AMBER
I've been wondering. Habang pinapanood ko si Lara sa pakikipaglaban kay Priam, maraming katanungan ang muling sumagi sa isip ko. Matagal na panahon ko na ring ipinagsawalang bahala ang mga napapansin ko sa kaibigan at ngayon lang uli nabuhay ang mga tanong sa isip ko na hanggang ngayon ay hinahanapan ko parin ng kasagutan.
Nahalata ko na ang pagbabago kay Lara nang matapos ang digmaan sa Typraz. Pagkatapos ng digmaang iyon, hindi ko na nakita ang anim na gabay nito -ang kanyang six keeps. Sinasadya ba niyang huwag nang palabasin ang anim na nilikha o sadyang wala na siyang kakayahang tawagin ang mga ito?
Sa loob ng halos dalawang taon, napansin ko ang malaking pagbabago sa pakikipaglaban nito. Mula sa hand-to-hand combat hanggang sa paggamit nito ng keeps ay masasabi kong mas nahasa at mas humusay ito sa pisikal na labanan. Hindi na siya ang Larang duwag, mahina at walang kalaban-laban. Tila sa paglipas ng panahon, mas umasa na ito sa kakayahan ng kanyang lakas at pakikipaglaban kaysa sa pagiging total keeper nito. Nasaan na kaya ang kapangyarihan nito na tumalo sa dark master at nagpabagsak sa pinakamabagsik na dragon sa buong Cairos? Anong nangyari sa kakayahan niyang tawagin ang anim na makapangyarihang nilikha ng anim na elemento? Anong hindi sinasabi saakin ni Lara?
"Pewh! Tinamaan niya ang chief commander!" Isang sigaw mula sa aking likuran ang pumukaw sa aking gunita.
"Mukhang nagkamali tayo ng inakalang hindi niya madadalplisan si Priam. Malakas nga talaga ang total keeper na si Lara," anang ng isang boses sa kabila ng bulwagan kung saan nagkumpol ang iba pang mercenary keeper.
She'll try hard for the golden stone. Alam kong 'yon lang ang natatanging paraan para makalabas siya ng Cairos at mahanap ang naglahong si Laurent. Palibhasa naman kasi itong si papa Lulu, daig pa ang pekeng 'I love you' ni Silex noon -paasa.
Nang-iwan. Ang masaklap, walamg pasabi.
Masakit ang maiwan. Pero mas masakit ang iniwan ka ng hindi mo alam kung anong dahilan. Dahil kasabay ng paghahabol mo sa taong nang-iwan sayo ang paghahanap mo rin ng mga kasagutan kung bakit ka iniwan. Ang mga 'what if's' sa buhay, 'yan 'yong mga galamay na pilit pumipigil sayo para magmove on at maglakad ng diretso. What if mas pinili ni Laurent ang mabuhay mag-isa, malayo kay Lara at sa marangya nitong estado? What if dinakip si Laurent? What if nabura ang memorya niya? O what if nakipagtanan na si Laurent sa iba?
Nakakabwisit na "what if's" ng buhay. Parang sanga-sangang daan ng kapalaran na hindi mo alam kung aling daan ba ang mas makabubuti sayo -ang pagtuklas sa sagot sa tanong ni what if o ang daan patungo sa tuluyang pag-ignore kay what if at magpatuloy na lang sa buhay? Si Lara, alam kung mas pinipili niya ang daan patungo sa kasagutan ng tanong ni what if. Kaya heto siya ngayon, nilalabanan ang imposible dahil sa kagustuhan niyang mahanap ang lahat ng kasagutan sa pagkawala ni Laurent.
Ako naman, ang best supporting bestfriend, laging nakasuporta sa kanya hanggang sa pumuti ang pakpak ng mga tenebris. Alam ko, matapang na si Lara ngayon pero durog naman ang loob nito. Kaya hindi ko siya iiwan hangga't maging buo na siya uli -kapag nahanap na niya ang kasagutan sa lahat ng tanong na nakatarak sa nagsisikip niyang kalooban.
"Mukhang tapos na!" sambit ng isang keeper mula sa aking likuran.
"Hindi yata pumasa ang prinsesa Holoma," halos pabulong namang sabi ng isa pang usisero. Marahil ay napansin nito ang presensya ko kaya hininaan ang boses.
"She failed," malakas na parinig ng isang keeper na kilala kong si Tanya, napaangat pa ang dulo ng labi nito nang mapansing nakatingin ako sa kanya saka nagpatuloy, "sometimes being a total keeper isn't enough to become a mercenary. Masyado siyang naging kampante."
Napatiim ako ng bagang. Alam kong hindi pumapatol ang ganda ko sa mga katulad niya pero parang may exemption. Malapit ko pa naman nang mamaster ang dark spells na lihim kong inaaral ilang buwan na at gusto ko siyang gawing subject sa experiment ko.
Lalapitan ko na sana si Tanya para komprontahin at ipamukha sa kanya ang ganda ko nang maramdaman ko ang malamig na palad sa kaliwa kong balikat.
Nang lingunin ko ang nangmamay-ari ng palad na 'yon ay bumungad saakin ang malungkot na mukha ni Lara. Pinilit nitong ngumiti. Halos hindi ko ito makilala dahil sa dungis ng mukha nito at sa pasa sa kaliwang pisngi.
"It's fine, Amber. Ang mahalaga pumasa ka." Garalgal ang boses niya at halatang kinukubli ang basag na tinig. Hindi ito makatingin saakin ng diretso. Kinukubli ang nangingilid na luha sa mata.
Natigilan ako. Nakaramdam ng pagkabigo dahil sa kabiguan niya. "A-are you okay?"
"Yeah. I will be fine," anito saka pinilit ngumiti. "It's just not my day. Hindi naman kasi laging sinuswerte ang mga bida," biro nito.
"You're not healing. Dapat kanina pa magaling yang mga pasa mo!" paalala ko sa kanya bilang pag-iiba sa usapan at maibsan ang sakit sa kalooban nito.
Bigla nitong naramdaman ang mga pasa at sugat. Halatang nagulat ito dahil nakalimutang magself heal pagkatapos ng laban nila ni Priam. "N-nawala sa isip ko," pagpapaliwanag nito.
"Tsk. Malalim na naman ang iniisip mo. Diba sab-"
"Hearthopia." A voice cut me off. It's Priam Cloud.
Napalingon kami pareho ni Lara sa pinagmulan ng boses na 'yon at bumungad saamin ang walang kagalus-galos na si Priam - with his boring, mysterious and emotionless face. Tila may mahalaga itong sasabihin kay Lara. Nang ikalat nito ang paningin sa buong function hall kung saan kami naroon ay mabilis na nagsilabasan ang mga mercenary keeper na naroon na parang sinenyasang lumabas ng gusali kahit na wala pang sinasabi ang chief commander.
Ako, si Tanya at ang dalawa pang pumasang keeper ang tanging nanibago at naiwan sa loob. Nagkatinginan pa kaming lahat kung anong ibig sabihin ng paglabas ng lahat.
"I said Hearthopia. Only." May diin ang pagkakasabi nito sa huling salita.
Mabilis na lumabas sina Tanya. Dinig ko ang papalayong mga yapak nito sa aming likuran.
Dahil matigas ang ulo ko at ako ang pambansang bestfriend ng Cairos, hindi ko iniwang mag-isa si Lara. Gosh, ako pa? "I'll stay," bulong ko sa kaibigan sabay hawak sa bisig nito.
Bumuntong hininga si Priam. Parang pilit nitong pinapakalma ang sarili at ang pagbuntong hininga nito ang isa kanyang paraan para kontrolin ang papasabog na niyang inis. Tinapunan ako nito ng matalim na tingin saka nagsalita. "Amber Frost, right?"
Hindi ako umimik. Tinaasan ko siya ng isang kilay saka umismid kahit na sa loob-loob ko'y pagpapakamatay na ang ginagawa ko.
"Attitude." He blew a huge amount of air then went back to his normal cold, killer stare. "That kind of attitude, parang gulong yan na walang hangin, it won't get you anywhere," he paused with his eyebrows almost crossing, "are you gonna leave or am I gonna do something to make you leave?"
"Amber, I'll be fine. Just leave. I'll see you outside," alalang sabi ni Lara.
"No. Napipikon na ako sa unggoy na 'to eh. If he wants you out of the mercenary guild, fine! Out of insecurities! Pero kailangan niyang magpaliwanag kung bakit hindi ka pumasa eh halos maihi 'yan sa sobrang takot sa umaapoy na kamay mo!" I made a statement -loud, clear and soliciting for argument.
Nanatiling tahimik si Priam. Hula ko'y tinitimpla nito ang sitwasyon. Hinihintay nitong makumbinsi ako ni Lara para lumabas pansamantala o kusa akong lumabas dahil sa takot dahil habang minamasdan ko ang lalaki'y mas nagiging nakakatakot ang malamig nitong titig. Sorry pero wala sa bokabularyo ko ang umatras sa napipintong debate.
Sa haba ng paghihintay ng lalaki a mapalayas ako, sumuko ito at bumuntong hininga uli bago nagsalita. "Okay, you brat can stay. Pero huwag na huwag kang sasabat sa usapan." Hindi parin nagbago ang reaksyon ng nakakainis nitong mukha. "Miss Hearthopia, maari ka bang lumapit dito?"
Lara gave me a look of assurance. Sa itsura nito'y parang sinasabi niyang magtiwala ako sa kanya dahil kaya niya ang sarili niya. "Salamat," anito bago pinisil ang mga palad ko at nagtungo sa kinaroroonan ni Priam.
Ilang metro lang ang layo ng altar kung saan nakasandal si Priam at nakatayo sa harap nito si Lara. Pinanalangin kong sampalin siya ni Lara ng ubod ng lakas bago matapos ang usapan. O kaya'y tadyakan ito sa sentro ng kayabangan niya nang mabasag na ang henerasyon nito. Lara, punitin mo ang mukha ng damuhong 'yan pakiusap! Sigaw ng utak ko.
***
"You did not pass," Priam calmly said. Wala paring pagbabago sa itsura ng matigas na pagmumukha nito.
Gwapo nga, tuod naman. Parang gawa sa bato ang mukha.
"Okay. 'Yon lang ba?" ani Lara. Halatang pagod na ito kaya hindi na tumutol pa sa desisyon ng lalaki.
Bulyawan mo Lara hanggang sa mabingi! Sunugin mo ang mukha niya hanggang sa malusaw. Magalit ka! Grrrr!
Tumikhim ang lalaki. Halatang may hinihintay ito mula kay Lara. "Any last words?"
"None. Pagod ako. Pwede na ba kaming umalis?" Lara raised a tone.
That's it. Lumaban ka. Hindi ako nakapagpigil. Nanggigil ako sa sitwasyon.
Tumawa ng pagak ang lalaki. Halatang nang-iinsulto.
I saw Lara's fist gathered.
I clenched my teeth as well.
"Tapos na ba kami? Pagod ako Mr. Cloud at kailangan kong nang magpahinga." Lara raised her voice.
Unang beses sa kasaysayan na napikon ito at halos mapabulyaw. Bigla itong tumalikod at akmang aalis na ngunit napigilan siya ng kamay ni Priam. The guy grabbed her wrist.
Mabilis ang mga sumunod na nangyari na halos ikinagulat ko. Biglang nabalot ng apoy ang malayang kamay ni Lara. Nakita ko pa ang paikot na paglakbay ng nanggagalaiting kamao nito patungo sa kaliwang panga ng chief commander. Nagulat ang huli sa mabilis na pagkilos ni Lara kaya huli na nang tangkain nitong umilag dahil nasalo ng panga nito ang malakas na suntok ni Lara. Tumilapon si Priam lagpas ng altar na sinasandalan nito. He did not expect that to happen.
Gosh! Lara's best moment! Halos itili ko na ang mga kataga sa utak ko sa sobrang pagkagulat at pagkamangha pero natigil 'yon nang hilain ako paalabas ni Lara. Nagpatangay naman ako sa kaibigan ko na halos lakad-takbo ang ginawa palayo sa mercenary hall na 'yon.
***
Ilang kilometro ang layo ng lugar na pinagdausan ng pre-ordainment test patungo sa kapitolyo. Higit isang kilometro na ang nalalakad namin pero hindi parin binibitawan ni Lara ang kamay ko. Tahimik ito at nagmamadaling makauwi.
"Lara, wait. Saglit lang, hinihingal ako," pigil ko sa tahimik na babae. "What did just happen back there?"
Tumigil ito sa paglalakad sabay bitaw sa kamay ko. Pawisan na ito, marahil ay sa sobrang nerbyos. Bumalik sa normal ang itsura nito ilang minuto pagkatapos naming tumigil sa paglalakad. "That guy," she paused and inhaled deeply, "he reminds me of Laurent kaya nasapak ko siya."
"What? Akala ko sinapak mo siya dahil napikon ka."
"A bit. Sobrang nadisappoint lang ako na hindi ako pumasa dahil sa kanya," sagot nito at nagsimula na namang maglakad, "he's way too obvious to mock me because of my being. Ang pagiging total keeper ko ang dahilan kung bakit ganoon na lang siya kaagresibo para pagmukhain akong talunan. He did not know my reasons." Her face saddened and became the gentle Lara face I knew.
Nagpatuloy kami sa paglalakad. Ilang metro na lang ay lalabas na kami ng gate at mawawala na kami sa teritoryo ng mercenary guild na kadikit lang ng Garon Forest.
Sa sandaling 'yon ay gusto ko na talagang tanungin si Lara kung anong nangyari sa anim na tagabantay ng kanyang keeps. Kung bakit hindi niya ginamitan si Priam ng totoo niyang lakas at hindi niya sinamantala ang pagkakataong gamitin ang kanyang kapangyarihan para ipasa ang pagsusulit.
Nagbago ang isip ko. Alam ko, madaldal ako at mausisa pero hindi nangangahulugan 'yon na wala na akong konsensya at pakiramdam. Lara was so upset at the moment and I didn't want to add up to her pain. Saka na lang.
"I'll be fine Amber," mahinang sabi nito.
Naalala kong yan din ang sinabi saakin ni Silex nang hindi ito pumasa sa pre-ordainment test ng mercenary guild noong nakaraang taon. Pagkatapos no'n ay pumasok ito sa grupo ng mga private bounty hunters at habang lumilipas ang mga araw na nawiwili na ito sa bagong trabaho ay madalang na lang namin ito makita.
Natigil ako sa paglalakad. Naramdaman kong parang gano'n din ang mangyayari saamin ni Lara. "Gosh no..."
"Amber?"
Nang lingunin ko si Lara'y sumalubong saakin ang panghal at tuliro nitong mga mata. Tila nabasa nito ang laman ng utal ko kaya kusa na itong nagsalita. "Nasa palasyo lang ako. Lagi mo akong makikita."
"Pero iba parin 'yong kasama kitang nakikipaglaban. Kasama si papa lulu, si Silex, si Alvis." Hindi ko nakontrol ang wasak kong tinig. Naiyak ako.
Nilapitan ako ni Lara at nadamdaman ko ang mahigpit na yakap nito. "Susubukan ko uli sa susunod na taon. Promise."
Hindi ako kumbinsido. Masyadong matagal ang isang taon para hintayin siya. Maraming mangyayari sa isang taon. Ganoon din ang sinabi ni Silex dati. Susubukan uli niya sa susunod na taon pero anong nangyari? Wala pang isang taon naging bounty hunter na ito at hindi na tinupad ang pangakong magiging mercenary keepers kami pareho pagkatapos ng training sa academy.
"Baka naman pwede pa nating kausapin yong damuhong Priam na 'yon?" para na akong desperadang bata na hinihiling na baliin ang batas para makuha ang gusto.
"Amber, tahan na. Susubukan ko uli. Promise." pangako uli ni Lara. Alam kong sinasabi lang niya 'yon para tumigil na ako sa pag-iyak pero may plano itong magbounty hunter at maaring maging assassin pa mahanap lang si Laurent.
Katahimikan.
"Hearthopia!" anang isang boses sa aming likuran. Hinabol kami ni Priam Cloud at mukhang hindi pa ito tapos sa kanyang hinandang talumpati.
###