“Umuwi ka pa? Magdamag akong naghintay sa iyo, pero wala ni kahit isang katok akong narinig sa buong magdamag,” tumayo ako mula sa aking pagkakaupo nang marinig ko ang pintuan na dahan-dahang bumubukas. Nagulat naman si Geoffrey nang makita ako nitong nakatayo sa kaniyang harapan.
“Gian!” sambit niya sa aking pangalan, hindi ako kumibo sa kaniya, tanging pagtitig lamang ang aking ginagawa at hinihintay ang susunod nitong sasabihin. “Ang aga mo naman atang gumising ngayon? Mag-a-alasais pa lang ah?” nagtataka nitong pagtatanong sa akin.
Dahan-dahan naman itong pumasok ng aming bahay ay maingat na inilapag ang hawak noyang bag sa sofa. “Saan ka galing, Geoffrey? Please, sagutin mo naman ang tinatanong ko sa iyo. Naghintay ako ng buong magdamag, umaasa na akala ko ay uuwi ka. Saan ka ba nagpunta?” hindi ko na napigilan ang aking sarili na bahagyang magtaas ng boses sa kaniya.
“Gian, ‘wag ka ngang praning d’yan. Magkakasama kami ng mga tauhan ko sa talyer. Nagkayayaan kami na magkainuman, umaga pa lang ay wala na kami d’yan!” wika nito, “hindi pa nga nakakapasok ng bahay ‘yong tao, bunganga agad ang sasalubong sa iyo. Letche naman!” pagpapatuloy ni Geoffrey.
Sa huling mga sinabi nito sa akin, nanlaki ang aking mga mata at nagulat ako sa sinabi niyang iyon sa akin. Kaya naman, napatango na lamang ako matapos niyang magsalita. “Oo, magkakasama nga kayo ng mga tauhan mo sa talyer,” huminto ako sa aking pagsasalita at marahas na kinuha ang aking bag at saka ako naglakad palabas ng pintuan, “kaya pala sila, abala lahat sa pagtatrabaho. Samantala ‘yong amo nila, nagpapakasarap sa hindi malamang lugar.”
Nang sabihin ko iyon kay Geoffrey, mabilis na bumakas sa kaniyang mukha ang gulat. Hindi ko na iyon binigyan pa ng pansin. Agad akong tumalikod sa kaniya at hindi na hinintay pa ang kaniyang sasabihin sa akin. Naging lakad takbo ang aking ginawa upang mabilis na malisan ang lugar na iyon at upang mabilis rin akong makapasok sa aking trabaho.