"Bakit ba tayo pupunta roon?" Bakas ang inis sa mukha ni Ella ng umagang iyon. Halos madaling araw na kasi siyang nakatulog dahil may tinapos pa siya na paper works mula sa hospital. Maaga pa nang natapos ang birthday party ni Nita pero nagabihan pa rin sila dahil nag-inuman pa ang buong pamilya. Naging magkalapit na kasi ang lahat kaya medyo nagkasiyahan pa. Pagkatapos ng kasiyahan ay nakapagpahinga agad ang lahat maliban sa kaniya kaya siya lang ang nagrereklamo sa lakad nila. "Matulog ka na lang muna, Ate. Saka ako naman ang magmamaneho, e. Hindi ka po maiisturbo." Sagot na ni Rica habang binubuhay na ang makina. Dala nila ay ang sasakyan ng kanilang lolo na ginagamit sa bukid. Kasing laki lang ito ng traysikel kaya nakakapasok talaga ito sa loob ng kasukalan na maliit ang daanan.

