Mabilis na bumuti ang kalagayan ni Marie. Kaya naman hindi nagtagal ay tinanggal na ang aparatu na tumutulong sa kanya sa paghinga at hinayaan na siyang kumain ng normal. Laking tuwa ni Eric nang nangyari iyon at dahil doon ay naging mabilis din ang pagbuti ng kalagayan ng binata. Muling nakita ni Marie si Princess at talagang naiyak siya nang makita ang ate ni Eric. Gaya ng karamihan, hindi makapaniwala si Marie. Pero kitang-kita sa mga mata at kilos niya ang labis na kagalakan nang muling masulyapan ang isang buhay, malakas at napakagandang kaibigan. Nagsimula na ring tumanggap ng mga bisita si Marie. Dinalaw siya ng mga katrabaho niya at naging madalas na rin sa ospital ang mga kapatid niya at magulang para bantayan siya. At tuwing makikita niya ang mga mahal niya sa buhay, lalong-lalo

