NAGTATAKANG nakatitig sa akin sila Drei at Bri nang maabutan nila ako sa room na mag-isa habang nagbabasa. Alas sais pa lang ng umaga kanina ay nandito na ako dahil balak kong magbasa basa noong papel na binigay ni Storm.
“Nilalagnat ka ba, Shan?” asar ni Bri.
Lumapit sa akin si Bri at hinipo ang noo ko na agad ko rin namang inalis at hindi na sila muling pinansin.
“Wow, si Shan tutok na tutok sa pagbabasa ah.” Ani ng kakarating lang na si Rence kasama ang mga kaibigan nito at si Dave.
“Mukhang may papasa na sa top 50 na last section.” Biro ni Dave.
Ngumisi si Rence at mabilis na tumabi sa akin. “Galingan mo, Shan. Supportado kita.”
Tinulak paalis ni Brianna si Rence at tiningnan ang lalaki ng masama. “Wag mo siyang estorbohin. Nagsisikap ‘yan na masupalpal ang mayabang na Storm na ‘yun.”
“Pero seryoso ka ba talaga diyan, Shan?” tanong ni Drei.
Napabuntong hininga ako dahil hindi na ako makapag focus sa binabasa ko dahil sa ingay nila. Dapat pala ay sa library na lang ako pumwesto.
“Seryoso ako rito, kaya ‘wag niyo akong guluhin.”
Naghiyawan ang grupo nila Rence at malalapad ang ngiting tumingin sa akin.
“Kayang kaya mo ‘yan, Shan!” cheer ni Rence at kinindatan pa ako.
Umirap ako sa kawalan at nakahinga ng maluwag ng maya-maya ay hayaan na nila ako at nagkanya-kanya ng ginagawa. Maingay ang buong room naming dahil mayroong naglalaro ng kung ano sa likuran, si Brianna at Drei na nagkaroon ng mini parlor sa isang tabi at sila Rence na nagki-kwentuhan habang nakaupo sa lamesa sa unahan.
Hindi ko alam kung paano ako nakapag concertrate sa binabasa ko sa kabila ng ingay sa paligid ko. Ganu’n nga talaga siguro kapag naka focus ka sa isang bagay, hindi ka na madaling madistract. Ilang minuto pa ang lumipas bago pumasok ang Professor namin at nagbigay ng isang surprise quiz na ikina-angal ng lahat, samantalang ako ay tahimik lang na nakatitig sa harapan.
“Kainis naman ‘tong si Miss, hindi pa naman ako nag notes kahapon.” Inis na bulong ni Bri habang naglalabas ng yellow paper at ballpen.
“Ang ingay mo, bruha ka.” Saway sa kanya ni Drei.
Napapagitnaan nila ako kaya rinig na rinig ko ang usapan nila. Tinukod ko ang siko ko sa table habang naghihintay ng questions. Ready na ang papel at ballpen ko at medyo hindi ako kinakabahan dahil sa dami ng pinabasa sa akin ni Storm kagabi ay tingin ko naman meron akong matatandaan kahit papaano.
Nagsimula nang magbaba ng tanong ang professor namin habang dahan dahang naglalakad sa buong class room. Lahat kami ay nakatuon sa kanya kanyang papel namin at walang nagtatangkang makipag usap sa katabi dahil strict ang professor na ‘to. Balita kasi namin ay nangbabagsak daw talaga ito kapag nahuli kang nag-cheat kaya naman kanya kanyang sagot ang bawat isa sa amin.
Lihim akong napapangiti ng nasasagutan ko ang bawat tanong. Ibang klase talaga ang lalaking ‘yun magturo, nakakatalino.
“My god, zero ata ako.” Rinig kong reklamo ni Bri sa tabi ko habang nakatutok ang paningin sa sariling papel. Gusto ko sana siyang pakopyahin kahit na hindi naman ako ganu’n ka sigurado kung tama ba ang mga sagot ko kaso ay masyadong matanglawin ang professor na ito at kinakabahan akong mahuli niya. Sayang ang effort ko sa pag-aaral kagabi kung pupunitin niya lang ang papel ko sa harapan ko kaya ‘wag na lang.
Pasensya ka na muna, Bri.
Natapos sa 30 questions ang pa-quiz niya at walang sabing lumabas ng room namin ng makolekta na ang lahat ng yellow papers. Pagkalabas na pagkalabas ng professor ay agad na bumuntong hininga ang mga kaklase ko maging sila Bri at Drei na nasa tabi ko.
“Nakakainis naman, hindi man lang nagsabi.” Ani Rence sa likuran na halatang frustrated.
Lahat ay iisa ang naging reaksyon sa nangyaring pa-quiz, kahit naman kasi mukha kaming mga walang pakialam sa buhay ay gusto naman naming maka-graduate.
“Marami ka bang nasagutan, Shan?” tanong ni Rence nang lumapit siya sa akin.
“Meron akong sagot pero hindi ko alam kung tama.” Pag-amin ko.
“Naku, ayos lang ‘yan. Paniguradong papasa ka dahil masipag ka nang magbasa ngayon.”
Ngumiti lang ako sa kanya at muling kinuha ang papel na reviewer ko para magbasa ulit. Ilang araw na lang ay finals na namin kaya kailangan kong seryosohin talaga ito.
“Guys, pati raw ang mga susunod na profs ay magpapa-quiz kaya magreview na kayo.” Ani ng isa naming kaklase na galing sa labas.
Nanlulumong nagsibalik sa pwesto ang mga kaklase ko at binuklat ang mga notebook na halata namang walang sulat. Tamad halos ang lahat sa amin na mag take down notes dahil palaging parang nobela ang lectures ng mga profs. Buti na lang at ang isa naming kaklase ay masipag kaya sa kanya nila hinihingi ang notes.