"So, totoo pala ang balita? Buntis ka nga, Julia!" Ininsulto agad ni John si Julia nang mag-salubong na ang landas nila sa pool area. Kasama nito ang babaeng ipinagpalit niya kay Julia. Nakapulupot pa ang mga kamay ng babae sa braso ni John habang nakaarko pa ang mataray na kilay. At base sa mga tingin nito kay Julia ay tila ipinagmamalaki pa nito na naagaw niya si John.
"Ano bang pake mo, John? Tumabi nga kayo sa daan ko!" gigil nitong sambit sa dalawa. Hinarangan kasi ang daraaanan niya nina John at Anika nang makita siya. May bahagya na ring nabubuong luha mula sa kanyang mga mata habang iniisa-isa niyang titigan ang dalawa mula sa mga nang-iinsulto nitong mga mata.
Kahit kasi matagal na silang hiwalay ni John ay may kung anong sakit pa rin siyang naramdaman dahil sa muli nilang paghaharap. At apektado pa siya ng husto.
"Mabuti na lang talaga dahil ako ang pinili mo, Babe. Baka kung nagkataon, naiputan ka niya sa ulo," sabat naman ni Anika na may pang-iinsulto rin sa tinig. Hinigpitan pa lalo nito ang pagkaka-pulupot sa braso ni John. At talagang nanadyang mang-inis.
Kaya napakuyom na lamang ng kamao si Julia dahil sa sinabi ni Anika at sa nakikita. Magkahalong galit at sakit bigla ang naramdaman niya sa dalawa. Pero kailangan niyang kumalma dahil baka bigla siyang manganak ng hindi sa oras. Kaya't kahit gigil na gigil na siya ay ngumiti pa rin siya na tila nang-iinsulto din sa dalawa at nagkunwari na hindi apektado.
"Tapos na ba kayo? Pwede niyo na ba akong paraanin?" ngiting aso ang ipinukol niya sa dalawa kaya tila napahiya ang mga ito. Inirapan niya pa ang dalawa bago nagsimulang ihakbang ang mga paa para lampasan ang dalawa.
Subalit tila napahiya si John sa ikinilos ni Julia. At hindi niya iyon matanggap. Buong akala niya kasi ay maghahabol at magmamakaawa pa sa kanya si Julia para balikan niya. Mahal na mahal niya pa rin kasi si Julia kahit alam niyang buntis na ito. At kung magkakabalikan ulit sila ay handa siyang tanggapin ang nakaraan ni Julia. Pero nagkamali siya. Kaya sa galit nito ay mahigpit nitong hinawakan ang braso ni Julia at mariing pinisil.
"'Wag kang magmalinis, Julia! Akala mo ba hindi ko alam na walang Ama 'yang pinagbubuntis mo?" gigil nitong singhal. Napapalakas na rin ang pagpisil niya sa braso ni Julia na may nanlilisik nang mga mata.
Nanlalaki na ang mga mata ni Julia dahil sa pagkabigla. At nang maramdaman niya na ang sakit mula sa pagkakapisil sa braso niya ay agad siyang nagprotesta at nagpumilit na makawala.
"Bitawan mo ako, John! Hayop ka, nasasaktan ako!" singhal niya na. Kaya napako na sa kanila ang tingin ng mga bisita. Maging si Rachelle ay napatakbo na nang marinig at makita si Julia na sinasaktan ni John.
"'Wag kang gumawa ng eskandalo sa binyag ng anak ko, John! Bitawan mo si Julia! Alam mo naman na buntis siya, hindi ba? Kapag may nangyari sa kanilang mag-iina, malalagot ka!" asik na rin ni Rachelle habang tinutulungan mabawi ang braso ni Julia mula sa mapanakit na palad ni John.
Subalit imbes na tumigil ay mas lalong nagalit si John. Maging ang kasintahan ni John na si Anika ay tila tuwang-tuwa pa na nasasaktan si Julia. Hanggang sa gumawa na ng ingay si John sa maraming tao para tuluyan nang ipahiya si Julia.
"Makinig kayo! Itong babaeng 'ito, nagpabuntis sa lalaking hindi niya kilala! Hindi ba nakaka-pandiri siya? Tapos kung umasta, akala mo kung sinong malinis?!" gusto pa sana nitong kaladkarin si Julia pero napigilan ni Rachelle.
"Ano ba, John! Bitawan mo na si Julia! Nasasaktan na siya! Buntis siya, maawa ka!" protesta ni Rachelle. Pero nagulat rin ito sa narinig kay John.
Tuluyan nang rumagasa ang mga luha mula sa mga mata ni Julia dahil sa pagpapahiya sa kanya ng dating kasintahan. Para bang tinanggalan siya ng ulo ni John sa mga sinabi nito. Hiyang-hiya na rin siya sa mga tao na nakakakita sa buong pangyayari. Sa kanila kasi nakatuon ang atensyon ng mga ito habang tila nagbubulong-bulungan pa.
"Hayop ka talaga, John! Ang sama mo! Hinding-hindi kita mapapatawad! At mabuti na lang, hindi ikaw ang Ama ng anak ko!" singhal muli ni Julia habang pinipilit pa rin na kumawala. Ayaw na ring paawat ang mga luha na kumawala sa mula kanyang mga mata.
Tiim-bagang na binalingan ng tingin ni John si Julia dahil narinig dito. Nagpanting bigla ang pandinig niya kaya mas lalo pa itong namula sa galit. Pati ang mga mata nito ay tila nag-aapoy na.
"Ano'ng sabi mo?! Talagang inuubos mo ang pasensya ko, ha!" Hindi na nakapag-timpi si John sa sobrang galit. Ibinalibag nito ng malakas ang braso ni Julia kaya tumalipon ito at agad na nawalan ng balanse ang katawan.
"Julia!" sigaw ni Rachelle dahil hindi niya nahabol ang pabagsak ng katawan ni Julia.
Pero may bigla na lamang tumakbong isang lalaki patungo sa direksyon ni Julia na tila hangin sa bilis. At agarang sinalo ang pabagsak nang katawan ni Julia. Lahat nang tao sa paligid ay tila biglang nanlitid ang mga ugat sa leeg sa pag-aakalang matutumba na si Julia. Kapwa pigil ang mga hininga nila sa nakikita. Ngunit nang makita nila na nasalo ng isang lalaki si Julia ay kapwa sila nakahinga.
Maging si Julia ay napapikit na lamang dahil ang buong akala niya ay tuluyan na siyang babagsak sa matigas na semento. At tuluyan na silang mapapahamak ng ipinagbubuntis niya. Pero nang maramdaman niya ang maagap at mainit na pagsalo sa kanya mula sa mga bisig ng isang estranghero ay napayakap siya bigla rito. Damang-dama niya pa ang malakas na pagtibok ng puso nito na tila naghahabol ng hininga.
Batid niyang siya ang hinabol nito para iligtas.
"Are you okay?" tanong ng lalaki kay Julia at mas lalo pang hinigpitan ang pagkakayakap. Kaya amoy na amoy ni Julia ang tila mamahalin nitong pabango habang nakapikit pa rin.
Dahan-dahang imulat ni Julia ang kanyang mga mata kaya tumambad sa kanya ang matipuno nitong dibdib kahit nababalutan ng business suit na suot.
"O-okay lang ako!" nauutal-utal niyang sagot dahil sa sobrang takot at kaba. Nanlalambot na rin ang mga tuhod niya at pakiramdam niya ay bibigay na ito.
Ilang saglit pa ay unti-unti nang inaangat ni Julia paningin para makita ang itsura ng taong nagligtas sa kanya. At nang magtama na ang kanilang mga mata na kapwa parehong nangungusap ay napigil muli ni Julia ang paghinga. Namilog na rin ang kanyang mga mata sa pagkabigla sa nakikita.
"I-ikaw?" gulat na gulat niyang wika. Dahil hinding-hindi niya makakalimutan ang mga matang nakikita niya. Maging ang kabuuan ng napakaguwapo nitong mukha ay ni minsan hindi niya nakalimutan. Pangalan lang ang hindi niya maalala pero ang itsura ay nakatatak na sa puso't isip niya.
"Oh, my knight and shining armor ka pala, Julia? Ang swerte mo naman!" basag ni John sa nakikitang eksena ng dating kasintahan at nang lalaking sumalo rito.
Tiim-bagang na tinapunan ng nag-liliyab na mga mata si John ng estranghero. Nanginginig na rin ang mga kamao nito sa galit at halatang handa nang manapak. Pero pinigil muna nito ang sarili dahil hawak niya pa si Julia. Kaya binalik niya muna ang tingin dito.
"Don't worry, Julia. Nandito na ako. I will protect you whatever it takes!" pangako ni Franco kay Julia na natutulala pa rin sa kanya. Hinalikan rin nito si Julia sa noo. Kaya nagulat ang lahat lalong-lalo na si Julia. Ni hindi niya rin nagawang mag-protesta dahil gulong-gulo na ang isip nito sa mga nangyayari.
Si Rachelle naman ay malaki na rin ang pagtataka sa nakikitang eksena mula kay Julia at Franco. Pero nasa gitna pa sila ng tensyon kaya hinayaan niya muna ang nakikita. At ilang saglit lang ay tinawag na siya ni Franco para kunin sa kanya si Julia na agad niya namang sinunod.
Nang makuha na ni Rachelle si Julia mula kay Franco ay agad na hinarap ni Franco si John. Bakas na bakas sa mga mata ni Franco ang galit at panggigigil sa lalaking kaharap. At ilang saglit lamang.
"Who are you to hurt my women?" umalingawngaw na tinig nito sa buong kapaligiran. Kaya't lahat ng tao ay napanganga at natigalgal. Lalong-lalo si John. Matapos iyon ay isang malakas na suntok ang pinakawalan ni Franco na hindi naiwasan ni John. At tumama iyon sa kanang pisngi nito na agad ikinagbagsak sa malamig na sahig.
"You have no right para ipahiya ang magiging asawa ko!" dagdag pa nito at dinuro-duro pa si John.
Nagulantang na ang lahat sa pangalawang lumabas sa bibig ni Franco. Maging sina Julia at Rachelle ay kapwa nagkatinginan na tila pareho ang mga iniisip. At mas lalo naman si John dahil bakas na bakas na sa mukha nito ang sobra-sobra pagtataka. Hindi rin ito agad nakapagsalita.
Pero nang matauhan na ay napangiti ito ng mapait kasabay ang pagpunas ng hinalalaki niya sa gilid ng labi. Pumutok kasi ang gilid ng kanyang labi kaya may konting dugo ritong lumabas.
"Ano'ng future wife ang pinagsasabi mo? Hoy, sira ulo! Hindi mo nga kilala ang babaeng 'yan, tapos sasabihin mo, future wife? Para ano? Para iligtas siya sa kahihiyan?" matapang pa nitong sagot. At mabilis na bumangon para gumanti rin ng suntok.
Pero hindi ito natuloy. Dahil may bigla na lamang dumating at pinigilan ang gagawin ni John. Si Marko— asawa ni Rachelle. Pumagitna agad ito sa pagitan ng dalawa.
"Tumigil ka na, John! Hindi na ka na nahiya? Dito ka pa talaga nagkalat ng gulo sa binyag ng anak ko!" galit na galit nitong singhal. At ilang segundo lamang ay may mga pulis nang dumating.
"Hindi ako ang nag-umpisa rito, Mark! Kundi 'yang kasama ng asawa mo!" Tinapunan pa nito ng matalim na tingin si Julia. "Pati 'yang animal na nasa likod mo! Bigla na lamang siyang sumulpot at nakisawsaw!" giit nito.
"Wala akong pakialam kung sino ang nag-umpisa! Binastos mo ang binyag ng anak ko! Hindi ka na nahiya sa inaanak mo. Ito ba ang ituturo mo sa kanya? Ang pagiging basagolero?!" Naihilamos ni Marko ang mga palad sa mukha sa sobrang galit.
Natimimi si John mula sa narinig sa kaibigan. Sunod-sunod na rin ang paglunok niya sa sariling laway na tila ba hindi na alam kung ano pa ang isasagot. Hanggang sa muling nagsalita si Marko na ikinabigla niya.
"Ilabas niyo na siya, mga Sir!" utos na ni Marko sa mga pulis.
"A-ano?" tigalgal na wika ni John. At ilang sandali lamang ay hinawakan na ito ng mga pulis. "Bitawan niyo ako!" protesta niya pa. Pero hindi na siya makapalag dahil tatlong pulis na ang pumipigil sa kanya. "Traydor ka, Marko! Wala kang kwentang kaibigan!" galit na galit pa nitong turan kay Marko habang kinakaladkad na siya palabas.
Nang tuluyan ng mailabas si John ng mga pulis ay nabaling na ang atensyon ng lahat kay Franco. Hindi na rin napigilan ni Rachelle ang sarili. Kaya tinanong na nito si Franco ng diretso.
"Kuya, anong sinasabi mong future wife? Ikaw ba ang Ama ng pinagbubuntis ni Julia?"
Nang marinig ni Julia na tinawag ni Rachelle na Kuya si Franco ay nanlaki na naman ang kanyang mga mata sa pagkabigla.
"K-kuya? K-kapatid mo siya, Rachelle?" naguguluhan na nitong tanong.
Subalit hindi sinagot ni Rachelle ang tanong ni Julia. Bagkus ay naka-focus lamang ito kay Franco.
"Sagutin mo ako, Kuya! Kayo ba ni Julia? Kailan pa? Bakit hindi ko alam 'to?" gulat at naluluha na nitong tanong.
"Yes, Rachelle. Mayroong kami. At ako rin ang Ama ng pinagbubuntis niya!" seryosong wika nito na talagang ikinagulat ng lahat.
Gulong-gulo na rin ang isipan ni Julia sa mga nangyayari. Para bang masisiraan na siya ng ulo sa mga nangyayari. At ilang saglit lamang ay naramdaman niyang tila sumasakit na ang kanyang tiyan. Kaya napahawak siya rito kasabay ang isang malakas na sigaw. Ilang segundo pa ay tuluyan na siyang nanlambot at nawalan ng malay. Mabuti na lamang at agad siyang nasalo ni Rachelle kaya hindi siya tuluyang bumagsak sa sahig.
Nang magising si Julia ay nasa ospital na siya. Bumungad sa kanya ang kaibigan niyang si Rachelle na nakangiti.
"Kamusta ang pakiramdam mo?" tanong ni Rachelle na bakas ang pag-aalala sa mula sa mga mata nito.
"Maayos naman na ang pakiramdam ko, Bes," wika naman ni Julia. Subalit nang hawakan niya ang kanyang tiyan ay bigla itong nataranta at naghistirikal. "B-bakit lumiit ang tiyan ko? Nasaan ang mga baby ko? Best, nasaan ang baby ko?!" Natataranta na nitong asik dahil wala na siyang makapang baby sa tiyan niya.
"Best, sandali. Kalma lang. Hingang malalim," pagpapakalmang turan ni Rachelle kay Julia. "Ligtas ang baby mo!" nakangiti na nitong sambit.
"T-talaga? L-ligtas ang mga Baby ko?" Bumalatay agad ang saya sa kanyang puso dahil sa sinabi ng kaibigan.
Ilang saglit pa ay may narinig silang tunog na bumubukas ang pintuan. Kaya sabay sila napatingin kung sino ang pumasok— si Marko. May karga itong isang Baby.
"Congratulations, Bes. Successful ang delivery mo sa kambal mo," bati na ni Rachelle.
"A-ang Baby ko!" tila hindi makapaniwala na sambit ni Julia. Subalit sandali siyang natigilan dahil sa lalaking nasa likod na ni Marko. May karga rin itong bata.
"F-Franco?"
Tuluyan nang bumuhos ang masagana niyang mga luha dahil sa sobrang saya.