Kinabukasan...
~Tagapagsalaysay~
Umaga pa lang ay nagising na si Hyacinth at dumeretso kaagad siya ng C.R. para maligo at aalis na siya para puntahan ang manager niya.
Maga pa ang mga mata niya sa magdamag na pag-iyak dahil sa naging pagpapaalam niya kay Terry sa tuktok ng bundok. Naging sobrang mahirap para sa kaniya ang sabihin dito ang pag-alis niya lalo na at nakita niya kung gaano ito kabigla sa sinabi niyang 'yon.
Mabilis ang mga kilos niya habang nasa labas pa ito at nagdidilig ng mga bulaklak. Ayaw niyang makita nito ang paghahanda niya para umalis.
Nang tapos na siya sa pag-aayos sa sarili ay hinila niya na ang maleta palabas ng kuwarto niya at lumabas na ng bahay.
Napatingin kaagad sa kaniya si Terry at binitawan kaagad nito ang spray hose na hawak at naglakad para salubungin siya.
Tumigil na sila sa paglalakad nang makaharap na ang isa't isa.
[Kinain mo ba yong umagahan mo na nasa kusina?]
Umiling siya. "It's fine. Sa labas na lang ako kakain."
Bakas sa mga mata nito na nasaktan ito sa hindi niya pagkain sa iniluto nito.
Gusto niya mang kainin 'yon dahil sigurado siya na mamimiss niya ang napakasarap na lasa niyon pero ayaw na niyang sanayin pa ang sarili niya sa pagkain nito. Dahil nga mamimiss niya 'yon nang sobra at baka biglang magbago ang isip niya at hindi na lang umalis.
Kaya nga hindi na niya kinakain ang mga luto nito at hindi na rin siya nagpapaluto. Hindi niya lang talaga napigilan ang sarili niya na kumain niyon nang maghiking sila dahil gutom na gutom talaga siya noon.
[Hindi ko na ba talaga malalaman kung bakit bigla ka na lang umiwas sakin nitong nakaraang mga araw?] Puno ng kagustuhan sa mga mata nito na sabihin niya na ang gusto nitong malaman.
Napahigpit ang hawak niya sa hawakan ng maleta niya. "You don't need to know dahil hindi mo rin naman matatanggap kapag sinabi ko sa 'yo."
Hinding-hindi nito matatanggap ang katotohanan na nahulog ang loob niya rito kahit na kapwa sila babae.
[Pwede namang pakinggan ko muna. Baka naman iba sa iniisip mo, matanggap ko yon. Ayoko kasi na maiwan dito na sobrang nagtataka sa ginawa mong pag-iwas sakin.] Ngumiti pa ito para ipakita sa kaniya na hindi ito magagalit kahit ano pa ang sabihin niya pero dahil sa pagpilit pa rin nitong 'yon, sumasakit na naman ang puso niya na parang may mga kumukurot doon.
"Trust me, hindi mo matatanggap Terry kaya please lang... 'wag ka nang magtanong pa."
Nabakas na ang frustration sa mukha nito. [Ang hirap naman kasi ng gusto mong mangyari! Akala ko ba magkaibigan tayo!]
Sa nabasa niya, nagbabadya na naman ang mga luha niya. "Exactly! We're friends! We're forever friends! At para mapangalagaan ko 'yon, hayaan mo na sa 'kin ang rason sa pag-iwas ko! Hayaan mo na akong umalis!"
Mukhang napigtal na ang pisi nito dahil tikom na tikom talaga ang bibig niya sa gusto nitong malaman. [Sige. Hindi na kita tatanungin at hindi ko na rin susubukang pigilan ka pa. Ihahatid pa kita sa labas dahil gusto mo nang umalis diba? Gusto mo na talaga akong iwanan!]
Parang piniga ang puso niya nang tuluyan na itong magalit sa kaniya. Kinuha pa nito ang maleta niya sa kaniya at naglakad na palabas ng dome para panindigan ang paghahatid sa kaniya sa labas.
Tuluyan na siyang naiyak. "I-i'm sorry Terry... S-sorry... dahil sa nararamdaman ko para sa 'yo, nafrufrustrate ka nang sobra sa 'kin... Sorry..." mahinang sabi niya habang sobrang umiiyak.
Nakalabas na ito ng dome hila-hila ang maleta niya kaya naman pinunasan na niya ang mukha niya gamit ang likod ng kamay niya at naglakad na rin palabas.
Kahit anong gawin niyang punas sa magkabila niyang pisngi, patuloy 'yong nababasa ng mga luha niya na ayaw magpaawat sa pagtakas mula sa mga mata niya.
Bago buksan ang pinto ng dome, inayos niya ulit ang sarili para hindi nito mahalata na umiyak siya. Nagpunas siya ng panyo at nang makuntento ay pinindot na niya ang switch para bumukas ang pinto saka lumabas na pero bumungad sa kaniya ang isang pangyayari na unti-unting nagpakunot sa noo niya.
Nakatayo lang si Terry sa tapat ng pinto sa labas at nakatalikod ito sa kaniya pero ang hindi niya inaasahan sa nakita niya rito... ay may nakayakap dito na isang umiiyak na babae. Mahigpit ang pagkakayakap dito ng babaeng 'yon at ito rin naman ay nakayakap dito na parang kinakalma ito.
Parang may mga palaso na sumapol sa dibdib niya sa nakita niyang 'yon. Nakuyom niya rin ang mga kamao niya at unti-unti siyang nakaramdam ng galit sa babaeng 'yon na walang habas sa pagyakap nang mahigpit dito. "Who the heck is she Terry?" mahihimig ang pagseselos sa boses niya.
Napatigil naman ang babae sa pag-iyak at napatingin sa kaniya. Humiwalay rin dito si Terry at nilingon siya.
Nanlalaki ang mga mata nito sa pagkakakita sa kaniya.
Ipagpapatuloy...