"Guess what?" Halata sa boses nito ang excitement na magkwento sa akin.
Tumango ako kahit hindi niya naman nakikita. Naka-loudspeaker ang cellphone ko at nakalagay sa stand dahil abala pa ako sa paggawa ng assignments.
Nitong mga nakalipas na buwan ay napapadalas ang pagtawag niya para magkwento sa akin. Pareho kaming Grade 11 na at madalas naming mapag-usapan ang tungkol sa school. Patuloy pa rin kasi ang pamimilit nila ni Shaun na mag-aral ako sa Maynila pero palagi kong sinasabi na hindi pa ako nakakapagdesisyon.
Bukod doon ay nagkukwento rin siya tungkol kay Rivers, at nitong mga nakaraang araw ay halos ito na ang bukambibig niya.
"He drove me home today!" Rinig na rinig ko ang pagtili niya kahit gaano niya pa iyon pigilan.
Natawa ako at nagulat din. "Pwede na siyang mag-drive?"
"Ofcourse, he's already eighteen. And he has a really nice car!"
Ngumiti ako. Bagay nga sila, parehong mayaman.
Noong una, akala ko ay si Casidy lang ang may gusto sa mga nangyayari. Ipinakilala na kasi sila sa isa't-isa at nasabi ni Casi na palangiti raw si Rivers at tinatrato siya nang mabuti. Kaya naisip ko na siguro ay ayos lang ang setup na ganoon sa kanila. Maganda si Casi, mayaman at matalino, kaya imposible nga namang hindi siya magugustuhan ng mga lalaki.
Masaya ako para sa kaniya kasi alam kong gustong-gusto niya ang lalaking iyon. Kumikislap ang mga mata niya sa tuwing magkikita kami at magkukwento siya.
"He's so handsome, Amethyst, oh my gosh!"
Natawa ako. Base sa picture na ipinakita niya noon, gwapo naman talaga si Rivers.
"Kailangan mo pa rin siyang kilalanin, Casi."
"I know, right? We're on that stage now."
Ngumiti ako at tumango nalang dahil alam kong kahit anong sabihin ko ay may isasagot siya dahil gustong-gusto niya talaga ang lalaking iyon.
"He likes spicy food and mint chocolate ice cream." Nahimigan ko ang disappointment sa boses niya dahil parehong hindi niya gusto ang mga iyon.
"Honestly..why do you like mint chocolate? It tastes like toothpaste!"
Natawa ako dahil inasahan ko nang irereklamo niya iyon dahil alam niyang paborito ko rin ang flavor na 'yon.
Nagkibit-balikat lang ako at nakinig.
"He plays basketball by the way," pagtutuloy niya. "And I heard he's the team captain."
Hmm..siguro ay matangkad siya? Bagay sa kaniya ang basketball kung ganoon.
"And he's taking Fine Arts! We're meant to be!"
Naalala ko bigla ang sinabi ni Mrs. Altamirano noon. Si Rivers ang tinutukoy niyang mahilig sa pagpinta?
"He's so good. I've seen some of his works on the exhibit."
Tumango-tango ako. Nakaka-curious din pala. Hindi pa ako nakakapunta sa mga exhibit bukod sa mga idinadaos sa mall at sa school. Ano kayang pakiramdam na naka-display sa ganoon ang mga gawa mo?
Nagpatuloy sa pagkukwento si Casi habang tahimik naman akong nakikinig at gumagawa pa rin ng assignments.
Ganoon kami tuwing gabi—bukambibig niya si Rivers at pakiramdam ko nga ay napakarami ko na ring alam tungkol sa taong iyon kahit hindi ko pa naman nakikita. Lahat kasi ay ikinukwento ni Casi, kahit ang maliliit na bagay ay hindi niya pinalalampas na ikwento sa akin.
"Hi!"
Nagulat ako nang mula sa screen ng phone ni Casidy ay nagpakita si Shaun.
"Magkasama kayo?" tanong ko kahit may ideya na akong magkikita naman talaga sila sa event.
"I wish you're here with us, A!" Ngumiti ito kaya nagpakita ang dimple sa kanang pisngi.
Nasa Maynila si Shaun ngayon dahil isinama siya ng daddy niya sa isang event. Nagkataon din na dadalo sila Casidy roon kaya naman magkasama silang dalawa ngayon.
Ako naman ay narito sa kwarto ko at nakadapa sa kama habang tinitignan silang dalawa sa video call.
"Ang ganda mo, Casi.."
Bagay sa kaniya ang makeup at ang gown na suot, mukha siyang prinsesa lalo pa't katabi niya si Shaun na napakagwapo rin sa kaniyang suit.
Huminga ako nang malalim at pinagmasdan silang dalawa. Hindi ko madalas maisip ang pagkakaiba namin dahil hindi naman nila ipinararamdam sa akin na naiiba ako, pero sa ganitong mga pagkakataon ay hindi ko naiiwasang isipin na sobrang layo pala talaga ng agwat namin.
Minsan ay namamangha pa rin ako na may kaibigan akong katulad nila at minsan ay pinapangarap ko rin na makakasama ko sila sa ganitong mga bagay kahit na alam kong imposible iyon.
"Rivers is here! Ipapakilala ko kayo!" excited na sinabi ni Casi na ikinagulat ko.
"Yeah, right, kailangan kong makilala 'yang kinababaliwan mo." Narinig kong sinabi ni Shaun.
Medyo nagulo ang camera dahil lumapit na nga yata si Rivers sa kanila. Inilagay ko sa tainga ang cellphone para marinig ang pagpapakilala ni Casidy kay Shaun.
"This is Shaun, a childhood friend from Oriental Mindoro."
"Nice to meet you, Rivers."
"Nice meeting you too, Shaun." Malalim at baritono ang boses ng sumagot at halos kilabutan ako.
Kung hindi lang tinawag ni Casi ang pangalan ko ay hindi ko pa maibababa ang cellphone. Nakaharap na ngayon sa kanila ang camera.
Agad nahanap ng mga mata ko ang matangkad na lalaki sa tabi niya, matangkad na halos balikat lang ang nakikita ko dahil si Casi ang may hawak ng cellphone.
"This is Rivers, Amethyst," nakangiti nitong sinabi bago inangat pa ang cellphone para makita ko ang lalaki. "And this is Amethyst, Rivers, she's my bestfriend."
Alam kong gwapo ito base sa picture na ipinakita ni Casidy noon pero..ilang taon na ba ang lumipas mula noon? Mahigit isang taon palang pero nag-mature ito nang husto at..hindi ko mailarawan kung anong kakaiba sa picture at sa videocall. May kung ano sa kaniya na hindi ko mahanapan ng tamang salita.
"Hello, Amethyst, it's nice meeting you." Napakurap ako sa ngiting iginawad nito.
"Uhh..nice to meet you too, Rivers.."
Nanatili ang mga mata nito sa akin..o sa cellphone..kaya bigla akong hindi naging kumportable.
"The event will be starting in a few minutes. Tatawagan kita ulit, Amethyst." Muling nagpakita si Casi sa screen.
"Baka makatulog ako, Casi."
"Seriously? Ang aga pa!"
Ngumiti ako. "Basta mag-enjoy kayong dalawa ni Shaun at uhh..ni Rivers. Balitaan mo ako at padalhan ng pictures ninyo."
"Tss! Alright, I'll send our pictures. Shaun, our girl is sleepy!" Nilingon nito si Shaun na agad din namang nagpakita sa camera.
"Matutulog kana?"
Tumango ako at bahagyang sumulyap sa malapad na balikat sa gilid ni Casi. Nakakapit siya sa braso ni Rivers at malawak ang ngiti niya roon.
"Alright, good night, A."
Ngumiti ako at hindi nagtagal ay nagpaalam na rin sa kanila. Huminga ako nang malalim at tumitig sa kisame ng kwarto ko hanggang sa makatulog ako sa gabing iyon.
Mabilis lang na lumipas ang dalawang taon ko sa senior high. At ang iniiwasan kong desisyon mula pa noon ay kinailangan ko na ring gawin.
"Please, Amethyst, you have to study here with me!" pamimilit nanaman ni Casidy habang magkausap kami sa video call.
Tinignan ko si Shaun na kasama ko naman ngayon. Hindi gaya noon, tahimik siya at hinahayaan akong mag-isip.
"Shaun, what are you doing? Help me convince her!"
Napailing si Shaun. "I'll let her decide on this alone, Casidy. We can't force her just because we want her there." Tinignan niya ako at nginitian pagkatapos.
Huminga ako nang malalim at bumaling sa field ng tulips at roses na natatanaw mula sa garden ng bahay-ampunan.
Maraming nag-offer ng tulong sa akin para makapag-aral ako sa Maynila, kasama na roon ang mommy ni Casi at ang mommy ni Shaun na parehong nag-offer ng financial support. Si Mrs. Altamirano ay nag-offer din na isama ako sa mga scholars ng kanilang kumpanya at sa katunayan ay iyon ang pinaka-nagustuhan ko.
Mayroon silang organization na sumusuporta sa mga estudyanteng mahilig sa arts at gusto ko sanang makapasok doon kung hindi lang ako natatakot na manirahan sa Maynila at maging independent.
Kung tatanggapin ko ang scholarship, hindi na problema ang matrikula at ang allowance. Ang problema ko lang talaga ay ang titirhan ko.
Nag-offer sila Mrs. Palma na pwede akong sa bahay nila katulad ng gustong mangyari ni Casi, pero hindi ko alam kung dapat ko bang tanggapin iyon. Pakiramdam ko kasi ay kailangan ko pa ring maglagay ng hangganan sa mga tulong na natatanggap ko mula sa kanila, pakiramdam ko kasi ay sobra-sobra.
Pero..pangarap kong makapagtapos ng pag-aaral sa magandang eskwelahan. Pangarap kong makapag-aral nang maayos, maka-graduate at makatulong sa bahay-ampunan. At alam kong para makamit ang lahat ng iyon ay kailangan kong tumanggap ng tulong.
"What course are you planning to take, A?" tanong ni Shaun sa likuran ko.
Huminga ako nang malalim at miserableng humarap sa kaniya. Bata palang kami ay alam niya na ang pangarap ko, kaya alam kong alam niya na rin ang tumatakbo sa isip ko ngayon.
"You know that the courses offered here are limited, right? Walang arts dito, Amethyst."
Isa pa iyon sa problema ko—iilan lang ang mga kursong in-ooffer sa mga colleges dito at ni wala roon ang malapit sa kursong gusto ko.
"If you decide to study here and take a course that you never really liked, it'll be hard for you."
Huminga ako nang malalim at nanatiling nakatitig sa kaniya. Isang taon ko na rin itong pinag-iisipan at ito lang ang nakikita kong paraan. "Palagay mo ba, kakayanin ko kung magtrabaho ako at mag-ipon ng sarili kong pera?"
Kumunot ang noo nito sa tanong ko. "What do you mean?"
Sumulyap ako sa cellphone kong nakalagay sa stand sa lamesa. Hindi nakikita sa video si Shaun kaya lumapit ako sa kaniya para hindi rin ako makita ni Casi.
"Makikitira ako pansamantala kina Casidy pero mag-papart-time job ako para makaipon at makahanap ng mauupahan pagkalipas ng ilang buwan." Sinadya kong hinaan ang boses ko para hindi marinig ni Casi.
Nanatiling nakakunot ang noo ni Shaun na parang hindi niya gusto ang naiisip ko.
"Ayaw kong maging dependent sa kanila, Shaun."
Huminga siya nang malalim. "But that will be hard, A."
"Kakayanin ko. Iyon lang ang option na pipiliin ko."
Muli siyang napabuntong-hininga. Alam kong naiintindihan niya ako sa ganitong mga bagay. "Okay, I'll do my best to help you. But for now, does that mean you've decided?"
Ngumiti ako at tumango. "Oo. Gusto ko kayong makasama at gusto kong tuparin ang mga pangarap ko."
Napangiti rin ito. Ginulo niya ang buhok ko bago ako inakbayan at hinila na paharap sa cellphone ko. Nang nakita ni Casi na kapwa kami nakangiti ay pumalakpak na siya at nagtatatalon. Nagtawanan kami sa saya at excitement at bukambibig na ni Casi ang mga plano niya para sa amin simula noong araw na iyon.
Akala ko ay ganoon lang iyon kadali, pero mahirap pala talagang makamit ang mga pangarap mo lalo kung hindi mo iyon paghihirapan.
Pagkatapos kong magdesisyon ay sinabi ko iyon kay Nanay Rosario, ang head ng bahay-ampunan at ang nag-alaga sa akin mula noong bata pa ako. Masaya sila sa naging desisyon ko, lalo pa sa ambisyon ko na makapagtrabaho at makatulong sa bahay-ampunan.
Mula pa noon ay suportado naman talaga nila ako sa lahat ng ginagawa ko. Dahil sa kanila kaya hindi ko iniinda ang kawalan ng mga magulang. Si Nanay Rosario at ang bahay-ampunan ang tumayong pamilya at sandigan ko kaya akala ko ay magiging sapat na iyon. Akala ko ay sapat nang may sumusuporta sayo sa mga desisyon mo, akala ko ay hindi na ako masasaktan na wala akong sariling pamilya at mga magulang, pero hindi pala talaga ganoon kadali ang mabuhay nang ganito.
Sabado ng hapon nang dumating sila Mr. at Mrs. Palma sa bahay-ampunan. Buo na ang mga plano namin ni Casi at alam na rin ng mga magulang niya iyon. Walang mapagsidlan ang saya ko nang sinalubong ko sila sa araw na iyon dahil napag-usapang susunduin nila ako.
"I'm really happy that you accepted the scholarship, Amethyst. I know you'll have a bright future ahead of you."
Ngumiti ako. "Maraming salamat po talaga, Mrs. Palma."
"May pakiusap lang sana kami, Amethyst.." Nagkatinginan silang mag-asawa.
"Ano po iyon?"
"I heard from Casidy that you're both planning to take Fine Arts, major in painting, right?"
Tumango ako. Wala naman akong ibang kukunin na kurso kundi iyon. Tinulungan ako ni Casi na makipag-communicate kay Mrs. Altamirano para sa scholarship.
"Casidy will be taking that course too, Amethyst."
Muli akong tumango dahil napag-usapan na namin iyon ni Casi at marami na kaming plano bilang magkaklase.
"And you know that you're better than her when it comes to painting, right?"
Nagtagal ang titig ko kay Mrs. Palma dahil hindi ko alam kung anong dapat kong isagot doon. Nagpalipat-lipat ang tingin ko sa kanilang mag-asawa dahil bahagya akong nalito sa sinabi nila. Bakit nila ito itinatanong sa akin?
Huminga ito nang malalim. "Casidy is our only child, I know you know that, Amethyst. I want the best for her. I want her to be the best in everything. And that won't be possible if you're with her."
Parang hindi naproseso ng isip ko ang gusto nitong sabihin. "A-Ano pong ibig niyong sabihin?"
Hinawakan nito ang mga kamay ko. "I'm begging you to take a different course, Amethyst."
Napakurap ako. Parang tumigil sa pag-ikot ang mundo ko.
"I know that you already accepted the scholarship from the Altamiranos but it's not too late to change your decision. I can help you with all the financial support, you just have to take another course, anything just not related in painting." Nangungusap ang mga mata nito, puno ng sinseridad at noong una ay hindi ko iyon maintindihan.
"I don't want you to be rivals and I don't want to see her losing to you."
Palipat-lipat ang tingin ko sa kanilang mag-asawa dahil hindi ako makapaniwala sa hinihiling nila.
Ayaw nila akong magpatuloy sa pagpinta? Dahil mas magaling ako kay Casi at matatalo ko siya kung magkasama kami?
Pero tinanggap ko ang scholarship dahil pangarap kong makatapos ng pag-aaral bilang pintor..
"I know this is very cruel but I hope you understand me.." Kita sa mga mata niya na hindi rin madali ang pinagdaanan nila sa desisyong ito.
Hindi ako nakapagsalita. Hindi ko mailarawan ang nararamdaman ko. Parang unti-unting naglaho ang mga pangarap ko.
"You're good in everything, Amethyst, perhaps you can try something else? Mabilis kang matuto dahil matalino ka pero si Casi..pagpipinta lang ang alam niyang gawin.."
Alam ko pero..bakit nasasaktan ako?
"You can try taekwondo, hija, hindi ba't black belter kana rin doon?" Si Mr. Palma naman ngayon.
Nanatili akong nakatitig sa kanila. Gusto kong maiyak hindi lang dahil sa gusto nilang mangyari kundi dahil na rin sa inggit, at dahil unti-unti kong nauunawaan kung bakit.
Ganito pala kapag may sariling pamilya. Ganito pala magmahal ang mga magulang—totoo palang kaya nilang gawin ang lahat para sa kanilang mga anak. Nakakainggit kasi..alam kong hindi ko mararanasan ang ganito. Nakakainggit at nakakadurog ng puso kasi walang gagawa ng ganito para sa akin. At hindi ko sila masisi kasi alam kong mahal na mahal nila sa Casidy.
"Hija, you can still paint. We're not trying to make you stop. Gusto lang namin na maging masaya si Casidy. Alam kong naiintindihan mo kami.." Parang maiiyak na rin si Mrs. Palma habang hawak ang mga kamay ko.
Kinagat ko ang labi ko. Oo, masakit pero naiintindihan ko. At wala akong magawa kasi malaki ang utang na loob ko.
Tama naman sila..marami pang kursong pwedeng kunin. Kahit hindi ako maging pintor, ang mahalaga naman talaga ay makatapos ako, hindi ba? Ang gusto ko lang naman ay makatapos ako at makatulong sa bahay-ampunan. Iyon naman talaga ang priority ko, huli na ang pangsariling dahilan kasi wala naman akong karapatang isipin ang sarili ko. Utang ko ang buhay ko sa bahay-ampunan at sa mga taong tumutulong at sumusuporta rito kaya tama naman..wala akong karapatang piliin kung ano man ang talagang gusto ko.
Kung noon ay hindi naman talaga malinaw ang bagay na ito sa akin, ngayon ay parang namulat nang tuluyan ang mga mata ko sa katotohanan. Totoo palang nakakatakot ang mundo, totoo palang malupit ito.
Sobrang hirap sa akin ang lumunok at dahan-dahang pagtango. "Naiintindihan ko po."
"T-Talaga?"
Pinilit ko ang sariling ngumiti kahit pakiramdam ko ay durog na durog ang aking puso.
Kailanman ay hindi pa ako nakaramdam ng ganitong sakit at inggit, ngayon lang. At pakiramdam ko ay tatatak ito sa puso ko habang-buhay.
"Titignan ko po kung ano pang course ang pwedeng kunin."
Napangiti ang dalawa at agad napayakap si Mrs. Palma sa akin. "Thank you, Amethyst, thank you so much!"
I didn't know that it will be my first heartbreak that time, at kung alam ko lang, sana ay hindi nalang ako natutong magpinta.
**