LUNINGNING (MUYTA) POV
“Hi! Ako pala si Darna, nice meeting you girl!”
‘Yan ang unang bungad sa akin ng baklang katabi ko sa bus habang bumabyahe papuntang Manila. Ang lakas ng boses niya, parang hindi bus ang sinasakyan namin kundi stage sa Barangay pageant. Nakahawak siya sa armrest, nakapamewang pa at may pa-sway ng buhok, kahit maikli naman ang buhok niya.
Napatingin lang ako sandali tapos tumango. “Hello.”
“Uy, ang timid mo naman, girl. Parang ang lamig ng paligid mo.” Nilapit pa niya mukha niya sa mukha ko. “Huwag ka mag-alala, friendly ako. Super friendly. Promise.”
Hindi ako sumagot. Hindi ko rin alam kung dapat ba akong ngumiti. Ang utak ko kasi, punong-puno pa ng mga alaala dugo, sigaw, takot, at galit. Pero heto ang baklang katabi ko, parang may sariling araw na gusto talagang pasayahin ang mundo kahit hindi naman humingi.
“Anong name mo, girl?” tanong niya sabay taas ng isang kilay.
Huminga ako nang malalim. Hindi ko na dapat ginagamit ang pangalang iyon.
“Mutya.”
Hindi ako nagsinungaling kasi iyon ang bago kong pangalan. Iyon ang pangalan ng babaeng hindi nila kilala. Iyon ang babaeng hindi nila kayang saktan. Iyon ang babaeng papatay sa kanila balang araw.
“Mutya?!” halos tumili siya. “Ay wow! Pang-beauty queen! Pang-Roselle Nava ‘yung vibe!”
Napakurap ako. “Ha?”
“Yung parang malungkot pero maganda! Parang may theme song ka lagi tuwing nakaupo ka dyan.”
Hindi ako sigurado kung insulto ba iyon o compliment, pero hinayaan ko na lang.
“Salamat,” sagot kong tipid.
“Grabe, ang soft spoken mo! Alam mo ba, habang tahimik ka dyan, kung anu-ano na nai-imagine ko sayo. Para kang mysterious character sa teleserye. ‘Yung biglang bubulaga sa huling linggo para gumanti!”
Sa narinig kong iyon, napatingin ako sa kanya.
Mysterious character?
Gaganti?
Kung alam lang niya.
Huminga ako nang mabigat. Hindi ko alam kung nararamdaman niya ang bigat ng hangin ko, pero imbes na matakot siya, lalo pang naging animated.
“Uy girl, teka papunta ka bang Manila to look for a job?” tanong niya bigla.
Tumango ako. “Oo.”
“Ay, perfect kausap mo! Kasi alam mo, may ma-rerecommend akong work sayo.” Sumandal siya, parang magpapa-drama effect. “Pero bago ko sabihin, question… may matutuluyan ka ba sa Manila?”
Umiling ako.
“Wala.”
Bigla siyang napa-“Ayyy!” na parang nakakita ng sale sa Divisoria.
“Girl, patay! Delikado sa Manila mag-isa pag wala kang kilala! Promise, hindi yan joke. And besides, ang ganda mo alam mo ‘yan kahit ayaw mo aminin.”
Hindi ako kumibo. Hindi naman talaga ako maganda. Simple lang ako. Pero ayokong makipagtalo.
“Pero may trabaho ka?” tanong niya ulit.
“Wala pa.”
Tumaas ang kilay niya. “Girl, e di mas perfect! Kasi may kilala ako manager ng bar. Hindi cheap bar ha, yung sosyal na may ilaw na umiikot.” Sabay ikot-ikot ng daliri niyang parang disco ball. “Doon, pwede kang maging Bar Entertainer. Sayaw-sayaw sa stage, tapos table-table with customers. Hanggang doon lang. Hindi ka pipilitin sa mga kabalahuraan. Promise.”
Napatingin ako sa bintana.
Bar.
Sayaw.
Customers.
Hindi ko inakala magiging parte ng buhay ko ‘yun. Pero sa totoo lang…
…wala na akong dignidad.
…wala na akong bahay.
…wala akong pera.
…at kailangan kong mabuhay para makapaghiganti sa hayop na gumahasa sa akin… at sa hayop na pumatay sa buong pamilya ko.
Kung kailangan kong ibagsak ang sarili ko para makabangon, kakayanin ko.
“Pwede ko subukan,” mahina kong sagot.
Parang nanalo siya sa raffle.
“YES GIRL! Ganyan dapat! Independent woman sorbetes!”
“Sorbetes?” bulong ko.
“Oo, independent woman sorbetes kasi malamig pero matamis, char!”
Napailing ako kahit patago. Hindi ko sinasadyang mapangiti. Pati ako nagulat.
“Omg nakita ko yon!” sigaw niya. “Nag-smile ka! Girl hindi ako ready! Kala ko kailangan ko pa magsuot ng wig at makipag-perform para lang mag-smile ka!”
Hindi ko napigilan. “Kaloka ka.”
“Yan! Yan ang gusto kong version mo! Hindi yung parang ‘I’m carrying the weight of the world’ charot.”
Kung alam lang niya… literal.
“O siya Mutya, sabay na tayo pagbaba ah? May kakilala ako na pwedeng tawagan para maipasok ka agad. Sabi ko sayo, malaki sahod dun. Tipong maka-ilang linggo ka lang may pang-renta ka na at pang-bili ng food.”
Tumango ako.
Pero sa loob ko, may sariling boses.
Ito na ang simula. Simula ng bagong buhay. Simula ng paghahanap ko sa mga demonyong kumitil sa pamilya ko. Simula ng pagbangon ni Mutya hindi na si Luningning.
“Uy Mutya…” mahinang tawag ni Darna sabay tapik sa braso ko.
Napalingon ako.
“Okay ka lang ba? Kanina ka pa tahimik bigla. Parang may iniisip na malalim.”
Tumango ako. “Okay lang.”
“Alam mo, kahit hindi mo ikwento, ramdam ko na hindi madali buhay mo. Pero girl… promise ko sayo… hindi kita papabayaan sa Manila. Hindi ako manyak, hindi ako scammer, at hindi rin ako kidnapper. Chubby lang ako pero hindi ako masama.”
Napabuntong hininga ako.
“Salamat.”
“Ay girl, wag ka mag-thank you! Di mo pa nakikita ang realness ko. Pag tinulungan kita, ay hindi libre yun kailangan mo akong i-treat ng milk tea!”
“Ha?”
“Oo! Milk tea. Large. With pearls. With pudding. With extra sugar. With extra sinkers. Yung parang akong nagpa-baptize sa 7-11.”
Napatawa ako totoo, tumawa talaga ako.
At parang may nabasag sa loob ko. Parang may pader na unti-unting nabibitak.
“Ayy gosh narinig ko yan! Pinatawa kita! Girl, ang rare mo! Ako dapat i-display sa museum!”
Napailing ako pero may ngiti.
Pagdating namin sa bandang Bulacan boundary, biglang nag-vibrate ang cellphone niya. Sinagot niya agad.
“Hello Mars? Oo nandito ako sa bus. Oo may nakita akong girl fresh, maganda, tahimik, mysterious. Oo. Pwede ito. Oo. Papunta kami mamaya… Yes!”
Pagkababa ng phone, nilingon niya ako.
“Mutya, girl… ready ka na ba sa bagong buhay mo?”
Huminga ako nang malalim. “Wala naman akong choice.”
“Mali!” sabay turo niya sa noo ko. “May choice ka. At ito ang pinili mo. And that makes you braver than you think.”
Natahimik ako.
Hindi ko inakalang sa isang random na bus ride, may isang baklang Darna na magpapaalala sa akin ng bagay na matagal ko nang nakakalimutan.
Na matapang akong babae.
At may laban pa ako.
“Salamat, Darna,” mahina kong sabi.
“Ay girl wag mo ako i-thank you. Hindi pa tayo nakakarating. Hindi pa ako tapos.” sabay taas ng kilay. “Bukas pa ang real drama. Charot!”
At sa unang pagkakataon simula ng trahedya…
…pakiramdam ko hindi na ako mag-isa.