Nasa dalampasigan si Aliah at mag-isang naglalakad habang marahang tinatangay ng hangin ang ilang hibla ng buhok niya. Napakagandang pagmasdan ng langit at ng payapang karagatan habang nag-aawitan ang iba’t-ibang klase ng mga ibon na nasa kakahuyan.
Malapit na niyang marating ang dulo ng aplaya nang mamataan niya ang isang malaking bato. Parang may kung anong enerhiya na humihila sa kanya kaya inihakbang niya ang mga paa papunta sa malaking bato.
At ganoon na lang ang takot niya nang makita ang Tita Alison niya na nakahandusay sa buhanginan at parang inaatake sa puso. Hawak- hawak nito ang puso nito at parang naghahabol ng hininga habang nakasandal sa malaking bato.
Paano nangyaring napunta rin sa islang iyon ang Tita Alison niya?
“Tita! Tita!” nagpa-panic na sigaw niya habang tumatakbo palapit dito para saklolohan ito. Pero kung kailan gahibla na lang ang layo niya sa tiyahin ay saka naman siya bumangga sa tila malaking salamin kaya tumalsik siya sa buhanginan dala ng enerhiya na nagmumula sa salaming iyon na naghihiwalay sa kanya at sa kanyang tita.
Muli siyang tumayo at lumapit sa parteng iyon kung saan tila may salamin na nakaharang sa kanya papunta sa tita niya.
Gamit ang isang daliri ay dinutdot niya ang salaaming iyon at nakita niya kung paanong nagliwanag ang kamay niya nang tumama iyon sa salamin na may malakas na enerhiya.
Nang makita niya ang Tita Alison niya na halos mawalan na ng malay dahil sa kawalan ng hangin ay itinuon niya ang pansin sa salamin. Inilapat niya ang dalawang palad sa malaking salamin at nakita niyang umilaw ang mga iyon na para bang hinihigop ng salamin ang enerhiya na nagmumula sa katawan niya. Nakita at narinig niyang lumagutok ang salamin. Nagkaroon iyon ng crack at kung pag-iigihan lang niya, sigurado siyang mababasag niya ang salaming iyon gamit ang mga palad niya.
Ang isang crack sa salamin ay dumami nang dumami, pero nararamdaman niyang malapit na ring bumigay ang katawan niya. Nanghihina na siya.
“Tita, I’m gonna save you.”
Pero sa pagkabasag ng salamin ay sumabog naman ang napakatingkad na liwanag. Itinakip niya ang mga kamay sa braso at saka isinigaw ang pangalan ni Tita Alison.
* * * * *
MAYA-MAYA ay nawala ang matingkad na liwanag at naramdaman niyang may yumuyugyog sa magkabilang balikat niya. Pagdilat niya ay nakita niya si Yuri na nag-aalalang nakatitig sa kanya.
“Nanaginip ka na naman.”
Inilibot niya ang paningin at nahinuha niyang tama ang binata. Nananaginip lang siya. Wala siya sa dalampasigan kundi nasa kubo na limang araw na rin nilang pinagkakanlungan.
“Umalis ka ba kanina sa tabi ko?”
“I had to. Nanghuli ako ng isda para may makain tayo mamayang tanghalian,” sagot ng binata.
“Why do I have this theory na nananaginip lang ako ng masama kapag hindi kita katabi sa pagtulog, Yuri?” Noon ay madalas siyang nananaginip ng masama. Pero simula nang mapadpad sila sa islang iyon ay hindi na siya ulit nanaginip pa.
Senyales ba iyon na may nangyayaring masama sa isa sa mga kapamilya niya ngayon? Isinatinig niya ang nasa isip. “Baka may masamang nangyari sa Tita Alison ko, Yuri.”
Niyakap siya ng binata at naramdaman niyang hinaplos-haplos nito ang likod niya. “Stop worrying, your Tita Alison is fine. Panaginip lang ‘yon.”
“Pero hindi ito ang unang pagkakataon na nanaginip ako na may namatay sa pamilya ko, Yuri. At nang huli akong managinip, nagkatotoo iyon.”
“Then let’s just pray that it won’t happen again this time.”
Lumayo siya sa binata at saka tumayo para lumabas sa kubo. She needed to breathe and clear her mind.
It was obvious na hindi naniniwala si Yuri sa kanya. Siguro ay iniisip nitong nababaliw siya dahil naniniwala siyang nagkakatotoo ang mga panaginip niya. Pero paano nga kung mayroong nangyaring masama sa isa sa mga kamag-anak niya? Makakaya pa kaya niya iyong dalhin?
Baka kapag nagkataon ay mahirapan na siyang matulog dahil tuwina ay naroon na ang pangambang baka managinip ulit siya.
Habang nakatayo si Aliah sa dalampasigan ay nakita niyang tila may maliit na bangka na papalapit sa direksiyon niya.
Tinawag niya si Yuri. “Yuri! I think the rescuers are here!” At hindi nagtagal ay nakalapit na sa kanya ang binata.
“Over here!” sigaw ni Yuri sa kawalan. Maya-maya ay naghubad ito nga damit at saka itinali sa isang may kahabaang kawayan at saka iyon iwinagayway.
“Tulong! Saklolo!” sigaw niya habang patuloy pa ring iwinawagayway ni Yuri ang damit nito.
Hindi naman sila nabigo dahil nakita nilang palaki nang palaki at palapit nang palapit ang bangkang iyon na hopefully ay siyang magliligtas sa kanila.
Naramdaman niyang niyakap siya ng binata at saka walang babalang sinakop ang mga labi niya. Dala ng sobrang katuwaan ay ginantihan niya ang yakap nito pati ang marubdob na halik na unti-unting tumutupok sa pagkatao niya.
“Aliah, I just want you to know na sa limang araw na magkasama tayo dito sa isla, nagkaroon ka na ng espesyal na lugar dito sa puso ko. At sinisiguro ko sa ‘yong hindi dito magtatapos ang kung anumang meron tayo sa ngayon.”
Nagulat siya sa sinabi ng binata. She was half-expecting that he would say those words, pero nagulat pa rin siya sa kasidhian ng mga salitang iyon. She tried to clear her throat, pero wala siyang maapuhap na salita na maaaring ipantapat sa deklarasyon ng binata. Kaya sa halip ay isinandig niya ang ulo sa dibdib ng binata at saka payapang pinakinggan ang malakas na pintig ng puso nito.
Kumalas lang siya sa pagkakayakap mula kay Yuri nang sa wakas ay tuluyang nakadaong ang bangka sa dalampasigan at bumaba ang dalawang bangkero na lulan noon.
“Magandang umaga po,” bati ni Yuri sa mga bangkero. “Makikisakay po sana kami pabalik sa pinakamalapit na baranggay sa islang ito. Kasama po kami sa mga pasahero ng lumubog na roro limang araw na ang nakakalipas.”
“Magandang umaga din naman, hijo at hija. Mabuti na lang pala at nagawi kami rito nitong kumpare ko. Wala na ba kayong ibang kasama na nakaligtas?”
Sasagot sana si Aliah ng ‘wala’ nang mula sa likod nila ay may narinig silang nagsalita. “I’m here!”
Pareho pa silang nagulat ni Yuri nang unti-unting lumapit sa kanila si MJ. Ang buong akala nila ay may nangyari nang masama rito. But look at him now. Mukha siyang malusog na malusog. She wondered kung saan ito nagsusuot.
Pero naisip niyang siguro ay hindi ito gaanong lumayo sa kubo nila at marahil ay nagmamasid lang dahil kung hindi, paano nito nalaman na may mga dumating nang mga rescuers?
“Kung ganoon ay mabuti pang lumarga na tayo habang hindi pa gaanong tirik na tirik ang araw,” sabi ng isang bangkero.
Nakita niyang lumapit si Yuri kay MJ at nagsalita. “I want my knife back.”
“I’ve lost it in the woods,” sagot ni MJ na nakangisi.
Pero hindi naniwala si Yuri at mabilis na kinapkapan si MJ. Sa kaliwang gilid pantalon ni MJ ay nakasukbit ang kutsilyo ni Yuri.
At noon lang niya napagmasdan ang kutsilyong iyon. It was not just an ordinary knife. Kulay itim iyon na tila may mga naka-engrave na mga salita sa magkabilang side ng punyal.
Tinalikuran ni Yuri si MJ at naglakad na palapit kay Aliah. “I don’t trust that guy.”
Hindi na lang siya umimik, pero ganoon na rin ang pakiramdam niya. Parang may kung anong lihim na ikinukubli si MJ sa likod ng mga mata nito.
At nang alalayan siya ni MJ na makaakyat sa bangka ay nagulat pa siya nang pisilin ng binata ang palad niya na hawak nito. She noticed that he pressed her palm longer than usual.
“You have amazing hands.”
Hindi na lang niya pinansin ang komento nito.