NANDITO kami nila Bri at Drei ngayon sa library ng Safami dahil mag re-review kami para sa entrance exam. Halos lahat ng estudyante ngayon ay busy para sa university na papasukan nila at marami rin ang narito sa library para mag review.
“Sure ka na ba na ayaw mo na ro’n sa study room? Parang mas matututo ka ro’n.” ani Drei habang nakatuon ang paningin sa librong binabasa.
“Ayoko na, wala naman akong natututunan rin.”
Saka ayoko na rin na malapit sa kanya.
“Buti pa kayo, malaki ang chance ninyo na makapasa sa university. Samantalang ako ay hindi ko na alam ang gagawin sa buhay ko.” Nakapangalumbabang ani Bri. Simula nang dumating kami rito ay wala siyang ginawa kundi ang magsabi ng mga negative na bagay patungkol sa sarili niya.
“Hindi totoo ‘yan, kung mag-aaral ka ngayon ay makakapasa ka rin.” Medyo naiirita nang ani Drei.
Bumuntong hininga si Bri at pinaglaruan ang hawak niyang lapis. Kahit ako ay hindi sigurado kung papasa, natuto lang naman ako dahil kay Storm, at ngayong hindi na niya ako tinuturuan ay mababa na ang chance kong makapasa.
“Shan.”
Nag-angat ako ng tingin nang marinig ang boses ni Gab. “Uy.”
“Saan ka mag e-exam?” tanong niya matapos umupo sa tabi ko.
“Kahit saan siguro, wala akong specific na target school.” Dahil wala rin naman akong karapatang mamili, bulong ko sa sarili.
“Ganu’n ba? Ayaw mo bang i-try sa S.U?”
Hindi makapaniwalang tiningnan ko siya sabay natawa. “Talagang tinatanong mo sa’kin ‘yan? Dito nga sa Safami ay nahihirapan na ‘ko, sa S.U pa kaya?”
“Why not? Malay mo naman.”
Napairap ako sa kawalan dahil sa sinabi niya. Hindi niya ‘ko mauuto sa ganyan, dahil alam ko kung hanggang saan lang ang kakayahan ng utak ko.
“Naku, ikaw na lang ro’n.” naiiling na ani ko.
“Kayo ba Drei at Bri?” baling niya sa dalawa.
Nagkibit balikat si Drei matapos ilipat ang pahina ng binabasang libro. “Sa Hannam University sana kung papalarin.”
Tumango tango si Gab. “Maganda nga rin du’n sa H.U.”
“Sana makapasa.” Dagdag ni Drei.
“Kayang kaya natin ‘yan.” Nakangiting ani Gab.
“Ikaw ba?” tanong ko.
“Hindi na muna ako mag-aaral.”
Napunta kay Gab ang atensyon naming tatlo dahil sa sinabi niya. “Ha? Bakit naman?”
“Magtatayo na ako ng sarili kong restaurant, matagal ko nang plano ‘yun.” Nakangiting aniya.
Napaawang ang bibig ko at dahan-dahang tumango. “Sabagay, magaling kang magluto kaya bagay sa’yo ang maging resto owner.”
“Oo nga, Gab. Ilibre mo kami sa resto mo.” Sambit ni Bri.
“Mukhang sa’yo malulugi si Gab. Wala pa man din ay kumukontrata ka na.” Naiiling na ani Drei.
Tumawa ng mahina si Gab at nag thumbs up kay Bri, “Kaya sana ay dalasan niyo ang punta kapag nag open na, may napili na rin kasi akong place at inaasikaso na lang ang papers. Dadalhin ko kayo ro’n kapag ayos na.”
“Sabi mo ‘yan ah.”
“Oo ba.”
Natulala ako at napaisip bigla. Paano kung ‘wag na lang rin ako mag college? Kaso, ano namang gagawin ko? Wala akong alam na bagay na magaling ako, hindi kagaya ni Gab na planado na ang lahat sa kanya at talagang magagawa niya ang gusto niya.
Pagkaalis ni Gab ay biglang tumayo si Bri at taas noo kaming tiningnan. “Hindi na rin ako mag-aaral.”
“Ano?!” sabay na sigaw namin ni Drei.
“Ayoko na rin mag-aral.” Ulit niya.
Pwersang pinaupo ni Drei si Bri at pinameywangan ito. “Anong sinabi mo, Brianna? Pakiulit mo nga?”
“Eh, kasi naman ayoko na talagang mag-aral.” Nakangusong paliwanag ni Bri, “Gaya ni Gab ay gagawin ko na lang ang gusto ko.”
“Gaya nang?”
“A-ano… ano nga ba?” napakamot siya sa ulo niya at awkward kaming tiningnan.
“H’wag kang magpadalos dalos at pag-isipan mo nang mabuti ‘yan.” Tanging nasabi ni Drei, na agad kong sinang-ayunan. Sayang naman kung hindi siya magka-college. Lahat naman kami ay ayaw nang mag-aral pero mas okay pa rin kung nakatapos ng kolehiyo.
“Oo na. Nainspired lang ata ako kay Gab kaya ko nasabi 'yun.” nakangusong aniya.
Iba naman kasi ang case ni Gab. ‘Yung sa kanya ay matagal na niyang plano ang magtayo ng sariling restaurant at bukod pa ro’n ay magaling talaga siya sa pagluluto kaya paniguradong lalago at kikita ang Negosyo niyang iyon. Ang kaso naman naming tatlo kung sakaling hindi kami mag-aaral ay magiging tambay at palamunin lang kami dahil wala naman kaming bagay na ginagawa na confident kaming sabihin na magaling kami talaga. Kaya dapat ang mga kagaya namin ay nagtatapos na lang talaga ng pag-aaral.
Nakakainggit lang dahil alam ni Gab ang gusto niya.
Ako? Ano bang gusto ko bukod kay Storm?
Sa buong oras na nasa library ako ay siya lang ang naiisip ko kaya naman wala rin akong naintindihan sa mga dapat sana ay aaralin ko.Nababaliw na ata ako talaga sa kanya.
"Kain muna tayo, nagutom ako kakabasa." ani Drei na tinanguhan lang namin ni Bri habang naglalakad palabas ng university. Marami rami rin ang mga estudyante na nakatamabay sa mga bench at pare-parehong busy sa kanya-kanyang hawak na libro. Challenging talaga ang pagpasok sa bagong university, kailangan mo na namang magpakitang gilas.
"Ayaw mo bang dito na lang din mag college sa Safami, Shan?" tanong ni Drei.
Natawa ako ng mahina at umiling. "Hindi na siguro. Kung may loyalty award ang Safami ay baka isa na ako sa nakatanggap. Biruin mong simula elementary ay nandito ako."
"Yun na nga eh, malay mo tanggapin ka sa College department since loyal ka naman rito."
"May ganu'n ba?"
Napakamot sa ulo niya si Bri at ngumiwi. "Wala ata."
"Kahit naman saan ay walang kaso sa'kin." Ani ko, at niyakap ang hawak hawak kong libro.
"Kahit sa lugar na wala si Storm?" taas kilay na tanong ni Bri.
Napahinto ako dahil sa tanong niya. Ngayon ko lang naisip na hindi ko pa pala alam kung saan mag e-enroll si Storm.
"Saan kaya siya mag-aaral? Tingin niyo?" usisa ko sa kanila.
Nagkibit balikat lang si Drei. "Malamang doon sa sikat na university. Sa talino niyang 'yun ay tatanggapin siya ng buong puso ng bawat university na pag-eexaman niya."
Sabagay. Pero saan naman kaya?
"H'wag mong sabihin sa'kin na balak mo siyang sundan?" taas kilay na tanong ni Bri.
"As if naman magagawa ko 'yun."
Tiningnan lang nila ako na parang narealize nila na imposible nga ang tinatanong nila. Pumasok kami sa isang restaurant at agad na humanap ng uupuan.
"Teka, si Storm ba 'yun?" tanong ni Bri sabay turo sa lalaking nasa likuran ko.
Lumingon ako at agad na kumunot ang noo ko nang makita nga si Storm na prenteng nakaupo sa hindi kalayuan habang seryosong nakatitig sa lalaking kaharap niya.
"Sino kaya 'yung kausap niya?"
"Tara, pakinggan natin."
Hinayaan ko si Bri na hilahin ako paupo sa pwestong malapit lang sa kanila.
"Kung sa university ka namin papasok ay marami kang benefits na ma-eenjoy mo." nakangiting ani ng lalaking kaharap niya.
"Pag-iisipan ko." malamig na tugon ni Storm.
"Kilala ang H.U na university rito kaya bakit pag-iisipan mo pa?"
"Hindi ako sigurado kung gusto kong mag-aral pa."
Napaawang ang bibig ko dahil sa narinig.
Ayaw niya na rin mag-aral?
I mean, 'yung kagaya ni Storm? Nakakaramdam din pala ng ganu'n? Akala ko kasi ay malaki na ang plano niya sa buhay niya.
"Sayang ang talino mo kung hindi ka magpapatuloy. Sinasabi ko nga sa'yo na kapag tinanggap mo ang offer ko ay hindi lang scholarshio sa H.U ang matatanggap mo kundi marami pang iba, kaya sana pag-isipan mo."
"Sige." tipid na sagot ni Storm.
Tumayo ang lalaki at kinuha na ang dala nitong bag. Agad naming kinuha nila Bri ang menu na nasa table namin at pinangtakip 'yun sa mukha namin. Baka sabihin ni Storm na chismosa kami kahit totoo naman.
"Thank you sa time mo, alam kong marami ka nang nareveice na offer sa'yo galing rin sa mga kilalang universities pero sana ay maging parte ka ng H.U." Ani lalaki at inilahad ang kamay kay Storm na agad rin naman nitong inabot.
"Thank you rin sa offer."
Tumango lang ang lalaki at walang sabing umalis na. Sumabay kami nila Bri ng labas du'n sa lalaki dahil baka makita pa kami ni Storm at masabihan pa akong stalker.
"Grabe, si Storm ang nilalapitan ng mga universities?" hindi makapaniwalang ani Bri.
"Ganu'n talaga kapag malaki ang potensyal mo, ikaw ang hahabulin ng tao."
Kahit ako ay namangha at hindi makapaniwala. Kaya naman pala hindi siya abala sa entrance exam kagaya naming lahat dahil siya ang hinahabol ng mga universities, at ang gagawin niya na lang ay ang mamili.
"Yung university na pinapangarap ko ay sisiw lang sa kanya..." bulong ko sa sarili.