UMUWI ako na maayos na ang itsura at walang bakas ng pag-iyak kanina. Nakatulong sa akin ang panandaliang conversation namin nu’ng Lance sa park, at kahit na medyo wala akong naintindihan sa sinabi niya ay gumaan ang pakiramdam ko at kahit sandali ay nakalimutan ko si Storm.
“Shan…”
Nagulat ako nang madatnan ko sa bahay sila Bri at Drei. “A-anong ginagawa niyo rito?”
“Ano pa ba? Syempre ico-comfort ka.”
“May rehearsal tayo, sana pinatapos niyo na muna bago kayo nagpunta rito.” nag-aalalang saad ko. Kahit ganito ang sitwasyon ko ay ayoko namang umabsent sila sa rehearsal dahil lang sa'kin. Makakapaghintay naman ako at isa pa ay ayoko rin muna ng kasama.
“Akala mo ba ay makakapagpractice kami ng matiwasay kung alam naming ganyan ang itsura mo?” angil ni Bri.
“Maayos naman ang lagay ko, at gusto ko lang sanang mapag-isa ngayon.”
“Pero Shan…”
“Hayaan na natin siya Bri. Ang mahalaga ay nakauwi na siya.” Ani Drei at tinapik sa balikat si Bri.
Lumapit sila sa’kin at sabay akong niyakap na agad ko namang sinuklian.
“Nandito lang kami para sa’yo, Shan. Hayaan mo ang Storm na 'yun, hindi siya kawalan.”
“Thank you, girls.”
Umalis sila na hindi maipinta ang mukha. Alam ko namang gusto nila akong damayan at samahan ngayon pero wala talaga ako sa mood at gusto ko lang mapag-isa. Okay din na wala pa si Dad at may time pa akong ayusin ang sarili ko bago pa niya ako makita dahil nakakahiya. Saka isa pa ay paborito ni Dad si Storm kaya hangga’t maaari ay ayokong malaman niya ang mga ganitong bagay.
Ang sa amin ni storm ay dapat sa amin lang.
Hindi ako nakapag practice ngayon kaya kailangan kong pumasok bukas. Ngayon pa lang ay nai-stress na ako sa isiping iyon.
Third Person’s POV
“Hoy, ikaw!” sigaw ni Bri kay Storm na naglalakad palabas ng campus pero ang binata ay hindi man lang siya pinansin at nagpatuloy lang sa paglalakad.
“Aba’t talaga naman. Ayaw mo ah.” Hinubad ni Bri ang suot niyang sapatos at walang ano-anong binato iyon kay Storm kaya ito napahinto at nilingon sila.
“Anong problema mo?”
“Anong problema ko? Ha! May gana ka pang magtanong? Ang kapal mo din e ‘no?” halos mamula mula na ang mukha niya at parang lalabas na ang ugat niya sa noo sa sobrang inis sa lalaki na mukhang walang pakialam sa kanila.
“Hindi ko kayo kilala.”
Inis na napabuga ng hangin si Bri maging si Drei na mahinahon, ay unti-unti na ring naiinis sa attitude ng kaharap.
“Wala akong pakialam kung kilala mo kami o hindi. Ang sa amin lang, kailangan mo ba talagang ipahiya si Shan ng ganu’n? Hindi ka man lang ba nakonsensya sa mga pinagsasabi mo sa kanya?”
“Wala naman akong binanggit na pangalan kanina.”
“Meron man o wala, automatic na para kay Shan ‘yun. Grabe ka, paano mo nagawang pagsalitaan ng ganu’n ang anak ng taong tumutulong sa’yo ngayon?”
“Oo nga! Kung hindi mo siya gusto, sana sinabi mo na lang ng kayong dalawa lang. Hindi ‘yung pinahiya mo pa siya sa harap ng maraming tao.” Ani Drei.
Napailing ang binata at walang sabing tinalikuran ang dalawa. “Tsk. Pare-pareho sila.” Bulong niya sa sarili.
“Aba’t, hoy! Sandali!”
Rinig ni Storm ang sigaw ng dalawang kaibigan ni Shan pero hindi niya ito pinansin. Wala siyang oras makipag-usap sa kanila. Malapit na ang graduation day nila at kailangan niya nang ayusin ang lilipatan niyang apartment at ang part time job niya.
“Kailangan ba talaga ‘yun, hijo? I mean, malaki naman ang bahay ko at sagana naman sa pagkain, bakit kailangan mo pang umalis?” dismayadong tanong ni Mr. Franco sa kanya nang sabihin niya rito ang plano niya.
“Kaya ko na po ang sarili ko, ang katunayan niyan ay may part time job na ako at may lilipatan na rin.”
“Hindi naman ‘yun ang issue rito, Storm. Ang sa akin lang ay sana dumito ka muna hanggang sa makatapos ka ng pag-aaral.”
“Pasensya na po, pero gusto ko nang gawin ang mga bagay ng mag-isa.”
“Hindi mo ba ‘yun nagagawa rito?” malungkot na tanong ng matanda.
“Pasensya na po…”
Bumuntong hininga ang matanda at kahit halata rito ang labis na pagtutol ay tumango pa rin ito sa huli.
“Kung ‘yan talaga ang gusto mo ay wala naman akong magagawa.”
“Salamat po… sa lahat lahat.”
Lumapit si Mr. Franco sa kanya at mahigpit na yumakap. “Proud ako sa’yo parati, storm.”
“Salamat po.”
Nag-usap pa sila ng kaunti bago niya tuluyang nilisan ang kwarto ng matanda. Hindi man halata pero napamahal na siya rito. Sa lahat ng tao sa buhay niya ay ito lang ang nanatili at hindi nagbago ang pakikitungo sa kanya mula noon pa man kaya tinuturing na niya itong parang tunay na ama.
Pero kahit ganu’n ay gusto niya pa rin ang mabuhay ng mag-isa. Ayaw na niya ang nakaasa rito. Ilang taon na siyang nakaasa sa matanda at alam niya na oras na para magsimula siya ulit nang siya lang mag-isa. Nakayanan naman niya noon, bakit hindi ngayon?
Napahinto siya ng madaanan niya ang kwarto ni Shan.
Masyado bang harsh ‘yung sinabi ko? Eh ‘yun naman ang totoo.
Hindi niya gusto na mapalapit sa dalaga kaya hangga’t maaari ay dumidistansya siya rito.
Makakahanap ka rin ng para sa’yo.
Naiiling na nilampasan niya ang kwarto ng dalaga at pumasok sa sariling kwarto sa tabi nito. Kasabay naman ng pagsara ng pinto ni Storm ay ang pagbukas ng kay Shan.
Bagsak ang mga balikat, magulo ang buhok at makapal ang eye bags na bumaba si Shan ng hagdan para kumuha ng snacks. Maghapon siyang tumulala lang sa kwarto niya at nagutom siya ng kaunti dahil wala naman siyang kinain buong araw. Alam niyang nakauwi na si Storm at nasa kwarto n anito kaya malakas ang loob niyang bumaba. Hindi pa siya handa na makita ang binata pero alam niya na imposibleng hindi sila magkita dahil nasa iisang bahay lang sila at bukod pa ro’n ay magkatabi lang rin ang kwarto nila.
“Oh, Shan? Bakit ganyan ang itsura mo?” takang tanong ng matandang kasambahay nang makita siya.
“Nanood po ako ng malungkot na movie kaya ganito ang itsura ko.” Dahilan niya, “Pahingi po ng pagkain.”
“Ah ganu’n ba, sige iaakyat ko na lang sa kwarto mo.”
Tumango siya sa matanda at nagpasalamat muna bago umalis at bumalik sa sariling kwarto para muling tumulala.