Kabanata 21
Roxie
Utang na labas! Panay pa rin ang chat ni Suzette! Mapuno na ang memory ng phone ko nito. Hindi ko naman pwedeng i-delete ang convo namin dahil pamblack mail din `yon! Depensa sa sarili kapag nagkagipitan. Pwede ring babalik-balikan kapag nakaisip ng kamunduhan. Haha. Joke pero pwede rin naman. Tao lang tayo may konting pangangailangan rin.
Gang chat-chat pa lang naman kami kasi na-busy ko sa aking buhay pero anglakas niya mag-send ng mga rated spg na bagay-bagay. Akala niya siguro makukuha niya ako sa pagganun-ganun. Aba! Muntik na. Kung hindi lang ako tinambakan ni Jewel ng trabaho. Parang automatic na kumirot ang tainga ko nang maalala ko si Jewel. Grabe!
Hot si Suzette. No doubt sa bagay na `yan pero hindi siya `yong tipo na pang-relasyon. Sa dami ba naman ng pini-flirt niya baka magka-STD pa ako kahit daliri lang ang gagamitin ko. Marami akong insiders kaya tuklas na tuklas ang mga issues niya sa buhay. Nalaman ko kung sino-sino ang mga nakarelasyon niya. Pati mga pinabugbog ng tatay niya. Maganda din ang tsismosa with a purpose minsan.
But I’m not closing doors sa pakikipag-flirt sa kanya. Wala tayong jowa kaya flirt responsibly! Haha. Sa ngayon trabaho muna bago pa ako matanggalan ng tainga ni Jewel. Dito may pera. Kung wala kang pera wala kang gagamitin pang-flirt! Hindi naman pwede `yong puro ka bola dapat may konti ka ring payabang-yabang. Pa-impress ba kung tawagin.
Nagkakape ako sa terrace. Kaharap ko na naman ang laptop para sa last reviews ng articles na ipapasa ko ngayon. I want to congratulate myself for finishing this all fvcking articles in just one night! Ako’y isang henyo at poging nilalang! Subalit, kahit anong bilib ko sa sarili kapag mga ganitong usapan na nagkakaroon ako ng trust issues kapag malapit ko nang ipasa. Kaya heto review ulit.
Dumating si Gael. May dala-dala siyang pandesal. Nilapag niya ito sa mesa. Tamang-tama! “Aga mo naman. Threaten ka `no?” Biro ko sa kanya. “Uy selos yern?”
“Baliw. Ready na ba si Kaiya? Kay-aga-aga akong tinawagan ni Manager Han. Haha. Ang akala niya kasama ako sa mall tour. Ano ako? Sixth member ng Sonnet 5?” Ang kupal nito. `Yong dinampot niyang pandesal isinawsaw sa kape ko bago kinain.
“Kupal mo.” Tinakpan ko na ang bunganga ng tasa. “Baka may virus ka. Magpatimpla ka nga ng kape sa girlfriend mo. Nagtatrabaho ako dito e.”
“Boss! Madam! Kamahalan!” napakaingay naman talaga! Siraulo talaga. Siguro nag-eecho sa kabahayan ang boses niya. “Here na me. Where na you?”
Maya-maya lumabas na si Kaiya. Hila-hila niya ang kanyang maleta. Bakit parang eksaherada ang pagbubuhat niya? Papansin ba `to? Tinatamad akong tumayo e. Tutulungan ko sana! Haha.
“Hoy! Masira `yan.” Saway ko sa kanya nang malakas ang pagbaba niya ng maleta. “Oh paparinig `yern?”
Best in irap talaga e. “Kung tulungan mo na lang kaya ako?”
“Luh, ilang beses ka nang bumyahe-byahe? Mas marami pa diyan ang binibitbit mo. Ah! Wait. Tinutulungan ka ni Yohan ano? Naku! Matuto kang maging independent. Wala kang jowa.”
Huli! Guilty ang babaitang hindi maka-move on! Haha! Siyempre bilang mabuti tayong friend, huwag nating sanayin ang mga kaibigan nating maging dependent sa atin.
“Kai, huwag masyadong pahalata na hindi pa nakaka-move on ha? Baka ulitin mo na naman ang mga katangahan mo noon. Hindi ka na niya mahal.”
“Hindi mo na kailangang ulit-ulitin. Tanggap ko na, okay?”
“Tang inang tanggap na.” Kumuha ako ng pandesal saka sinawsaw sa kape. “Sige. Pag nakasunod ako doon, ikwento mo kung gaano ka rumupok. Sanay na sanay na ako sa ganyan.”
“Masyado mo akong minamaliit.”
Binigyan ko lang siya ng isang nakakalokong ngiti dahil alam ko naman kung gaano siya karupok. Like baka isang ngiti lang ni Yohan kikiligin na siya.
Dumating na ang shuttle van. Hinatid ko siya hanggang sa labas. Pero hindi ko talaga tinulungan sa maleta. Haha! Higop-higop lang ako ng kape. Kinawayan ako ni Skye. Tinaas ko ang tasa bilang tugon sa kanya. Sinipat-sipat ko ang plate number ng van at si Manong na tumulong mailagay ang maleta ni Kaiya sa likuran.
“Manong hanggang Davao ba ikaw ang driver?”
“Hindi po. May nakatoka na doon. Naghihintay na po sila.”
“Ah. Okay. Memoryado ko ang plate number Manong ha? Bagalan lang ang pagmamaneho. Pwede na 200 kph.” Biro ko sa kanya.
“Walangya ka Roxie, para kang maghahatid ng kinder na anak e. School bus lang?” Komento ni Skye. “Binigyan mo na ba ng baon `tong si Kaiya?”
Tumango ako. “Maraming baong pangaral `yan. Hahaha!” Inirapan na naman ako ni Kaiya.
“Oh, mahipan ng masamang hangin `yan. Hindi na bumalik.” Biro ko dito.
Padabog niyang sinara ang pinto. Haha! Napakapikon na nilalang! Nag-wave goodbye na ako sa kanya.
Hinintay kong makaalis sila bago ako pumasok sa gate. Tinapos ko lang ang ilang nire-review na articles. Alryt! Makakapag-relaks na rin!
---
Hindi na ako pupunta sa office. Uuwi muna ako para magbalot-balot ng aking gamit. Aprub kasi ang proposal ko na ico-cover ko ang mall tour ng Sonnet 5. Kung sakali kasi last mall tour na nila `yon bago mag-disband. Siyempre! May kuliglig tayo sa showbiz. May mga naririnig-rinig tayong chika. Kahit walang confirmation papatulan na natin! Pera din `yon! More exclusive, more pera!
“Anong trip mo? Bakit sasama ka pa sa bahay ko? Mag-family bonding na lang kayo ni Jewel.”
“Ha? Ulit?” Nilagay pa niya sa tainga niya ang kamay niya na parang hindi narinig ang mga sinabi ko. “Busy siya sa work. Daming deadlines. Kaya chill-chill muna ako. Saka kabilin-bilinan niya e ihatid pa kita sa airport. Iba din ano?”
“Oh tapos? Pwede namang hindi na ihatid. Plastik mo, hoy.” 4:00 ang available flight pa-Davao. May time pa kong humila-hilata sana kaso sumama `tong si Gael. Ginawa naman akong bat ani Jewel. Tangina! Siguro iniisip niyang uunahin ko ang lumandi-landi na naman. Haha!
“Whatever.” Tinuon niya ang pansin niya sa pagmamaneho. “Alam mo ba kung sakaling may masamang mangyari sa akin, sa`yo ko ipagkakatiwala si Jewel.”
“Para kang tanga. Bakit ganyan ka magsalita?”
“Wala. Naisip ko lang kasi hindi naman tayo sure kung kailan tayo kukunin ni Lord, kaya gumawa ako ng ranklist ng mga taong pwede kong pagkatiwalaan! Haha! Pota kumpara sa lahat nasa top 2 ka. Congrats.”
“Namo ka. Kung anu-ano ang naiisip mo. Marinig ka ni Jewel. Ewan ko na lang sa`yo.”
“Napag-uusapan naman namin ang mga bagay-bagay. Natatakot ako kahit ramdam kong mahal niya ako.”
“Raulo! Sa akin mo pa talaga sinasabi. Ano bang nakakatakot? E second chance na nga kayo. Mas may love na `yan.”
“Ewan. Iba kasi ang pakiramdam kapag gusto mo nang mag-settle down tapos siya hindi pa ready. Alam mo `yon? Baka bigla siyang magsawa sa akin. Ewan. Baka mood ko lang ang bueset talaga.”
“Alukin mo na kasi ng kasal. Ano pang hinihintay mo? Baka kasi naghihintayan lang pala kayo. Alalahanin mo ha? Pinaasa mo si Jewel noon. Baka may biri lyt na trauma pa `yon sa karuwagan mo.”
On point naman ako sa sinabi ko. Kahit sino, kung nasaktan nang matindi magkakaroon ng trauma. Magmahal man sila may konting hesitation pa rin to give full trust.
“Ewan ko. Thank you pala sa pakikinig.”
“`Namo ka. Para kang mamamatay na kamo kapag angbait-bait mo. Magbardagulan na lang tayo mas kampante ako, Gagu.”
Weird siguro ang pagkakaibigan namin ni Gael, pero siya na ang isa sa mga pinakatotoong taong nakilala ko. Mukha lang talagang sanggano `to at literal na may gang siya. Solid ng TMG e. Mga tropa niya n`ong high school na hanggang ngayon e one call away lang kapag kailangan niya. Sanaol one call away! Haha.
Nakarating na kami sa bahay namin. Feel at home na siya kaagad. Nakataaas pa ang mga paa niya sa maliit na mesa sa sala.
“Ikaw na lang nakatira dito?”
“Ahuh. Nasa condo na si Tita. Lumipat na rin si Ate kasama ang family niya. Kaya me, myself and I na lang dito.”
Sinaksak ko muna ang water dispenser para lumamig ang tubig. Ilang araw akong hindi umuwi dito pero malinis ang bahay dahil nagpapadala si Tita Ingrid ng maglilinis. Perks talaga ng pagiging pamangkin ng bigatin. Haha!
Nagbubuklat ng album si Gael. Mga koleksyon ni Mama ng pictures namin noong hindi pa uso ang camera phones.
“Ganda ng Mama mo. Saan na sila ngayon?”
“Quezon Province. Doon nila gustong tumira e.”
Bigla siyang tumawa saka iniharap sa akin ang album. “Tangina, Roxie. Itsura mo dito. Angsaya nila tapos ikaw nakasimangot. Anog problema mo dito?”
Birthday ni Ate niyan e. “Nagpagupit kasi ako. Ayaw ni Mama. Pinagalitan ako sa harap ng mga bisita.”
“Ah. Hulaan ko ayaw niya na lesbian ka `no? Siguro nahuli kang may jowa.”
“Halos lahat siguro ng lesbian dumaan sa ganoong eksena. Uy, pancit canton lang pwede kong i-offer sayo. Tinatamad akong magluto e.”
“Namo ka. Kahit nga hindi mo na iluto. Ngatngatin ko na lang tas inom ako mainit na tubig. Hahaha!”
Nawili siya sa pagbubuklat ng mga albums. Pinipicturan pa ng gago e. Sinalang ko na ang kaserola para sa pancit canton. Isinabay ko na ang noodles. Bahala nang maluto kasabay ng pagkulo ng tubig.
“Hindi kayo close ng mama mo?” Tanong na naman niya pagkaraan ng ilang minuto. Nakailang albums na rin siya. “Parang wala kayong gaanong pictures na magkasama. O kung meron man parang hindi ka masaya.”
Hinango ko na ang pancit canton sa plato. Nababahin ako sa amoy ng sauce. “Obvious naman `di ba?”
“Baka si Miss Ingrid ang tunay mong nanay! Haha!”
“Baliw. Siya lang `yung sumalo sa akin nang ini-snub na ako ng lahat. Naalala ko nag-away sila ni Mama kasi gusto niya akong patigilin sa pag-aaral nung nalaman niyang jinowa ko `yong kaklase kong babae.” Kaswal kong pagkukwento. “Grabe `yon! Sigawan sila sa telepono. Nasa Europe na no`n si Tita. Sinusumbatan siya ni Mama na kesyo nahawa daw ako.”
Tinuon ni Gael ang pansin niya sa akin. Nag-de kwatro pa siya. Kapag naaalala ko ang mga tagpong `yong nalulungkot pa rin ako. Hindi kasi ako nabigyan ng feeling na safe place ang family. Maliban lang kay Tita na lagi akong kinakausap.
“Sinabihan ako ni Tita na kung mag-a-out ako kailangan ay `yong may maipagmamalaki ako kena Mama para hindi nila ako mamali-maliitin. Sinuportahan ni Tita ang pag-aaral ko.”
Yan husto na sa halo ang pancit canton. Lagyan ko pa kaya ng chili powder para sulit niya? Haha!
“Ready na. May tinapay din dito.”
“Iba talaga pag-iisip ng mga Shonda.” Sinara na niya ang photo album. “Tas sasabihin pa nila dahil lesbian ka walang magseseryoso sa`yong babae. Hindi ka mag-aasawa. Naku mga Shonda problems” Dumulog na siya sa mesa. “Nasabihan ka na bang sayang ka?”
“Oo. Bakit?”
Umiling naman siya. “Wala. Masarap sampalin ang mga gan`ong tao. Kain na nga tayo. Nagutom ako bigla.”
Ang walanghiya! Pagkatapos kumain nagvideoke naman. Nambubulahaw sa kapitbahay. Panay mga rap songs noong 90’s pa ang kinakanta. Bakit kasi nahagip ng mata niya ang Magic Sing e nasa pinakagilid na ng tv `yon.
“Kanta ka din uy! Hindi pwedeng puro lang tayo papogi. Dapat songerist din tayo!”
“Hindi na. Kaya mo na `yan.” Pumasok na ako sa kwarto para mag-empake.
Bumirit na naman siya. Hindi na ako magtataka kung may kakatok dito na tanod dahil nireport na kami sa barangay.