Iyak ako ng iyak habang sakay ng taxi. Hindi ko makalimutan ang hitsura ng asawa ko habang nagmamakaawa sa akin. Gustong gusto kong bumalik kanina at yakapin siya ng mahigpit at huwag nang umalis pa.
Pero ng maisip ko ang dahilan ng pag alis ko ay lakas loob akong lumabas ng bahay at nilisan ang lugar na iyon.
Sana dumating ang araw na maintindihan niya kung bakit ko ginawa ito. Kung bakit ko siya iniwan ng ganon ganon na lang.
Nagpahatid ako sa isang hotel na malapit sa airport. Para bukas ay hindi na ako mahirapan pa. Hindi ako tumuloy sa bahay namin sa Makati dahil baka pumunta si Lander doon at pigilan na naman ako. Susunod din dito ang makakasama ko mamayang gabi.
Habang nakahiga ako sa kama dito sa tinutuluyan kung hotel ay napapaisip ako.
Kamusta na kaya ang asawa ko? Ano kaya ang ginagawa niya sa mga oras na ito?
Tumayo ako at kinuha ang telepono ko para tawagan siya. Idadial ko na sana ang numero niya ng matigilan ako. Ano naman ang sasabihin ko sa kanya?
Sa huli ay napagpasyahan kong ituloy ang tawag at ilang ring pa lang ay may sumagot na.
"Hello?"
"Hello Aling Marta.."
"Ma'am Caddy buti at napatawag kayo."
"Kamusta ho ang asawa ko?"
"Ma'am nasa kwarto niyo po. Kanina pa po nagbabasag ng gamit. Ayaw pong buksan ang pinto. Nag aalala na po ako baka kung anong mangyari sa kanya"
"Aling Marta... Huwag niyo pong pababayaan ang asawa ko." naiiyak ko na namang sabi.
"Iha ano ba kasi ang nangyari at bigla ka na lang umalis. Bakit hindi niyo pag usapan ng asawa mo." nakita niya kasi kanina ang nangyari noong pababa ako ng hagdan.
"Aling Marta.. pasensya na po hindi ko po masasabi sa ngayon. Basta ipangako niyo po sa akin na huwag niyo siyang pababayaan. Mahal na mahal ko po ang asawa ko Aling Marta. Ayokong may mangyari sa kanya." hindi ko na napigilan ang sarili ko at tuluyan na akong napahikbi.
"Iha.."
"Huwag niyo pong sabihin sa asawa ko na tumawag ako." napagpasyahan ko kasi na sa telepono nalang ng bahay ako tatawag imbes sa asawa ko. Nasa may sala ito kaya siguradong si Aling Marta ang sasagot.
"Iha bakit hindi ka na lang umuwi...”
"Hindi puwede Aling Marta. Balang araw ay maiintindihan mo rin ako."
Pagkasabi ko noon ay ibinaba ko kaagad ang tawag dahil alam kong kukulitin niya lang ako.
Ito ang unang beses na nagbasag ng mga gamit at nagkulong sa kwarto ang asawa ko. Ni minsan ay hindi niya pa ginawa ito. Ibig sabihin lang non ay sobrang nasaktan siya sa mga nangyari.
At labis akong nasasaktan sa isiping ako ang dahilan kung bakit nasasaktan ngayon ang asawa ko. Bakit kasi kailangan ko pang magkasakit. Bakit kailangang ganito katindi ang pagsubok na kailangan ibigay ng Diyos sa amin. Bakit kailangan ko pang mamatay agad.
Puwede naman kung kelan matanda na kami ay tsaka niya ako bigyan ng ganitong klase ng sakit para kahit papaano ay magkakasama pa kami ng matagal. O kaya ay bigyan niya muna kami kahit isang anak lang bago niya ako kunin. Para naman may maiiwan sa asawa ko kahit papaano. Hindi yong ganito, maiiwan siyang mag isa.
Nasa ganoon akong pag iisip ng biglang tumunog ang telepono ko. Pagtingin ko sa screen ay pangalan ng asawa ko ang nakita ko.
Hinayaan ko lang itong tumunog hanggang sa matapos dahil wala akong lakas para sagutin yon. Ngunit ilang sandali lang ay tumunog na naman ulit.
Nakatitig lang ako sa telepono ko habang paulit ulit na tumutunog ito. 49 miss calls. basa ko sa screen ng matapos muli ang tunog. Ilang sandali lang ay tumunog ulit. Sa pagkakataong ito ay dinampot ko ang cellphone ko para sagutin. Hindi ko na kasi kayang pigilan pa ang sarili ko. Pinindot ko ang answer button. At hindi pa nga ako nakakapagsalita ay boses agad ng asawa ko ang narinig ko.
"Hon... where are you? Susunduin kita."
Napalunok ako ng marinig ang boses niya. Mukhang umiiyak ito dahil garalgal ang boses niya. At napapaluha na naman ako dahil doon.
"Hon.. please. Umuwi ka na. Hindi ko sinasadya ang sinabi ko kanina. I'm sorry. Nabigla lang ako."
Siguro ang tinutukoy niya kanina ay yung pinagbintangan niya akong mayroon na akong ibang lalaki. O di kaya ay yong huwag na akong babalik once na umalis ako. Alin man doon sa dalawa ay hindi naman importante sa akin yon. Mas mabuti pa ngang ganoon na lang kaysa ganitong naririnig ko siyang umiiyak at nakikiusap na alam ko namang hindi ko siya mapagbibigyan.
"Please hon.. bumalik ka na dito sa bahay natin. Sabihin mo lang kung nasaan ka at pupuntahan agad kita."
Lumunok muna ako ng ilang beses bago nagsalita.
"I can't Lander. Please understand me this time. Ngayon lang ako nakikiusap sayo ng ganito. Sana ay mapagbigyan mo ako."
"But why all of a sudden ay bigla ka na lang umalis? May nagawa ba ako? May kasalanan ba ako."
"No Lander. Wala kang kasalanan. Wala kang nagawa. Huwag na huwag mong iisipin na may mali ka. Dahil ako ang may mali Lander. Ako ang may kasalanan. Kaya please hayaan mo muna ako."
"No hon, I can't. Please mag usap tayo. Ayusin natin to."
"Mag usap man tayo ay wala ring mangyayari Lander. Now go on with your life with out me."
"NO... hindi ko kaya honey. Please bigyan mo naman ng chance ang pagsasama natin." Sa pagkakataong ito ay rinig na rinig ko na ang mga hikbi niya. At parang sinasaksak ang puso ko habang nakikinig sa kanya.
"Masaya naman tayong dalawa. Bakit biglang nagkaganito?" rinig kong sabi niya habang umiiyak.
"Gaano ko man kagustong makasama ka. Darating at darating din ang araw na iiwan kita Lander. Kaya mas mabuti pang ngayon pa lang ay putulin na natin to."
"Honey.. please...huwag naman ganito..."
"I already made up my decision Lander. Bye"
"Hon..."
Hindi ko na kayang marinig pa ang mga hikbi niya at ang boses niyang nagmamakaawa kay pinutol ko na agad ang tawag. Inoff ko ang cellphone ko para hindi na siya makatawag pang muli. Pinakawalan ko ang iyak kong kanina ko pa pinipigilan. Kanina pa rumaragasa ang mga luha ko habang kausap siya. Pinigilan ko lang ang humikbi para hindi niya marinig. Ang sakit sakit ng dibdib ko. Ngayon ay humahagulhol na ako sa bigat ng nararamdaman ko. Wala na akong pakialam kung ano man ang hitsura ko. Tutal ay wala namang nakakakita sa akin.
Kakaiyak ko ay nararamdaman kong nahihirapan na akong huminga. Hawak hawak ko ang dibdib ko habang kinukuha ang gamot ko na nasa loob pa ng maleta na nasa tabi lang ng kama ko. Gabi na pala at nakalimutan kong inumin ito kanina. Nang makuha ko ay bubuksan ko na sana ito ngunit wala pala akong tubig. Inikot ko ang mata ka sa loob ng hotel room baka sakaling may makita akong tubig ngunit wala.
Nakita ko ang mini ref kaya humakbang ako papunta doon. Ngunit sa paghakbang ko ay bigla akong nahilo kaya napaupo akong muli. Kailangan ko ng makainom ng gamot kaya tumayo akong muli at humawak sa dingding para kumuha ng lakas. Ilang hakbang lang ay napahinto na ako. Habol habol ko na ang aking hininga.
God help me. Huwag naman sanang dito magtatapos ang buhay ko. Humakbang akong muli. Ngunit hindi ko na nagawa dahil tuluyan na akong napaupo sa sahig. Wala na akong lakas para tumayo pa.
Kailangan kong gumawa ng paraan. Nakita ko ang telepono ilang hakbang lang ang layo mula sa akin. Dahan dahan akong gumapang papunta doon. Nang makarating ay inabot ko kaagad ang telepono at nangiginig ang kamay na dinial ang numero ng information na nakapaskil sa dingding. Laking tuwa ko ng may sumagot agad.
"H help m..me." nahihirapan kong bigkas.
Iyon lang ang nasabi ko dahil kusa ng nalaglag ang teleponong hawak ko. Naririnig ko pa ang mahinang boses sa kabilang linya na nagtatanong habang naka hang ang telepono ngunit wala na akong lakas para magsalita pa at abutin ito. Ipinikit ko ang aking mga mata at nagbabakasakaling may darating na tulong.
Ilang sandali pa ay may narinig akong katok. Dahil sa hindi ko na kayang gumalaw pa ay hinintay ko na lang na sila na mismo ang magbukas ng pinto na nangyari din ilang segundo lang ang nakalipas.
Iminulat ko ang mga mata ko. Kita ko ang pagkagulat nila nang makita nila akong nakaupo sa sahig at nakasandal sa dingding habang hawak hawak ang dibdib ko.
"Ma'am what happen?"
"W.. ater p.. please." nahihirapan kung bigkas.
Mabilis na tumalima ang isa at kumuha ng tubig. Itinuro ko naman sa isa niyang kasama ang mga bote ng gamot na naglaglagan sa sahig kanina. Mukhang nakuha niya ang ibig kong sabihin kaya mabilis niya itong pinulot at lumapit muli sa akin. Isa isa niyang binuksan ang mga bote at kumuha ng isa tsaka ibinigay sa akin. Inuumang naman ng isa sa bibig ko ang tubig na kinuha niya para makainom ako.