Mahigit alas otso na ng umaga nang magising si Maricon. Kahit masakit pa ang katawan dahil sa ilang beses na pag angkin ni Gabriel sa kaniya kagabi ay pinilit niyang bumangon at agad nagbihis.
Basta na lang niya isinuot ang malaking t-shirts ng asawa at hindi na nag abalang magsuot pa ng pang ilalim. Mabilis ang mga kilos na dumiretso na siya sa kusina at nagluto ng almusal nila.
Masigla ang gising niya ngayong umaga kaya excited na nagluto siya para sorpresahin niya ito. Mahimbing pa rin ang tulog ni Gabriel hanggang ngayon kaya nagkaroon siya ng pagkakataon na kumilos sa kusina. Pagkalipas ng mahigit kalahating oras ay bitbit na niya sa itaas ang malaking tray na may lamang umuusok na sinangag, itlog at hotdog. Mga simpleng ulam lang iyon at alam niyang walang wala sa kalingkingan ng mga lutong pagkain nito.
Pero dahil nga masayang masaya siya ngayon ay gusto niyang alagaan ito at sopresahin. Alam kasi niyang napagod din ito kagabi dahil sa ginawa nila.
Maingat na inilapag niya sa bedside table ang hawak niyang tray at naupo sa tabi ni Gabriel. Tulog na tulog pa rin ito kaya malaya niya itong pinagmasdan habang hinihintay itong magising. Parang bomba na gustong sumabog ng malakas ng puso niya habang nakatitig siya sa gwapong mukha nito. Mukha itong anghel habang natutulog kaya sino ang mag aakala na punong puno ito ng kapilyuhan kagabi habang paulit ulit siya nitong inangkin.
Sa naisip ay awtomatikong namula ang mga pisngi niya. Ipinilig niya ang ulo para lang maitaboy niya sa isip ang mainit na mga tagpo sa pagitan nila ni Gabriel kagabi. Mahinang tumikhim siya at tiningnan ulit ito. Dumapa ito ng higa at bumaling ang ulo paharap sa kaniya. Iginalaw nito ang braso at kinapa ang bakanteng bahagi ng kama kung saan siya nakahiga kagabi.
Napangiti siya nang mapansin ang pagkunot ng noo nito kahit na nakapikit pa ang mga mata nito. Mukhang kahit isang gabi pa lang silang natutulog ng magkatabi ay nasanay na agad ito sa presensiya niya sa kama. Ang isang hita niya ang nakapa nito bago ito tuluyang nagising. Kinusot nito ang mga mata at pinagmasdan siya.
“Sweetie? Kanina ka pa ba gising?” namamaos pa ang tinig na tanong nito.
Nakangiting tumango siya at umusod palapit sa asawa. Hinaplos niya ng marahan ang braso nito.
“Gusto mo pa bang matulog? Pwede ko namang initin na lang ang pagkain mamaya pagkagising mo ulit.” Suhestiyon niya.
Natigilan ito at hindi makapaniwalang bumangon. Natawa siya nang mapansin ang magulong buhok nito. Masuyong sinuklay niya ng daliri ang makapal na hibla ng buhok ni Gabriel.
“Nagluto ka?” gulat na tanong ni Gabriel.
“Ipinagluto kita.” Pagtatama niya.
“At hindi mo man lang ako ginising?”
“Mister, baka po nakakalimutan mo na may kamay at paa naman ang asawa mo kaya hindi mo ako kailangang pagbawalan na kumilos sa kusina. Kahit naman sabihin na mas masarap kang magluto sa akin ay acceptable pa rin naman ang mga pagkaing niluto ko. Makakain pa rin naman.”
Napaungol ito at nang sulyapan ang table kung saan nakapatong ang tray na may lamang pagkain ay napangiti ito. Halos hindi na mawala wala ang ngiti sa mga labi ni Gabriel kaya parang ang sarap tuloy nitong asarin ngayon.
“Teka nga…” mayamaya ay biglang naningkit ang mga mata nito at tiningnan siya. “Masyado ka yatang malambing ngayon sa akin, misis. May gusto ka bang hingiin?”nagdududang tanong nito sa kaniya.
Napalabi siya at biglang napahalakhak. “Meron nga akong request.”
Matamis na nginitian siya nito.
“At ano naman kaya ang request ng mahal na reyna?”
Kumabog ang dibdib niya. Panahon na ba para sabihin niya kay Gabriel ang request niya? alam niya kung ano ang ibig sabihin ng kondisyon na hihingiin niya dito. Maiintindihan siya nito at malamang na magpapiyesta pa ito dahil sa sobrang tuwa.
“Uwi na tayo?” pigil ang paghingang tanong niya kay Gabriel.
Nakita niya ang pagguhit ng pagkabigla sa buong mukha nito. Namilog ang mga mata nito at malakas na napasinghap. Naaaliw na ginaya naman niya ang eksaheradong reaksiyon ng lalaki.
“Be a good girl, sweetie, nangako ako kay mommy na uuwi lang tayo sa oras na may pagbabago na sa relasyon natin.”
Naalala niyang sabi nito sa kaniya noong unang araw nila sa isla Camito at halos isumpa niya ito dahil sa matinding galit niya.
“Ibig sabihin…..” naikurap ni Gabriel ang mga mata at muling pinagmasdan siya.
“Good girl na po ako, pwede na tayong umuwi.”
“Oh shoot!”
“Gabriel!” malakas na napatili siya ng bigla na lang siyang kabigin ng lalaki at iposisyon sa ilalim nito.
Kumalat sa buong paligid ang malakas na halakhak niya nang paulanan nito ng halik ang buong mukha niya.
Nakakataba ng puso ang nakita niyang reaksiyon ng asawa niya. Daig pa nito ang nanalo ng milyones sa lotto kung sumigaw ito sa tuwa ngayon.
Iyong totoo, Lord? Ano po ba ang nagawa kong maganda noong past life ko at ibinigay mo sa akin ang ganito kaperpektong lalaki?