NAPAHAWAK ako sa tuhod ko nang makalabas ako ng university. Pinunasan ko lang sandali ang luha ko at tumakbo ulit. Hindi ko alam kung saan ako pupunta pero kahit saan basta malayo sa kanya. Malayo sa kahihiyan na naman dinulot niya sa’kin.
Immature at walang alam?
Para akong baliw na tumatawa habang tumatakbo sa kung saan hanggang sa makarating ako sa isang lumang playground. Huminto ako at umupo sa isang swing at doon nagsimulang humagulhol ulit.
Tanga ka talaga, Shan. Bakit kasi sa lahat ng magugustuhan mo, ‘yung matalino pa? ‘Yung mahirap abutin. Ayan tuloy nasasaktan ka ngayon.
Hindi ko alam kung ilang minuto akong umiyak lang ng umiyak. Mabuti na lang at walang tao kundi baka isipin na namatayan ako o kung ano. Daig ko pa ang sanggol kung makangawa, kaya siguro ako nasabihang immature at walang alam.
“Punasan mo ‘yang sipon mo.”
Nagulat ako ng biglang may panyong tumutok sa mukha ko kaya agad akong nag-angat ng tingin nang hindi man lang nagpunas ng kung ano sa mukha. Alam kong mukha akong gusgusin ngayon pero sa puntong ito ay wala akong pakialam.
“H-ha?” humihikbing tanong ko.
Tinitigan lang niya ako habang nakabitin parin ang kamay niya sa ere at nang mapansin ko ‘yun ay kinuha ko ang panyong inaabot niya.
“T-thank you.”
“Abot hanggang kanto ang iyak mo.” Seryosong aniya na agad na ikinalaki ng mata ko.
“Totoo ba?”
Tumawa siya ng mahina at umupo sa tabi ko. “Joke lang.”
Kung makapag joke naman ‘to, close ba kami?
“Hindi tayo close, pero mas okay kung tatawa ka.” Nakangiting aniya.
Teka? Naririnig niya ‘ko? Nakakabasa ba ng iniisip 'to?
“Hindi kita naririnig at hindi rin ako nagbabasa ng isip, masyadong obvious ‘yang expression mo sa mukha.”
Napapahiyang umayos ako ng upo at tumulala ulit sa kawalan. Ganu’n ba ‘ko ka-transparent? Kahit sila Bri ay palaging nahuhulaan ang nararamdaman ko, minsan nga ay nauuna pa silang nakakaalam kaysa sa’kin.
Malalim na buntong hininga ang pinakawalan ko at hindi inalintana ang lalaki sa tabi ko.
“Lalim nu’n ah. Mukhang mabigat 'yang dinadala mo."
“Ikaw… naranasan mo na bang magkagusto sa taong hindi ka gusto?” Basag ko sa katahimikan.
Hindi ko alam kung saan ako humugot ng kapal ng mukha para itanong ‘yun. Okay lang naman siguro dahil hindi naman kami magkakilala at baka hindi na rin kami magkita. Sabi nga nila, mas masarap raw mag open sa taong stranger. Kasi hindi ka nila huhusgahan agad agad dahil hindi naman kayo magkakilala.
“Oo.”
Napatingin ako sa kanya. Hindi ko inaasahan na ‘yun ang isasagot niya.
“Hindi ba halata?” natatawang tanong niya, “Sabagay, mukha kasi akong hinahabol ng babae.”
Umirap ako sa kawalan dahil sa banat niyang ‘yun at sandali siyang tinitigan. Hindi na rin naman masama, gwapo rin talaga siya pero hindi ko type.
“Oh, hinay hinay sa pagtitig baka ma-fall ka.”
‘Yung totoo? Adik ba ‘to?
“Asa.”
Tumawa lang siya at ginalaw ang swing niya. “Bakit? Binasted ka ba ngayon kaya ka ngumangawa dito?”
Tumango ako at ngumuso. “Ang nakakatawa pa ro’n ay hindi ko man lang nagawang umamin ng seryoso. Nalaman niya ang feelings ko sa ibang tao.”
Tumango-tango siya na parang naiintindihan niya ang kalagayan ko. “Masakit nga ‘yan.”
“Ang sabi niya, hindi raw ako bagay sa kanya kasi matalino siya at magaling sa lahat ng bagay, samantalang ako ay immature at walang alam.” Muli na namang nag-init ang sulok ng mga mata ko at bumibigat na naman ang dibdib ko.
“Alam mo ba na minsan kabaliktaran ang sinasabi ng mga lalaki?” nilingon niya ako at tinitigang magpunas ng luha, “Minsan, sila talaga ang hindi bagay sa’yo. At kaya nila sinasabi ‘yun para lang pagtakpan ‘yung katotohanang ‘yun.”
Para akong tanga na tumatawa habang umiiyak. “Malabo ‘yan, kasi lahat ng sinabi niya ay totoo. Sino nga ba naman ako para magustuhan ng isang kagaya niya.”
Tinitigan niya akong mabuti at nagulat ako ng tapikin niya ang balikat ko ng dahan dahan. “Wag kang masyadong maging harsh sa sarili mo dahil lang sa hindi ka niya gusto. Ayos lang na masaktan ka gamit ang salita ng iba, pero ‘wag mong hahayaan na masaktan ka gamit ang sarili mong bibig.”
Kumunot ang noo ko dahil sa sinabi niya. Ano raw?
“O siya, mauna na ako sa’yo. Iiyak mo lang ‘yan, tapos mag move on ka na. Hindi ko ‘to sinasabi dahil wala ako sa sitwasyon mo, sinasabi ko ‘to dahil minsan na rin akong napunta diyan… at hanggang ngayon ay na-stuck na…” pahina ng pahina ang boses niya kaya hindi ko na narinig ang huli niyang sinabi.
Tumalikod na siya at nagsimulang humakbang.
“T-teka!”
Nilingon niya ako at bahagyang tumaas ang kilay niya.
“Y-yung panyo mo…”
“Iyo na ‘yan, baka kailanganin mo ulit.” Nakangiting aniya, “Pero sana ay hindi na.”
Sinundan ko lang siya ng tingin habang papalayo siya sa’kin. Dahan dahan lang ang paglakad niya habang nakapamulsa na para bang namamasyal lang.
“T-teka lang!” sigaw ko ulit nang may maalala. Mabuti na lang at narinig niya ako kaya lumingon siya na nakasimangot ng kaunti. “A-anong pangalan mo?”
Ngumisi siya ng nakakaloko kaya nagsisi akong tinanong ko pa.
“Bakit? Crush mo na ‘ko agad?”
Hindi ko alam na may pagkamahangin pala ang isang 'to.
“Asa ka!”
Tumawa siya at kumaway. “Lance. Lance ang pangalan ko.”
Tumango tango ako at kumaway rin. Mukha kaming tanga na nagkakawayan. “Ako si Shan.”
“Alam ko.”
Kumunot ang noo ko nang hindi ko narinig ang sinabi niya dahil parang bumulong lang siya.
“Ano ‘yun?”
“Sabi ko, nice to meet you.” Sigaw niya pabalik.
“Ah okay, thank you ulit.” Winagayway ko ang panyo niya habang may tipid na ngiti sa labi.
Tumango lang siya at tinalikuran na ako ulit. Kahit papaano ay gumaan ang pakiramdam ko dahil may nakausap akong stranger.
Taga saan kaya siya?
Tinitigan ko ang panyo niya at kumunot ng bahagya ang noo ko nang may makitang burda sa bandang gilid.
“S&L?” bulong ko sa sarili.
Sana magkita pa kami ulit para maisoli ko naman sa kanya ‘tong panyo niya. Kapag ganito pa namang may burda ay madalas na mahalaga.
Lance’s POV
NAPANGISI ako nang makita ang kunot na kunot na noo ni Jas. Mukha na naman siyang kakain ng tao sa itsura niya.
“Bakit ganyan na naman ang mukha mo?” natatawang tanong ko nang makalapit sa kanya.
“May gana ka pang magtanong diyan? Eh, ikaw ‘tong hindi ko mahagilap kanina pa. Uwing uwi na ‘ko, san ka ba galing?” taas kilay na tanong niya. Napakasungit talaga nito kahit kailan.
“Nagpahangin lang.”
“Ewan ko sa’yo, tara na nga.” Inis na aniya at padabog na pumasok ng kotse.
Naiiling na natawa na lang ako sa kanya.
Nilingon ko muna ang kinaroroonan ni Shan Ysabelle bago ako pumasok ng sasakyan. Hindi ko akalain na mahuhulog ang loob niya kay Storm.
“Sinundan mo na naman ba siya?” bigla ay seryosong tanong ni Jas sa tabi ko. Mula sa pagkakatulala sa bintana ay ibinaling ko ang atensyon ko sa kanya.
“Hm.”
“Pinapahirapan mo lang lalo ang sarili mo, Lance. Ilang ulit ko bang sasabihin sa’yo na tama na? Mag move on ka, please naman. Hanggang kailan ka ba ganyan?” naiiyak na aniya.
Tinitigan ko lang ang naluluhang mukha ni Jas bago ako nag iwas ng tingin sa kanya. Palagi na lang umiiyak ang masungit na ‘to dahil sa’kin.
“Hanggang sa maging maayos ako, Jas. Hanggang sa makayanan ko nang humingi ng tawad ng harapan… hanggang sa maging matapang akong harapin ang lahat.” mahinang saad ko.
Wala akong karapatang maging masaya matapos ang lahat ng ginawa ko. Ilang taon na ‘yun pero parang kahapon lang. Gabi-gabi ay binabangungot ako ng umiiyak na mukha ng babaeng mahal ko. Ng kaisa-isang babaeng minahal ko, na sinaktan at pinahirapan ko lang.
“Sa sementeryo ako muna.”
Bumuntong hininga si Jas bago tumango.
Ganito na ang buhay ko. Susundan si Storm at pagkatapos ay tatambay sa sementeryo. Kailangan ko ring pagdusahan ang nangyari sa amin, hindi pwedeng silang dalawa lang.
Dahan dahan akong naglakad palapit sa puntod ng babaeng minahal ko at hanggang ngayon ay minamahal ko pa rin.
Ganu’n pa rin ang pakiramdam, Shan. Mabigat pa rin, kahit araw-araw akong lumakad palapit sa’yo ay mabigat pa rin ang bawat hakbang ko at parang dinudurog ng pinong-pino ang puso ko.
Kasabay ng pagpatak ng luha ko ay ang paghinto ko sa puntod niya. Sa puntod na matagal ko nang gustong tabihan at sundan.
ASHANA ‘SHAN’ FERNANDEZ
Born: August 12, 1998
Died: September 19, 2018
It’s been two and half years, Shan…
Magtatatlong taon na, pero parang kahapon lang. Dalawa’t kalahating taon na akong nagsa-suffer nang mag-isa. Dalawa’t kalahating taon nang hindi payapa ang isip at puso ko.
Ang sakit sakit pa rin. Hindi ko pa rin mapatawad ang sarili ko, at hindi ko alam kung magagawa ko ba ‘yun. Ni hindi ko alam kung deserve ko ba ng kapatawaran sa lahat ng nagawa ko.
Shan, paano ako aahon sa sakit na iniwan mo kung lunod na lunod ako?
Ang hirap hirap.
Bakit kailangan mong gawin ‘yun?
Bakit kailangan mong iwan sa akin lahat ng bigat?
Bakit, Shan?