"Bakit ka nakatingin?" tanong ni Julie sa akin habang pinapanuod ko siya na naglalaro sa kanyang tablet.
"Wala naman apo." sagot ko. Lumipat ako sa tabi niya "Julie apo, magpapakabait ka ha?" bilin ko sa kanya. Nag-angat siya ng tingin, napakunot-noo "Why are you acting so weird Lola?" Niyakap ko ng mahigpit si Julie "Wala, mami-miss ka lang kasi ni Lola. Basta good girl ka lagi dapat ha?" Tumango lamang si Julie, pagkatapos ay ngumiti ako sa kanya "May coke na si Lola, halika muna at magmeryenda." pag-aaya ko sa kanya. Lumapad naman ang ngiti niya na agad binitawan ang tablet na kanina pang hawak. Kahit minsan ay hindi magalang na bata si Julie ay alam kong dadating din ang araw na maiintindihan niya ang mga bagay-bagay at nasa sa kanya din ang desisyon kung magbabago o hindi. Sinulit ko ang araw na iyon na para bang wala ng bukas.
Kumpleto na ang mga dokumento at pasaporte ko para pumunta sa Amerika. Hinihintay ko na lamang ang visa ko bago ko sabihin ang lahat kay Mary Grace.
"You look different today." pagpansin ni Ellie sa akin. Magkausap nanaman kasi kami ngayon sa Skype. Lingid din sa kaalaman niya ang plano kong pagbisita sa kanya. Isa 'yong surpresa na tanging si Prince at ang nobyo niya ang nakakaalam. Sa katunayan ay si Prince din ang nag-sponsor sa akin.
Napangiti ako "Ano bang sinasabi mo, wala namang kakaiba sa'kin." Inayos ko ang salamin ko sa mata para itago ang nararamdaman kong hiya at kaba.
"Mukha kasing masaya ka today, ang genuine ng smile mo e."
Mas lalo akong napangiti sa sinabi niya "Marami lang talaga akong mga bagay na na-realize nitong mga nakaraang buwan." sabi ko sa kanya.
"Tulad ng ano?" pagtatanong niya.
"Na tama ka, hindi ako nag-iisa." sagot ko sa kanya. "Dahil lagi kang nand'yan para sa akin Ellie."
Nagpalitan kami ng matatamis na ngiti at natapos ang gabi na may kagalakan ang aming mga puso. Mas lalo tuloy akong nasasabik na lumipad na patungo sa kanyang tabi.
Sa tabi ng babaeng wagas kong minamahal.
Pagkaraan lamang ng ilang linggo ay na-grant na ang visa ko. Dali-dali ko 'yong ibinalita kay Aileen na labis na natuwa para sa akin. Masaya kaming naghapunan ng gabing 'yon ngunit nahalata ni Aileen na hindi ako mapalagay, kaya nang dalhan niya ako ng gatas sa aking silid ay tinanong niya ako.
"Hindi n'yo po ba talaga ipapaalam kay Mary Grace?"
Hindi ako agad nakasagot, umupo siya sa paanan ng kama ko "Madam, baka awayin kami nun ah. Sabihing pinayagan ka namin mag out of the country ng mag-isa!" aniya dahilan para ako'y matawa.
"Iyon ba talaga ang pinoproblema mo o gusto mong sumama?" natatawang tanong ko sa kanya.
"Pwede namang both Madam!" lalo akong natawa sa sinabi niya "But kidding aside Madam, patay talaga ako sa anak mo kung 'di ka magpapaalam." seryosong sabi niya.
"Hindi bale, kakausapin ko siya bukas."
Nakita kong nakahinga ng maluwag si Aileen sa sinabi ko, nagpasalamat siya at saka lumabas na ng aking silid.
Kinabukasan ay nakipagkita ako kay Mary Grace sa isang café.
"Nak pasensya na at naistorbo kita."
"Ayos lang naman po Ma. Halos mag-iisang buwan na din no'ng huli tayong nagkausap. Mas busy ka pa yata sa akin?" nakangiting aniya.
Bahagya akong tumawa "Sa katunayan ay naging abala nga ako, dahil dito." Ipinakita ko sa kanya ang pasaporte at ticket ko patungong Amerika. Tulad ng aking inaasahan ay gulat na gulat si Mary Grace.
"M-Ma, a-ano 'to? You're going on a trip?!" nauutal na tanong niya.
Tumango ako ng nakangiti "Wow! That's nice, Atleast makakapasyal ka. Sino palang kasama mo?" muling usisa niya.
"Ako lang." saglit akong napatigil at tiningnan siya ng diretso "Ang totoo n'yan, may bibisitahin akong kaibigan doon." pag-amin ko.
Napa-diretso siya ng upo at napahalukipkip "You mean... Tita Ellie? Right?" mataray niyang tono.
Muli akong tumango na may ngiti sa aking labi. Napailing siya na halatang naiinis "I knew it. Ever since na pinuntahan ka ni Prince bumalik ang koneksyon n'yo."
"Kailanman ay hindi nawala ang koneksyon namin sa isat-isa dahil lagi siyang nandito." itinuro ko kung saan nakapwesto ang aking puso.
"Ma! Stop it! Hindi ka tulad niya at lalong-lalo na hindi mo siya pwedeng puntahan!" madiin na wika niya.
Kalmado kong ibinalik sa aking sling bag ang pasaporte at ticket ko "Anak, gusto ko lang malaman mo. Hindi ako humihingi ng permiso." tumayo na ako sa aking kinauupuan at iniwanan siyang gusot ang mukha sa inis. Dapat noon pa ay nalaman ko ng anak ko siya, pero hindi lubid para itali ang buhay ko sa kanya.
At dumating na nga ang araw na aking pinakahihintay. Sinundo ako ni Prince at ng nobyo niyang si Marky sa Airport. Walang kaalam-alam si Ellie na ayon kay Prince ay nasa paborito niyang café ngayon. Nang malapit na kami sa nasabing lugar ay nag video call ako kay Ellie, agad naman niya itong sinagot. Bumungad sa akin ang ngiti na lagi kong nakikita tuwing magkausap kami.
"Good evening!" pagbati niya sa akin. Alam niya kasi na kapag araw dito sa Amerika ay gabi naman sa Pilipinas. Medyo kinabahan ako dahil baka mapansin niyang maliwanag pa ang background ko, kaya inilapit ko ang mukha ko sa camera para masakop ko ito. Mabuti na lamang at hindi niya iyon napansin.
"Naku, nakakaabala yata ako sa'yo ah?" wika ko ng makita ang madaming papeles na nasa kanyang harapan. Agad naman niya itong iginilid "Absolutely not! Kailanman ay hindi ka naging istorbo sa akin 'no. Kamusta naman ang naging araw mo d'yan?" tanong niya.
Ngumiti ako ng malapad, paano'y hindi ko na maitago pa ang saya sa nalalapit na naming pagkikita. "Ayos naman. Tulad lamang ng araw ko kahapon." pakunwaring kwento ko. Biglang napansin ko ang mga mata niya na dumapo sa gilid "Nasa sasakyan ka ba?" tanong niya, kaya mas inilapit ko pa ang mukha ko sa camera "H-Ha? Ah oo." nabulol na ako, paano'y hindi ko alam ang idadahilan.
"Saan ka ba papunta?" muling tanong niya na mas nagpakaba sa akin.
"We're here." wika ni Prince ng inihinto na ang sasakyan sa harapan ng naturang lugar.
Nataranta na ako at muling ibinalik ang tingin sa aking smart phone, halata ang pagtataka sa mukha ni Ellie sa video call.
"Ah Ellie, sandali lang ah. Tatawag ulit ako mamaya." wika ko sa kanya bago siya pinatayan.
"Are you ready Tita?" tanong sa akin ni Prince ng nakangiti.
Tumango ako sabay buga sa hangin. Magkahalong kaba at pananabik ang aking nararamdaman ngayon. Pinagbuksan ako ni Marky ng pinto at paghakbang ko palabas ng sasakyan ay agad kong isinuot ang aking salamin sa mata at hinanap ng tingin ang taong nagmamay-ari ng puso ko. Kataka-takang alas dyes y medya na ng umaga ay madami padin mga tao sa mga café dito sa Los Angeles. Nahirapan tuloy akong matukoy kung nasaan nakapwesto si Ellie.
"Yun siya Tita."
Agad na sinundan ng mga mata ko ang inginuso ni Marky. At natanaw ko ang nakatalikod na si Ellie. Hindi nga nagkakamali si Marky dahil maging ako'y kabisado ang pigura niya. Kahit puti na halos lahat ng buhok at nakatalikod ay kilala ko padin siya. Ganoon siguro talaga kapag mahal mo?
Ibinalik ko ang aking tingin sa dalawang makisig na lalake. "Thank you." sabay yakap sa kanilang dalawa. Pagkatapos ay iniwanan na nila ako.
Muli kong hinugot sa aking bulsa ang aking phone at tinawagan siya sa skype. Pagsagot niya ng tawag ay nakita ko ang paglitaw ng mukha ko sa laptop na kaharap niya.
"Hi, sorry sa kanina ah." sabi ko sa kanya.
"Wala 'yon, okay lang." ngumiti siya sa camera. Sinulyapan ko ang likuran niya na ilang hakbang na lamang mula sa kinatatayuan ko. Sumingkit ang mga mata niya ng ibalik ko ang tingin ko sa video niya "Nasaan ka ba?" tanong niya na hatang inuusisa ang background ko. Ngiti lamang ang sinagot ko sa kanya at nagpatuloy ng paglalakad papalapit sa kanyang likuran.
"Ang liwanag yata ngayon d'yan? Nasaan ka ba kasi talaga?" muling tanong niya ng makita ang mga foreigners na dumadaan sa likuran ko. Nang nasa mismong likuran na niya ako ay pigil na pigil ang mga tawa ko. Natawa din siya kahit hindi niya alam kung bakit "What's funny?"
Iyon na ang pagkakataon na sumilip ako mula sa likuran niya. Gulat na gulat ang ekspresyon niya ng makita niya akong sumulpot sa front camera niya. Agad siyang napatayo gamit ang isang prosthetic leg niya, muntik na siyang matumba kaya inalalayan ko siya sa kanyang braso. Titig na titig siya sa akin na hindi makapaniwalang kaharap na nga niya ako ngayon. Napatakip siya ng bibig, hindi malaman kung tatawa o iiyak. Mula sa pagkakahawak ko sa kanyang braso ay mabilis na lumipat ang mga palad ko sa likuran niya upang balutin siya ng aking mainit na yakap. Ramdam ko ang panginginig ng mga labi ni Ellie sa balikat ko. Umiiyak ba siya? Marahil ay dahil sa nag-uumapaw na damdamin.
"W-what are you doing here?" tanong niya sa akin na pinunasan ang tumulong luha sa gilid ng kanyang mata matapos naming magyakap.
"Dito ako dinala ng mga paa ko." sagot ko sa kanya.
Napailing siya, napaupo at umiyak nanaman. Hinagod ko ang likuran niya na naupo sa isang sila sa kanyang mesa "Bakit? Anong problema? Nandito na ako Ellie." sambit ko.
"W-wala. Akala ko kasi hindi na kita makikita kahit na kailan e." aniya na pinipilit ng tumahan. Natawa naman ako, dahilan para tusukin niya ang ngayon ay lubog na lubog ko ng biloy. "Na-miss kita Madel." kasabay na sabi niya.
"Mas na-miss kita."
Noong araw ding iyon ay isinalaysay ko sa kanya ang lahat ng dahilan kung bakit itinapon ko na ang aking kaduwagan. Nalungkot siya sa nasirang samahan namin ni Mary Grace ngunit sa kabila nito ay masaya siyang malaman na masaya ako ngayon at mas sasaya pa sa mga susunod ko pang pipiliing landas.
Kinabukasan ay ipinasyal ako nina Ellie at Prince sa isang tanyag na lugar sa kanila, ang Santa Monica Pier. Malamig ang simoy ng hangin duon na nanggagaling sa dagat. Bukod pa dito ay may amusement park na tanaw ang malaking ferris wheel nito kung saan kami kinuhanan ni Prince ng litrato. Nagkalat din ang mga restawran at café kung kaya duon na din kami masayang nagtanghalian.
"So, what do you think about this place Tita Madel?" tanong sa akin ni Prince ng naghihimagas na kami ng banana flambé gelato na ayon kay Prince ay paborito ng mga Angeleños.
Nilanghap ko ang masarap na hangin habang pinagmamasdan ang maaliwalas na bughaw na ulap at dagat ng pier. "Napakaganda dito. Para akong nananaginip." sagot ko sa kanila.
"A month is just a glimpse of L.A. You should extend your stay." wika ni Ellie. Nasabi ko na kasi sa kanyang isang buwan lang akong magbabakasyon dito.
Napayuko si Prince habang nilalaro ang kanyang tinidor "Don't you wanna stay here forever?" saka niya ako tiningnan "I mean, you should live here."
Nakita kong naghihintay din si Ellie sa sagot ko. Alanganin akong ngumiti "Syempre, gusto ko. Pero hindi bat napakatanda ko na para kumuha ng residency dito? At isa pa, sino namang kamag-anak ko ang magpe-petition sa akin? Multo?"
"Ako." mabilis na sagot ni Ellie.
"Hindi allowed iyon sa pagkakaalam ko. Dapat ay family member lamang."
"Come on Tita, I'm sure there's a way to do that. Yes, matagal na process but what if it'll work out diba?" komento ni Prince.
"Sabagay. If there's a will, there's always a way." nakangiting sagot ko. Parang nabuhayan ako ng pag-asa pero wala manlang reaksyon si Ellie sa sinabi naming 'yon.
Kinagabihan ng makauwi na kami ay tinimplahan niya ako ng kape habang nakaupo ako sa terrace ng kanyang silid. Mula dito ay nakaka-relax ang city lights, pero mailaw man ang siyudad ay tahimik na ang paligid. Paano'y hanggang ala sais lamang ang mga empleyado nila dito. Naupo sa tabi ko si Ellie, pareho kaming nakasuot ng puting daster na mahaba ang manggas. Nagpalitan kami ng ngiti pagka-abot niya sa akin ng kape.
"Tell me the truth Madel, bakit gusto mong tumira dito sa L.A?" biglang tanong ni Ellie. Napaamang tuloy ako at napaiwas ng tingin sa kanya.