Matapos ligpitin ni Julia ang mga gamit ng anak niya dahil lalabas na sila ng ospital ay hindi mawala ang tingin niya sa pintuan. Dalawang araw na kasing hindi nagpapakita sa kanya si Franco. Pakiramdam niya sa dalawang araw na iyon ay kay tagal na.
"May hinihintay ka ba, Anak?" basag ng kanyang Ina habang pinapalitan ng damit ang kambal. "Kanina ko pa kasi napapansin na hindi mawala ang paningin mo sa labas, e."
Napatingin siya sa kanyang Ina dahil sa tanong nito. "May hinihintay nga ba ako?" tanong niya rin sa kanyang isipan. Pagkatapos ay ibinaling ang paningin sa mga anak na katatapos lang mapalitan ng damit ng kanyang Ina.
Ilang saglit pa ay napabuntonghininga niya siya kasabay ang malungkot na tugon sa Ina na naghihintay rin ng kanyang sagot.
"Wala ho, Mama."
Matapos niyang sabihin iyon ay bigla na lamang may bumukas ang nakaawang na pintuan ng kanilang silid. Buong akala niya ay si Franco na iyon kaya tila nabuhayan siya. Subalit mali ang akala niya.
"Handa na ba kayo?" basag ng kanyang Ama. Bigla napawi ang kaunting saya niya dahil hindi si Franco ang dumating.
"Mukhang hindi na nga siya darating," mahinang tinig niya at muling ibaling ang paningin sa kambal niyang Anak. Mula sa sinabi niyang iyon sa kanyang isipan ay mas lalong lumalim ang lungkot sa kanyang mga mata.
"Tara na ho, Ma, Pa."
Kaagad niyang kinarga ang isa niyang anak na si Froilan. Malungkot niya pa itong tinitigan ng maalala niya na si Franco ang nagbigay ng pangalan dito. "Mukhang nakalimutan na yata tayo ng Daddy niyo," bulong niya ulit sa natutulog na anak. Malungkot niya ring ibinaling ang paningin sa isa niya pang anak na si Francis na ngayon ay karga na ng kanyang Ina.
Binitbit na rin ng kanyang Ama ang mga niligpit niyang mga gamit na nakalagay sa isang malaking bag. Mga damit lang naman nilang mag-iina ang laman ng bag.
Nang tumayo na siya sa kama ay nahagip ng paningin niya ang mga bulaklak na binigay sa kanya ni Franco. Halos nalalanta na iyon dahil hindi naman iyon nailipat sa vase. Ilang segundo siyang napatitig sa mga bulaklak na may lungkot sa kanyang mga mata. Naalala niya pa kung gaano siya kasaya noong iabot ni Franco sa kanya ang mga bulaklak na iyon.
"May problema ka ba, Anak? Kanina ko pa talaga napapansin na may malalim kang iniisip," muling sambit ng kanyang Ina.
Muli na naman siyang nagpakawala ng isang malakas na buntonghininga. Hindi kasi mawala sa isip niya si Franco.
"Wala ho, Mama. Tara na po."
Matapos niyang sabihin iyon ay humakbang na siya ng kanyang mga paa palabas ng silid. Napalingon pa siya sa kama bago tuluyang lumabas ng pinto. Iniisip niya kasi na kung alam ba ni Franco na ngayon sila lalabas.
***********
"Ma, Pa. May iba pa po ba tayong pupuntahan? Hindi po ito ang daan pauwi sa 'tin, ha?" nagtataka niyang tanong. Mali kasi ang daang tinatahak ng kanyang Ama.
Subalit hindi siya sinagot ng kanyang mga magulang. Tila wala silang narinig. Tuloy lang kasi sa pagmamaneho ang kanyang Ama. At naka-focus naman ang kanyang Ina sa pagpapadede sa isa niyang Anak. Kaya't naisip niya na 'wag na lang magtanong dahil baka nga may iba pa silang dadaanan bago umuwi.
Makalipas ang halos mahigit trenta minutos ay huminto sila sa tapat ng napakalaking gate. Kung hindi siya nagkakamali ay bahay iyon nina Rachelle. Kaya't agad siyang naalarma.
"Bakit po nandito tayo, Papa?" naguguluhan niyang tanong. Pagkatapos ay ibinaling ang paningin sa kanyang Ina na inaayos ang pagbaba sa sasakyan. "Ma, sandali po! Anong ginagawa natin dito?" muling tanong niya.
Ilang saglit pa ay bumukas na ang malaking gate nina Rachelle. Pagkatapos ay muling pinaadar ng kanyang Ama ang sasakyan at agad na ipinasok sa loob.
"Jusko, ano bang ginagawa namin dito?" halos hindi na siya mapakali sa kanyang upuan dahil sa mga katanungang hindi masagot ng kanyang mga magulang. Ilang saglit pa ay huminto na ang kanilang sasakyan sa garahe.
"Pa, sagutin niyo ako!" Bakit po ba tayo nandito?" muling tanong niya sa Ama habang tinatanggal na ang seatbelt. Subalit hindi pa din siya sinagot ng kanyang Ama. Tumingin lang ito sa kanya at ngumiti bago binuksan ang pinto ng sasakyan.
Matapos makalabas ng kanyang Ama sa sasakyan ay agad na tinungo ang pintuan nilang mag-iina. Naunang bumaba ang kanyang Ina habang karga-karga pa rin si Francis. Ilang saglit pa ay may natanaw na siyang isang may edad na lalaking paparating. Kung hindi siya nagkakamali ay iyon ang Daddy ni Rachelle. Madalas niya itong makita kapag may mga okasyon sina Rachelle.
"Naku, talaga! Bakit ba kasi kami nandito?" Napakamot siya sa ulo dahil sa nangyayari. At ilang saglit lang ay nakita niya na kinamayan ng kanyang Ama ang Daddy ni Rachelle. Ilang saglit pa ay nakita niyang kinarga ng Daddy ni Rachelle ang isa niyang anak na karga ng kanyang Ina. Pakiramdam niya ay sila-sila lang ang nagkakaintindihan sa mga nangyayari.
Kinakabahan na rin siya dahil hindi niya pa rin alam kung ano ang nangyayari. At mas lalo pa itong nadagdagan ng may masulyapan siyang tatlong tao na paparating. Sina Rachelle, Marko at ang lalaking dalawang araw na niyang hindi nakikita.
"F-Franco?" bulong niya sa kanyang isipan habang nakapako na ang tingin. "Ano bang nangyayari?" natataranta na siya sa kanyang mga iniisip. Sunod-sunod na rin ang bawat lunok niya dahil pakiramdam niya ay nauubusan na siya ng laway. "Ipapamigay na ba ako ng mga magulang ko dito?" Halos mabaliw na siya sa mga katanungan na wala pa ring sagot.
Ilang saglit pa ay dumungaw na na sa harap niya si Franco kaya pakiramdam niya ay tatalon na talaga ang puso niya sa kaba. "My god, Julia! Ikalma mo ang sarili mo, utang na loob!" Napapikit siya ng kanyang mga mata nang ilapit ni Franco ang mukha nito sa mukha niya. Ramdam na ramdam niya ang mabangong hininga nito na tila inaakit siya.
"Are you okay, Julia? May nararamdaman ka bang hindi maganda?"
Dahan-dahan niyang iminulat ang kanyang mga mata dahil sa tila may pag-aalalang tinig ni Franco. Kaya tumambad sa kanya ang tila nangungusap nitong mga mata.