KINABUKASAN ay matamlay akong pumasok sa University. Pagkababa ko kanina ay wala na si Storm at nauna na, mabuti na rin ‘yun dahil hindi ko alam kung anong mararamdaman ko ‘pag nagkita kami. Wala ako sa mood ngayon at sa totoo lang ay mas gusto ko sanang magkulong na lang muna sa kwarto ko, ang kaso ay kailangan kong mag-aral dahil malapit na ang finals namin at ang lakas ng loob kong hamunin si Storm sa harap ng maraming tao samantalang ni hindi ko kayang mag-aral ng mag-isa.
Akala ko ay ang pagiging last section sa buong high school life ko na ang pinaka nakakahiyang bagay sa buhay ko, pero mukhang mas matinding kahihiyan ang aabutin ko kapag nagmukha akong talunan at lunukin ko rin ‘yung mga mayabang na pinagsasabi ko kay Storm sa harap ng maraming tao.
“Shan, ‘yun ‘yung karibal mo may Storm oh.” Bulong ni Bri habang nginunguso ang babaeng nasa kabilang bench.
Tamad akong tumango at hindi na nag-abalang tingnan ang tinuturo niya.
“May sakit ka ba?” tanong ni Drei.
Umiling ako at bumuntong hininga. “Mababaliw na ata ako.”
“Bakit? Anong kahihiyan na naman ba ang natamo mo?”
Tiningnan ko si Drei at gusto kong ngumawa ngayon pero hindi ko magawa dahil maraming tao. Pinili ko na lang ang umiling at pinaglaruan ang hawak kong bottled water.
“Erin ang pangalan niyan.” Ani Bri kay Drei. Silang dalawa lang ang nag-uusap dahil wala ako sa mood makipag tsismisan.
“Oh tapos?”
“Grabe ang hinaharap, pak na pak. Tapos tingnan mo ‘yung legs, ang kinis at ang payat. Malabong hindi patulan ‘yan ni Storm kung sakali.”
Pumangalumbaba ako at walang ganang sinundan ng tingin ang babaeng sinasabi niya. Payat siya at maputi. Mahaba ang legs, katamtaman ang haba ng buhok at maliit ang mukha. Mukha siyang modelo sa magazine habang tahimik na nakaupong mag-isa sa bench at nakatutok sa cellphone niya. Hindi niya siguro namamalayan na agaw pansin siya at halos lahat ng dumadaan ay nagbubulungan patungkol sa kanya.
“Bakit? Gusto niya ba si Storm?” usisang tanong ni Drei. Kahit ako ay napatingin kay Bri at naghihintay rin ng sasabihin niya.
Nagkibit balikat si Bri kaya napabusangot kami pareho ni Drei.
“Aba, malay ko. Hindi naman kami close, saka isa pa ay wala namang kumakalat na balita kung isa ba siya sa fan girls ni Storm. Pero alam niyo ba…”
Agad kaming napadikit kay Bri at kuryosong nakatingin sa kanya.
“Dinig kong matalino raw ‘yan. Sabi pa ng iba ay female version daw ‘yan ni Storm dahil bukod sa pareho silang matalino ay parehas pa ng ugali.” Bulong ni Bri na akala mo’y mayroong makakarinig sa amin.
Napakurap kurap ako at matamang tiningnan ang sinasabi nilang Erin. Mukha nga siyang snober at parang siya ‘yung tipo ng babae na hindi mo maloloko at mahirap lapitan.
Matalino at maganda? Bagay nga sila ni Storm.
Ewan ko kung bakit pero lalo akong natamlayan ng maisip ‘yun. Bukod sa puro lait at kahihiyan ang natatamo ko sa kanya ay hindi naman ako sobrang kagandahan. Hindi kasing haba ng sa kanya ang legs ko at wala ako ng hinaharap na kagaya ng sa kanya. Kung tutuusin ay madalas akong napagkakamalang minor de edad dahil sa itsura kong masyadong baby face at hindi mo maiisip na dalaga sa unang tingin.
Samantalang ‘yung Erin, dalagang dalaga ang dating. Nasa kanya ang katangian ng babaeng papatulan ni Storm at hindi na ako magugulat kung sakali ngang ligawan niya ‘yan.
“Bakit ganyan ang mukha mo? Wala ka ba talagang sakit?”
Tumingin ako kay Drei at ramdam ko ang pangingilid ng luha ko sa hindi ko malamang dahilan.
Nagseselos ba ‘ko? O naiinsecure?
Para kasing pinamukha sa akin na walang wala ako sa standard ni Storm.
Oo, mayaman ako at may itsura rin naman. Pero wala ako ng utak na meron siya at ‘yun ang pinaka ayaw niya. Kaya nga puro kahihiyan ang natatanggap ko galing sa kanya at sobrang nakakababa ng pagkatao.
Ni minsan ay walang nagpamukha sa akin na may kulang sa’kin. Lahat ng nasa paligid ko ay pinaparamdam na sapat ako at may ibubuga. Pero simula nang makilala ko si Storm, bigla kong nakita lahat ng mali at kulang sa’kin. Tapos dumating pa ‘tong si Erin, lalo akong nanliit.
Pinunasan ko ang namuong luha sa mata ko at walang sabing tumayo. Hindi ko maintindihan ang sarili ko kung bakit sobrang emosyonal ko ngayon.
“Saan ka pupunta? Ayos ka lang ba?” nagtatakang tanong ni Bri habang nakasunod sa akin.
“Babalik na sa room.” Maiksing sagot ko.
Hindi na sila nagtanong at tahimik na lang na sumunod sa’kin.
“Nasa’n na ba si Rence?” inis na tanong ni Faith, ang president ng klase namin. “Nakita mo ba, Shan?” sa akin siya nakatitig at nakataas ang kilay.
Umiling ako at nilampasan siya.
“Tawagan mo kaya, mukha bang hanapan ng lalaki si Shan?.” Mataray na sagot ni Bri.
Umupo ako sa pwesto ko at pumangalumbaba. Art class namin ngayon at si Faith ang magre-report.
Pumasok ang grupo nila Rence at Dave na may maaangas na mukha.
“Oh, ayan na pala kayo. Rence, pumwesto ka na.” kalmadong ani Faith.
Hindi siya pinansin ng grupo nila Rence at agad na dumeretso sa pwesto ko habang may dala-dalang lunch box si Dave.
“Shan, hello.” Nakangiting bati ni Rence. “Para sa’yo.” Sinenyasan niya si Dave na ilapag ang lunch box na agad din namang sinunod ng isa.
“Ano na naman ‘yan, Rence?” mataray na tanong ni Bri.
“Manahimik ka nga diyan, Bri.”
Umirap si Bri at hindi na kami pinansin.
“Ano ‘yan?” walang ganang tanong ko.
“Lunch, pinagluto kita. Paninguradong magugustuhan mo ‘yan.”
Ngumiti ako ng pilit at tumango. “Thanks.”
“Tama na ‘yan. Rence, pumwesto ka na rito.” Sigaw ni Faith.
Ngumiti lang sa akin si Rence at agad na pumwesto sa unahan. Siya kasi ang gagawing model ni Faith. Pinwesto niya si Rence sa posisyong gusto niya. Naka patong si Rence sa isang kahon at naka pose ng parang tatakbo.
Nilabas na namin ang sketch pads namin para mag drawing.
“So, todays concept is capturing movement. You may start now.” Maarteng ani Faith at iniwan na si Rence sa unahan.
Tahimik ang buong klase habang pasulyap sulyap kay Rence na naka pose sa gitna para iguhit ang posisyon niya.
Nakapangalumbaba ako habang gumuguhit at wala sa sariling ginagaya ang itsura ni Rence sa unahan. Inuna ko ang porma ng katawan niya at nanatiling blangko ang sa mukha.
Matapos kong i-drawing ang buong katawan ay sinulat ko sa gilid no’n ang salitang ‘Bagyo’ nang hindi namamalayan. Pagkatapos ay ang mukha ang pinagtuunan ko ng pansin at ang mukha ni Storm ang lumitaw sa isipan ko.
Ilang minuto ang lumipas at pumunta ulit si Faith sa unahan.
“Rence, you can come down now. Sa natitirang minuto ay pwede na ninyong tapusin at i-finalize ang mga gawa ninyo.”
“Ah, okay.”
Agad na nagsilapitan ang grupo ni Rence at binuhat siya pababa dahil sa p*******t ng legs nito. Si Faith naman ay nag ikot-ikot habang tinitingnan ang gawa ng bawat isa.
“Shan!”
Napakurap ako ng isigaw niya ang pangalan ko. Hindi ko namalayang nakatulala na pala ako.
“Ha?”
Nakatitig siya sa sketch pad ko habang galit ang mukha.
“Bakit? Anong nangyari?” iika ikang lumapit sa akin si Rence. Maging sila Drei at Bri sa tabi ko ay tumingin sa sketch pad ko kaya pati ako ay napatingin roon.
Oh my god!
Kinuha ni Rence ang sketch pad ko at tinitigan. “Teka, ganito ba ang itsura ko?”
Napakagat ako sa labi ko at nahihiyang yumuko habang nagtatawanan sila Drei at Bri sa tabi ko.
“Tsk. Malala ka na, Shan. In love ka nga kay Storm.” Naiiling na ani Bri. Maging si Drei ay napailing na lang din. Samantalang si Faith ay masama ang tingin sa akin at si Rence na mukhang disappointed.
Napabuntong hininga ako at tiningnan ang sketch pad kong may mukha ni Storm.
My god, Shan. Nababaliw ka na.