2

2150 Words
“CLASS reunion?” nakakunot-noong sabi ni Joanna Marie. “You must be kidding, Amor.” “At bakit naman hindi?” sabi nito. “Matagal ko nang naisip ito. Hindi ko nga lang alam kung paano ima-materialize. Then, naisip kita. You can help me. Besides, class officer ka rin naman.” She rolled her eyes. “I was the muse then. At sa paniniwala ko, wala namang kuwenta ang posisyong pilit na ibinigay sa akin ng mga kaklase natin.” Natawa ito, pagkatapos ay tinitigan siya. “You know what, Joanna Marie? Hanggang ngayon, hindi ko alam kung paano iintindihin ang ugali mo. Kailan mo tatanggapin nang maluwag sa dibdib na blessing na magkaroon ka ng ganyan kagandang mukha? Sa lahat yata ng ipinanganak na maganda, ikaw ang hindi thankful.” Bumuntong-hininga siya. “Wala namang mabuting nangyari sa buhay ko. Kung hindi siguro ako naging laman ng mga beauty contest noong high school tayo, baka mas naging maganda ang buhay ko. `Buti pa siguro si Princess.” Kumunot ang noo ni Amor. “Bakit?” tanong nito. “Nagkahiwalay ba kayo ni Lemuel?” Pinigilan niyang mapabuntong-hininga uli. “Matagal na,” matabang na sagot niya at itinutok ang atensiyon sa kinakain. Tinitigan uli siya ng babae. Halos alam na niya ang iniisip nito. Kinainggitan ng lahat ang relasyon nila ni Lemuel noong high school. They were one of the most admired pairs. Miss High School siya at MVP ng varsity team si Lemuel. Para silang mga bida sa romance pocketbooks. Iyon ang tingin sa kanila ng lahat sa eskuwelahan. Pero iba naman ang kuwento pagdating sa bahay nila. Hindi alam ni Joanna Marie kung matutuwa ba siyang nakita niya si Amor. Nagkasunod sila nito sa pila sa counter ng supermarket sa Robinsons Galleria. Hinintay siya nito na makapagbayad ng pinamili niya, pagkatapos ay niyaya siyang mag-merienda. “Let me have your contact number and address.” Nag-alangan siya. “I don’t like your idea, Amor. Hindi ako mahilig sa ganyan. At lalong hindi mo ako maaasahang mag-organize ng ganyang affair.” “Hindi kita pipilitin. Kagaya ko, baka busy ka rin. But at least, alam ko kung saan kita mako-contact kung sakali.” “Hindi ako a-attend kung matutuloy man ang plano mo. Please, Amor. Wala akong balak na makahalubilo uli ang mga dati kong kakilala.” “We were almost a family in high school, Joanna Marie,” sabi ng babae. “Bakit ngayon ay inilalayo mo ang sarili mo? It’s been ten years mula nang huli tayong magkasama-sama. And that was during our graduation. Pagkatapos n’on ay wala na. Kung saan-saan na tayo dinala ng mga pangarap natin. It’s about time na mag-reunion naman tayo.” “Kayo na lang.” Nagkibit-balikat si Amor. “All right. Pero ibigay mo pa rin sa akin ang address mo. Minsan, bibisitahin kita.” Ngumiti ito sa kanya. Kahit napipilitan ay sinabi na rin niya rito ang kanyang address. “Phone number?” “Wala akong phone,” sagot ni Joanna Marie. Kumunot ang noo ni Amor, parang hindi naniniwala sa sinabi niya. Pero hindi na ito nag-usisa. “Pauwi na ako. Ikaw? Kung nag-commute ka lang ay puwede kitang ihatid. Pareho naman ang way natin. Diyan lang ako sa Ugong.” “Huwag na, thank you na lang. May dadaanan pa ako, eh.” Binitbit na niya ang grocery bag na mga personal supplies lang niya ang laman. “Okay. `Pag nakalibre ako, dadalawin kita. Sa bahay ka lang ba?” “Madalas.” “Wait,” anito nang parang may maalala. Dumukot ito ng calling card mula sa bag nito. “Here’s my card. Kung ikaw ang may kailangan sa akin, don’t hesitate to call me up.” Tinanggap ni Joanna Marie ang card. “Thank you. Salamat sa merienda.” Maghihiwalay na sana sila nang parang may maalala uli si Amor. “Oo nga pala, you mentioned about Princess. Ano ba ang balita sa kanya?” “Hindi ko alam. The last time I met her was eight years ago. But I have her number. Hindi ko nga lang sure kung doon pa rin siya.” Nagkusa na siyang ibigay ang number ng dating kaklase. MATAMLAY na ibinaba ni Joanna Marie ang grocery bag sa mesa. Tiningnan niya ang laman ng kaldero bago siya pumasok sa kuwarto. Maliit lang ang apartment na inuupahan niya, palibhasa first floor lang iyon. Hindi niya kayang upahan pati ang second floor kaya isinara na lang iyon ng may-ari at pinaupahan sa iba. Siya na lang ang gumawa ng kurtinang dibisyon para may masabing privacy sa pinakakuwarto. “Mama, hindi kayo kumain,” malumanay pero mahihimigan ng inis na sabi niya. “Bakit pa ba kakain, mamamatay rin naman?” mapait na sagot ng payat na bultong nakahiga sa luma nang kama. “Huwag kayong magsalita ng ganyan. Sandali, iiinit ko ang sabaw. Susubuan ko kayo kung gusto ninyo.” “May uwi ka bang gamot, Joanna Marie? Iyong pampatanggal ng kirot?” “Mayroon kaya lang kailangang kumain muna kayo.” Bumalik siya sa kusina at naghanda ng pagkain. Nasa tray na iyon nang dalhin uli niya sa silid. “Kain na, Mama. Nag-merienda na ako sa labas. Nakita ko iyong dati kong kaklase. Inilibre niya ako.” “Sinong kaklase?” Inagaw nito sa kanya ang kutsara at sumubong mag-isa. “Si Amor.” “Amor,” ulit nito at mukhang nag-isip kung sino ang pangalang binanggit niya. “Amor Calderon? Iyong anak ng teacher? Taga-Sierra Carmela iyon, `di ba?” “Oho. Pero diyan na raw siya sa Ugong nakatira. Ihahatid pa nga sana ako rito kaso nahiya naman ako.” “Ah, nakakahiya talaga,” patuyang sagot nito. “Ang alam nila ay nasa Amerika tayo, hindi sa squatter na ito.” “Mama, hindi naman tayo squatter dito. Disente naman `tong apartment kahit maliit lang.” Umungol lang ang kanyang ina. “Ano, nanggaling ka ba sa doktor? May ibang gamot bang ibinigay?” “Iyong para sa kirot. Mama, dialysis talaga ang solusyon sa sakit ninyo. Iyong naitabi kong pera dito, puwede nang pang-umpisa. Bahala na lang akong gumawa ng paraan para may maipampa-dialysis tayo sa mga susunod na session.” Bumagsik ang tingin nito sa kanya. “Tumigil ka, Joanna Marie. Bakit, may nabalitaan ka na bang na-dialysis na gumaling? Habang nagpapa-dialysis, lalong nadadali ang buhay. Gastos pa. Hayaan mo na lang na unti-unti akong mamatay.” “Mama, kaya nga nagtitipid ako sa lahat ng bagay, gusto kong gumaling kayo. L-lumapit na nga rin ako sa mayor dito. Binigyan ako ng referral sa DSWD, saka sa PCSO. Nilakad ko na rin iyon. Ang pangako sa akin, iyong first two session, ii-sponsor-an nila.” Mariing umiling ang mama niya. “Kung peperahin na lang nila ang tulong nila, baka ikatuwa ko pa. Sabihin mo nga sa doktor, `yong gamot na ibibigay sa akin sa susunod, eh, `yong hindi na ako magigising. At `pag patay na ako, huwag mo na akong iburol. Mapapagastos ka pa sa pagpapakape sa mga kapitbahay. Ipalibing mo na agad ako.” “Mama, ano ba kayo?” masama ang loob na sabi ni Joanna Marie. “Kayo na lang ang pamilya ko. Kapag nawala kayo, mag-isa na lang ako dito sa mundo.” Suminga ang mama niya. “Magkasama nga tayo ngayon, pasanin mo naman ako. Mabuti pang mamatay na ako. Buwisit na buhay ito. Kahit nga pala pagkamatay ay gastos pa rin. Ni wala tayong lupa para paglibingan mo sa akin. Mabuti pa siguro, i-donate mo na lang ang bangkay ko sa medical school para hindi ka na mamroblema sa pagpapalibing sa akin.” “Mama, please. Huwag kayong magsalita nang ganyan,” naghihinanakit at naiiyak na pakiusap ni Joanna Marie. Umismid ang mama niya at inabot na ang tubig at isang capsule na inihanda niya. “Ilabas mo na iyan. Matutulog na ako.” Alam niya na sa tonong iyon ng ina ay itinataboy na rin siya nito. Napailing na lang siya at lumabas na ng silid. Sandaling nagmukmok sa mesa si Joanna Marie. Kahit na may hawak siyang referral ngayon, hindi pa rin siya makakasiguro. Masuwerte na kung ma-cover ng referral na iyon ang unang dalawang session ng dialysis na kailangan ng mama niya. Inilabas ni Joanna Marie ang kanyang passbook sa dalang bag. Kulang na kulang pa ang perang naitatabi niya para matustusan ang mahabang session ng dialysis ng kanyang mama. Ni wala pa sa kalahati ang hawak niyang pera pero hindi na yata siya makakapaghintay. Lalong hindi niya kayang hayaan na lang ang ina sa ganoong kalagayan. Mayamaya ay sinilip niya ang ina sa silid. Payapa nang natutulog ito, epekto ng ininom na gamot. Ikinabit niya ang kulambo nito, pagkatapos ay naghanap ng magagawa. Kailangan niyang pagurin ang sarili para kapag nahiga siya ay hindi na niya kailangang mag-isip pa. Masyado nang pagod ang kanyang isip at katawan sa buong maghapon kaya ang gusto niya ay deretso nang pahinga pagkahiga. Pero ang simpleng hiling na iyon ay parang ipagkakait sa kanya nang gabing iyon. Bukod sa problema niya sa ina, naiisip din niya si Amor—na parang dahilan lang para mas maalala niya ang nakaraan. Bahagya lang natuwa si Joanna Marie nang makita ito. Higit ang emosyong nadama niya na hindi niya mabigyan ng salita. Pagkatapos ng eskandalong nangyari sa buhay niya noon, mas gusto niyang mamuhay nang wala nang kaugnayan sa kahit na sinong kakilala niya noon. At ang class reunion na iyon... Kung magkakatotoo man ang balak ni Amor na mag-organize ng class reunion ay hindi siya a-attend. Para ano pa? Bibigyan lang niya ng kahihiyan ang sarili. Pero higit sa ano pa mang mababaw na dahilan na puwedeng isipin, ang pinakamatimbang doon ay ang takot niya na muling makaharap si Lemuel. Si Lemuel Crisostomo, ang tanging lalaking pinag-ukulan niya ng pag-ibig. Napapikit nang mariin si Joanna Marie. Kahit kailan yata, basta sumagi ang binata sa isip niya ay hindi puwedeng hindi siya maiiyak. Naramdaman na nga niya ang pag-iinit ng mga mata. Masyado na siyang malungkot nang mga sandaling iyon para lalo pang pahirapan ang sarili. Diniinan niya ang sulok ng mga mata at maliksing bumangon. Hinarap niya ang iilang grocery items na binili at inilagay sa maliit na cupboard, pagkatapos ay ang maruruming damit naman ang kanyang hinarap. Kahit na hindi pa schedule ng paglalaba, naglaba na rin siya. Pero hanggang sa makapagsampay ay hindi pa rin nawala sa isip niya si Lemuel. Napailing si Joanna Marie. Kahit paano, kahit na ginugulo pa rin siya ng alaala ng lalaki ay naging productive naman siya. Nakapaglaba siya nang wala sa oras. Iyon na lang ang pakonsuwelo niya sa sarili. Pero nang wala na siyang ibang puwedeng gawin ay hinayaan na lang niya ang sarili na mag-senti. Ah, Lemuel... Malungkot na uli siyang humiga sa folding bed. Doon nahihiga si Joanna Marie para maging komportable sa pagtulog ang kanyang mama sa nag-iisang kama na naroroon. Bumuntong-hininga siya. Hindi na issue sa kanya ngayon kung dati ay malaprinsesa ang kanyang buhay. Ilang beses nang umikot ang gulong ng kanyang buhay at tuwing humihinto iyon ay sa ilalim siya napupunta. Pumikit si Joanna Marie at inutusan ang sarili na ibang bagay na lang ang isipin. Pero ayaw pa ring maalis ng mukha ni Lemuel sa kanyang isip. Palaging bumibigat ang kanyang dibdib tuwing naiisip niya ang lalaki. Kahit sa masasayang alaala nila ay napapaiyak rin siya. Muli siyang bumuntong-hininga. Masyado nang malaki ang paghihirap ng kanyang kalooban para dagdagan pa iyon. Idinikit niya ang tainga sa dingding at nakiramdam ng kilos doon. Nang makarinig ng ingay mula roon ay bumangon siya at kumatok. “Puwede bang makigamit ng phone?” tanong ni Joanna Marie sa kapitbahay na siya ring may-ari ng apartment. “Sus! Ikaw pa? Sige lang,” sagot ni Lota. Mabait ito sa kanya at kahit nakakahiya ay ito rin ang nauutangan niya kapag talagang wala na siyang pera. Anim na buwan na nga siyang hindi nakakabayad ng renta pero wala siyang naririnig na reklamo mula sa babae. Ni hindi nga siya sinisingil nito. “Salamat.” Dinampot niya ang telepono at nag-dial. “Hello, Jan?” aniya nang may sumagot sa kabilang linya. “Oh, Joan.” “Ako nga. Busy ka? Gusto ko sanang may makausap, eh.” “Naku, friend, may tinatapos akong report, eh. Kung okay lang sa iyo, ako na lang ang tatawag sa iyo. How about an hour or two from now? Kailangan ko lang i-e-mail ito sa boss ko ngayon din, eh.” “S-sige. Hihintayin ko ang tawag mo, ha?” “Oo. Matitiis ba naman kita ganyang parang maiiyak na ang tono mo? Gusto mo, puntahan pa kita, eh. Kumusta nga pala ang mama mo?” “Okay naman si Mama. Tulog na. Huwag ka nang pumunta rito. Sobra na iyon. Basta hihintayin ko na lang ang tawag mo mamaya.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD