TINATAMBOL ang kanyang dibdib habang kaharap ang mga kamag-anak ni Zac. Ipinatawag siya ng ama nitong si Morris. Maging si Zac ay nais nitong makita, ngunit wala siyang balita pa rito mula nang hindi niya ito pinagbuksan ng pinto nang gabing iyon. Dalawang araw na rin mula nang mangyari iyon. Kaharap niya ang inuupuan ng walang kangiti-ngiting si Morris katabi ang nag-aalalang si Precila. Ang Lola Caridad naman ay nasa kanang bahagi nakaupo. "Maaari mo bang ipaliwanag sa amin ang mga nababalitaan namin sa media?" maawtoridad ang tinig nito. Hindi niya magawang tingnan ito ng tuwid. Hindi niya mahanap ang mga salita. "Totoo ba ang mga kumakalat na larawan ni Zac?" tanong pa nito. Pinipilit huminahon ng tinig. "Morris ang mabuti pa siguro'y---" "H'wag kang makialam Precila," putol nito.

