Iba ang balitang dumating sa hinahantay ni Mrs. Perez. Hindi na siya nakatulog mula nang malaman na nakatakas si Eric at si Marie sa mga bantay niya. At nang marinig niya ang report mula kay Gerone, ay talagang umusok ang ilong niya sa galit. Lalo na nang malaman niya na si Elizabeth ang nasa likod na pagtakas ng magkasintahan. Naisip niyang gamitin ang mga magulang o mga kapatid ni Marie para palutangin si Eric at ang dalaga. Pero ni isa sa mga ito ay hindi na rin niya mahagilap. At ngayon, nahaharap pa siya sa isang malaking iskandalo na alam niya kung sino ang nagpasimula. “Mrs. Perez. Puno na po ng mga reporters ang labas ng building. Nagkakagulo na po. Hindi na po sila kayang awatin ng mga gwardiya natin,” sumbong ng sekretarya ng ginang na pawis na pawis. “Tumawag kayo ng pulis!”

