Pagkatapos pa ng halos anim na oras na biyahe, nakarating kami sa Pagudpod. Hapon na rin, bandang ikaapat ng hapon, at medyo malamig ang simoy ng hangin habang naririnig mo ang mga alon. Nasa tabi pala talaga ng dalampasigan ang malaking lupain ng mga Figueroa. Sa gilid no'n ay may magarbong restaurant at resort na may malaking arko sa labas na nagsasabing, "Balay ni Figueroa". May mga maliliit na cottages sa may gilid na siguro ay para sa mga guests ng resort nila. Walang bisita ngayon sa resort dahil pansamantala raw munang isinara 'yon para sa gaganapin na kasal.
Ibinaba nina Keith at Gino ang mga gamit namin mula sa sasakyan habang hinila naman ako ng fiancée ni Gino palapit sa kanyang mga magulang. Ipinakilala niya ako sa mga 'yon at magiliw naman nila kaming tinanggap. Pinatuloy nila kami sa loob kung saan may mga nakahandang pagkain tulad ng pancit, empanada, bagnet, at marami pa na hindi ko alam kung ano ang tawag. Inaasikaso ako ng fiancée ni Gino habang si Sheena naman ay nakatitig lang sa akin, tinitingnan kung ayos lang ba talaga ako.
Sandali siyang nawala. Pagbalik niya ay kasama na niya ulit si Gino. Nakakapit siya sa braso nito habang kasunod naman nila si Keith. Iniiwas ko ang tingin ko mula sa kanila upang hindi na ako masaktan pa. Ngunit hindi ko mapigilan ang pait na unti-unting namumuo sa bibig ko.
Tumabi sa akin sina Gino at ang fiancée niya. Si Keith naman ay umupo sa tapat ko. Inabutan niya ako ng pancit at empanada. Kukuha sana ako ng bagnet pero tinabig ni Gino ang kamay ko.
"Bawal ka n'yan, 'di ba?"
Napasimangot ako. "Nanay ba kita, ha?"
Pinitik niya ako sa noo. "Ikaw naman, alam mong diabetic ka—"
"Bawal lang ako sa matatamis, Gino. 'Wag kang echusero." Hindi na niya ako napigilan nang kumuha ako ng bagnet at inilagay sa plato ko. Sabi nga nila, ang pinakamagandang gamot sa sugatang puso ay pagkain. Itinuon ko na lang ang pansin ko sa plato ko para 'di ko marinig ang mga kuwentuhan ng dalawa sa tabi ko.
Mayamaya ay nag-umpisang mangati ang balat ko at parang kinakapos ako ng hininga. Nakaramdam ako ng matinding sakit ng sikmura. Naalerto bigla ang mga kasama ko.
"Maja, anong nangyayari?"
"Allergy," namimilipit na sabi ko.
Napatingin si Gino sa pancit na kinakain ko. Kinalkal niya iyon gamit ang tinidor. May hipon. Allergic ako sa shellfish, kaya umiiwas ako sa mga pagkain na may hipon o kahit na anong lamang-dagat. Nakaligtaan kong sabihin sa mga kasama ko at hindi rin naman alam ni Gino na may hipon ang pancit dahil maliliit ang mga iyon at hindi mo talaga mahahalata na nakahalo sa pagkain.
"Naku Maja, sorry, hindi ko alam! Teka, may gamot ako dito e. Sandali lang," natatarantang sabi ng fiancée ni Gino bago siya nagtatatakbo pabalik sa bahay nila na may kalakihan na nagsisilbi rin daw na hotel. Mayamaya ay binalikan niya kami, may bitbit na gamot. Iniabot niya sa akin ang pakete ng tableta ng antihistamine. Mabilis kong binuksan 'yon at inilagay ang gamot sa bibig ko. Ininuman ko 'yon ng tubig galing sa basong ibinibigay ni Gino.
Nilapitan ako ng fiancée niya at hinawakan niya ang mga kamay ko habang hinihintay ko na mawala ang sakit.
"Sorry talaga, hindi ko talaga alam. Kung alam ko lang na allergic ka sa seafood, hindi na sana kita binigyan ng pancit," nag-aalalang sabi niya.
Binundol ng matinding guilt ang dibdib ko. Kung tutuusin ay hindi niya kasalanan dahil hindi naman niya alam na allergic ako sa seafood. Pero heto siya ngayon, alalang-alala, at paulit-ulit na nagso-sorry sa akin.
"Buti na lang naagapan agad. Pero dapat magpahinga ka muna, Maja," komento ni Keith na nakatayo sa likuran niya.
Binitbit ni Sheena at Gino ang mga gamit namin at panandaliang nawala. Si Gino na lang ang bumalik dahil inaayos daw no'ng isa ang hihigaan ko. Hindi pa rin umaalis ang fiancèe niya sa tabi ko. Kahit na namamanhid ang mga labi ko at pakiramdam ko ay ang kati-kati ng buong katawan ko ay pinilit ko pa ring maglakad patungo sa kuwartong tutuluyan namin ni Sheena. Nakaalalay naman sa akin si Gino at Keith habang nakasunod ang kapatid niya sa sa amin.
Nang makarating sa may front door ng bungalow hotel nila ay iniwan kami sandali ni Keith. Ang fiancée naman ni Gino ay tumuloy sa kusina, siguro ay para kausapin ang mga magulang niya.
Naiwan kaming dalawa ni Gino. Kahit na nangangati at namamanhid ang katawan ko ay hindi pupuwedeng hindi ko maramdaman ang kamay niyang nasa beywang ko. Dahan-dahan ang aming paglalakad. Ilang pulgada lang ang layo niya sa akin. At pabilis nang pabilis ang t***k ng puso ko.
"'Tol, wala ka bang naaalala?" tanong niya sa akin.
"Huh?"
"Gan'tong-gan'to rin tayo no'ng na-broken-hearted ako sa ex ko dati, 'di ba? Inaya kita uminom no'n, pero in the end, ikaw 'yong lasing na lasing at halos hindi na makalakad tapos ako naman mahina lang 'yong tama. Ang hirap mo nga iuwi no'n e. Ang bigat mo kaya." Bahagyang natawa si Gino sa mga sinabi niya.
"Palagi naman tayong ganito, Gino. Kapag broken ka, palagi akong nakaalalay sa'yo. Palagi akong to the rescue. Sa kahit na anong bagay, palagi akong nand'yan. In the end, ako 'yong malakas ang tama." May laman ang mga salita ko, pero daig pa ata ni Gino ang bato, dahil parang hindi niya man lang napansin ang mga sinabi ko.
"Kaya nga nagpapasalamat ako dahil naging kaibigan kita."
Kaibigan.
Nakakarindi rin pala.
Nakakarindi rin palang marinig nang paulit-ulit 'yong salitang 'yon. Akala ko, hindi ako mananawang marinig 'yon. Sampung taon ko nang naririnig 'yon. 'Ni minsan, hindi nagbago. 'Yong tono, pagkakasabi, 'yong nagsabi. Kung anong meron kaming dalawa. Kung anong nararamdaman ko para sa kanya. At 'yong nararamdaman niya para sa akin.
Hindi nag-iba.
Hindi man lang nag-iba.
"Gino..."
"Hmm?"
Mahal kita.
"Wala."
Wala na ba talaga tayong pag-asa?
Narating namin ang kuwarto nang walang imik. Inalalayan niya akong makahiga sa kama habang si Sheena naman ay inaayos ang mga gamit namin.
"Magpahinga ka na muna, 'tol. Mamayang gabi, hapunan. Kailangan mong kumain mamaya tapos matulog ka na nang maaga."
Kinumutan niya ako hanggang sa may beywang. Hinawakan niya ako sa pisngi at marahang pinadaan ang mga daliri niya sa ilong ko. Bago siya umalis ay hinawakan ko ang kamay niya. Napalingon siya sa akin, parang nagtataka.
"'Tol, sandali. 'Wag ka munang umalis."
Huwag ka munang magbago, please?
"Ano 'yon?"
Mahal kita. Ten years na, Gino.
"Pakisabi kay Krystal..."
"Anong sasabihin ko?"
Pakisabi sa kanya, ang suwerte niya. Ang suwerte-suwerte niya.
"Pakisabi, salamat."
Ngumiti lang si Gino. "Sige, 'tol. Sasabihin ko 'yan."
Naglakad siya palabas ng kuwarto, habang pinipigilan ko ang sarili ko na pigilan siya sa pag-alis. Nang masigurado ni Sheena na nakalayo na siya ay dali-dali niya akong tinabihan.
"Ano, kaya pa?" may halong pag-aalalang tanong niya.
Tipid lang akong ngumiti. "Siguro. Sana oo. "
Napabuntong-hininga na lang siya. "Ang masokista mo talaga."
"Kaya ko pa naman, Shi. Basta para kay Gino, kakayanin ko." Mahina akong natawa. Tawa na nagpipigil ng luha. "Wala naman akong ibang puwedeng gawin, e. Alangan namang pigilan ko siyang magpakasal? Alangan namang sirain ko ang kasal niya? Nasasaktan ako, oo. Pero hangga't masaya siya, masaya na rin ako. Kahit na hindi ako 'yong dahilan."
Natahimik si Sheena. Tumayo siya pagkatapos ay sumilip sa bintana. Papadilim na."Hindi ba parang overdue ka na talaga? Sampung taon, Maja."
Hindi ako umimik.
"Sampung taon mo na siyang mahal. Andami mo nang napalampas sa buhay mo. Dami mo nang tinanggihan, andami mo nang nai-delay. Teh, let go ka na. Tino-torture mo na sarili mo e. Ayos lang namang tumanggi. Ayos lang magalit. Ayos lang ipakita na nasasaktan ka. 'Wag lang gan'yan. 'Wag mo lang pagmumukhaing tanga 'yong sarili mo. Mali 'yon. "
"Mali bang magmahal nang todo?" mahinang tanong ko.
"Hindi." Nilingon ako ni Sheena. "Pero 'yong magmahal ka na halos wala ka nang itira sa sarili mo...'yon ang hindi maganda. 'Yong hindi mo man lang iniisip 'yong sarili mo. 'Yong kahit nasasaktan ka na, go ka pa rin. Maja, ten years na rin naman na tayong magkasama. Alam ko kung anong mga isinugal mo at ni-let go mo para kay Gino. Pero naman, ikakasal na siya. Hindi na siya 'yong Gino na single na palaging nand'yan sa tabi mo. Bubuo na siya ng pamilya. Baka siguro panahon na para unahin mo naman 'yong sarili mo. Bente otso ka na, hindi ka naman bumabata para maghintay lang nang maghintay do'n kay Gino."
"Akala ko... kapag nanatili ako... dadating din 'yong panahon na magiging pareho 'yong nararamdaman namin. Dumaan 'yong tatlong failed relationships niya, na-promote kami sa trabaho, nag-28 ako, pero walang nagbago. Walang nag-level up. Sa feelings ko siguro, meron. Pero kay Gino? Wala. Alam ko naman. Pero ano bang magagawa ko, Shi? 'Di naman gano'n kadali na mag-move-on. Matagal ko rin siyang minahal... at 'yong sampung taon na 'yon, binigay ko ang best ko. Hindi ba dapat ibigay mo ang best mo kapag nagmamahal ka?"
Hindi na umimik ang kausap ko. Alam niyang walang saysay ang pakikipagtalo niya sa akin. Just like what they always say, when the heart's alive, the brain is dead. Kahit na may punto siya, kahit na pareho naming alam na tama siya, hindi tatablan ng mga 'yon ang puso ko na nabato na ata sa sobrang pagkamanhid.
"Pero Shi, promise. Ito na talaga ang huli. Pagbalik natin sa Makati, pipilitin ko nang mawala 'to. 'Tong nararamdaman ko. Tutuldukan ko na 'tong chapter na 'to ng buhay ko. I'll let Gino go."