Chapter 2: Car racing
KATABI kong nakaupo si Colette. Masyadong maligalig ang bata. Habang kumakain kasi siya ay gumagalaw ang mga paa niya. Nakasandal siya sa headrest ng sofa.
Iyong pinapanood naman namin ay palipat-lipat ang channel na parang hindi mahanap kung alin doon ang gusto namin. Pinapaandar ni Cy ang remote.
May humila sa laylayan ng t-shirt ko. Tiningnan ko si Colette. “Ate, gusto ko pa,” nakangusong sambit niya. Ang tingin niya ay nasa kinakain ko.
Kaya siya tumataba ay ang lakas kumain. Hindi ko pa makalahati iyong parte ko ay siya ubos na. Tapos ang dungis pa niyang kumain. Nagkalat sa gilid ng labi niya ang ketchup.
Ibinigay ko na ang yum burger ko bago pa lang maibigay ni Calder iyong kaniya pero kinuha pa rin ng bubwit.
“Ang takaw talaga nitong si Colette. Tig-isa na nga tayo, e,” naiiling na sabi ni Cy.
“Kuya Cal. Dalawa na po ulit akin, ha?” request pa nito. Hindi sumagot ang kuya niya. Sa halip ay kumuha ito ng table napkin para punasan ang dungis niya sa labi niya. Nagsalin pa ng juice ang isa para iabot sa bunso namin.
Nasa ganoon kaming posisyon nang dumating si papa. Dala-dala niya ang isang puting folder. Ang lapad-lapad ng ngiti niya.
“Cyri, anak. Good news ang dala ko!” masayang sigaw nito. Nagkatinginan pa kaming magkapatid, maliban sa isang tiyanak diyan na abala sa paglamon ng kinakain niya.
Nilapitan ako ni Papa. Umupo siya sa aking tabi para makita ko ang laman ng folder. Nanlaki naman ang mga mata ko sa nakita.
“Ano ang mayroon diyan, Papa?”
“Sa wakas! Makukuha na ng ate niyo ang car renta! Nakausap ko ang dating may-ari, Cyri. Puwede na ring mag-import ng sampung kotse sa New Zealand!” Lahat kami ng mga kapatid ko ay laglag panga.
“Eh, paano niyo nabili ang titulong iyan, Papa? Kulang pa ang ipon ko para mabili iyan,” nagtatakang sabi ko.
Dahil nga dalawang taon na akong nakapagtapos sa kolehiyo at nagkaroon ng trabaho sa racing arena. Hindi lang bilang mekaniko roon. Naging tagaturo din ako sa mga gustong matutong mag-drive ng sasakyan.
Malaki-laki ang sahod ko, may mga bonus at tips akong nakukuha. Gusto ko sana ng sariling ipon ko lang dapat pero nagpumilit si papa na magbigay. Kahit si mama ay ganoon din.
“Siyempre marami akong paraan, anak,” sagot niya sabay gulo sa maikli kong buhok, na ikinasimangot madalas ni Colette kasi hindi niya kayang itali ito ng buo. Kung hindi lang pang-baby pigtail style.
Si papa rin kasi ang humahawak sa pera ko. Sa bangko niya iyon inilalagay. Hindi naman kasi ako materialistic, kung sa mga gamit ko ay ang aking ina pa ang bumibili niyon.
“Doon mismo sa Manila, Papa? Sobrang layo naman po rito sa Tagaytay. Eh, ’di bihira na lang po kung umuwi rito si ate?”
“Naku, Cal. May big bike naman si ate. Keri niyang magmaneho at baka hindi siya aabot nang ilang oras sa daan ay makararating na agad siya.”
“Tumahimik nga muna kayong dalawa. Kinakausap ko pa ang ate niyo. Ano na, anak? Kailan mo puwedeng simulan itong bago mong negosyo?” tanong ni papa.
Napamasahe ako sa tungki ng ilong ko. Nang makita ko ang ginagawa ng aming bunsong kapatid na pasimple nang kumakain sa yum burger ni Cy ay napailing ako.
“Kanina ka pa kumakain niyan, Colette. Hala ka, Cy. Nasa tiyanak na ang burger mo,” aniko. Nang lingunin iyon ni Cy ay maging siya ay napailing na lang. Nang ibigay niya iyon ay napabungisngis na ang bata.
Binalingan ko ulit ang aking ama kasi naghihintay pa siya sa isasagot ko. “Tingnan mo muna natin, Papa?”
Tumango si papa at pinisil ang pisngi ko. “Sige, kahit tayong buong pamilya ang lumuwas patungong Manila para tingnan ang car rental. Sampu na muna raw, anak. Kung mabebenta mo iyon agad sa loob ng dalawa o tatlong taon ay higit pa ang ipadadala ulit ng partnership ng kaibigan ko sa New Zealand,” mahabang paliwanag niya.
“So, Papa. Mayroon ka pong kaibigan na tumulong sa iyo para mabili na talaga itong car rental? Nangutang ka po?” nanliliit ang mga matang tanong ko sa kaniya. Napakamot siya sa batok niya.
“Huwag kang mag-alala riyan, Cyre. Kayang-kaya nating bayaran. Mabait naman ang kaibigan ko,” sabi niya. Mula pa noon ay malaki na ang tiwala ko sa kaniya at ayokong kuwestiyunin pa si Papa.
“Sige po, Papa. Salamat,” sambit ko. Gumanti siya noong ngumiti ako.
“Hayan, itago mo muna ang titulo. Sa akin na muna nakapangalan kasi tutulong pa ako sa babayaran natin. Sige na, lalabas na muna ako.” Tumayo na siya at hinawakan sa ulo ang batang maligalig. “Aba, mukhang nakihati ka pa sa mga kuya at ate mo, bunso, ah.”
“Ano pa nga ba, Papa? Iyong bunso niyo ay talagang walang patawad sa amin.” Si Cylinder ang nagsalita.
“Hayaan niyo na ang bunso natin. Ayaw niyo ba no’n? May makukurot kayo sa pisngi ng kapatid niyo,” natatawang sabi ni papa.
Umalis din agad siya. Kami na lang ang naiwan. Napatitig pa ako sa ibinibigay ng papa namin. Ako naman ang bumawi.
Nilingon ko ang mga kapatid ko. “Sige, sali tayo sa car racing.” Pareho silang napangiti sa pagsang-ayon ko.
“Sama po ako, Ate!”
“No!” sabay na sigaw naming tatlo. Napanguso ito.
“Isusumbong ko kayo kay mama!” sigaw nito at agad na napatayo. Bago pa man siya makalabas ay nabuhat na siya ni Cy. Ako naman ang napangisi.
***
PAGDATING namin sa Racing Arena ay nilapitan ako ng kasamahan ko sa trabaho. Day-off ko kasi ngayon kaya nasa bahay lang ako.
“Oy, Cyre! Game ka ulit sa car racing?” Si Cooper. Naging kaibigan ko na rin siya. Siya iyong lalaki na hindi nagparamdam sa akin ng feelings.
Mabait din kasi siya, matangkad at malaki ang pangangatawan. Oo na, guwapo rin naman si Cooper. Hindi ko lang siya type. Isa pa, may girlfriend na siya.
“Oo, e,” sagot ko. Kasama ko na nga ang mga kapatid ko. Mabuti na lang din ay walang pasok pareho at tama, kasama rin ang bubwit.
Ayaw nga sana naming isama pero magsusumbong nga raw siya sa mama namin. Alam niya kasi na pinagbawalan na akong sumama sa car racing.
Kababaeng tao ko raw kasi ay sumasama ako sa mga ganoon. Alam ko na overprotective lang siya.
Lumapit sa akin ang kapatid ko na kaugali ko pa. Suot ko na ang racing suit ko, gloves. Hindi na ako nag-abala pang magsuot ng helmet.
Isinuot naman sa akin ni Cy ang protective gear sa tuhod ko, maging sa mga braso ko.
“Hindi iyan para sa iyo, Collette,” narinig kong sabi ni Calder. Tinanggal niya ang suot nito na goggles. Proteksyon iyon para sa mga mata ng driver.
He handed me the goggles. “Bantayan mo iyang batang iyan, Cal. Tatadyakan kita pagbalik ko na hindi mo na iyang kasama riyan,” pananakot ko sa kaniya na ikinangiwi pa niya.
“Si Kuya Cy ang sasama sa iyo?” Tumango lang ako sa tanong niya. Dinampot ko naman ang para sa isang ito para makapaghanda na rin kami.
“Cyre, itong Porsche 911 GT3 ang ganitong mo. Dating gawi,” singit ni Cooper na bigla na lang nawala sa eksena kanina.
I just nodded at kinuha ko na ang keycar. Nang makita kong maayos na rin ang suot namin ng kapatid ko.
“Good luck po, Ate, Kuya! Team C!” sigaw ng bubwit.
Napahalakhak naman si Cooper. “So, kasama rin ako sa team niyo? Letter C din kasi ang first name ko, e. Cooper.”
“Akala ko ay K ang Cooper,” tila nang-aasar na sabi ng bunso namin. Sinita siya ng kuya niya na nasa tabi niya.
Tinipon kami ng race director na si Mr. Crawford. Iyong mga track marshals, safety marshals at pit crew members ay nagkalat na sa kung saan-saang puwesto nila.
Sampu lang kami ang maglalaban at ako lang ang nag-iisang babae para sa racing na ito.
“So, we have three winners. The first to cross the finish line will receive 50,000 pesos, the second place will get 30,000 pesos, and third place will receive 15,000 pesos. Additionally, winnings will be influenced by the bets placed on each contender,” Mr. Crawford said to us. I glanced at my younger brother. Napangisi na naman siya. Alin man sa mga place na iyon ay may pera kaming makukuha.
“Cyre, how about let’s have a deal?” Kumunot naman ang noo ko nang marinig ko ang pamilyar na boses na iyon.
Tumigas lang ang ekspresyon ng mukha ko. That’s Lorgan, the guy who’s been courting me for a long time, even though I haven’t really given him a shot.
“Shut up, Lorgan. Wala akong panahon para sa deal mo,” masungit na saad ko. Sumakay na agad ako sa sports car. Hihintayin na lang ang hudyat ng paligsahan namin.
Mayamaya ay kaniya-kaniya na sila sa pagsakay sa mga kotse nila. Sumigaw pa si Lorgan. “Cyre! Kapag natalo kita ay ide-date kita. Kahit sa iyo na ang prize ko!”
Inilabas ko ang kamay ko para ipakita sa kaniya ang gitna ng daliri ko. “Hoy, bad iyan,” sita ng kapatid ko nang makita ang ginawa ko. Malakas na natawa lang si Lorgan.
“Sige ba, Cyre. Mamaya, ha!”
“In your fúcking dreams, moron,” I murmured.
“Gàgo iyon, ah. Gusto niya yatang i-meet si kamatayan,” bulong-bulong ni Cy. Inayos ko na ang seatbelt ko.
Kasalukuyan nang nagsasalita gamit ang speaker si Mr. Crawford at sa sandaling puwede nang magsimula ay agad kong pinaharurot ang sasakyan ko. I smirked dahil hindi agad nakasabay sa amin si Lorgan.
“Burn,” I said.
***
“Kayong apat. Saan na naman kayo nagpunta?” Napahinto kami nang pareho naming narinig ang boses ni mama. Papasok na sana kami sa loob ng bahay namin. Ginabi na kami sa labas, kaya inaasahan na rin namin na ganito ang mangyayari sa bahay.