"P-po?! K-kasal?"
Umalingawngaw sa pagkabigla ang boses ni Julia nang banggitin na nila ang tungkol sa pagpaplano ng kasal. Pakiramdam tuloy ni Julia ay tila bubuka ang tahi sa kanyang tiyan dahil sa pagkabigla. Subalit lumapit si Franco sa kanya at dinala ang mga kamay nito sa tagiliran niya.
"Pasensya na po kayo, Tito Robert, Dad! Nabigla lang po yata si Julia sa narinig. Matapos sabihin iyon ni Franco sa harapan ng mga magulang nila ay ngumiti ito ng pilit. Pagkatapos ay isang nakapangingilabot na bulong ang ibinulong niya kay Julia.
"Last time, i told you na maniningil ako! Kaya't sa ayaw at gusto mo, ikakasal ka sa 'kin!" madiing pagkakabulong nito sa tainga ni Julia habang pilit na ngumingiti sa harapan ng kanilang mga magulang para hindi sila mahalata.
Tila binuhusan ng malamig na tubig si Julia mula sa sinabi ni Franco. Aminado naman siya na tila nagugustuhan niya na ito. Subalit hindi pa siya handa sa usaping kasal. Bahagyang lumandas ang kaunting luha sa pisngi ni Julia. Gusto niya si Franco, subalit hindi niya pa ito lubusang kilala. Paano kung mapasubo siya sa bagay na ito.
Ilang sandali pa ay napapikit ng mga mata si Julia at lakas loob na sinagot si Franco sa mahinang tinig.
"Tell me! Dahil ba ito sa pag-iwan ko sa 'yo, nung gabing iyon? Then, i'm sorry!"
"No!" agad na tugon ni Franco sa kanya. Pagkatapos ay bahagyang pinisil nito ang tagiliran ni Julia kaya bahagya itong napaliyad.
"Kung gano'n, ano?" tila may pagkairita nitong tinig. Pagkatapos ay ibinaling niya ang paningin sa kanilang mga magulang na tila sila-sila lang ang nagkakaintindihan.
"Ma, Pa! Bakit hindi niyo man lang po muna ako tinanong sa bagay na ito?" Muling pinisil ni Franco ang tagiliran niya kaya bahagya na naman siyang napaliyad. "S-sana man lang po nakapag-ayos ako ng aking sarili," tanging naisambit na lamang niya. Bawat pisil kasi sa kanya ni Franco ay tila nagsasabi na sumang-ayon na lamang siya dahil wala naman na siyang magagawa.
"Ano ka ba, Bes! Kahit naman hindi ka mag-ayos, maganda ka pa rin, e!" bulalas naman ni Rachelle habang nakikinig lang din sa usapan tungkol sa kasal nila.
"Pasensya ka na, Anak. Binilin kasi sa 'min ni Franco na 'wag daw naming sasabihin sa 'yo 'to. Baka daw kasi tumakas ka na naman, e."
Agad na napatingin ng masama si Julia kay Franco kasabay ang paniningkit ng mga mata nito dahil sa sinabi ng kanyang Ina.
"S-sinabi mo?" gigil niyang sambit.
Ngumiti ng nakakaloko si Franco sa kanya at inilipat ang mukha sa mukha niya na halos magdikit na. Pagkatapos ay tiim bagang sinagot si Julia.
"Bakit, mali ba ang sinabi ko sa mga magulang mo?" madiing usal nito na may pilyong ngiti.
Nanlaki ang mga mata ni Julia dahil sa sinagot ni Franco. Ilang saglit pa ay napatakip siya ng bibig nang maalala ang kapahangasan niya ng gabing iyon.
"'W-'wag mong sabihing—" Hindi na natapos ni Julia ang sasabihin dahil nabasag na ito nang tumayo na ang kanilang mga magulang habang nagkakamayan na. Pakiwari niya'y nagkasundo na ang dalawang kampo.
Ilang saglit pa ay lumapit muna ang mga magulang ni Julia sa kanya at kinausap siya. Sinabi ng mga ito na mula ngayon ay titira na siya kasama si Franco dahil malapit na rin naman silang ikasal. At isa pa raw ay may mga anak na sila kaya dapat magkatuwang na sila sa pag-aalaga sa kambal.
Gustong-gusto sanang mag-protesta ni Julia, subalit palagi na lang nasa likod niya si Franco. Tila ba ayaw na siya nitong tantanan. Kaya't wala na naman siyang nagawa. Bawat paramdam kasi ni Franco sa kanya ay tila ba nanghihina siya. Pakiramdam niya ay hindi niya rin matanggihan ang Ama ng anak niya.
Napabuntonghininga na lamang siya habang tinatanaw ang kanyang mga magulang palabas ng main door. Si Franco at ang Daddy niya ang naghatid palabas. Ilang sandali pa ay naramdaman niya na tumabi sa kanya si Rachelle. Kaya't dito niya muna itinuon ang pansin.
"Congratulations, Bes! Sa wakas ikakasal ka na rin," masayang bati nito sa kanya at niyakap siya ng mahigpit.
"Maraming salamat, Bes. Pero nagdadalawang isip pa talaga ako, e. Saka pakiramdam ko, hindi pa ako handa sa mga ganitong bagay," napayuko siya mula sa sinabi niya at sumilay ang lungkot sa mga mata.
Hinawakan ni Rachelle ang dalawang kamay ni Julia para kahit papaano ay mapagaan ang kalooban.
"'Wag kang mag-alala, Bes. Hindi ka naman namin pababayaan. At isa pa, dapat masanay ka na dahil may anak na kayo ni Kuya."
Matapos sabihin iyon ni Rachelle ay napatingin siya sa gawi kung saan naroon si Franco. Kausap pa rin nito ang kanyang mga magulang. Ilang segundo niya munang tinitigan ang guwapong mapapangasawa bago ibinalik ang tingin kay Rachelle.
"Maraming salamat, Bes. Mabuti na lang talaga at narito ka," tanging usal niya na lamang kay Rachelle.
Matapos iyon ay inihatid na siya ni Rachelle sa magiging silid nila. Subalit pagbukas palang ng pinto ni Rachelle sa magiging silid nila ay agad siyang namangha sa laki at ganda ng loob. Malaki din naman ang silid niya pero hindi katulad sa magiging silid nilang mag-iina.
"Nagustuhan mo ba, Julia? Si Kuya ang nag-design ng kuwarto niyo. Halika, pasok tayo sa loob para makita mo kung gaano kaganda ang ginawang design ni kuya para sa baby niyo," wika ni Rachelle.
Nang makapasok na siya ng tuluyan ay agad niyang napansin ang dalawang kulay puti na kuna. May palamuti ito sa taas na kulay asul na nagsisilbing kurtina nila. Kulay asul din ang palibot nito kaya halos kiligin siya sa ganda. "In fairness, may taste din pala ang lalaking 'yun!" bulong niya habang iniikot niya ang paningin sa tulugan ng dalawa niyang anak.
May maliit na kulay asul din na kabinet sa gilid. Maganda rin ang disenyo nito at sa tingin niya ay doon nakalagay ang mga damit ng kambal niya. Napansin niya rin na asul din ang kulay ng carpet na naaapakan niya malapit sa dalawang kuna kung saan natutulog ang kambal. May mga palamuti din na nakasabit sa ibabaw ng kuna ng kambal.
"Talagang pinaghandaan niya ito, ha!" muling bulong niya na may ngiti na sa labi. Aminado siya sa kanyang sarili na napabilib siya ni Franco. Pakiramdam niya ay may kung anong saya sa kanyang puso ang hindi niya maipaliwanag.
"Maiwan muna kita dito, Bes, ha. Aasikasuhin ko rin si Xian," paalam ni Rachelle na agad niya namang tinugunan.
Matapos marinig ang pagbukas at pagsarado ng pinto ay muling nagpakawala ng isang malakas na buntonghininga si Julia. Mukhang wala na talaga siyang magagawa kung hindi ay tanggapin na lang ang lahat.
Ilang saglit pa ay muli na naman niyang narinig ang pagbukas at pagsara ng pinto. At sa hindi niya maipaliwanag ay tila biglang kinabog ang dibdib niya. At ilang sandali lang ay may bigla na lamang may yumakap sa kanya habang nakatalikod siya at nakatuon ang paningin sa natutulog na kambal. Pinagdikit pa nito ang dalawang kamay sa kanyang tiyan. Nakalimutan ata ni Franco na may tahi pa siya sa tiyan.
"Nagustuhan mo ba?" tinig ni Franco mula sa kanyang batok na bigla na lamang nagpatayo ng mapipino niyang balahibo sa katawan. At ilang sandali pa ay naramdaman niya ang paglapat ng labi nito sa batok niya.
Kaya't lalo siyang nakaramdam ng kilabot. Pakiramdam niya ay may kung anong kuryente ang bahagyang lumandas sa buong katawan niya. Subalit nang maramdaman niya ang paghigpit ng yakap ni Franco sa kanyang tiyan ay bahagya siyang napadaing. Hindi pa pala magaling ang tahi niya sa tiyan.
"O, i'm sorry!" agad nitong wika at mabilis na tinanggal ang kanyang mga kamay sa tiyan ni Julia. "Nasaktan ka ba? May masakit ba? Saan?" bigla tuloy itong nataranta dahil sa ginawa niya.
"O-okay lang ako, Franco. Medyo nasagi mo lang, pero hindi naman gano'n kalala," sagot din ni Jackie.
"Mabuti naman!" nakahinga ng maluwag si Franco dahil sa sinabi ni Julia. Buong akala niya kasi ay nasaktan ito dahil sa biglaang pagdaing kanina.