CHAPTER 10.1: GIAN

1594 Words
Sa naging kasagutan na ibinigay sa akin ni Maria, tila ako sinampal ng ilang ulit. Marahil ay ganun na nga ang nararamdaman sa akin ni Geoffrey. Pero, ayokong magkaroon ng anumang bagay sa loob ng aking isip na hindi makakatulong sa nangyayari sa amin ngayon ni Geoffrey. Marahil nga ay marami akong kakulangan pagdating sa relasyon namin ni Geoffrey, aminado ako sa katotohanang iyon. Alam ko rin na hindi ko siya kayang bigyan ng anak – ng isang pamilya na masasabing desente at normal. “Gian, ayos ka lamang ba? Ano ba talaga ang problema?” napabalik na lamang ako sa aking ulirat nang muli kong marinig na nagtanong si Maria sa akin. Napatingin ako sa kaniya at dahan-dahan na tumango sa kaniya. “Hindi ko alam, Maria. Hindi ko alam kung may problema ba talaga o wala,” saad ko, “basta ang alam ko lamang ay bigla na lamang na lamig sa akin si Geoffrey. Kagabi, hindi ko alam na nasa bahay na pala siya. Naghintay ako sa kaniya, pero ang hindi ko alam – ay dumeretso na siya sa kuwarto namin. Kanina naman, ay parang hangin lang ako sa harapan niya.” Pagpapatuloy ko. “I see. Kaya pala medyo wala ka sa sarili mo kanina,” naramdaman ko ang paglapit sa akin ni Maria, marahan rin niyang tinapik ang aking balikat at saka ito nagpatuloy sa kaniyang sasabihin, “Gian, hindi sa nanghihimasok o nakikialam ako sa relasyon mo. Medyo, nabigla lang ako na boyfriend pala ang mayroon ka. Gayunman, masaya ako para sa iyo. “Alam mo, naranasan ko na rin ‘yan noon. ‘Yon bang para kang manghuhula sa mga ikinikilos ng partner mo. Sweet sila sa iyo ngayon, paano sa mga susunod na araw? Tapos, bigla-bigla sila magbabago na parang wala lang sa kanila. Pero, sa parte natin, isang malaking pagbabago iyon. Tatanungin kita, tinanong mo ba ang nobyo mo kung ano ang problema niya?” Marahan akong tumango sa kaniya at saka ako muling tumingin rito, “Oo, nalaman ko ‘yong sagot niya sa naging tanong ko. Maria, ang sakit-sakit na malaman… sa kaniya pa mismo nanggaling na gusto niya magkaroon ng desente at maayos na pamilya, magkaroon ng anak,” muling naglandas ang luha sa aking mata dahil muling nagbalik-tanaw sa akin ang mga sinabi ni Geoffrey kaninang umaga lamang, “ang buo kong akala ay sapat na ako para sa kaniya. Hindi rin pala.” Matapos kong magsalita kay Maria, naramdaman ko na marahan ako nitong niyakap at marahang hinihimas ang aking likuran, marahip ay gusto niya lamang akong mapakalma sa aking nararamdaman sa mga sandaling ito. Ilang minuto pa ang lumipas, inaya ko na lamang si Maria na ipagpatuloy namin ang ginagawa naming paghuhugas ng mga kasangkapan ng kainan. Matapos iyon, ay agad rin naming pinunasan ang lahat at maingat na isinalansan sa lalagyanan ang mga baso, kutsara at tinidor, platito at mga plato. Nang malinis na namin ang kusina ay kapwa kami lumabas dalawa ni Maria upang tignan ang ginagawa nina Jayson at Eson. Agad na bumungad sa amin si Joel, nagulat ako nang lumapit ito sa akin at saka nagsalita. “Gian, pinapatawag ka ni Gabriel,” matapos sabihin iyon ni Joel ay agad rin itong umalis sa aming harapan. Nagkatinginan naman kaming dalawa ni Maria. Nagkibit-balikat na lamang kaming dalawa kung bakit ako pinatatawag ni Gabriel sa kaniyang opisina. Umalis na ako nang tuluyan ng mawala na sa aking paningin si Joel. Sumenyas muna ako kay Maria na pupuntahan ko muna si Gabriel at tanging pagtango lamang ang kaniyang isinagot sa akin. Makalipas ang ilang minuto na aking paglalakad, narating ko ang silid ni Gabriel kung saan ito nananatili sa kaniyang negosyo. Bago ako pumasok, tatlong magkakasunod na pagkatok ang aking ginawa at saka ako nagsalita mula sa labas ng kaniyang silid, “Papasok na ho ako, Boss Gabriel,” matapos kong sabihin iyon ay dahan-dahan kong pinihit ang door knob upang buksan ito. Nagulat ako at nanlaki ang aking mga mata nang bumungad sa aking harapan ang isang Gabriel na walang suot na pang-itaas. Bahagya kong ibinaba ang aking tingin at nakita ko na naka boxer brief lamang ito. Dali-dali akong tumalikod sa kaniya at buong paggalang akong humingi ng dispensa sa kaniya. “Nako, Boss Gabriel! Pasensya na ho! Hindi ko po alam na nagbibihis po pala kayo.” Narinig kong natawa si Gabriel sa akin nang marinig niya ang boses kong nangangatog dahil sa aking nakita. “As far as I know, walang malisya kung makita mo akong nakahubad sa harapan mo. Parehas naman tayong lalaki ‘di ba? Unless if you’re gay.” Deretsahan nitong pagsasalita sa akin. Isang malalim na paghinga ang aking ginawa at dahan-dahan akong lumingo muli sa kaniya. “Boss Gabriel, paumanhin po sa nakita ko. Opo, parehas tayong lalaki, ngunit hindi lang ako sanay na makakita ng ibang katawan ng lalaki bukod sa akin. At opo, inaamin ko rin na hindi ako tunay o straight na lalaki tulad ninyo.” Pagtatapat ko sa kaniya. Matapos kong sabihin ang totoong pagkatao ko sa kaniya, ang inaasahan ko ay huhusgahan niya ako, iinisin dahil sa sekswalidad na mayroon ako. Ngunit, dalawang marahang pagtango lamang ang nakita ko sa kaniya. Hindi ko rin naramdaman kay Gabriel ang pandidiri, ang pagka-asiwa gawa ng pag-amin ko sa kaniyang tanong o pabiro na siyang dahilan upang mahuli ako nito. “Gian, sinadya ko na maghubad ng damit. Remember, pinatawag kita kay Joel, right?” wika nito, agad naman na kumunit ang aking noo nang marinig ko ang salitang iyon mula sa kaniya, “I just want to make sure na tama nga ang nakita ko noong nakaraan. Anyways, wala namang malisya o mali sa akin. As long as na wala kang tinatapakang iba o tao, walang problema iyon.” Pagpapatuloy niya. “Salamat po, Boss Gabriel,” saad ko, “Sige po, balik na po ako sa ginagawa ko. Baka natambakan na ‘yong mga kasama ko po sa kusina, Boss Gabriel.” Agad akong tumalikod mula sa kaniya matapos kong magpaalam rito. Ngunit, agad rin akong napatigil nang marinig kong muling nagsalita sa akin si Gabriel. “Gab for short, or Gabriel if you want. Huwag mo na akong tawaging boss. Nakaka-ilang,” napayuko na lamang ako sa kaniya at muli akong napatingin nang magpatuloy siya sa kaniyang pagsasalita, “siya nga pala, akala ko ba ay day off mo ngayong araw? Ano ang ginagawa mo rito?” “Wala naman, boss—este, Gab,” napakamot ako sa aking ulo matapos kong muntik matawag siya na boss, “sige na, Gab, balik na ako sa ginagawa ko. Tawagin mo na lang ako kung may ipag-uutos ka or ibibilin.” Matapos kong magsalita at magpaalam sa kaniya, isang ngiti ang aking ginawa bago ko nilisan ang kaniyang opisina. Nang makabalik na ako sa kusina, naabutan ko roon si Maria na kumakain, kaya naman ay kumain na rin ako para may kasabay ito. Makalipas ang mahigit kumulang na pitong oras sa buong maghapon, malapit na ang dilim nang matapos kaming lahat sa aming ginagawa. Tanging pagsasarado na lamang ng Gotohan ang aming gagawin upang makauwi na kami sa kaniya-kaniyang bahay. Nang maisara na ang kainan ni Gab, ay kaniya-kaniya na kaming daan pauwi sa bawat bahay namin. Habang tinatahak ko ang daan pauwi sa bahay namin ni Geoffrey. Hindi ko maiwasang makaramdam ng kaba, hindi ko mawara kung bakit at kung saan ito nanggagaling. Namg nasaharapan na ako ng aming bahay, napansin ko na patay pa rin ang mga ilaw. Kaya naman, agad akong pumasok roon at tumambad sa akin ang napakatahimik na bahay. Halos mag-gagabi na ngunit wala pa rin rito si Geoffrey. Kaya naman, nagdesisyon ako na tignan si Geoffrey sa kaniyang talyer. Inilapag ko muna ang dala-dala kong bag sa sofa at muli akong lumabas ng aming bahay. Isinara ko na lamang ang pintuan at saka ako naglakad patungo sa talyer. Nang malapit na ako sa talyer, isang tauhan ni Geoffrey ang nakapansin sa akin. Hindi ko iyon pinansin bagkus ay nagpatuloy lamang ako sa aking paglalakad. Nang nasa harapan na ako ng talyer, wala ring Geoffrey ang tumambad sa akin. Tanging mga tauhan niya lamang ang naroon sa loob. Napatingin na lamang ako sa aking gilid nang marinig kong magsalita ang isa sa kaniyang tauhan. “Good evening po, Sir Gian. Ako po si Evan, ang naatasan ni Sir Geoffrey na magbantay ng talyer habang naka off siya ngayon araw.” Wika nito. Tumango ako sa kaniya at dahan-dahan akong tumalikod kay Evan. Sa mga sandaing ito, hindi ko alam kung ano ang dapat na isipin ko. Masyado nang nagugulo ang isip ko samga ginagawa ngayon sa akin ni Geoffrey. Napahinto lamang ako sa aking paglalakad nang muli kong marinig ang pagsasalita ni Evan sa akin. “Sir, nakuwento sa akin ni Boss Geoffrey na gusto niyang magka-anak at magkapamilya sa babae. Papayag ka naman po siguro kung gustuhin ‘yon ni boss ‘di ba? “Saka deserve naman po ni Boss Geo na magkaroon ng desente at normal na pamilya. Pangarap rin po kasi ‘yon ng nanay niya. Sinabi rin sa akin ni Boss Geo na… hindi niya raw nakikita sa iyo ang kinabukasan ng magiging pamilya niya. Sir Gian, huwag po sana kayo magalit. Gusto ko lang po na mapa-ayos ang buhay ni Boss Geoffrey. Kaya sana, huwag ninyo siyang pigilan.” Matapos nitong magsalita sa akin, ay dahan-dahan akong naglakad palayo sa lugar na iyon at umuwi ako sa aming bahay na tila lumilipad ang isip.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD