“Hindi ko alam na nakauwi ka na pala kagabi. Hindi mo man lang ako tinawag or sinabihan man lang na narito ka na,” rinig kong pagsasalita ni Gian sa akin habang nakatalikod ako sa kaniya na nakahiga, “naghintay ako sa iyo kagabi, akala ko doon ka na sa talyer matutulog. Pero, nang pumasok ako rito sa kuwarto natin, natutulog ka na.” Pagpapatuloy ni Gian sa kaniyang pagsasalita.
Hindi pa rin ako humaharap sa kaniya, maya-maya pa ay naramdaman ko ang pagyakap sa akin ni Gian mula sa aking likuran. Hinayaan ko na lang muna siya sa ganung posisyon at hinitay ang muli niyang sasabihin sa akin. “Mahal, may problema ka ba? May nangyari ba sa trabaho o talyer mo kahapon kaya ka nagkakaganito ngayon?” sunod-sunod na pagtatanong sa akin ni Gian.
Isang malalim na paghinga ang aking ginawa bago ako sumagot sa mga tanong niyang iyon sa akin, “Wala,” malamig at simpleng sagot ko sa kaniya. Marahas kong inalis ang braso niyang nakayakap sa akin at agad akong tumayo mula sa pagkakahiga ko sa tabi ni Gian. Nang tignan ko ang ekspresyon ni Gian, bakas sa kaniyang mukha ang pagkagulat sa aking ginawa.
Nang makatayo na ako ng tuluyan, agad kong tinungo ang sala. Agad akong bumababa upang maghanda ng aking kakainin para sa umagahan. Hindi ko na inabala pa ang aking sarili na ayain si Gian. Dahil kahit hindi ko siya sabihan, ay ramdam ko ang kaniyang presensya na nakasunod sa akin.
Habang abala ako sa paghahanda ng sarili kong almusal, muli kong narinig na nagsalita sa akin si Gian, “Geoffrey, may problema ba tayong dalawa? May nagawa ba ako na hindi mo nagustuhan o ikinasama ng loob mo?” sunod-sunod na pagtatanong nito sa akin. “Bakit parang may mali. Bakit parang pakiramdam ko ang lamig-lamig mo sa akin, simula pa kagabi. ‘Wag mo naman sana akong gawing tanga sa kakaisip kung ano ang itinatakbo ng isip mo.”
Sa mga sinabing iyon sa akin ni Gian, hindi ko nagawang makapagsalita, hindi ko rin inabala pa ang aking sarili na sagutin pa ang mga itinatanong niya sa akin. Nang matapos ako sa aking paghahanda ng sarili kong almusal, agad akong umupo at tahimik na kumain. Habang siya ay nananatili lamang na nakatayo sa aking harapan.
Maya-maya pa, ay narinig ko itong sumisinghot. Bahagya at pasimple akong lumingon kay Gian. Hindi nga ako nagkamali, lumuluha ngayon sa aking harapan si Gian. Dahil doon, napahinto ako sa aking ginagawang pagkain. Muli akong lumingon kay Gian, na kasalukuyan nang nakatingin sa akin habang patuloy sa paglandas ang kaniyang luha.
“Gusto kong magkaroon ng isang desenteng pamilya, at sariling anak,” mahina kong pagsasalita kay Gian. Habang sinasabi ko ang mga salitang iyon, hindi ko nagawang titigan sa kaniyang mata si Gian, “Gian, gusto kong magkaroon ng anak – anak na galing sa laman at dugo ko. Hindi anak na galing sa pag-ampon mula sa ibang tao.” Pagpapatuloy ko.
Tumango-tango naman sa aking harapan si Gian, matapos kong magsalita sa kaniya. Nagulat ako nang makita kong marahang tumatango sa akin si Gian habang nakangiti ito sa akin. “Okay lang sa akin. Ayos lang sa akin kahit gumamit ka ng babae para lang magkaroon ka ng anak. Ituturing ko rin iyong sariling anak ko. Dahil mahal kita, Geoffrey. Mahal na mahal kita.”
Tila isang malakas na sampal ang mga salitang narinig ko mula sa kaniya. Hindi siya nagdalawang-isip o magduda man lang sa mga action na ginagawa ko sa kaniya. Sa mga sandaling ito, ramdam na ramdam ko ang sakit na nararamdaman ngayon ni Gian, dahil sa mga pinaggagagawa ko sa kaniya. Hindi ko rin alam sa sarili ko kung bakit nagpapa-apekto ako sa mga sinabi sa akin ng aking ina at ng mga tauhan ko sa talyer.
Matapos ang tagpong iyon, nakita ko na lamang na nag-aayos na si Gian. Sa pagkaka-alam ko ay day off niya ngayon. Ngunit nagulat na lamang ako nang nakabihis ito at wala pang kain ng kaniyang umagahan. Maya-maya pa ay nagpaalam ito sa akin habang nakatayo sa pintuan ng bahay. “Sige, papasok na lang muna ako sa trabaho. Para kung ano man ang gawin mo rito, hindi kita maabala.”
Matapos niyang sabihin iyon ay agad rin siyang lumabas ng bahay at naglakad na hindi man lang lumilingon sa akin. Napayuko na lamang ako sa aking mga ginawa kay Gian. Ilang minuto pa ang lumipas, nang mapagdesisyon-an ko na mag-ayos upang magpunta sa bahay ng aking ina. Matapos iyon, ay agad rin akong lumabas ng aming bahay at agad na nagtungo sa aking ina.
Habang papalapit ako sa aming bahay, kitang-kita ko ang aking ina na may hawak ng mga baraha, katabi ang kaniyang mga kapwa sugarol. Nang makita ako nito, nagmadali itong tumayo at agad-agad na iniwan ang mga kasama at ang hawak niyang baraha upang salubungin ako. Napahinto na lamang ako nang magkaharap na kaming dalawa ng aking ina.
Sa mga tinging kaniyang ipinupukol, isang mapagmasid, mapanghamak na tingin ang aking natatanggap sa tuwing tititigan niya ako mula sa aking ulo hanggang sa paa. “Anong ginagawa mo rito? Ang aga-aga mo ata ngayon? Bakit, bibigyan mo ba ako ng pera?” nagtataka nitong pagtatanong sa akin. Isang pag-iling ang aking ginawa na agad namang ikinalukot ng kaniyang mukha.
“’Nay, kaya ako nagpunta sa inyo ay dahil pumapayag na ako sa suhestyon ninyo. Pumapayag na akong magkaroon ng anak,” saad ko, mabilis na gumuhit sa labi ng aking ina ang tuwa at ngiti. Hindi ko na rin napigilan pa ang aking ngiti nang makita ko iyon sa kaniya, “may nakita na rin akong babae na sa tingin ko ay magpupuno sa lahat ng pangangailangan ko.” Pagpapatuloy ko.
“Narinig ninyo ba ang sinabi ng anak ko mga mare? Gusto niya nang magkaroon ng anak at ng pamilya!” malakas na pagsasalita ng aking ina sa kaniyang mga kapwa mangsusugal. Napa-iling na lamang ako sa ingay na ginawa ng aking ina. “Geoffrey, ano mang klase ng babae ang mapipili mo, wala na akong pakialam roon. Ang importante, ay mabigyan mo ako ng apo. Makagawa ng pamilya, at hindi ka sa bakla magsayang ng oras at panahon mo. O, siya, sige. Umalis ka na at naabala mo pa ang pagsusugal ko.”
Hindi na hinintay pa ng aking ina ang aking sasabihin ng agad itong umalis sa aking harapan at muling bumalik sa kaniyang sugal. Agad akong napa-isip kung saan ako pupunta ngayong day off ko sa talyer. Isang tao ang agad kong naisip na puntahan. Ilang segundo ang lumipas nang magsimula akong maglakad papunta sa bar na pagmamay-ari ni Bea.
Habang naglalakad ako papunta sa susunod na kanto, kung saan roon nakatirik ang kaniyang bar. Hindi ko mapigilan ang aking sarili na makaramdam ng sabik at tuwa. Panandalian ko ring nakalimutan si Gian. Ang tanging laman lamang ng aking isip ay makita at makausap si Bea. Nang makarating na ako sa pangatlong kanto, sakto ay nakita kong palabas ng kaniyang bar si Bea.
“Bea!” agad na pagtawag ko sa kaniya nang makita ko itong naglalakad palaba ng bar. “Saan lakad mo? May pupuntahan ka ba?” muli kong pagtatanong sa kaniya. Napangiti naman ito sa akin at isang marahan na pagtapik ang aking natanggap sa kaliwang braso mula sa kaniya.
Isang mahinang pag-iling ang aking nakita mula sa kaniya at maya-maya ay narinig ko itong nagsalita. “Ano ka ba? Ngayon pa lang ako uuwi ng bahay ko. Ngayon pa lang naubos ang customers namin. Iniwan ko na ang mga katiwala ko roon sa loob. Kaya ako, bilang boss, mauuna na akong umuwi. E, ikaw, saan naman ang lakad mo?” balik na tanong nito sa akin.
Napakamot naman ako sa aking ulo at saka ako sumagot sa kaniya habang may hiyang nararamdaman samga sandaling ito. “Ikaw talaga ang sadya ko, Bea. Gusto ko kasing magkuwentuhan tayo,” wika ko, tumanga-tango naman ito sa akin, “gusto mo ba ihatid na kita sa bahay mo? Ayos lang sa akin.” Pag-offer ko sa kaniya.
“Sure, why not? Basta walang magagalit ha? Baka mamaya n’yan may girlfriend ka, nako! Mayayari ako.” Natatawa nitong pagsasalita sa akin. Dahil sa sinabi, hindi ko rin napigilan ang aking sarili na matawa dahil sa kakaibang nararamdaman ko sa kaniya.
“Wala… wala akong girlfriend, single na single ako.” Tumango na lamang sa akin si Bea at nagulat ako ng inilingkis nito ang kaniyang braso sa akin at saka ito nag-aya na maglakad. Inalis ko naman ang paglingkis niya sa aking braso, bagkus ay inakbayan ko ito at saka kami muling naglakad papunta sa ka iyang bahay. At habang naglalakad kaming dalawa, hindi namin naiwasan na magkuwentuhan tungkol sa aming mga buhay at mga gusto sa buhay.