XV. Mga Paano Kung

1899 Words
Nagkapatawaran din kami ni Mary Grace, ngunit hindi na nagbago ang imoral na tingin niya sa mga homosekswal. Kinumbinsi ko siyang makipag-ayos kay Prince, ngunit parang may pumipigil na sa kanyang mahalin ito. Tinatago niya ang pangungulila sa dating nobyo ngunit ramdam ko ito kahit hindi niya sabihin. Kinamusta ko naman sina Ellie at Prince sa email, ngunit si Prince lang ang sumulat pabalik. Napag-alaman kong pareho sila ng desisyon ni Mary Grace, ang magpahinga muna at maghintay kung kailan muling titibok ang kanilang mga puso sa isa’t-isa. Hindi naman nabalewala ang desisyon namin ni Ellie, dahil nagkaayos kaming muli ng aking anak. Iyon ang nais kong isipin, na tama ako bilang isang magulang. At muli kong itinuon ang atensyon ko sa aking negosyo para pagtakpan ang mga tinik sa aking dibdib. Ngunit kahit saan ako lumingon ay nandoon siya, sa aking restawran, nagbabasa ng kanyang paboritong libro habang hinihintay ako. Ang kape ko na kasing bango ng mga halik niya sa akin sa umaga. Kung minsan ay may nakita akong nagtitinda ng popcorn at napabili. Hindi ko mapigilang mapangiti’t maluha habang akin itong kinakain. Ang nakakalat na bote ng serbesa sa gilid ng daan, pinapaalala ang mapupungay na mata niyang nakatingin sa akin noong sinamahan ko siyang uminom. Kapag naglilinis ako sa guest room, mapapalingon ako sa kama dahil para bang narinig ko ang matamis na tinig niya o ‘di kaya ay namamalik-mata akong naroon lamang siya. Yakap ang ginamit niyang unan ay iniisip kong siya ‘yon. Minumulto padin ako ng kanyang mga ala ala. “Happy Birthday!” Pagbating bungad sa akin ng lahat sa pagpasok ko sa Kusina ni Maria. Puno ng makukulay na lobo sa sahig at may malaking banner sa likuran nila na may litrato ko pa. Kaya naman pala pinauna na akong umuwi kagabi ni Aileen, para siguradong maaayos nila ang surpresa nilang ito para sa akin. Lumapit sa akin ang limang taong gulang na batang babae at kinuha ang kamay ko para mag mano. “What will you say to Lola?” wika ni Mary Grace sa bata. Ngumiti na parang nahihiya si Julie bago nagsalita “Happy birthday Lola. I love you.” “Thank you apo.” yumuko ako at hinalikan sa cute nitong pisngi si Julie, ang unang anak nina Mary Grace at asawa nitong si Peter. Lumapit sa’kin si Mary Grace na may hawak na cake “Make a wish.” wika nito pagkatapos sindihan ni Peter ang number 58 na kandila. Pumikit ako at humiling. Iyon padin ang lagi kong hiling tuwing sumasapit ang aking kaarawan. Pagmulat ko ay saka ko hinipan ang sindi ng kandila. Kanya-kanyang kuha sila ng litrato sa akin gamit ang kanilang mga makabagong telepono na ang tawag na nila ay smartphones o iPad na parang malaking telepono. Kasama ang lahat ay kinuhanan kami ni Aileen ng litrato, pagkatapos syempre ay pinagsaluhan namin ang masasarap na pagkaing handa nila para sa akin. Hindi naging madali ang limang taon na lumipas, madaming naging boyfriend si Mary Grace bago tuluyang nag settle down kay Peter. Bago niya tuluyang nakalimutan si Prince. Ang totoo niyan ay tuwing linggo ko na lamang nakikita ang aking anak simula ng makasal ito at tumira na sa puder ng kanyang asawa. Hindi naman ako nag iisa sa bahay dahil kinupkop ko nalang ang anak-anakan kong si Aileen kasama ng nag iisang anak nitong si Mae. Doon ko lamang napagtanto na kahit anong pili ang gawin mo sa iyong anak, sa huli ay hindi nila pipiliin ang kanilang magulang. Dahil kailangan na din nilang bumuo ng sarili nilang pamilya. Sa huli ay hindi maaaring angkinin ng isang magulang ang kaniyang anak kahit gaano pa nila ito ka mahal. Kung minsan naiisip kong tama si Ellie, na sino ang pipili sa amin? Pagkatapos kong kumain ay kinuha ko ang apo kong si Julie sa kanyang daddy at nakipaglaro dito. Ngunit wala pa yatang limang minuto ay nilapitan na agad kami ni Mary Grace “What did I tell you? Do not disturb your Lola right?” aniya sa kanyang anak. “Hindi naman nakaka-istorbo si Julie. Ako ang tumawag sakanya dahil miss na miss ko na ang apo ko.” sabi ko sabay madahang kurot sa dalawang pisngi nito. Pero kinuha padin ni Mary Grace si Julie at ibinalik sa kanyang asawa. Kung minsan naiisip ko ng baka inilalayo talaga ni Mary Grace ang apo ko sa akin, kung iyon man ang intensyon niya ay hindi ko na alam kung bakit. “Madaaam!” sigaw ng matinis na boses ni Aileen. Inabutan niya ako ng paper bag, sinilip ko ang laman nito. Isang kahon na kulay puti. “Buksan mo na po! Para sa inyo talaga ‘yan! Sana magustuhan mo.” wika pa niya. Tiningnan ko siya ng may pagdududa “Baka naman kung ano nanaman ito ah?” tanong ko. Paano kasi noong nakaraang birthday ko ay niregaluhan ako ni Aileen ng pulang T-back. “Pramis Madam hindi ka na ipapahiya ng regalo kong ‘yan.” nakangiting sabi nito. Pagbukas ko ng puting kahon ay bumungad sa akin ang nakahigang smart phone sa loob nito. Umiling ako “Hindi ka na dapat nag abala pa, hindi naman ako marunong nito eh at isa pa ay may telepono pa naman ako.” sabi ko sa kanya. “Madam burado na po ang keypad ng flip phone n’yo. Matatalo n’yo na po yung jejemon sa sobrang gulo ng mga text mo sa’min.” ani Aileen dahilan kaya nagtawanan ang lahat. Hay ang babaeng ‘to talaga. Hinawakan ko ang kamay niya “Salamat, basta tuturuan mo ako nito ha.” Pagkatapos ng party ay para lang ulit akong nanaginip. Tila ang lahat ng kasiyahan ay mabilis nagwawakas. Panandaliang ngiti, pansamantalang saya pagkatapos ay tapos na. Bumabalik muli ako sa aking pag-iisa. Ang sabi ng iba ay dala lang marahil ito ng katandaan, kaya nagiging maramdamin at malulungkutin na daw ako. Mabuti na lamang at tinuruan ako ni Aileen gamitin ang smart phone na regalo niya sa akin. “f*******:! Social Media, parang Friendster noon Madam!” ani Aileen sa akin. “Naku eh may email naman na ako. Hindi ko na kailangan n’yan.” sagot ko sakanya. Napakamot siya sa ulo. “Madam, sobrang old school na nung email! Ni hindi mo pa malalaman dun kung nagbubukas pa ba ng email ‘yong pinadalhan mo ng mensahe o hindi na. Dito sa f*******: may chat box na. Tapos may green dot kang makikita sa tabi ng pangalan nila, meaning online sila.” mahabang paliwanag nito. “Online?” “Meaning nagfe-f*******: din sila at that very moment.” Nakakatuwa talaga si Aileen, napaka-tyaga niya sa akin magturo kahit na mabagal na akong makakuha ng mga bagay-bagay lalo na pagdating sa makabagong teknolohiya. Madalas kami lang ang nasa bahay dahil ang anak niyang si Mae ay senior highschool na palaging nasa paaralan. Si Aileen na nga pala ang bagong Manager ng Kusina ni Maria. Dahil nalulungkot ako ay pinakiusapan ko siyang halfday nalang pumasok doon para makasama ko siya dito sa bahay. Isang gabi habang nanunuod ng tv si Aileen ay kinakalikot ko ang aking bagong cellphone ng biglang tumunog ito at may lumabas na mensahe mula sa nagngangalang Chef Papi. “How are you na?” “Ok lang.” maigsi kong reply, pagkatapos ay pumunta ako sa timeline niya. Pagkain ang profile picture nito, sa cover photo naman ay dagat. Tiningnan ko pa ang lahat ng litrato niya ngunit kung hindi pagkain ay picture ng dalawang matipunong lalake na nasa barko o 'di kaya ay nakatalikod sa dalampasigan. May isa o dalawang picture naman sa profile album ngunit may bigote ito at sa aking pagkakatanda ay wala talaga akong kilalang macho man na naka-bigote, kundi yung singer lang na si Freddie Mercury ng Queens. “Do I know you?” tanong kong muli dahil hindi ko alam kung bakit ako icha-chat ng taong hindi ko naman kilala. “You don’t remember me?” wika nito. “Aba e loko ka pala eh, magtatanong ba ako kung kilala kita.” nasabi ko ng malakas sa aking sarili kaya nakatawang napatingin sa akin si Aileen. “Tita, ako ‘to si Prince.” Hindi ako makapaniwala sa aking nabasa. Muli kong binalikan ang mga litrato sa f*******: account niya at ng matitigan kong mabuti ay duon ko lang nakilalang si Prince nga iyon. Lumaki na kasi ang katawan nito at nagkabigote pa, kaya hindi ko siya agad na nakilala, maliban lang sa mga mata nitong tulad padin ng sa Mommy niya. “I've been trying to contact you.” “You have my email.” “Na-hack po old email ko.” sabi niya, ang dahilan kaya pala wala ng reply niya na bumalik sa akin noon. “Marunong ka na palang magtagalog!” masayang sabi ko. Nag send siya ng smiley o mas tamang tawag ay emoticon. “Tinuruan ako ng partner ko, pinoy din he grew up there in the Manila.” pagkukwento niya. Naging masaya ang kumustahan namin ng bigla siyang nag send ng isang litrato ng babaeng nakaupo. Parang may mali sa larawang 'yon kaya pinakatitigan ko ng mabuti hanggang sa nakita ko ngang naka-prosthetic legs ang isa nitong paa, ngunit nakangiti padin ng masaya. “She miss you so much.” sunod na sabi sa chat ni Prince. Ayokong maniwala na si Ellie ang babaeng iyon, pero siya nga, dahil magbago man ang buong mukha at buhok niya ay hindi nagbago ang mga mata niyang nakakalunod sa lalim. “Anog nanyari ss kanya?” tanong ko na halos mali-mali na ang pagkaka-type dahil sa nanginginig kong mga daliri. “Diabetis.” sagot ni Prince. “They removed her right leg para ma-stop yung pag spread ng diabetis.” Hindi ko na namalayan na tumutulo na pala ang mga luha ko. Kung maaari lang pumasok sa cellphone at yakapin si Ellie ay ginawa ko na. Hindi dahil naaawa ako sa kalagayan niya kundi dahil sa sobrang pagka-miss ko sakanya. Sinikreto ko ang palitan ng chat namin ni Prince kay Mary Grace, dahil matapos ang mga nangyare sa amin noon ay ayaw na niyang makakarinig pa ng tungkol dito. Ayon kay Prince ay ayaw na din niyang guluhin pa ang buhay ni Mary Grace lalo na’t may pamilya na ito. Kinontak lang daw niya ako para sa Mommy niya, para kay Ellie. Muli nanaman kaming pinagtagpo ng tadhana, ngunit sa pagkakataong ito ay ayaw ko ng umasa sa kahit na ano. Dahil sa limang taon na lumipas ay napag-aralan ko ng tanggapin na hindi ako karapatdapat para kay Ellie. Na ang mga pinagtatagpo ay paghihiwalayin din sa huli. “Ellie...” “Madel?” wika ng tinig niyang sariwa padin sa aking ala ala. Hindi ko alam ang sasabihin ko kaya isang ngiti lang sa camera ang aking nagawa. Nakita kong hinawakan niya ang screen ng kanyang laptop. Hinaplos niya ba ang mukha ko sa screen? Hindi ko alam. Pero ang tanging alam ko lang ngayon ay ang nararamdaman kong kasabikan na muli siyang makausap matapos ang mahabang panahon. “Wow, ganda ng buhok mo.” ang tanging naibulalas ko. Natawa siya na inikot sa kanyang daliri ang hibla ng kanyang puti ng buhok. Bakit... bakit napakaganda niya parin?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD