#ThatGuy
EPISODE 5
Tuluyan na ngang umalis si Hellsea. Hindi ko alam kung saan siyang lugar at eskwelahan lumipat. Wala naman kasi siyang pamilya at kamag-anak rito sa lugar namin dahil nasa probinsya ang mga iyon at mag-isa lamang siyang narito at nag-aaral. Pero kahit na nasa probinsya ang buong pamilya ni Hellsea, mayaman sila dahil may-ari lang naman ang pamilya nito ng isang malaking coconut plantation.
Isang beses ko pa siyang pinigilan. Talagang pinuntahan ko pa siya sa condo niya para lang sabihin na huwag ng ituloy ang balak niya pero wala eh… nasayang lang ang effort ko. Ganun na talaga kadesidido na umalis ito at lumayo.
Usap-usapan nga siya ngayon sa buong campus. Maraming tanong na naglalaro sa isipan nila kung bakit ito umalis ng eskwelahan namin. Hindi naman kasi nila alam ang tunay na dahilan na ang nerd na talaga na ‘yan ang may kasalanan. Konti lang rin kasi ang nakakaalam na gustong-gusto ni Hellsea si Timothy unlike sa akin na halos yata, alam ng lahat na gusto ko si Hellsea dahil nga, masyado akong sikat.
Hay! Napabuntong-hininga ako. Isang araw pa lang na hindi ko nakikita si Hellsea pero ramdam na ramdam ko na ang pagkamiss sa kanya.
Umayos ako ng upo sa inuupuan ko. Hindi sinasadyang napatingin na naman ako kay Timothy na nakaupo rin sa upuan nito na katabi ng inuupuan ko. Nakita kong nagbabasa siya ng librong hindi ko alam kung anong title. Wala pa kasi ang prof namin dito sa classroom kaya malayang-malaya ang mga kaklase ko na gawin ang mga gusto nilang gawin.
Hindi ko maiwasang hindi titigan si Timothy. Ang mukha nito na hindi nalalayo sa kagwapuhan ko.
Iniwas ko na lamang ang tingin ko sa kanya. Bakit ko ba siya tinitigan? Pucha!
- - - - - - - -- - - - - - -
Nakakainis! Nakakainis! Nakakainis!
Inis na inis ako! Bwisit talaga ang prof na ‘yan! Nagbigay na nga ng project… binigyan pa ako ng kagrupo na ayokong-ayokong maging kagrupo sa buong buhay ko.
Paano naman kasi, sinabi na ng prof namin kung ano ang mga topic na gagawan ng research at kung sino ang magkakagrupo para sa gagawing research sa kanya. Ok na sana na kagrupo ko si Martin na kahit tamad, at least hindi ko naman kinaiinisan pero ang maging kagrupo ko ang nerd na ‘yan?! Pucha talagang buhay ito. Tatlo-tatlo kasi ang kabilang sa bawat grupo at ang kagrupo ko nga ay si Martin at si… Timothy.
Speaking of him… mukhang kinakalabit yata ako kaya napatingin ako sa kanya ng masama. Alam ko naman kasi na siya ang kumakalabit dahil siya lang naman ang katabi ko sa kaliwa.
“Bakit?” inis na inis kong sabi sa kanya.
Inayos muna nito ang suot na salamin bago nagsalita. Kainis talaga!
“Kailan natin sisimulan ang research…”
“Gusto mo simulan mo na ngayon...” masungit kong sagot saka kaagad na tumayo mula sa inuupuan ko at naglakad palayo sa kanya. Kainis talaga.
- - - - - - - - - - - - - - - -
Nakahiga ako ngayon sa damuhan dito sa loob ng garden. Malinis naman ang mga d**o kaya ok lang na mahiga rito.
Nakatitig ang mga mata ko sa maaliwalas na kalangitan. Hindi masyadong maaraw kaya hindi masakit sa mata na tingnan ang kalangitan.
Pero bigla-bigla ay napabangon ako. Nanlalaki pa ang mga mata ko.
Paano naman kasi… bakit biglang lumitaw sa kalangitan ang mukha ng nerd na iyon?! Ano iyon? Imagination ko o talagang lumitaw talaga?
Muli akong tumingin sa kalangitan. Wala naman na ang mukha niya roon.
Napakamot ako ng ulo. Ibig sabihin, imagination ko lang iyon? Eh bakit siya? Iniimagine ko ba siya?
Napailing-iling ako. Hindi no… Saka kahit na mukhang anghel ang mukha nun… Hindi bagay ang mukha niya sa langit. Masama siya dahil sinaktan niya si Hellsea.
Ok… parang bata na ako rito na nagmamaktol.
Tumayo na lamang ako at naglakad na paalis sa lugar na iyon.
Hay! Kainis talaga ang araw na ito!
Ang nerd na lalaki talaga na ‘yon! Bwisit!
-END OF EPISODE 5-
#ThatGuy
EPISODE 6
Relax na relax akong nakaupo rito sa bench na nasa gilid ng quadrangle ng school. Isa pa ito sa favorite spot ko na tambayan dahil tulad sa garden na favorite spot ko rin, marami kasing puno’t-halaman rito kaya naman masarap ang simoy ng hangin. Mahilig rin kasi ako sa mga puno’t halaman dahil iyon na rin ang kinamulatan ko simula pagkabata at dahil na rin sa hilig ni Mama na magtanin. Kaya nga maraming halaman sa bahay.
“Sa wakas at nahanap rin kita…”
Kaagad akong napatingin sa taong nagsalita nun. Ngayon ay nasa harapan ko na naman ang taong kinaiinisan ko. Inaayos-ayos pa nito ang pagkakasauot ng salamin sa mata.
“Bakit ka nandito? Anong kailangan mo?” maangas kong tanong habang nakatingin sa kanya nang nakakunot ang noo at magkasalubong ang kilay.
Inayos nito ang pagkakasukbit ng malaking bagpack sa balikat at muli na namang inayos ang pagkakasuot ng salamin sa mata.
“Ah… Gusto ko lang sanang sabihin na… Kung kailan ba natin sisimulan iyong research…”
“Bakit ba atat na atat ka? Natatakot ka ba na baka hindi tayo makapagpasa on time at mawalan ka ng grade? Bakit kaya hindi na lang ikaw ang gumawa nun mag-isa tutal naman ikaw itong atat na atat gumawa…” naiinis ko kaagad na sabi.
“Hindi naman sa atat ako Pare… Saka isa pa, hindi naman pwedeng ako lang ang gagawa… kapag ako lang ang gumawa… wala kayong grade… Saka isa pa, kaya nga tayong grinupo di ba? Para sabay-sabay tayong gagawa…” sabi nitong si Timothy.
Kaagad akong umayos ng upo sa inuupuan ko. Hindi na lamang ako nagsalita sa sinabi niya.
“Eh si Martin? Sinabihan mo na ba? Baka mamaya ako lang ang hinahabol-habol mo para gumawa ng project habang iyong isa, pinapabayaan mo lang…” naiinis ko pa ring sabi. Bwisit kasi itong English prof namin eh… may nalalaman pang research!
“Si Martin… ayaw nga sana niyang makisali sa paggawa ng project natin… Tinakot ko lang na kung hindi siya gagawa… wala siyang grade… kaya sabi na lang niya… ibigay ko na lang raw iyong parte niya sa research at ipapagawa daw niya sa ate niya… mali man ang gagawin niya pero wala na akong nagawa kasi kesa naman wala siyang grade… Binigay ko na ang parte niya…” sabi ni Timothy. Ang hinahon talaga nitong magsalita. Parang hindi talaga marunong magalit.
Napatango-tango ako sa mga sinabi niya.
“Eh di kung ganun… Ibigay mo na lang din sa akin ang parte ko at ako na lang rin ang gagawa mag-isa...” sabi ko. Kesa naman na makasama kong gumawa ang tukmol na ito eh ako na lamang ang gagawa mag-isa.
Napatango na lamang si Timothy at kinuha niya mula sa loob ng malaki niyang bagpack ang isang bond paper na may nakasulat at inabot sa akin. Tinanggap ko naman.
“Bale iyan iyong part mo sa research… ikaw ang hahanap ng history kung paano nabuo ang tula na Desiderata… Iyong iba naman na kailangan pa sa research… ako na ang bahala...” narinig kong sabi ni Timothy.
“Kailan ba ito ipapasa?” tanong ko habang nakatingin sa papel na hawak-hawak ko.
“Ah… Sa katapusan ng buwan… Mga three weeks from now...” sabi ni Timothy na ikinagulat ko kaya kaagad akong napatingin sa kanya.
“Ha? Bakit ang bilis naman? Akala ko dalawang buwan pa…”
“Hindi ka ba nakinig nun kay Prof? Iyon kasi ang sinabi niyang date ng pasahan… Wala naman tayong magagawa kaya kailangan na lang sundin...” sabi ni Timothy.
Napakamot na lamang ako ng ulo. Hindi nga kasi ako masyadong nakinig dahil sa kakaisip na makakagrupo kita sa research work. Kainis talaga!
“Sige… alis na ako… Ikaw nang bahala diyan ha… Kapag tapos ka na… ibigay mo na lang sa akin ‘yan para mareview ko kung tama…”
“At anong akala mo sa akin? Bobo? Hindi tama ang mga gagawin ko?” inis na tanong ko kaagad.
“Hindi naman sa ganun… Pero kailangan lang kasing i-check…”
“O siya siya! Umalis ka na nga…” sabi ko sabay senyas pa ng kanan kong kamay na umalis na siya. Nakatingin na muli ako nun sa papel.
Narinig kong napabuntong-hininga siya at narinig ko ang mga yapak ng sapatos niya sign na naglalakad na siya palayo.
Napatingin muli ako sa kanya. Ngayon ay nakatalikod na ito sa akin habang naglalakad palayo. Napabuntong-hininga na lamang ako at muling tumingin sa papel na hawak-hawak ko.
-END OF EPISODE 6-