Chapter 3: Meeting Don Brill
SA LAMIG ng boses ni mama at punong-puno pa ng awtoridad ay nagising ang bunso namin. Kahit antok na antok pa siya ay nagpababa siya sa kuya niya. Muntik pa ngang matumba kung hindi lang siya naalalayan ni Calder. Umayos siya sa pagkakatayo niya.
Kinukusot pa niya ang mga mata at lumapit sa akin para lang ibigay ang buong bigat niya. Sumandal kasi siya. “Hello po, Mama. Nakauwi na po kami!” masaya ngunit inaantok na bati niya sa aming ina. Parang bibigay na ulit siya.
Siya lang ang may ganang nagsalita kahit alam niyang damay pa rin siya, kapag pagagalitan na kami.
Sumulpot na rin sa likuran ng aming ina si papa. “O, nandiyan na pala kayo. Saan ba kayo galing?” tanong ni papa. Sa mga mata ko siya nakatingin dahil ako naman ang tinatanong niya, kasi ako ang panganay.
“Diyan lang po sa labas, Papa,” magalang na sagot ko. Pasulyap-sulyap pa ako sa magandang babae na katabi niya, na hanggang ngayon ay masama pa rin ang kaniyang tingin sa aming apat.
“Saan ang diyan-diyan lang, Cyrille Mae?” Napanguso ako. Buong pangalan ko na ang tinawag niya. Halatang galit talaga siya.
“Diyan-diyan lang po talaga, Mama.” Wala akong ibang maisasagot kundi iyon lang.
“Saan ang diyan-diyan lang?!” Pareho kaming napaigtad sa gulat nang sumigaw na nga ito.
“Mahal, kalma. Hayaan mo na ang mga bata, magkasama naman silang apat. Na-bore lang siguro sila sa bahay kaya nagkayayaan na lumabas,” ani papa, na tila pinagtatanggol niya kami mula sa maganda niyang asawa.
Siniko ko ang katabi ko para magsalita naman siya. Si Cy. “Totoo ho, Papa. Tapos na rin po kaming kumain.” Sinabayan niya pa iyon nang pagtango.
“Eh, bakit kayo ginabi?” nakataas ang kilay na tanong nito. Nakita ko ang pagsiko ng isa kay Calder.
“Kumain po kami. Ang bagal po kasi ni Colette, ’Ma,” sabi nito at halos sabay na naman kaming tumango.
“Yup po, Mama! Super bagal ko kumain dahil ang sarap po ng in-order naming pagkain!” Si Colette naman ang nagsalita.
Palagi kaming ganito, kung alam namin na damay kami sa galit ay kailangan kakampi namin ang bawat isa. Walang maglalaglagan.
Kaya nga kung nakagagawa ng kasalanan ng isa ay aakuin naman namin, pero mga magulang namin sila. Malalaman pa rin nila na nagkakampihan kaming apat.
Hanggang sa umalingawngaw na ang malakas na tawa ni Papa. Si Mama ay napasimangot na. Dinuro pa nila kami.
“Bukas! Mag-c-car wash kayo!” asik niya sa amin at padabog na umalis na rin sa aming harapan.
“Huwag niyo nang intindihin pa ang mama niyo. Nag-aalala lang iyon sa inyo. Bakit naman kayo kumain sa labas? Nagluto pa naman ang mama niyo ng masarap niyong ulam,” ani papa.
Dahil sa sinabi ni papa ay nag-uunahan kaming nagtungo sa kusina. Iyong ginataang kalabasa ang paborito naming ulam. May nilaga rin kasing itlog.
“Oy, ako rin!” sigaw ng maliit na boses na ikinatawa naming lahat.
Kahit busog na kami ay sinikap naming ubusin ang ulam para hindi na sumama ang loob ni mama. Ayaw naming mangyari iyon. Masyado naming mahal si Mama Yssa. Lalo na kami ni Cy, na malaki ang pasasalamat namin. Dahil tinuring niya kami na parang tunay na mga anak.
Pero siyempre naman, hinding-hindi namin makalilimutan ang babaeng nagsilang sa amin. Ang totoong ina namin.
Sa sobrang kabusugan marahil at pagod na rin ay sa sala na kami nakatulog na apat. Hindi na rin kami nakapagpalit ng damit. Naalimpungatan lang ako nang kumutan kami ni papa.
Hinaplos niya ang buhok ko nang makitang nagising ako. “Sige na, matulog ka na, anak.”
Ang bigat ng kaliwang braso ko, nang lingunin ko iyon ay ulo lang pala ni Colette. Iyong dalawa kong nakababatang kapatid ay hayon inuunan naman ni Calder ang tiyan ng kuya niya. Tinanggal ni papa ang braso kong namamanhid na rin. Nilagyan niya rin ng unan ang bunso namin.
“Sorry po, ha. Lumabas lang po kami at hindi namin alam na gagabihin kami,” hinging paunahin ko kay papa.
“Ayos na, anak. Hindi na masama ang loob ng mama niyo. Sinabi ko na sinimot niyo rin ang kaldero para maubos ang ulam na niluto niya para sa inyo,” aniya. Nahihimigan ko ang ngiti sa mga labi niya. Masaya ako para sa aking ama.
Nakahanap pa rin siya ng pangalawang asawa na mahal na mahal siya at napakabuti pa nito. Alam ko rin naman na mahal pa niya si mama namin ni Cy.
“Sige po, magpahinga na kayo,” humihikab na sabi ko. Halik sa noo ko ang naramdaman ko at tuluyan na akong nakatulog.
KAYA naman paggising namin kinabukasan ay parang mga puyat kami at kahit ang tiyanak namin ay tumulong na rin. Parusa nga kasi ito.
Hindi ako pinatulong ni mama sa pag-aayos ng sasakyan pero nang tawagin ako ni Papa ay mabilis akong kumilos.
“Kayo na muna ang bahala rito, ah? Aalis na muna kami ng mama niyo. May ka-meeting kami sa isa naming kaibigan. Cyre?”
“Sige po, Papa,” pagsang-ayon ko.
“Cy, bantayan mo ang mga kapatid mo, ah,” habilin ni papa at si mama naman ay nagpaalam na rin sa amin.
Naging abala na rin kami, lalo na ako na maraming pinapaayos na makina. Ilang beses ko ring sinubukan na paandarin. Iyong mga customer namin ay hanggang tingin lang ang nagagawa nila.
Napansin ko pa ang hindi pamilyar na sasakyan sa labas. Dalawa iyon at sa hitsura pa lang ay alam kong mahal ito. Na hindi ito nabibili lang dito sa bansa. Alam kong mangilatis ng ganitong uri ng sasakyan.
Aston Martin iyong isa, Ferrari 458 Italia ang pangalawa. Muli akong pumasok sa shop.
“What’s your name, hija?” narinig kong tanong ng isang matandang lalaki. Bagamat ang boses niya ay kasing lamig ng yelo, pero may lambing din iyon at malumanay ang paraan nang pananalita nito.
“Colette po,” sagot ng kababatang kapatid ko.
“Colette, anak ka ni Charlie?” muling tanong ng matanda.
“Opo,” sagot na naman ni Colette. Ganito talaga siya. Ilang beses na siyang sinabihan ni mama na bawal siyang makipag-usap sa mga taong hindi pa niya kilala. Ngunit masyado talaga siyang friendly.
“Ang dalawang barako na iyon ay mga kuya mo?” My little sister nodded as she watched Calder and Cy, busy sa pag-aayos ng sasakyan ang mga ito.
“Nagkamali na ba ako sa nakikita ko?” Hindi ko na-gets ang sinabi nito kaya naman ay tuluyan na akong lumapit sa kanila.
Tinabihan ko si Colette, lumipat ang tingin sa akin ng matanda. Muntik na akong mapanganga sa gulat. Kasi kahit may edad na ay halata pa rin ang kaguwapuhan niya noong kabataan pa niya. Ang tangkad niya rin, tapos mukhang malakas pa.
Mukha rin siyang kagalang-galang, na kulang na lang ay yukuan mo upang bigyan nga ng paggalang. Bakit ganoon? Bakit naka-i-intimidate ang ginoong ito?
“May kailangan po ba kayo, Sir? Wala po rito si papa. Umalis po sila ni mama, e,” magalang na saad ko.
Ngumiti sa akin ang matanda. “Anak ka rin ni Charlie, hija?” Tumango ako bilang tugon. “What’s your name?”
“Cyrille Mae po,” sambit ko sa pangalan ko. Matamis na ngumiti pa siya.
“Cyrille, sino ba ang panganay niyo?” he asked.
“Ako po, panganay na anak ako ni papa sa late wife niya. Kasunod ko po ang nakababatang kapatid ko na lalaki, si Calder. Ang kasunod po at bunso ay mga kapatid ko na sa ama,” sagot ko. Tumango-tango siya.
“I thought I’m mistaken, hindi pala. So, Cyrille. You don’t mine kung irereto ko sa iyo ang isa sa mga apo ko?”
“Po?” gulat na tugon ko.
“Kidding aside. Nice to meet you. Ako nga pala si Engineer Denbril Arkun Brilliantes. Mas kilala ako kung tawagin na Don Brill. Kaibigan ako ng Papa Charlie mo.” Natigilan ako. Kaibigan siya ng papa ko? Mukha siyang mayaman kasi may kasama siyang mga bodyguard. Sa ayos pa lang niya ay walang duda, na hindi siya basta-bastang ordinaryong tao lang.
Hinubad ko ang rubber glove ko para makipagkamay at kinuskos ko pa iyon sa damit ko bago ko tinanggap ang kamay ng matandang lalaki.
Napasinghap pa ako nang dalhin niya sa labi niya ang aking palad upang kinatalan iyon ng halik.
Nakaramdam ako nang kahihiyan. Paano kung amoy kalawang ang kamay ko?
Nang mapansin na rin kami ng dalawa ay lumapit na sila. Sa isang tingin ko lang ay nakuha nila ang gusto kong ipahiwatig.
“Magandang hapon po, Sir!” they greeted the old man in unison.
“Magandang hapon din sa inyo, mga hijo. Mga anak nga kayo ni Charlie, sa tindig pa lang,” tumatangong wika nito.
I looked at Cy, inaya na rin niya ang bisita namin na pumasok na muna sa loob ng opisina ni papa. But he chose to stay sa loob lang ng shop. May upuan naman doon.
Lahat kami ay naka-jumpersuit. Itim na sleeveless lang ang suot kong panloob ng jumper ko. Nakatali pa ang buhok ko kahit nalalaglag ang iilan na buhok ko.
Inalok namin ng maiinom si engineer. Tama inhinyero nga siya, ewan ko kung retired na ba siya sa trabaho niya. Mukha pa naman siyang matikas na tao. Ang tangkad niya at malaki ang pangangatawan.
Si Colette ay napapatingin sa bodyguards nito. Mayroong nanatili sa labas, dalawang lalaki. Tatlo naman ang nasa shop. Nakabantay ang isa sa pinto, tapos ang natira naman ay nasa likuran niya lang. Nakaharap sa amin. Halatang binabantayan ang inhinyero.
“Ano ho pala ang sadya niyo kay papa, Engineer?” magalang kong tanong. Napasandal pa siya sa headrest ng upuan niya.
Sumimsim na muna siya ng kape bago niya ako sinagot. “Hmm, wala naman. Gusto ko lang bisitahin ang papa niyo. Ah, nakalimutan ko na may dala pala akong pasalubong,” sabi nito. Isang kumpas ng kamay niya ay lumapit ang tauhan niya. Lumabas ito para yata kunin ang tinutukoy ng boss na pasalubong sa amin.
“Galing ka po ba, Manila? Bihira ho kasing magawi sa lugar namin ang ganoong klaseng sasakyan niyo, Engineer.” Si Cy na sinulyapan pa ang dalawang kotse sa labas.
“Ah, oo,” tumatangong sagot lamang nito. Nakailang beses na siyang dumakot ng biko na luto kanina ni mama. Mukhang paborito niya ito. “Akala ko ay lalaki ang panganay ni Charlie. I heard na magnenegosyo ng car rental ang panganay niya. So, ikaw iyon, Cyrille hija?” he asked na naman. I nod my head.
“Kung ganoon po ay kayo ang inutangan ni papa?” I asked him. Nagkibit-balikat lang siya.
“Don’t worry about that. You know what? Ngayon lang ako nakakilala na isang babae na nagkainteres sa car rental. Nasabi rin ng papa niyo ay magbubukas ka rin ng bagong shop sa Manila at doon din mismo sa lugar na nabili namin ni Charlie. Maganda ang puwesto roon,” mahabang usal niya.
“Tama po kayo, Engineer.” Bakit kaya ganito ang presensiya niya? Parang nakatutuwa rin siyang kausap. Hindi kita tatamaring sumagot sa mga tanong niya.
Na kung tutuusin ay isa lamang siyang estranghero, subalit ang gaan niya kausap.
Ilang sandali pa ay nakabalik na rin ang parents namin at natuwa pa si Papa nang makita niya ang kaibigan niya. Kailan kaya sila nagkakilala ng isang inhinyero na ito, ano?
“Don Brill! Akala ko ay nagbibiro ka lamang noong sinabi mo sa akin na dadalawin mo ako sa Tagaytay!” masayang saad ni papa, pagkatapos niyang yakapin at makipagkamay sa kaibigan. Close sila?
“Yeah, I told you,” he said. Tapos tumingin ito sa amin. Si Mama ay nanatili sa tabi nito.
“Nakilala mo na ba ang mga anak namin ni Yssa?” Bumitaw siya kay Engineer Don Brill at pumagitna sa amin ni Calder. “Itong dalawa ay mga anak ko sa namayapa kong asawa. Sina Cyrille Mae at Cylinder. Mga anak naman namin ng pinakamamahal kong asawa itong dalawa,” pakilala niya sa amin.
“Fancy meeting you again, mga apo.” Parang hindi bagay na tawagin niya kaming ganoon. Parang mukhang magkasing edad lang sila ng aking ama, ngunit hindi rin yata.
“Itong panganay namin, Don Brill. Mana ito sa papa nila. Isa itong mekaniko.” Si mama naman ang nagsalita, na ikinagulat ng engineer.
“Wow, I didn’t expect her to be a mechanic too. Now it makes sense why she’s so into cars, maliban na lang na sumunod siya sa yapak ng kanilang ama.” Natutuwa pa siya sa kaalaman na iyon, tapos si papa ay proud na proud pa siya.
I didn’t expect this either. I faced criticism for my career choice, with many thinking my aspirations were too modest. But they were mistaken.
It’s great to see someone supporting my passion to become a female mechanic. It means a lot to me.
“At alam mo ba, Don Brill? Mas gusto pa ng anak namin na maglaro ng kotse-kotsehan, kaysa sa manika. Disappointed siya noong niregaluhan ko siya ng ganoon.”
“Papa!” Nag-init ang magkabilang pisngi ko. Si Papa talaga, o! Kailangan pa ba talagang sabihin iyon?
“Totoo naman ang papa mo, anak.” Pati si mama ay nakikisali na rin!
Magrereklamo pa sana ako nang mapatingin ako sa dala-dala ng mga lalaki. Grocery iyon at nakakita pa ako ng box ng pizza.
Hindi na kami nakabalik pa sa ginagawa namin at kinain namin ang dalang pasalubong ng bisita. Kasama naming kumain ang staffs. Abala na rin sa kuwentuhan ang dalawang lalaki.