NESTLE
Tanging pagbuklat lamang ng manipis na papel ng libro ang aking naririnig sa loob ng library. Snack time kasi kaya narito kami ni Hana sa library. Bumili na lang kami ng biscuit at water. May project kasi kami na mahahanap lang rito sa libro ng library. Kaya bago mag-uwian dapat matapos na namin iyon.
Nakarinig kami ng mahinang ingay kaya napaangat ako ng tingin. Mula sa pinto ay pumasok si Duke at ang dalawa nitong kaibigan. Nilibot niya ang tingin sa buong library kaya nagbaba ako ng tingin.
"Nandito ka pala," bulong ni Duke pagkalapit niya at naupo sa tabi ko. Nilapit niya ang upuan sa tabi ko at pinatong ang kamay niya sa upuan ko.
"Wala na ba kayong klase?" tanong ko sa kaniya habang may sinusulat sa notes ko.
"Meron pa. Pero mamaya pa," sabi nito at tiningnan ang sinusulat ko.
"Hoy kayong dalawa! Anong pinagbubulungan niyo?" sabi ni Hana na napalakas ang boses kaya nabwisitan siya ng librarian. Napangiti na lang ako at hindi na sinagot si Hana. "Umamin nga kayo. May something na sa inyo, di ba?" tanong muli ni Hana. Hindi ko siya masisisi kung ano man ang iisipin niya sa amin.
When the accident happened. Mas lalo kong nakilala si Duke. Sa nagdaang mga araw ay mas madalas na kaming magkasama. Lagi niya rin akong hinahatid sa bahay. Sinasama pag may karera siya. Mas madalas ko rin nakikita ang sarili ko na tumititig sa kaniya. Hindi ko pa masabi sa sarili ko kung ano nga ba? Hindi ko pa alam kung ano ba ang nakikita ko kay Duke. Marami na rin ang nakakapansin sa aming dalawa. Lagi kaming tinutukso pero nginingitian ko lang sila. Basta kontento na muna siguro kami sa ganito. Magaan lang at masaya kaming dalawa.
"tingnan mo yung dalawa. Parang walang narinig. Mga pabebe pa," dinig kong binubulong ni Hana kay Xenon at Chad. Napailing na lang ako at niligpit ko na ang gamit ko.
Tumayo ako pero nabitin din nang hawakan ako sa braso ni Duke. Kaya napatingin ako sa kaniya.
"Saan ka pupunta?" tanong nito. Tinaas ko ang libro kaya inagaw niya iyon sa akin. "Ako na," sabi nito at tumayo na.
Sinilid ko na lang sa bag ko ang notes ko at hinintay si Duke. Nakita ko siyang parating na agad, kaya tumayo na ako.
"Tapos ka na ba, Hana?" tanong ko kay Hana.
"Hindi pa. Sige, mauna na kayo. Pupunta ka pa kay Mrs. Marquez, di ba?" sabi nito.
"Oo. Sige, balikan ka na lang namin," sabi ko at tumingin kay Duke. Lumapit ako sa kaniya at sabay na kami lumapit sa librarian. Naglog-out kami at lumabas na.
"Ah Nestle, may gagawin ka ba mamaya?" tanong ni Duke. Tumingin ako sa kaniya pero agad din binalik ang tingin sa daan. Napaisip naman ako.
Umiling ako sa kaniya. "Wala naman. Bakit mo natanong?" sabi ko.
"Gusto ko kasing magstar gazing tayo mamayang gabi. Pero ipagpapaalam kita," sabi nito.
"Sige. Pag pinayagan lang tayo," nakangiti kong sabi.
Pasimple naman itong umakbay kaya mahina ko siyang siniko na kinahalakhak niya. Tumakbo ako habang tumatawa. Tumingin ako sa likod ko at nakita ko na palapit na siya. Humarap ako at mas bibilisan sana ang pagtakbo ng mabunggo ako sa isang babae.
"Ouch!" daing ng babae nang mapaupo ito. Tutulungan ko sana siya para tumayo ng tapikin niya ng malakas ang kamay ko na kinangiwi ko.
"Hey, Nestle. What happened?" tanong ni Duke nang makalapit siya. Tapos tumingin siya sa nabunggo ko. "Claire? Is that you?" sabi ni Duke sa babae. Claire? Parang narinig ko na iyon. Pero hindi ko lang maalala.
Nag-angat ng tingin ang babae at nanlaki ang mata. Pero pagkaraan ay agad na nag-aray arayan.
"Ouch!" daing nito. Agad naman tinulungan ito ni Duke tumayo. Matalim na tumingin sa akin yung babae. "Bakit ba takbo ka ng takbo? Hindi ka ba tinuruan ng manners? Hallway ito hindi playground," inis nitong sabi.
"Hey. Hindi niya kasalanan. Tsaka anong ginagawa mo rito?" biglang singit ni Duke at pumagitna sa amin.
"Sabi kasi ni Tita Aurora, dito ka daw nag-aaral. At dahil dito na kami magiistay, naisipan ni Mommy na sa school mo na lang daw ako pumasok," sabi nito at kinawit ang kamay sa braso ni Duke. "Pwede mo ba akong samahan sa principal's office? Hindi ko kasi alam," pakiusap nito.
Lumingon si Duke sa akin at agad ding binalik ang paningin kay Claire daw.
"May pupuntahan din kasi kami sa teacher's office. Ihahatid ka na lang namin, bago kami pumunta sa pupuntahan namin," sabi nito at inalis ang kamay ni Claire. Bumaling si Duke sa akin. "Let's go," aya niya kaya tumango na lang ako.
Tahimik lang ako habang binabagtas namin ang hallway. Hindi ko gusto ang vibes ni Claire. Para siyang masiyadong maarte at halata ko ang pagkagusto niya kay Duke. Hindi ko naman masisisi si Duke. Dahil kababata nga pala niya ito. Naaalala ko na si Claire. Siya yung pinagtawanan yung gift ko noon kay Duke. Hindi ko alam na ganun din pala ang magiging ugali niya pag laki. Kung ano ka nang bata, ganun pa din paglaki.
Kung pagbabasehan naman ang itsura niya. Maputi, may kulay ang buhok niya na brown. Blonde ata tawag dun. Maganda ang mukha niya. Medyo petite siya at ang suot niya ay off shoulder sleeve, maikling skirt, naka-high heels din siya. Kaya siguro ang mga estudyante naming lalake ay hindi mapigilan na mapatingin dito. Halata ang paghanga sa kanilang mukha. Nasa likod nila ako at pinagmasdan ko sila. They look good together. Perfect kung baga.
'Oh. Who is she? She's pretty. Parang natalbugan na ang beauty ni Nestle,' dinig kong bulong ng nagkakumpulang mga babae sa hagdan ng bumaba kami.
'Hindi din. Nabihisan lang siya. Pero pag si Ate Nestle ang bihisan mo ng ganyan. Tiyak para siya modelo, pwede mo irampa,' hindi ko mapigilan na mapangiti nang may isang lalaking nagtanggol sa akin. Kaya tumingin ako doon. Oh. Tila first year ito. Siniko ito ng mga kasama nito kaya napatingin ito sa akin. Namula siya at napakamot ng ulo. He's so cute.
Tumingin na lang ako sa daan at hindi na pinansin ang pagbubulungan ng mga estudyante. Pagdating namin sa principal's office ay hindi pa rin bumibitaw si Claire.
"Sige na, Duke. Samahan mo ako sa loob," sabi nito kay Duke.
"Sorry, Claire. Sasamahan ko pa kasi si Nestle. Kaya mo na siguro yan," tugon ni Duke.
"Bakit ba siya pa sasamahan mo? As if naman hindi niya alam ang pasikot-sikot dito sa school. Halata namang alam na niya. Tsaka sinabi sa akin ni Mommy na samahan mo raw ako," sabi nito na halata pinapatamaan ako. Kesa naman magtagal pa ako at makita ang kaartehan niya. Ako na lang ang maglalakad mag-isa. Tutal tama naman siya.
"Duke, sige na. Samahan mo na siya. Ako na lang ang pupunta mag-isa kay Mrs. Marquez," seryoso kong sabi. Nakita ko ang pag-irap nito sa akin pero hindi ko na pinansin. Lumakad na ako.
"Wait Nestle!" tawag ni Duke pero hindi ko na pinansin. Dumiretso na ako sa paglalakad.
Nakita ko si Mrs. Marquez na palabas ng office, kaya tumakbo ako para maabutan siya.
"Mrs. Marquez!" tawag ko sa kaniya pagkalapit ko. Lumingon siya at huminto.
"Oh, Ramirez. Anong kailangan mo sa akin?" tanong nito. Nilahad ko ang folder ko na project ko sa kaniya sa science.
"Heto po yung project ko," magalang kong sabi.
"Oh. Tapos ka na agad? Ang galing mo talagang bata. Maganda na at matalino pa," papuri nito.
"Hindi naman po. Pinagbubutihan ko lang po talaga ang pag-aaral ko. Ayoko po kasing masayang ang paghihirap ng mga magulang ko," nakangiti kong sabi.
"Sana ang mga bata ngayon ay kagaya mo. Ipagpatuloy mo lang iyan at alam ko may mararating ka," payo nito at tinapik ang balikat ko. "Sige, pumasok ka na. At tapos na ang snack time niyo," sabi nito kaya tumango ako. Nagpaalam na ako sa kaniya at bumalik na sa nilakaran ko kanina.
Pero napahinto ako nang makita si Duke na papunta sa gawi ko. Nakakunot-noo ako nang lumapit din ako sa kaniya.
"Nasaan yung kakilala mo?" tanong ko sa kaniya.
"Iniwan ko na doon. Pauwi na rin iyon," sabi nito. Tumango naman ako at sabay na kami na naglakad. "Oo nga pala. Bakit ba bigla mo ako iniwan doon? Nagseselos ka ba?" pilyong sabi nito ng maalala ang kanina.
"Che! Selos ka dyan. Kung nagtagal ako baka hindi ko pa naabutan si Mrs. Marquez. Buti umalis agad ako," sabi ko sa kaniya na kinatahimik niya.
Binangga ko ang braso niya. "Bakit natahimik ka? May nasabi ba ako?" tanong ko.
"Akala ko nagseselos ka. Hindi ko alam kung ano ba ang feelings mo sa akin? But everytime na magkasama tayo, parang iba naman ang pinapakita mo," seryosong sabi nito. Hindi ako nakaimik sa sinabi niya. Alam kong naghihintay siya na sabihin ko. Pero kasi nahihiya ako. Magsasalita sana ako nang bigla siyang humarap sa akin na nakangiti na. "But don't worry. I'm waiting until you finally answer me. I don't want to pressure you," nakangiting sabi nito. Tumango ako kahit na gusto kong sabihin sa kaniya kung ano ang nararamdaman ko sa kaniya.
Pagdating sa classroom ay pumasok na ako habang siya ay umalis na. Nakita ko na rin ang iba kong kaklase na nagkukwentuhan habang naghihintay sa last teacher namin. May announcement nga pala ito sa amin. Hindi ko alam kung ano.
Nakita ko si Khalil na nakatingin sa akin. Tumango na lang ako at naupo sa upuan ko.
Nagvibrate ang cellphone ko kaya kinuha ko. Si Duke? Ano kaya ang problema at nagtext ito?
Binasa ko ang message niya at hindi ko mapigilan na mapangiti.
[Duke: I miss you already. Sandali pa lang ay parang gusto ko nang magtungo dyan at magcutting na lang tayo.]
Napapailing habang nakangiti ko siyang nireplayan.
[Me: Kung gano'n. Mas gusto ko mamiss mo ako kesa magcutting. Don't ever do that, Duke. I'm warning you.]
Ilan saglit lang ay nagtext na agad siya.
[Duke: Masusunod, boss!]
"Sino yan?" nabigla ako sa bigla pagsulpot ni Hana. Kaya agad ko inexit ang text ni Duke at binulsa na ang cellphone.
"Wala. Si Nanay lang," pagdedeny ko.
Naningkit ang mata nito tila hindi naniniwala. "Weh? Nanay mo sure ka?" tumango ako at nag-iwas ng tingin. Dahil feeling ko pag tiningnan ko siya ay mahuhuli niya ako. "Bakit kung makangiti ka ay para kang uod na binubuhusan ng asin? Nangingisay ka sa kilig," mapanghinala nito sabi.
"Wala nga. Wag mo na akong tuksuhin, dahil wala kang makukuha sa akin," sabi ko sa kaniya at kinuha ang notes ko. "Andyan na si ma'am, wag ka ng maingay," saway ko sa kaniya.
Napanguso siya tila nangangati ang bibig na intrigahin ako. Ewan ko ba rito kay Hana, ang hilig-hilig sa mga chismis.
"Okay class! Di ba sabi ko sa inyo na may announcement ako ngayon," panimula ni ma'am.
"Yes, ma'am!" sagot namin habang ang lahat ay nakatutok ang mata kay ma'am.
"Gaya ng dati nating nakagawian, meron tayong fieldtrip. Lahat ay obligado na sumama. Dahil bilang P.E teacher niyo, ay kabilang ito sa project niyo," sabi nito.
Kung ang mga kaklase ko ay natuwa, ako ay hindi natuwa. Saan naman kami kukuha ng pera pangbayad doon? Tiyak na hindi pa nakakasahod sila Nanay.
"Uy, Rin. Sama tayo. Mabuti at may pera na si mader ko," nakangiti sabi ni Hana. Napansin niya na hindi ako nakangiti. "Ano ka ba. Ngumiti ka naman. Wag ka mag-alala. Pahihiramin kita," sabi pa nito.
"Wag na. Papahiramin mo ako hindi mo rin naman pera. Tsaka nakakahiya sa Nanay mo. Kaya wag na," tanggi ko. Napangiwi ako nang manghampas na naman ito ng braso.
"Para ka namang iba. Basta papahiramin kita. Ayoko na mag-isa lang at walang kasama," pagpipilit niya.
"Ayoko nga, Hana. Basta pag walang pera sila Nanay, hindi na lang ako sasama," sabi ko sa kaniya. Napahinga siya ng malalim dahil alam niyang hindi na ako mapipilit. Ayoko kasing umutang. Baka nakadagdag pa iyon sa babayarang utang nila Nanay.
Nagpatuloy na si ma'am sa pagdiscuss sa amin. Tahimik lang ako habang si Hana ay panaka-nakang tumitingin sa akin.
"Okay, Class. See you tomorrow," paalam ni ma'am ng matapos na ang klase. Nililigpit ko na ang gamit ko nang humarap si Hana sa akin.
"Uy, Rin. Hindi na kita pipilitin. Pansinin mo naman ako," sabi niya. Tumingin ako sa kaniya at umiling.
"Hindi naman ako galit. Wala lang talaga ako sa mood na magsalita," sabi ko at tumayo na. "Tara na," aya ko sa kaniya. Napangiti naman ito at agad na binitbit ang bag.
Sabay kaming lumabas at paglabas namin ay nakita agad namin sila Duke. Napansin ko ang impit na tili ng mga babae sa hallway habang tumitingin sa grupo nila Duke. Mga gwapo kaya agaw atensyon ng mga girls.
Nang makita kami ni Duke ay agad siyang lumapit sa akin. Sabay-sabay na kami sa paglalakad patungo sa parking lot kung saan nakaparada ang sasakyan nila.
"Hana, tara sumabay ka na," sabi ko sa kaniya.
"Wag na. Sasabay na lang ako kay papa Xenon," ang lukaret talaga oh.
Tumingin ako kay Duke na agad na binuksan ang pinto ng kotse niya. Sumakay ako at nagseat belt. Pagsakay niya ay binuhay na niya ang makina. Binaba ko ang salamin sa gilid ko at kumaway ako kela Hana. Ngumiti ito at kumaway din.
Tinaas ko na ang bintana at tumingin sa harap. Sa buong byahe ay nag kwentuhan lang kami ni Duke. Tawang-tawa ako sa corny pick-up lines niya. Hindi ko alam kung saan ba niya pinagkukuha iyon.
Huminto na siya sa harap ng bahay namin. Tinanggal ko na ang seat belt at inaya siyang pumasok. Bumaba kami at pumasok sa bakuran. Nakita namin sila Magnolia na naglalaro na naman.
"Bunso, sila Nanay nandyan na ba?" tanong ko rito.
"Opo, Ate. Maaga po silang natapos sa trabaho," tugon nito.
Lumingon ako kay Duke at tumango. Magpapaalam kami gaya ng sabi ni Duke.
"Nay, Tay, mano po," bati ko sa magulang ko at nagmano. Tumingin sila kay Duke at agad din nagmano.
"Tamang-tama ang dating niyo. May niluto akong kakanin. Magmeryenda muna kayo," sabi ni Nanay.
Naupo ako sa upuan sa harap ng lamesa at naupo din si Duke sa tabi ko.
"Nay, tay, magpapaalam po sana kami," panimula ko.
"Wag mo sabihin na magtatanan na kayo, ha? Naku Rin, hindi ko gusto ang gano'n," react agad ni Nanay. Napaface palm ako sa naging reaksyon nito.
"Hindi po, Nay. Magpapaalam po sana kami na mag-i-star gazing ni Duke. Ang layo naman po ng narating ng imagination niyo," sabi ko. Siniko ko si Duke na napaayos ng upo.
"Opo. Ako po ang nagyaya sa anak niyo. Pwede po ba kaming gabihin? Pero hindi naman po gabing-gabi," sabi ni Duke.
"O siya. Sige. Pinapayagan ko kayo. Naku wag na kayo makinig sa Nanay mo, Rin. Kung ano-ano ang pinag-iisip," sabi ni Tatay. Napangiwi ito ng pingutin siya ni Nanay kaya natawa kami.
"Hoy ikaw lalake! Inuunahan ko lang ang dalawa. Masiyado pa silang bata kaya dapat na pinagsasabihan," sabi ni Nanay.
"Oo na, darling. Tama ka na," pagsuko ni Tatay kaya napailing na lang kami. Masaya ako na kahit hirap kami sa buhay ay masaya ang mga magulang ko sa isa't-isa. Swerte ko at sila ang magulang ko.
Hindi na umuwi si Duke sa kanila. Kaya ako na lang ang nagpalit ng damit. Nagmeryenda muna kami ng nilutong kakanin ni Nanay. Nakakatuwa at sarap na sarap siya. Ngayon lang daw siya nakatikim ng kakanin. Napangiti naman si Nanay sa naging reaksyon nito sa niluto niya.
"Hayaan mo. Pag naka-uwi na kayo, papauwian kita ng isang bilao. Para ipatikim mo sa pamilya mo," sabi ni Nanay.
"Nakakahiya po. Wag na po," tanggi ni Duke.
"Wag ka na mahiya. Basta magluluto ulit ako at para mainit pag inuwi mo sa inyo," ayaw papigil ni Nanay. Wala nagawa si Duke kundi ngumiti at magpasalamat.
Nang matapos kaming magmeryenda ay naisipan na naming umalis. Nagpaalam ulit kami at lumabas na. Nagbabye ang mga kalaro ni Magnolia kaya natawa na lang ako. Akala mo, hindi na kami babalik.
Pagsakay namin ay agad akong nagseat belt at bumaling kay Duke na pinapaandar ang sasakyan niya.
"Saan ba tayo pupunta?" tanong ko. Nacurious na kasi ako kung saan nga ba kami pupunta.
"Secret. Mamaya ko na sasabihin kung saan," nakataas ang sulok ng labi nito. Tila na natutuwa na naiinip ako.
"Baka mamaya saan mo lang ako dalhin, ha? Yari ka talaga sa akin," pagtataray ko.
"Isa lang naman lugar ang gusto kong dalhin ka... Sa simbahan," sabi nito na kinainit ng mukha ko.
"Che! Pumipick-up ka pa," pagsusungit ko para hindi niya malaman na kinikilig ako sa pinagsasabi niya.
"Hindi pick-up yon. Iyon talaga ang gusto ko sa atin," seryosong sabi niya.
Hindi naman ako nakaimik dahil tila ako napipi sa sinabi niya. Kinuha niya ang kamay ko na nasa kandungan ko at pinagsiklop iyon sa mga kamay niya. Napatingin ako sa kaniya dahil sa ginawa niya.
"Gusto kong lagi nahahawakan ng ganito ang mga kamay mo. See, it fits mine," sabi niya at tinaas ang kamay namin. Mas hinigpitan niya ang hawak tila ayaw niya pakawalan ang kamay ko.
"Bakit nga ba ako ang nagustuhan mo? Maraming babae dyan na tiyak na bagay sa'yo. Bakit ako pa? Lagi din kita tinatarayan noon. Kaya nagkapagtataka talaga at ako ang nagustuhan mo," sabi ko sa kaniya.
"Dahil kahit sino man ang magsabi na hindi tayo bagay. Hindi nila ako mapipilit. Dahil hindi sila ang makakapagdikta kung sino ang mamahalin ko. Kahit ihalo ka pa sa maraming babae, tiyak sa'yo pa rin mapupunta ang paningin ko. At kahit na tinatarayan mo ako noon, hindi big deal sa akin iyon. Mas gusto ko nga na nakikita ang irita mong mukha sa akin," Sabi niya kaya pilit kong inaalis ang kamay ko sa kaniya.
"Ah gano'n, ha? Letche ka! Mas gusto mo talagang naiirita ako," inis kong sabi, habang pilit inaalis ang kamay ko. Pero ang loko humalakhak lang.
"Patapusin mo kasi ako. May idudugtong pa ako," nakangiti niyang sabi at hininto na ang sasakyan.
"Sige. Ano pa? Siguraduhin mo lang na maganda ang sasabihin mo," naniningkit ang matang tiningnan ko siya habang sinasabi iyon.
"Kaya ko gusto na nakikita ang naiirita mong mukha. Dahil mas lalo ka gumaganda sa paningin ko. Ewan ko pero mas lalo kang gumaganda pag alam ko na ako nakikita mo pag ganun ang reaksyon mo," sabi nito at tumitig sa mga mata ko.
Napatikhim naman ako dahil tila ako mahihimatay sa tingin at pagpuri niya. Natawa ito at hinalikan ang kamay kong hawak-hawak pa rin niya.
"Tara. Baba na tayo," sabi nito.
"Huh? Nandito na ba?" tanong ko at tumingin sa harap. Isang puno ang nakita ko na malapit sa bangin.
"Oo. Kaya bumaba na tayo," sabi niya at nagbitaw na kami ng kamay. Inalis ko ang seat belt ko at bumaba. Inayos ko ang damit ko at tumingin sa bangin. Napamaang ako dahil ang ganda. Lumapit ako sa puno at tumingin sa baba ng bangin. Lalo akong namangha na karagatan pala ang ibaba no'n. At kung saan lumulubog ang araw. Lalong nagpaganda sa pwesto namin ang kulay kahel na kalangitan. Tumingin ako kay Duke na may bitbit na tela at basket. Kelan pa niya hinanda iyon?
Umalis ako sa puno dahil tila doon niya ilalagay iyon.
"May dala ka palang ganyan. Pinlano mo talaga, ha?" sabi ko sa kaniya.
"Syempre. Gusto ko isurprise ka," sabi niya at naupo ng maiayos na niya ang paglalagay ng sapin at yung basket na dala niya. Sumandal siya sa puno at tumingin sa akin. "Come here," sabi niya. Kaya lumuhod ako at naupo. "Hindi dya'n, dito," sabi pa nito at tinuro ang pagitan ng hita niya.
"Ayoko nga," sabi ko.
"Bahala ka. Baka mahulugan ka ng higad dyan," pananakot nito. Umirap ako dahil talaga magaling itong magpasunod. Naupo ako patalikod sa kaniya at sumandal sa dibdib niya. Hinawi niya ang buhok ko at sinandal ang baba niya sa balikat ko. Humawak ako sa braso niya nang pumulupot iyon sa bewang ko. "Mamaya pa ang hihintayin natin. Gusto ko mayakap ka ng ganito," bulong niya.
"Sus. Chumachansing ka lang," sabi ko sa kaniya. Natawa naman ito at bumitaw ng pagkalapulupot sa bewang ko. May kinuha ito at tinapat ang cellphone niya sa harap namin.
"Gusto ko kuhanan ang Moment na ito," sabi niya at humawak muli ang isang braso sa bewang ko.
"Makapagsalita ka parang huling araw na ito," sabi ko sa kaniya.
Tumawa na lang siya at kinuhanan ang itsura namin. Ngumiti ako habang siya ay humalik sa pisngi ko. Pinalo ko ang braso niya at umalis sa pagkakayakap niya.
"Magnanakaw ka!" sabi ko sa kaniya at pinagpapalo. Pinigil niya ang kamay ko.
"Wag ka na umangal. Look. tingnan mo palubog na ang araw," sabi niya. kaya tumingin ako sa tinuturo niya. Oo nga. Napangiti ako sa ganda. Tumingin ako kay Duke at nahuli ko siya na kinukuHanan ako.
"Hoy ano yan?! Baka pangit ako dyan?" sabi ko sa kaniya at inaagaw ang cellphone niya. Agad naman niyang tinago iyon sa bulsa niya.
"Wag ka mag-alala, mine ko. Maganda ka sa litrato," nakangiti nitong sabi at tumayo.
Nagtataka naman ako kung bakit siya tumayo. May kinuha siyang matulis na bato.
"Anong gagawin mo dyan?" nagtataka kong tanong sa kaniya.
"May uukitin lang ako," sabi niya at tumayo sa harap ng puno. Tumayo ako at pinanood siya na nag-uukit. Seryoso siya habang ginagawa iyon. Hindi ko alam pero parang may something kay Duke. Feeling ko aalis siya at pupunta sa malayo. Bigla ay nagbara ang lalamunan ko sa naisip ko. Tapos na siya sa pag-ukit kaya umiling ako sa naisip ko. Tiningnan ko ang naukit niya.
"Duke love Nestle Forever," mahina kong basa sa inukit niya.
"Yes. Inuukit ko ito para ipaalam sa'yo na atin lang ang lugar na ito. At itong puno ang saksi kung gaano kita kamahal, Nestle ko," sabi ni Duke.
Hindi ko mapigilan na mapaiyak dahil sa ginawa niya. Pinalo ko ang dibdib niya dahil hindi ko alam bakit ako sinuwerte sa katulad niya. Pinigil niya ang kamay ko at hinila ako para mayakap.
"Nakakainis ka," sabi ko habang mahina na pinapalo ang likod niya. Hinaplos niya ang buhok ko at mahigpit akong niyakap. Ramdam ko ang paghalik niya sa ulo ko.
"Alam ko," sabi niya.