12

1027 Words
Ilang beses na nagpakawala ng malalim na buntong hininga si Maricon habang paikot ikot siya sa maliit na sala ng bahay. Alas singko na ng hapon pero wala pa rin siyang balita kung nasaan na si Gabriel. Napakahina ng phone signal sa isla Camito at dahil sa malakas na pagbuhos ng ulan ng bandang hapon ay mas lalo pang nawalan ng signal sa buong isla. Hindi tuloy niya ito matawagan o kahit ang pamilya nito. Nag aalala na siya dahil baka inabutan ng malakas na ulan ang bangka na sinasakyan nito. “Ano po kaya ang nangyari kay Gabriel? Pabalik na po kaya sila?” nag aalalang tanong niya sa kapatid ni nanay Pilar na si nanay Rosing. Nagbilin si Gabriel na habang wala ito ay samahan na muna siya ng matanda kaya maghapon niyang kasama si nanay Rosing. “Hindi ko rin alam ineng, kahit nga ako ay nag aaalala na dahil bigla na lang umulan ng malakas. Pabago bago na talaga ang panahon ngayon.” Pinisil niya ang mga palad at pilit na kinalma ang sarili. Pero kahit anong pilit niya ay hindi mawala ang kaba sa dibdib niya. Hindi niya talaga mapigilan na hindi mag alala dahil baka kung ano na ang nangyari kay Gabriel. Mariing ipinikit niya ang mga mata nang marinig niya ang malakas na pagkulog. Hanggang ngayon ay patuloy pa rin sa pagbagsak ang malakas na patak ng ulan at parang wala na ngang balak iyon na tumigil pa. Nagsisimula nang dumilim ang langit kaya mas lalo pang nadagdagan ang pag aalala niya. Pagsapit ng alas otso ng gabi ay panay na ang iyak niya at kahit anong gawin ni nanay Rosing ay hindi siya nito mapakalma. Nanginginig na siya sa takot at halos lahat na siguro ng eksena na paglubog ng bangka sa mga pelikulang napanood niya ay sumagi na sa isip niya dahil sa sobrang pag aalala niya. Hindi na rin siya kumain pa at nakatulugan na niya ang pag iyak. Nagising lang siya nang maramdaman na parang may mainit na palad ang humahaplos sa mga pisngi niya na para bang tinutuyo nito ang mga luha sa pisngi niya. Dahan dahan niyang iminulat ang mga mata at agad na nagtaka nang mapansin na maliwanag na ang buong kwarto. Dahil siguro sa matagal na pag iyak at pagod niya kaya nakatulog siya ng matagal. “G-gabriel?” malakas na napasinghap siya nang tumambad sa kaniya ang nakangiting mukha nito. Kontentong hinahaplos nito ang pisngi niya habang pinagmamasdan siya nito. “Good morning, sweetie, gaano ka ba katagal na umiyak kagabi? Masyadong namamaga ang mga mata mo.” Napaawang ang mga labi niya at hindi makapaniwalang pinagmasdan ito. Nang masiguro na hindi iyon isang panaginip lang ay bumalikwas siya ng bangon at niyakap ito. Umiiyak na ibinaon niya ang mukha sa mainit na dibdib ni Gabriel saka siya malakas na humagulhol. “Walanghiya ka talaga! papatayin mo ako sa takot!” singhal niya sa asawa niya. Alam ni Maricon na nagiging paranoid na siya pero sino ba naman ang hindi matatakot? Paano na lang kung nasa kalagitnaan na pala ito ng biyahe kahapon ng biglang bumuhos ang ulan? Paano kung lumubog ang bangka dahil sa malalakas na alon o kaya ay mastranded ito sa kung saang isla at mapahamak? Magiging biyuda siya ng wala sa oras at hindi niya pinangarap iyon! “Talaga? nag alala ka sa akin?” Naramdaman niya ang matinding emosyon at pagkagulat sa boses nito. Hindi siya nagsalita at nagpakawala lang ng mahinang hikbi. Niyakap naman siya nito at masuyong hinaplos ang mahabang buhok niya. Naipikit niya ang mga mata nang ipatong nito ang mismong baba nito sa ibabaw ng ulo niya. Nakarinig siya ng mahinang paghikbi kaya napakunot noo siya. Tumigil na siya sa pag iyak kaya imposibleng sa kaniya nanggaling iyon. Mabilis na lumayo siya kay Gabriel at gulat na tiningnan ito. “Gabriel? U-umiiyak ka!” gulat na bulalas niya. Umiling naman ito at pasimpleng pinunasan ang mga luha. “Napuwing lang ako, maligo ka na. Nakapagluto na ako ng breakfast natin.” Walang imik na pinagmasdan niya ito. Nakagat niya ang likod ng mga pisngi ng muling pumatak ang mga luha nito. Siguro kung naroon lang ang mga bayaw niya ay baka inasar na ng mga ito si Gabriel dahil sa pag iyak nito ngayon. Pero bakit nga ba ito umiiyak? Masyado ba itong natuwa dahil sa loob ng ilang taon ay ngayon lang siya nagpakita ng pag aalala dito? Umiyak pa siya dahil lang sa takot na baka napahamak na ito. Dapat ba talaga nitong iyakan ang naging reaksiyon niya? alam niyang hindi basta umiiyak ang mga lalaki, maliban na lang kung may malalim na dahilan. Pero si Gabriel…. Napailing siya at maingat na ipinaloob ang mga palad sa pisngi nito. Bumuhos ang magkakahalong emosyon sa dibdib niya nang hawakan nito ang likod ng mga palad niya. Pakiramdam niya ay sumirko ang puso niya nang magtama ang mga mata nila. Aminado siya na noon ay halos ayaw niya itong tingnan. Naiinis siya sa presensiya nito. Itinatak na niya sa isip na habulin man siya nito ng mas higit pa sa fifteen years ay tatakbo lang siya palayo dito. Pero hindi niya naisip na isang araw lang pala ang kailangan para makumbinsi niya ang sarili na ang mga bagay na nakikita ng ibang tao kay Gabriel ay kayang kaya rin naman niyang makita kahit na nakapikit pa siya. At kahit na magbulag bulagan siya ay masyado ng nagiging pasaway ang puso niya, ayaw na niyong makinig sa sermon niya. “Are you going to kiss me?” napapalunok na tanong nito nang bumaba ang tingin nito sa mga labi niya. Tumango siya at dumukwang para halikan ang mga labi ni Gabriel. Alam niyang nagulat ito sa ginawa niya. Pero mas nagulat siya sa naging reaksiyon ng katawan niya. Ang mga bagay na hindi niya naramdaman sa mga bisig ni Junie noon ay malaya niyang nararamdaman ngayon sa paghalik niya kay Gabriel. Nagawa nitong sakupin ang buong sistema niya sa mabilis na paglalapat lang ng mga labi nila. Paano pa kaya kung mas higit pa sa halik na iyon ang pagsaluhan nila?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD