Chapter 43

3006 Words
MALALIM ang iniisip ko habang naglalakad sa subdivision namin. Hanggang ngayon ay hindi mawala sa isip ko ‘yung kanina. Ibig sabihin ay marami nang natanggihan na offer si Storm at nagdadalawang isip siya kung mag-aaral pa ba siya o hindi. Paanong ang isang tulad niya ay hindi interesadong makapagtapos? I mean, halatang malayo ang mararating niya at maraming kompanya ang mag-aagawan sa kanya kung sakali mang makatapos na siya pero parang hindi mahalaga ‘yun sa kanya. Bakit ayaw na niyang mag-aral? Ang dali dali na lang ng buhay niya, samantalang kami ay nagpapakahirap matanggap lang sa kahit saang university tapos ayaw niya? Ako ang nanghihinayang sa kanya kung sakali man. Hindi naman sa super bini-big deal ko ‘yun, alam kong kahit na hindi siya mag college ay malayo pa rin ang mararating niya pero kasi iba pa rin ‘di ba kapag nakapagtapos? Hindi ko matanggap na sobrang affected ako sa nalaman ko ngayon. Tanga ka talaga, Shan. Inayawan at pinahiya ka na, interesado ka pa rin. “Para kang tanga diyan.” “Oo na, tanga na.” wala sa sariling sambit ko pero biglang nanlaki ang mata ko nang marealize na may nagsalita sa likuran ko. Mauulit na naman ba ‘yung nangyari sa’kin? Jusko. ‘wag naman sana. Ilang beses akong nagpakurap kurap bago naglakas ng loob na lumingon at bumungad sa akin ang walang emosyong mukha ni Storm kaya napahawak ako sa dibdib ko at nakahinga ng maluwag. “Akala ko kung sino na.” Nagkibit balikat lang siya at nilampasan na ako, pero agad naman akong humabol sa kanya. Itatanong ko ba? Pero pa’no kapag nalaman niyang nakinig ako ro’n sa usapan nila nu’ng matanda? Ah, basta. Bahala na. “Storm…” Hindi siya sumagot pero sinulyapan niya ako ng sandali. “M-may school ka na bang napili?” “Wala pa.” nakapamulsang aniya. “Ah, ganu’n ba…” napalunok ako, “P-pero anong kurso ang gusto mong i-take?” “Hindi ko alam.” Natigilan ako dahil sa sagot niya. Ano raw? Hindi niya alam? “Ha?” “Hindi ko alam ang gusto ko.” Seryosong aniya. Napatitig ako sa kanya nang huminto rin siya at seryoso akong tingnan. “Ah, ganu’n pala. Ayos lang naman kung hindi mo pa alam sa ngayon, malalaman mo rin ang gusto mo at kung para saan ka talaga.” Nakangiting ani ko. Seryoso ako sa sinabi ko at sana ay kahit papaano ay ma-lift up siya kahit konti. Marami talaga sa generation namin ang hindi pa nadidiscover kung para saan sila talaga at kung ano ang gusto nila sa future pero hindi ko inaasahan na isa siya ro’n. “Paano?” “Simple lang… kapag tumibok ng mabilis ang puso mo habang ginagawa mo ‘yung bagay na ‘yun.” Nakatitig lang siya sa’kin at parang inaantay pa ang sasabihin ko kaya tumikhim ako at nagsimulang maglakad. “Kapag naramdaman mo ‘yung kakaibang fulfillment habang iniisip mo na ginagawa mo ‘yung bagay na ‘yun,” huminto ako at tiningnan siya, “Ang bagay na para sa’yo ay magpaparamdam sa’yo na buo ka.” Kasabay ko siyang naglalakad ng dahan-dahan at seryoso ang mukha. Hindi ko alam na sa talino niyang ‘yan ay hindi niya alam kung para saan talaga s’ya. Fair pala talaga ang Diyos. Sa sobrang talino niya ay hindi niya na alam kung para saan siya talaga. “Kaya mo kasing gawin ang lahat ng bagay kaya ka ganyan ngayon. Wala nang excitement at hindi mo na alam kung ano pa ang papangarapin mo kasi hindi ka naman nahihirapang abutin at gawin ang kahit na ano.” Ngumiti ako at wala sa sariling napahawak sa puso ko, “Pero kahit ganu’n ay ayos lang ‘yan, kasi ito… itong puso mo ang magsasabi sa’yo kung para saan ka. Hintayin mo lang, malalaman mo rin.” Nailang ako sa tingin niya sa’kin kaya naman nauna na akong naglakad at hindi na siya hinintay. Hindi ko alam kung maaawa ako sa kanya o ano. Hindi siya pala-open na tao at mahilig siyang sarilinin ang lahat kaya sana kahit papaano ay nakatulong ‘yung sinabi ko. Wala rin akong nakikita na best friend niya kaya alam kong nahihirapan siya kahit hindi niya ipakita at sabihin. HINDI ko alam kung bakit parang ang bigat ng atmosphere ngayon sa dining table namin. Pagkagising ko ay tinawag na lang ako agad ni Manang para kumain kaya hindi ko alam kung may nangyari ba. Tahimik si Dad at si Storm habang nakatuon ang atensyon sa kanya-kanyang plato. Alam kong tahimik naman sila minsan pero ewan ko ba at pakiramdam ko talaga ay may mali kaya pabalik balik ang tingin ko sa kanila habang ngumunguya. “Focus on your plate, Shan.” Malamig na ani Dad. Napaayos ako ng upo at agad na yumuko. Ano bang meron? Nag-away ba sila? Pero imposible ‘yun, hindi ko pa naiimagine na magkakaalitan silang dalawa. Tumikhim ako at pinasadahan sila ng tingin dalawa. “May nangyari po ba?” Lalo kong nakumpirma na may mali nang wala ni isa sa kanila ang sumagot sa tanong ko. Bakit ka kasi natulog, ayan tuloy wala kang alam. “Magpapahinga na ako.” Inalis ni Dad ang table napkin at humalik muna sa noo ko bago walang sabing umalis ng dining. Sinundan ko lang siya ng tingin hanggang sa mawala siya sa paningin ko at agad na bumaling kay Storm. “May problema ba?” bulong ko. Hindi niya ako pinansin at nagpunas lang ng dumi sa bibig niya bago tumayo at walang sabing iniwan rin ako.   Ano bang nangyayari? Dahil sa curiosity ay nawalan na rin ako ng gana kumain. Ininom ko lang ang gatas ko at umalis na rin ng dining. Hindi ko alam kung sino ang dapat kong kulitin. Si Dad ba o si Storm? Pero paniguradong hindi naman ako papansinin ni Storm kaya si Dad na lang. Dahan dahan akong umakyat ng hagdan at nagtungo sa office ni Dad. Pero hindi ko pa man napipihit ang door knob ay may narinig na akong nag-uusap. Dinikit ko ang tenga ko sa pintuan para marinig sila ng mabuti. “Hindi ko ho gusto na maging parte pa ng buhay niyo.” Napasinghap ako dahil sa narinig. Seryoso bang sinasabi ni Storm ‘yun kay Dad? B-bakit? “Pero Storm, eto naman ang plano hindi ba?” may pagsusumamo sa boses ni Dad, “Bakit ka ba nagkakaganyan? Hindi ba mahalaga sa’yo ang opinion ko?” “Parang tatay na ho ang turing ko sa inyo pero sa tingin ko ay wala na kayong karapatang kontrolin ang buhay ko. Kaya ko ho ang magdesisyon para sa sarili ko.” “Hindi ka ba nanghihinayang? Kaya ko naman ang suportahan ka, bakit ba pilit mong ginagawang komplikado ang buhay mo?” unti-unti nang tumataas ang boses ni Dad na ngayon ko lang narinig. Ano bang pinagtatalunan nila? “Salamat po, pero hindi ko na kailangan ng tulong niyo.” Napalunok ako at parang bumigat ang dibdib ko dahil sa sinabi niya. Ako ang nasasaktan para kay Dad. “Storm…” “Magpapahinga na po ako.” Nanlaki ang mata ko at agad na nagpanic nang makarinig ng yabag. Bumukas ang pintuan at nagtama ang paningin namin. Malamig ang paraan ng pagkakatingin niya sa’kin at walang sabing nilampasan lang ako habang napapakamot ng ulo. Nang makapasok siya sa kwarto niya ay nilapitan ko si Dad. “Dad… ano pong problema?” “Sinabi niya sa’kin na hindi na siya mag-aaral at magtatrabaho na lang.” “Nalilito lang po siya sa ngayon, Dad. Please po hayaan mo siyang mag-isip pa. Hm.” Napabuntong hininga lang si Dad at tumango. Alam kong malapit na malapit ang loob niya kay Storm, pero si Storm pa rin ang magdedesisyon ng gusto niyang gawin at wala naman kaming magagawa ro’n kahit pa nasa puder namin siya. Malaki na siya at kaya na niya ang magdesisyon para sa sarili niya, nakakalungkot lang na hindi niya kino-konsider ang opinion ng mga taong nag-aalala rin sa kanya. “Ano? Seryoso ka ba diyan?” hindi makapaniwalang sambit ni Bri. Nandito kami ulit ngayon sa library para mag review. Dalawang araw na lang ay magti-take na kami ng entrance exam kaya seryoso na kaming nag-aaral. “Oo, kahit ako ay hindi ko inaasahan ‘yun.” “Talaga bang seryoso na siya na hindi na mag-aaral? Sayang naman ang galing niya.” Ani Drei. Naikwento ko kasi sa kanila na wala ngang balak si Storm na mag kolehiyo at maging sila ay hindi natutuwa. “Iyan ang mahirap sa mga matatalino na, hindi na exciting sa kanila ang mga bagay bagay.” Nailing na ani Bri. Nagkibit balikat na lang ako at tinuon nang muli ang atensyon sa libro. Hindi ko pwedeng hayaan na ma-distract ng todo sa sitwasyon ni Storm dahil may exam akong paparating, ayoko nang dagdagan ang disappointment ni Dad kung sakaling hindi ako makapasa. Umabot kami ng gabi sa library bago umuwi. Naabutan ko si Dad na tulala sa sala at mukhang malalim ang iniisip. Lumapit ako sa kanya at bumati at tanging tango at tipid na ngiti lang ang isinukli niya sa’kin bago nagpaalam na magpapahinga na. Napabuntong hininga na lang ako at sinundan siya ng tingin. Hindi ko alam kung ano ang naging usapan nil ani Storm noon kaya ganyan siya kaapektado ngayon pero sana ay maging okay na sila. Hindi ako sanay na hindi sila nagki-kwentuhan na dalawa. Papasok na sana ako ng kwarto ko nang may mapansin akong tao sa veranda. Dahan dahan akong lumapit at bumungad sa akin ang mukha ni Storm habang seryosong umiinom ng kape. “Kauuwi mo lang?” Napaigtad ako nang marinig ang boses niya. Hindi niya ako nilingon at nanatili lang ang tingin sa kawalan. “Oo.” Lumapit ako sa kanya at tiningnan siya, “Ayaw mo na ba talagang mag-aral?” “Hindi ko pa rin alam kung ano ang gusto ko.” Tumango ako at kinagat ang pang-ibabang labi. “Bakit hindi mo subukang pumasok muna? I mean, unang taon pa lang naman, pwede pang magbago ng course kung sakali. Mag entrance exam ka sa university na gusto mo at kumuha ka ng kahit na anong course tapos kapag nalaman mo na kung ano talaga ang gusto mo, saka ka lumipat.” Tiningnan niya ‘ko ng mariin at kung hindi lang ako nakakapit sa railings ay baka napaupo na ‘ko dahil sa panginginig ng tuhod ko. “Saan ka mag e-exam?” aniya matapos uminom ng hawak na kape. Mukhang wala talaga siyang balak dahil binago na niya agad ang topic. “Sa H.U.” bumuntong hininga ako at tumitig rin sa kawalan, “Sana palarin.” Ramdam ko ang paglingon niya ulit sa’kin pero hindi ko na iyon pinansin. Wala na akong magagawa kung ayaw niya talaga. Nalulungkot lang ako para kay Dad. LUMIPAS ang araw at dumating na ang araw ng exam at interview ko, at kung minamalas pa ay bumabagyo sa labas kaya parehong nakatulala kami ni Dad sa may pintuan at parehong hindi alam ang gagawin. Ngayon lang ang schedule ng entrance exam sa H.U kaya hindi ako pwedeng magpatalo sa bagyo kundi ay wala na talagang pag-asang makapag-aral pa ‘ko. Kung ano-ano ang pinasang papel ni Ms. Gozon sa H.U para lang makasama ako sa iinterviewhin ngayon kaya hindi ko pwedeng sayangin ang chance na ‘to. “Paano na ‘yan, Shan?” nag-aalalang tanong niya. Ngumiti ako ng tipid at sinimulang suotin ang kapote ko. “Kaya ko na po, Dad.” “Ihahatid kita.” Umiling ako para pigilan siya. “Mataas raw po ang baha at hindi kaya ng sasakyan. ‘Wag na po kayong mag-alala dahil magti-train po ako.” Bumuntong hininga siya at inabot sa’kin ang payong. “Mag-iingat ka anak.” Tumango ako at humalik na sa pisngi niya. Sinilip ko si Storm at nakitang nakatayo siya sa hagdan kaya tipid akong ngumiti sa kanya bago lumabas ng bahay. Sumalubong sa’kin ang malakas na ulan at hangin, at hindi pa man ako nakakalayo ay parang bibigay na ang payong ko. “Ano ba naman ‘yan, bakit naman ngayon pa.” sambit ko sa sarili. Halos pagewang gewang ang lakad ko hanggang sa makarating ako sa train station. Pasira na rin ang payong ko nang tiklupin ko iyon at bahagya nang nabasa ang buhok ko. Napasinghap ako ng makita kung gaano karami ang nasa loob ng train. Punuan ngayon lalo dahil iilan lang ang sasakyan na bumabyahe. Huminga ako ng malalim at nakipagsiksikan sa loob. Konting tiis lang, Shan, para sa future. “Nakataas ng signal number 3 ang bagyong ito, may bilis ng hangin ito na 110 kilometers per hour na may kasamang malakas na ulan. Dahil dito nagbaha sa maraming lugar, nagdulot ng trapiko at kanselado ang klase sa lahat ng antas ng paaralan. Pinapayuhan ang mga mamamayan na manatili na lamang sa kanilang mga tahanan…” Hayy, ano ba ‘yan. Ilang beses akong muntik nang masubsob at mauntog sa kung kani-kanino bago ako nakarating sa H.U. Basa na ang kalahati ng katawan ko dahil nasira na ng tuluyan ang payong ko pero hindi na ako pwedeng umatras ngayon lalo na’t nandito na rin ako. Tiningnan ko ang relo ko at nanlaki ang mata ko ng makitang 30 minutes na pala akong late kaya mabilis akong tumakbo papasok. Hinihingal na huminto ako sa isang room kung saan gaganapin ang interview at nakitang kakatapos lang ng interview ng pang huling babae. Wala na akong nakikitang ibang estudyante bukod sa kanya kaya tingin ko ay siya na ang huli. “Miss, Borromeo po.” Sambit ko sa babaeng may hawak ng mga papel, mukhang siya ang nag-aassist sa mga estudyante. Hinanap niya muna ang pangalan ko sa listahan bago ako sinenyasan na sumunod sa kanya para sa entrance exam. Isang oras ang inilaan ko para sa 30 questions na naroon. Pagkatapos ay derektang ipinakita sa akin ng babae na nakapasa ako sa exam at pwede na sa interview. Hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko, naghahalo ang tuwa at kaba. Nakapasa nga ako sa exam, pero wala namang kasiguraduhan sa interview. Sumilip pa muna ang babae sa mga Professor na naghahanda nang tumayo bago ako sinenyasan ulit na lumapit sa room. “Ma’am excuse me po, meron pa po tayong isa pang estudyante.” Aniya sa mga ito. “Sige, papasukin mo na.” Inhale. Exahale. Kaya mo ‘yan, Shan. Pumasok ako at umupo sa upuang nasa harapan ng mga Professor. Inilapag ko muna ang sirang payong ko bago tuluyang tumingin sa kanila. Sa unang tingin pa lang ay halatang masusungit ang mga ito, lalo na ang nag-iisang matandang babae na sadyang matalim ang tingin. “Magpakilala ka.” Ani ng lalaki na katabi ng matandang babae. Tumikhim ako at huminga muna ng malalim bago nagsalita, “Magandang tanghali po, ako si Shan Ysabelle Borromeo. Galing po ako sa Safami University at gusto ko pong humingi ng paumanhin dahil nalate ako ngayon.” Tumango tango sila habang nakatingin sa papel ko. “Himala ang grade mo sa huling gradings.” Komento ng lalaki. “Nagawa mo pa lang makapasok sa top 50 sa loob lang ng dalawang buwan?” tanong ng isa pa. Tumango ako at ngumiti ng tipid. “Opo.” “Ms. Borromeo, bakit kita kailangang tatanggapin dito? Yung recommendation letter ng teacher mo parang isinulat na sa dugo dahil sa desperation. Nagawa mong makapasok sa top 50 ng finals pero mababa pa rin ang overall average ng grade mo. Paano ka nakapasok sa 2nd round ng screening?” Natigilan ako at napaawang ang bibig ko nang deretsahang itanong iyon ng matandang babae at masungit na sumandal sa upuan niya. “P-po?” “Mataas ang nakuha niya sa exam ngayon ngayon lang.” ani ng lalaki sa tabi ng matandang babae. “Ayoko nang magtagal pa ang interview na ‘to, hindi sapat ang pasado lang sa entrance exam. Walang nakalagay sa skills at talent mo at ang tanging maipagmamalaki mo lang ay 'yung nakapasok ka sa top 50 sa loob ng dalawang buwan. Kaya ngayon, bibigyan kita ng isang minuto para kumbinsihin kami kung bakit kailangan kang tanggappin dito. Sa sagot mo ako babase kung karapat dapat ka ba o hindi. Your timer starts now…” Napalunok ako habang nakatitig sa mga mata niya. Mabilis ang t***k ng puso ko at hindi ko alam ang dapat kong sabihin.  Mag-isip ka, Shan! Anuba! Lumipas ang 20 seconds na wala akong nasabi at nakatitig lang sa kanila. “Wala kang maisagot? Kung ganu’n ay pwede ka nang umalis. Thank you for coming.” Malamig na aniya. Wala akong nagawa at kinuha na lang ang kapote’t payong ko. “O-opo, t-thank you po.” Ramdam ko ang pag-init ng sulok ng mata ko habang dahan dahang naglalakad palapit sa pintuan. Huminga ako ng malalim at naglakas ng loob na lumingon ulit sa kanila. May natitira pang 30 seconds na nasa timer. “Meron po akong gustong sabihin…” napaangat ang tingin nila sa’kin kaya lumunok ako at nagpatuloy, “Alam ko po na hindi ako magaling sa lahat ng bagay at hindi rin ako katalinuhan. Wala akong naisulat sa talent at skills at bukod pa ro'n ay mabagal akong pumick up. Pero alam niyo po, hindi ako mahilig sumuko at talagang pinagsisikapan ko ang lahat ng bagay. Kung ang pipiliin niyo po ay ang matalino at magaling lang na estudyante kaya lang tamad sya at madaling sumuko sa malakas na hangin at ulan, sayang lang ang pagkakataong ibibigay niyo sa kanya. Kaya naman, ako po ang piliin niyo. Hindi man ako magaling, pero masikap naman at hindi mabilis sumuko. Bakit hindi niyo po subukang tumanggap ng kagaya ko?” *ting~* Yumuko ako at napakagat ng labi ng makitang natapos na ang isang minuto. Bagsak ang balikat na naglakad ako palabas ng university.  Hayy… mukhang wala na akong pag-asa.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD