XVII. Mga Paano Kung

1582 Words
Hindi ako makapaniwala na parang ayos lang kay Mary Grace na lumalaki si Julie na hindi malapit sa akin. Nakakalungkot na sa loob ng nakalipas na tatlong taon ay mas madalas ko lang makita sa f*******: ang apo ko kaysa sa personal. "Aminin mo nga sa akin Mary Grace, inilalayo mo ba talaga sa akin si Julie?" pagkumpronta ko sa kanya nang dalawin ko siya sa bahay nila ni Peter. Pilit siyang tumawa "Ma naman, busy lang kami. Nagda-drama ka nanaman ba?" "Seryoso ako. Tungkol parin ba ito sa pagiging kakaiba ko?" Agad na pumakla ang mukha niya. "Ma. Pwede ba, ayaw ko ng pag-usapan pa ang bagay na 'yan." "Hindi ba't okay na tayo 'nak? Hindi ba't nagkapatawaran na tayo?" paalala ko sa kanya. Nag alis siya ng tingin sa akin at tumingin sa iba "Hindi porke nagpatawad ay makakalimot na. Ma, ayaw kong..." saglit siyang natigilan "Gusto kong maging normal si Julie." pag-iba niya ng kaniyang ginamit na salita, ngunit hindi padin maganda ang dating nito sa akin. "Tingin mo pala sa akin... ay abnormal?" hindi ko na napigilan pa ang inis kong tono. "H-Hindi sa gano'n. Please Ma? Wag na nating pag-usapan pa 'to. If you want to spend time with Julie, then sige ihahatid namin siya sa'yo ni Peter tuwing weekends." Umaliwalas ang mukha ko sa aking narinig "Talaga anak?" "Ma, basta promise me na hindi mo siya kukwentuhan ng kahit na anong tungkol kay... kay Prince at sa Nanay niya." nag-aalalang bilin niya sa'kin. Tumango ako "Oo naman. Salamat 'nak. Maraming salamat." niyakap ko si Mary Grace ng mahigpit sa sobrang saya ko. Sa wakas ay makakapiling ko na din madalas ang apo kong si Julie. Kung minsan talaga ay kailangan pag-usapan ang mga bagay-bagay para mabigyang solusyon ang mga ito. Pagsapit ng sabado ay natupad nga ang ipinangako ni Mary Grace. Labis ang kasabikan kong makapiling ang apo ko. Walong taong gulang na ngayon si Julie pero hindi ko alam kung tama ba sa edad niya na humawak na ng gadget imbis na mga laruan at libro? "Julie apo, gusto mo ba ng gatas o milo?" pangatlong ulit ko sa kanya habang nakatutok siya sa kanyang tablet na parang hindi ako naririnig. "Apo." hinawakan ko ang balikat niya at saka lang niya ako tinapunan ng tingin. "Ha?" tanong niya. Napabuga ako sa hangin "Apo, kanina pa kita tinatanong kung gusto mo ba ng gatas o milo." Nagsalubong ang kilay niya "Eh Lola that's for kids. Wala po ba kayong coke?" "Naku, 'yon ba ang gusto mo? Sige, sige ibibili kita sa susunod na mag grocery kami ng Ninang Aileen mo, pero sa ngayon baka pwedeng alin sa dalawa muna na nandito." wika ko ng nakangiti. "Okay." maikling sagot niya sa'kin bago muling ibinalik ang atensyon sa kanyang tablet. "Teka apo, gatas o milo?" pangungulit ko nanaman sa kanya. "Kahit ano." sagot niya na para bang abalang-abala sa kanyang nilalaro sa tablet. "Kahit ano nalang PO." pagtatama ko sa sinabi niya, pero hindi na siya muling kumibo. Sabado at linggo ay nakakasama ko na nga si Julie, ngunit tila mas lalong lumaki ang aking pag-iisa. Nakikita ko nga ang apo ko at nakakasama, ngunit hindi ko madama ang presensya niya. Kung hindi sa tablet ay nasa panonood ng tv ang pinagkaka-abalahan niya. Kaya isang araw, nang sinundo na ni Peter si Julie ay kinausap ko muna siya. "Apo baka pwedeng makahingi ng pabor si Lola." "Ano 'yon?" tanong niya. "Ano PO iyon?" pagtatama ko sa kanya pero hindi niya iyon pinansin at naghihintay lang sa pabor na aking hihilingin. Inayos ko ang buhok niya "Baka pwede 'pag pupunta ka dito iwanan mo na muna sa bahay niyo 'yang tablet mo." Nalaglag ang panga niya na tila hindi makapaniwala sa narinig "But Lola-" "Kasi gusto kong maka-bonding ka apo, hindi yung palaging wala sa akin ang atensyon mo. Hindi ka ba naaawa kay Lola? Matanda na ako. Konting oras nalang ang ilalagi ko dito sa mundo." Tumawa si Julie "You're being overly dramatic Lola. Sixty one ka palang." Tumingin siya sa paligid ng aking bahay "Ano naman ang gagawin ko dito? Without my tablet, I'll get bored." dagdag pa niya. "Aba madaming magagawa dito apo! Maaari kitang turuan magluto, mag-gardening o babasahan kita ng mga kwento sa libro." pagmamalaki ko sa kanya pero bumaba ang mga mata niya na halatang hindi interisado sa mga nabanggit ko. "Uhm, I can read alone Lola. There's a lot of garden and cooking games on the internet so... No thank you." lumakad na siya palabas ng gate. "Apo." hinabol ko siya at yumakap sa kanya. Pero pakiramdam ko ay yumayakap lang ako sa patay. Pagsakay niya ng kotse ay ngumiti sa akin si Peter at kumaway na lamang ako sakanila ng pamamaalam. Mula sa aking gate ay nilingon ko ang kabuuan ng aking bahay na pinaghirapan kong ipundar. Ang bahay na halos buong buhay kong pinaglaanan ng lakas. Bahay lang, ngunit hindi ko na matatawag na tahanan. "Hey sorry, na-late ako sa pag o-online. Masyado kasi akong naaliw sa bago kong hobby." wika ni Ellie na ipinakita ang hindi pa tapos na cross stitch niya. "Ayos lang." matamlay kong sagot. "Kamusta naman ang granny time n'yo?" Napahilamos ako ng mukha "Hindi ko alam Ellie, ibang-iba na talaga ang mga bata ngayon." "Why? What's wrong with Julie?" "E mas gusto pang kaharap yung gadget niya kaysa sa akin. Pakiramdam ko tuloy balewala lang ako sa kanila." paglalabas ko ng sama ng loob kay Ellie. Lumungkot din ang ekspresyon ng mukha niya at napayuko "I'm sorry." "Ano ka ba, wala kang kasalanan. Bakit ka ba nagso-sorry d'yan." sabi ko. "Because I think I am the root of all that. Kaya ganyan yung trato sayo ni Mary Grace, kaya din siguro ganoon yung mga tinuturo niya sa anak niya." aniya sabay ngisi "But I regret nothing. Atleast nakilala mo yung mga taong TUNAY na tatanggap at nagmamahal sa'yo." diin niya. Ngumiti ako "Edi hindi ka dapat mag-sorry. Salamat kung ganoon. Pero Ellie, matanda na ako. Ang lungkot mag-isa." "Sus! Bakit mo ba laging sinasabi 'yan? Oo matanda ka na nga pero hindi ka nag-iisa. Pinipili mo lang laging mag-isa." Kinabukasan ay nagpasama ako kay Aileen na kumuha ng ilang dokumento. "Madam, sigurado na po ba kayo d'yan?" seryosong tanong niya. Bumuga ako sa hangin habang "Ang totoo, hindi ko padin alam. Gusto ko padin bigyan ng pagkakataon si Mary Grace." sagot ko. Noong nakaraang taon ng aking ika-60 na kaarawan ay hiniling kong ipasa na ang ownership ng Kusina ni Maria sa kaisa-isa kong anak na si Mary Grace. Madami na din kasing mga negosyanteng nagkaka-interes na mag franchise nito. Nais kong mas lumago pa ito sa kamay ng aking anak, ngunit nakakalungkot na tinanggihan niya ito. Mas nais daw niyang ituon ang atensyon sa negosyo nilang mag-asawa. Pero ayaw kong mawalan ng pag-asa, ngayong gabi ay kakausapin ko siyang muli upang ialok ang negosyong pinaghirapan ko ng dugo't pawis. Sa Kusina ni Maria. Closing time na kaya tanging ang mga staffs ko nalang at si Aileen ang nandirito. Nasa sulok kami na mesa ng anak kong si Mary Grace. Pagtitig ko sa kanyang mga mata ay para bang muli ko siyang nakita noong siya ay musmos pa lamang. Ang malambing at masiyahing anghel namin ni Miguelito. "Ma, tungkol po ba saan 'to?" tanong ni Mary Grace na nagpabalik sa akin sa kasalukuyan. "Anak, kailangan ka na ng Kusina ni Maria." diretsahang sabi kong muli sa kanya. "Alam kong abala ka sa negosyo ninyo ni Peter, hindi naman kakain ng oras ito. Ipagpapatuloy mo nalang naman ang nasimulan ko at isa pa, nariyan si Aileen para maging katuwang mo." paliwanag ko pa sa kanya. Nilapit ko sa harapan niya ang brown envelope kung saan nakapaloob ang mga papeles ng Kusina ni Maria. Kinuha naman niya ito at tiningnan, ngunit agad niyang ibinaba ito. "Ma, sa'yo 'to. I really can't. Isa pa, hindi ako interisado sa pagluluto tulad mo." pagdadahilan ni Mary Grace. "Tulad ng sinabi ko, nand'yan si Aileen na kabisado na ang mga recipes ko. Maaari ka niyang turuan." Umiling siya "Ma, I'm sorry pero hindi para sa'kin ang food business." Labis ang muli kong pagkabigo dahil sa pangalawang beses ay tinanggihan parin ako ng aking anak. Nang makaalis na si Mary Grace ay pinagmasdan ng malungkot kong mga mata ang munti kong restawran mula sa labas nito. Akala ko'y nanaisin nilang bigyang halaga at pagyamanin ang maiiwan ko. Tipo bang ituturing na parang kayaman ng anak ko at mga kaapo-apuhan ko. Pero hindi pala. Tumingala ako sa mga tala ng gabing 'yon, tinatanong ang Diyos kung ito ba ang kaparusahan ko dahil nagmahal ako ng kapwa ko babae? Pero agad ko iyong binawi, bakit ko siya pagbibintangan? Gayong ako ang pumipili ng mga desisyon ko sa buhay? At si Mary Grace din ang kusang pumili ng pakikitungo niya sa akin. Humingi ako ng tawad sa Panginoon at niyakap ang kaligayahang matagal ko ng itinatanggi. "Aileen, sa'yo ko ipagkakatiwala ang Kusina ni Maria." wika ko sa kanya. "P-Pero Madam, hindi n'yo naman po ako kaano-ano." Ipinatong ko ang kamay ko sa ibabaw ng kamay niya "Sa aking puso, anak kita." Nanginginig ang mga labi niya na napatayo sa kanyang kinauupuan at niyakap ako "Madam! Nakapakabuti n'yo. Mami-miss ka namin ng sobra!" paghagulgol niya. Madami akong napagtanto sa kalungkutan na pinayagan kong sumakop sa sarili ko, sa pag-iisang pinahintulutan kong iparamdam nila sa akin. Panahon na para sundan ko ang tunay na magpapaligaya sa akin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD