno.
“Mga Sir, a-ano pong ginagawa niyo dito?” nagtatakang tanong niya sa dalawa.
“Pinapasundo ka na ng Sir mo. Pinapabalik ka na niya sa opisina at sa amin ka na niya pinapasabay,” malumanay na sagot naman sa kaniya ni Tres.
Kumunot naman ang noo ni Isabela. "Bakit po? I mean hindi pa po ba siya babalik sa opisina?" curious na tanong pa niya.
"He can't because he has another business," nakangising sagot naman sa kaniya ni Dos.
"So shall we? Ms. Isabela," sambit pa ni Tres.
Marahan namang tumango si Isabela at hindi na nagtanong pa. Buong akala niya ay sabay din silang babalik ng kaniyang boss sa opisina ngunit hindi pala. Nakakapagtaka rin na hindi na siya isinama nito sa ibang appointment nito gayung siya ang sekretarya nito. At isa pa, sa pagkakaalala niya ay wala nang iba pang appointment si Uno dahil wala nang nakalagay na kahit na ano sa planner nito.
Nauna nang maglakad si Tres kaya agad siyang sumunod dito. Hindi niya gugustuhing maiwan ng binata sapagkat wala siyang pamasahe pabalik sa opisina. Nagpapasalamat pa rin siya sapagkat hindi siya hinayaan ng boss niya na bumalik mag-isa. Kahit papaano pala naman ay may kaunting concern ang binata.
Nang malapit na sila sa pintuan ng restaurant ay lakas loob na tiningnan ni Isabela si Uno sa table, nagbabaka sakali na nandoon pa ito. At hindi nga siya nagkamali, nandoon pa ang binata at prenteng nakaupo. Ang hindi niya inaaasahan ay ang isang sopistikadang babaeng nakaupo sa harapan nito. Maganda ang babaeng iyon. Kulay tsokolate ang buhok na halatang ipinaayos pa sa salon, kulay pula ang mga mahahabang kuko at ang damit ay kulay peach na kakapiraso, kaunting galaw lamang ng babae ay makikitaan na ito.
Mukhang masayang nag-uusap ang dalawa. Malaki ang ngiti ng dalaga habang si Uno naman ay nakita rin niyang ngumiti. Ito pala ang business na sinasabi ni Dos sa kaniya. Ngayon ay naiintindihan na niya kung bakit wala iyon sa planner ni Uno at kung bakit hindi rin siya kasama.
Tuluyan nang nakalabas ang tatlo sa restaurant at agad na dumeretso sa parking lot. Katulad ng kotse ni Uno, nasa harapan ni Isabela ngayon ang kaparehong modelo ngunit kulay pula naman ito.
Agad na binuksan ni Dos ang pinto sa may likuran ng kotse.
"Hop in, Ms. Isabela," nakangiting sabi pa sa kaniya ng binata.
Agad siyang sumunod at sumakay na doon. Si Tres ang magda-drive ng kotse habang si Dos naman ay nasa tabi nito. Nagpakawala ng buntong hininga si Isabela at itinuon na lamang ang atensyon sa labas ng bintana.
"Ayos ka lang ba, Isabela?" pagbasag ni Tres sa katahimikan sa loob ng sasakyan.
"Yes po Sir. S-salamat po pala sa pagsabay sa akin," nahihiyang sagot naman niya.
"Kanina lamang ay parang ang sigla sigla mo, ngunit bakit ngayon ay parang balisa ka? May problema ba?" tanong naman ni Dos.
Napatungo naman si Isabela. Hindi niya alam kung anong isasagot sa dalawang binata dahil maski siya ay hindi niya alam kung bakit biglang nag-iba ang kaniyang mood. Wala namang nangyari na ikakabalisa niya ngunit hindi niya mawari ang nararamdaman.
"Ayos lang po ako," ang tanging sinabi na lamang niya.
Nagsimula nang magmaneho si Tres at napuno na ulit ng katahimikan ang loob ng sasakyan. Palihim na sinilip ni Isabela ang magkapatid. Abala sa kaniyang cellphone si Dos habang si Tres ay naka-focus sa pagmamaneho.
"Pilit akong pinapabalik ni Uno," narinig niyang sambit ni Dos.
Pagak na tumawa naman si Tres. "Unbelievable," iiling iling na sabi pa nito.
Hindi na nagsalita pang muli si Dos kaya umiwas na ng tingin si Isabela. Makalipas ang ilang minuto ay nakarating na sila sa building ng ABC Publishing House.
"Pinapasabi pala ni Uno na hintayin mo raw siya bago ka umuwi. Babayaran na lang daw niya ang OT mo kung sakaling lumagpas siya ng alas singko," seryosong sabi ni Dos.
"S-sige po. Salamat po."
Maingat na bumaba ng sasakyan si Isabela. Nang makaalis na ang kambal ay saka lamang siya pumasok ng building. Isang oras na lang at uwian na ngunit tila hindi pa siya makakauwi agad. Heto na yata ang paniningil sa kaniya ng boss niya sapagkat na-late siya ng pasok kanina.
"Isabela, nandito ka na pala. Hindi mo kasama si Sir?" bungad sa kaniya ni Lucas.
"Hindi. May iba pa siyang inaasikaso," sagot naman niya sa binata at muli na naman niyang naalala ang babaeng kasama ng kaniyang boss. Gustuhin man niyang alamin kung sino ang babaeng iyon ngunit wala naman siyang karapatan. At isa pa, bakit naman niya gugustuhing makilala ang sopistikadang babaeng iyon.
"I see. By the way, may dinner out mamaya, gusto sana kitang yayain para naman makilala mo na din ang ibang officemate natin," nakangiting sabi naman sa kaniya ng binata.
Alanganin namang ngumiti si Isabela. Blessing in disguise din pala na kailangan niyang hintayin ang boss niya. Bukod kasi sa nakakahiyang tanggihan ang alok ni Lucas, wala pa siyang pera upang gumastos sa dinner out na iyon.
"Pass muna ako. Hindi pa kasi ako pwedeng mag-out hanggang hindi pa nadating si Sir Marasigan," nahihiya niyang sagot.
"Ganoon ba. Sayang naman. Okay sige. Next time na lang," sabi naman ni Lucas.
Mabilis na tumango si Isabela. Bumalik na sa kaniyang table si Lucas kaya naman tiningnan na lang ni Isabela ang planner ng kaniyang boss. May meeting na naman pala ang kaniyang amo sa isang businessman na nagngangalang Mr. Dennis Manriquez. At ang meeting na iyon ay sa labas pa rin gaganapin. Hinihiling na lamang niyang huwag na sana siyang isama pa ni Uno. Mas gusto na lamang niyang mag-stay sa opisina at gumawa ng mga paperworks.
Mabilis na sumapit ang alas singko, at katulad ng inaasahan ay hindi pa rin dumadating ang boss ni Isabela. Mabuti na lamang pala at may ref sa canteen kaya doon na lamang muna niya inihabilin ang pagkaing pasalubong niya sa kaniyang ina. Nag-text na rin siya sa kanilang kapitbahay upang ipagbigay alam sa kaniyang ina na gagabihin siya ng uwi.
Ginawa na lamang niya ang mga trabaho niya na pang-bukas pa sana upang hindi siya mainip sa kahihintay. Bayad naman daw ang pag-extend niya sa opisina kaya kahit papaano ay mababawi niya ang mga naging kaltas sa kaniya ngayong araw.
"Ms. Isabela."
Agad siyang napatayo nang marinig ang boses ng kaniyang amo. May hawak itong isang paperbag, wala na itong suit at kalas na rin ang necktie nito. Bigla tuloy siyang napatungo dahil pakiramdam niya ay namula ang kaniyang mukha. Ayaw man niyang isipin kung saan na napunta ang pag-uusap ng amo niya at ng sopistikadang dalaga na nakita niya ngunit hindi niya maiwasan.
"S-sir Marasigan," nauutal niyang sambit.
Hindi niya narinig na nagsalita ang binata ngunit nakita niyang ipinatong nito ang hawak na paperbag sa table niya.
"Thank you for waiting. You can now go home."
Pumasok na si Uno sa opisina nito habang si Isabela ay natulala pa sandali sa paperbag na nasa harapan niya. Nagdadalawang isip pa siya kung kukuhanin iyon o hindi. Wala naman kasing maliwanag na instruction na sinabi ang kaniyang boss kaya hindi niya tuloy alam ang gagawin. Kalaunan ay kinuha na lang niya ito at sinilip ang laman. Halos lumuwa ang kaniyang mata nang makita ang laman ng paperbag.
Dalawang libro ito na may plastic pa kaya halatang bago ito. At ang mas nakapagpaluwa sa kaniyang mata ay nang mabasa ang title ng dalawang libro.
Not So Ordinary Love at A Week With My Ex.