XVI. Mga Paano Kung

1481 Words
Nagtuloy-tuloy ang lihim na pagpapalitan namin ng chats at video calls ni Ellie, bilang magkaibigan. Hindi ba't hanggang doon nalang naman talaga ang mga tulad namin na matanda na? "Ang aga mo naman nag retire sa business mo. Kamusta ba ang health mo?" tanong ni Ellie matapos niyang malaman na hindi na ako ang personal na nagma-manage ng aking restawran. "Ayos lang naman ako. Paminsan-minsan nagha-highblood pero wala lang naman 'yon." Pumalatak siya "Anong wala lang, hindi ka na pabata aba! Eat a lot of garlic at iwasan mo ang maaasim." payo niya. Ganito pala kapag tumanda ka na, pulos tungkol na sa kalusugan ang paksa n'yo o 'di kaya ay usapang paghahalaman. Bahagya akong natawa kay Ellie kaya siningkitan niya ako ng mata sa camera. "I'm serious! You should take good care of your health. Look what happened to me." tukoy niya sa kanyang diabetis. "Eh paano, napaka-takaw mo sa matamis." sabi ko. "Ang sabihin mo, sweet kasi ako!" Tumawa ako, ngunit sa likod ng aking isipan ay alam kong totoo. Si Ellie na yata ang pinaka malambing na babaeng nakilala ko. Kahit sa maliit na screen lang ng telepono ko siya nakikita ay tumatagos ang kaniyang masiyahing enerhiya. Parang hindi kabawasan ang kaniyang isang paa at sakit. Kaya kahit madalas siyang mag-isa sa bahay ay sanay na niyang gamitin at isuot ang kanyang prosthetic leg. Ngunit minsan ay naiisip kong mas panatag ako kung hindi siya nag-iisa doon. Pero hindi ko naman masisisi ang anak niyang si Prince dahil kailangan nitong magtrabaho. Tulad ni Mary Grace ay may sarili na din itong buhay. Kung magkasama lang sana kami ni Ellie... Binura ko agad ang isiping 'yon. Kailangan kong kumbinsihin ang sarili kong mas okay na kaming ganito, magkaibigan lang at malayo. Malayo din sa panghuhusgang maaaring ipukol sa amin ng lipunan at pinakamasakit, nang sarili naming pamilya. Muli kong tiningnan si Ellie, may sinasabi siya tungkol sa mga halamang gamot. Pangkaraniwang kwentuhan na namin 'to araw-araw, ngunit hindi ako nagsasawa. Para bang hindi kumpleto ang araw ko kapag hindi ko siya nakausap. Ang f*******: messenger at skype ang aming naging munting tulay. Kahit papaano ay hindi na ako naiinip sa bahay. Natuwa naman si Aileen na natutunan ko agad ang paggamit nitong regalo niyang smart phone. "Alam ko na! I'll send you this book!" bulalas ni Ellie na may pinakitang hard bound na libro sa camera. Libro iyon ng mga Medicinal Herbs. "Naku wag na, bibili nalang ako dito. Baka magastusan ka pa." pagtanggi ko pero talagang mapilit siya. Limited edition lang daw ang librong 'yon kaya sigurado daw siyang wala akong mahahanap na ganoon dito. "Don't worry about it. Ipadadala ko nalang kay Prince next month pag bisita niya d'yan." wika niyang ikinagulat ko. "Uuwi ng Pilipinas si Prince?" "Oo, magbo-boracay kasi sila ng partner niya at bibisita nadin sa family. Nakakatuwa nga 'yong dalawang 'yon eh. Hindi mo mapapaghiwalay, kung nasaan ang isa, sunod ang isa." pagkukwento pa niya. Ngumiti ako "Eh gano'n naman talaga pag mahal mo, susundan mo." bigla akong natigilan, parang mali na sinabi ko 'yon dahil nakita kong nawala ang ngiti ni Ellie. "Eh paano kung hindi sinundan? Hindi pinili? Hindi na mahal?" Kumirot ang puso ko sa tanong niyang 'yon. Sabi ko nalang "C-Choppy ka." Muli siyang ngumiti na iiling-iling "Basta ha, ipapabigay ko nalang kay Prince. Sige na, bukas nalang ulit." pagbalik niya sa paksa ng libro bago nagpaalam. Nang patayin ko na ang video ay nakita kong nakatingin sa akin si Aileen na may nakakalokong ngiti kaya inunahan ko na siya. "Magkaibigan lang kami at matanda na." sabi ko. Nilapitan niya ako at umupo sa tabi ko "Chill Madam, wala ka pa sa senior. E 'diba nga, in love age doesn't matter!" giit niya. "Alam mo naman yung nangyare noon hindi ba? Ayaw kong magkatampuhan ulit kami ni Mary Grace." "Sabagay. Basta ako Madam, kung saan ka masaya itutulak pa kita hehe." Kapag nakikita ko si Aileen, naiisip kong wala nga talaga sa dugo ang tunay na kahulugan ng salitang Pamilya, kundi nasa pagtanggap at respeto sa'yo ng isang tao. Kung tanggap lang din sana ako ni Mary Grace... Matapos ang isang buwan ay dumating na nga sina Prince kasama ang kapareha nito sa Pilipinas. "Good Morning po." "Good Morning, pasok kayo. Pasok." Agad naman naghain si Aileen ng makakain at inumin nang makita ang aming bisita. Halos hindi ko makikilala si Prince kung hindi siya nagtanggal ng shades. Matipuno ang pangangatawan nito at may bigote na. "Buti natatandaan mo pa ang papunta dito." sabi ko sakanya. "We actually got lost a bit, buti nalang masipag magtanong 'tong si Marky." ani Prince, dahilan para mapatingin ako sa lalakeng katabi niya na mala-machete. Mas matipuno ang katawan nito kaysa kay Prince at bagay ang kagwapuhan nito sa kayumanggi niyang balat. Para silang gatas at tsokolate na bagay na bagay. Ngumiti sa akin ang machete at ngumiti din ako sakanyang pabalik bago kami ipinakilala ni Prince sa isat-isa. Boyfriend pala niya si Marky, hindi naman na ako nagulat. Bagkus ay natuwa akong malaman na may mga same-s*x relationships na nagtatagumpay. Nakita ko din ang kislap sa mata nilang dalawa, kung paano nila tingnan ang isat-isa. Hindi ko maiwasang hindi mainggit. Pagkatapos ng masayang kwentuhan namin ay ibinigay na sa akin ni Prince ang librong ipinabibigay ni Ellie. Hinatid ko na sila palabas nang biglang may van na huminto sa harapan ng gate ko. Gumapang ang kaba sa'kin dahil kilala ko kung kaninong sasakyan 'yon. Kay Peter at Mary Grace. Mabuti na lamang at si Mary Grace lang ang lulan ng sasakyan. Sinlubong niya ng tingin mula ulo hanggang paa ang dalawang lalake. Napansin kong napahinto siya ng makitang magka-holding hands ang kamay ng dalawa. "Wow, I didn't expect to see you here, Prince." aniya na nakataas ang isang kilay. "Me neither. Anyway, we're about to go. Lets go babe." sabi ni Prince na sumenyas nalang sa'kin at nilampasan na palabas si Mary Grace. "Sige, thank you. Ingat kayo." sabi ko bago isinara ang gate. Pagpasok ko sa sala ay nakaupo si Mary Grace sa sofa ngunit hindi manlang ako tinapunan ng tingin. "Anong ginawa niya dito?" "Bumisita lang siya." sagot ko. Lumabas mula sa kusina si Aileen na nilapagan kami ng juice ni Mary Grace. "Uy, move on girl. May asawa't anak ka na 'no. Don't tell me affected ka pa din?" tanong ni Aileen. "Ako affected? Hindi 'no." sabay tawa kaya nagkatinginan kaming dalawa ni Aileen. "Luh, nabuang na." "Kaya pala kamping-kampi siya dun sa Nanay niya. Dahil bakla din pala siya." bulalas ni Mary Grace "Buti nalang talaga hindi kami nagkatuluyan, kundi habang buhay akong magiging cover girl tulad ni Papa." "Mary Grace!" saway ko sa kanya. Natigil ang pagtawa niya at siguro'y napagtanto ang mga sinabi "S-Sorry Ma." Ang buong akala ko ay okay na kami ng aking anak. Sumakit ang dibdib ko sa sinabi niya kaya tumayo na ako. "Kahit kailan hindi ko ginamit si Miguelito para pagtakpan ang pagkatao ko! Sana alam mo 'yan." sabi ko sa kanya bago tuluyang mag walk out. Pagdating ng linggo ay sumimba kami, alam ko kasi na magsisimba din doon sina Mary Grace kasama ang apo kong si Julie. Pagkatapos ng misa ay agad kong niyakap si Julie. "Tara, jolibee?" sabi ko sa kanya. "Ma, hindi namin pinapakain ng fast food si Julie. Ayaw namin masanay siya sa junk foods." wika ni Mary Grace sa akin. "Gano'n ba, edi tara nalang sa bahay. Ipagluluto ko kayo." Pinasan ni Mary Grace si Julie kahit nakikita niyang nilalaro ko pa ang apo ko. "Naku Ma, mapapagod ka lang. May luto na naman kaming food sa bahay e." "Kahit saglit lang 'nak, namimiss ko na kasi 'tong si Julie." pilit ko sa kanya. Bumuntong hininga si Mary Grace "K, saglit lang ah." Sa bahay ay tuwang-tuwa ako sa apo ko, bored na bored naman si Mary Grace na hawak lang ang phone niya. Naglalaro naman ng kung anong games sa phone si Peter na asawa niya. Mag i-isang oras palang yata nang tumayo na si Mary Grace sa silya "Okay time's up! Baby let's go." At tulad ng lagi niyang ginagawa, kinuha na niyang muli sa'kin ang apo ko at umuwi na. Hindi ko maintindihan kung bakit ayaw ipagkatiwala sa'kin ni Mary Grace si Julie gayong apo ko naman 'yon. Naikwento ko 'yon kay Ellie at iiling-iling na natawa siya "My God Madel, malala na ang pagka-homophobe n'yang anak mo." "Anong ibig mong sabihin?" "Isn't it obvious? Nilalayo niya sa'yo yung apo mo dahil natatakot siyang mahawaan mo ng homo virus ang anak niya." paliwanag ni Ellie. Napakunot-noo ako "Hindi naman siguro." "Sana nga hindi. Basta, ayawan ka man ng buong mundo, nandito ako." aniya na kinindatan pa ako. Lagi talagang pinapagaan ni Ellie ang damdamin ko. Kung minsan ay gusto ko na tuloy pumasok sa video niya at yakapin siya. Kung pwede lang.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD