“Confident ba kayo sa mga sagot niyo?” nag-aalalang tanong ni Bri sa aming dalawa. Tapos na araw ng exam namin ngayon at nandito kami sa Mall para kumain ng ramen, pangtanggal ng stress.
Bumuntong hininga si Drei. “Hmm, kahit papaano naman ay oo. Hindi ko lang sure.”
“Ikaw Shan?”
Napatingin ako sa kanila at ngumiwi. “Medyo.”
Malakas na napabuga ng hangin si Bri at masamang tinitigan ang pagkain niya. “Ako feeling ko bagsak ako.”
“Bakit naman? Wala pa ngang result, down ka na agad. Cheer up girl.”
Umiling iling si Bri at mukhang nalugi ang mukha. “Hindi, sigurado na ako. Binasa ko ‘yung libro kanina after ko mag exam, ang lalayo ng sagot ko.”
Nakatitig lang kami sa kanya ni Drei at hindi alam ang sasabihin.
“Ano ka ba, malay mo makapasa ka pa. ‘Wag ka ngang nega.” Tanging saad ni Drei na sinang-ayunan ko rin.
After naming kumain ay tatambay kami sa coffee shop at balak na rin naming magpalinis ng kuko. Inaaya kami nila Rence na sumama sa kanila sa bar pero tumanggi kami. Mas gusto namin ang girl bonding.
“Ang hirap ng exams, pakiramdam ko ay naalog at naubos ang laman ng utak ko.” Komento ni Drei. Napanguso ako dahil totoo ang sinabi niya pero at the same time ay namamangha ako kay Storm lalo. Akalain mong ‘yung mga binigay niyang possible questions ay lumabas nga sa exam namin kanina.
Paano niya nagawa ‘yun? Dati ba siyang teacher at alam niya ang pag gawa ng ganu’n?
Kaya hindi rin ako masyadong nahirapan dahil sa kanya. Grabe ang utak niya, ibang klase. Paniguradong perfect na naman ang score niya, hindi na ako magtataka ro’n.
“Bakit nakangiti ka diyan?” kunot noong tanong ni Drei.
Napangiwi ako dahil nakatitig silang pareho sa akin. “Ha?”
“Mukha kang kinikilig. Anong chika?”
“Ha? Wala ah.”
“Kami rito na-sstress sa exam, pero ikaw mukhang puro si Storm ang iniisip.” Naiiling na ani Brin a ikinalaki ng mata ko.
“Hoy, hindi ah.”
“Sus, de-deny ka pa. Obvious naman!” umirap siya at pinanlakihan ako ng mata. “Wag ka masyadong kiligin diyan kay Storm, madalas ay masama ang ugali nu’n.”
Natawa kami ni Drei dahil sa itsura ni Bri.
“Akala ko ba ay crush mo ‘yun?”
“Oo nga, sinasabihan ko lang itong si Shan dahil mukhang matindi na ang tama.”
“Pero Shan, kamusta naman ang estado niyo? I mean, wala bang progress?
“Ha? Ano ba ‘yang pinagsasabi niyo,”
“Ba’t namumula ka? Ikaw ha!” tinusok tusok pa nila ang tagiliran ko kaya hindi ko mapigilang hindi matawa.
“Tigilan niyo nga ako.”
“Sus, kaya pala hindi ka stress kasi may Storm na nagturo sa’yo at confident ka.”
Natawa ako dahil sabay silang ngumuso sa harapan ko.
“Mag re-relax tayo ngayon! Walang uuwi ng maaga.” Sigaw ni Bri.
Napailing na laang kami ni Drei at tumango sa kanya. Alas singko ng hapon natapos ang exam namin at wala kaming balak na umuwi agad at magmukmok sa bahay namin kaya namin naisipang mag bonding, para rin matanggal muna sa isip namin ang exam namin kanina na madugo sa utak.
Well, hindi pala masyado sa’kin. Hihi
“Oh, tingnan mo, humahagikhik ka mag-isa! Spill the tea.” Kunot noong ani Bri at hinampas pa ako sa braso ng ilang beses.
“Ha? Ano bang sinasabi mo diyan. Tara na nga.” Agad akong tumayo at iniwan sila na nanlilisik ang mata sa akin.
Alam naman nilang si Storm ang iniisip ko, ba’t kailangan pang tanungin? Tsk.
“CHEERS!” Malakas na sigaw ni Bri at sabay sabay naming itinaas ang hawak na yacult.
“Cheers!” masiglang sagot ko, ganu’n din si Drei.
Kakaalis lang namin sa Mall at ngayon ay nandito kami sa rooftop ng university. Naisipan naming tumambay at magpalipas ng oras kahit na medyo late na rin. Pare-pareho kaming ayaw pang umuwi dahil paniguradong masstress lang kami kakaisip sa exam namin kanina.
“Sana makapasa kami!” Sigaw muli ni Bri.
“Oo nga!”
“Please naman!”
Hindi kami ‘yung tipo ng student na grade consious pero gusto naming makapasa at makapag college. Hindi kami matatalino, oo, pero may pangarap kami.
“Kung sakali kayang hindi ako makapasa at matanggap sa college universities, ano kaya ang kakahinatnan ko?” bigla ay seryosong ani Bri habang nakatitig sa kawalan.
Natahimik kaming tatlo at nakatitig lang sa langit. Ang daming bituin, ang ganda nila pagmasdan.
“Edi magbukas ka ng sarili mong business.” Maya maya ay komento ni Drei.
“Paano naman, eh wala naman akong alam na bagay na magaling ako.” Nakangiti ng tipid si Bri pero ramdam ang lungkot sa boses niya.
Masayahing tao si Bri, kaya kapag ganito siya ay mabigat sa pakiramdam. Hindi ako sanay na nakikita siyang walang kompyansa sa sarili niya. Lalo pa’t alam na alam ko ang pakiramdam ng ganu’n.
Buong buhay ko, hindi ko rin alam kung saan baa ko talaga magaling. Madalas tinatanong ko sa sarili ko kung para saan ba talaga ako?
Gusto kong may marating sa buhay pero hindi ko alam kung ano. Siguro kasi ang tanging pangarap ko lang naman simula ng nag high school ako ay ang makapasa at maka graduate. Para kasi sa kagaya ko ay malaking bagay ang makapasa, mahirap at hindi madali. Hindi kagaya ni Storm na kahit anong gustuhin niya sa future pwede niyang gawin dahil matalino siya at marami siyang kayang gawin.
Malalim na buntong hininga ang pinakawalan ko at tumingala.
Para saan ba ‘ko?
KUMAWAY sa akin sila Bri at Drei bago pumasok sa kanya-kanyang sundong sasakyan. Kanina pa nila ako pinipilit na ihatid na lang pero tumanggi ako dahil gusto kong maglakad lakad pa. Inantay ko munang makalayo ang sasakyan nila bago ako nagsimulang naglakad. Hawak hawak ko ang strap ng bag ko at tahimik na naglakad. Wala nang tao sa paligid at puros sasakyan lang ang makikita dahil bihira ang naglalakad sa ganitong oras.
Pinasadahan ko ng tingin ang relo ko at nakitang alas onse na ng gabi. Napasarap ang kwentuhan naming tatlo at hindi namin namalayan ang oras, pero ayos na rin ‘yun. Atleast wala na kaming time na mag overthink pag-uwi namin dahil pagod na kami.
Ilang minuto ang lumipas at nasa huling street na ako palapit sa bahay namin nang may humarang sa akin na dalawang lalaking malapad ang pagkakangisi.
“Hi.” Bati ng isa na mukhang sabog dahil pipikit pikit ang mata niyang nangingitim.
Napangiwi ako at wala na sanang balak na pansinin pa sila pero hindi ako makadaan. “Excuse me po.”
“Sandali lang naman.” Iniharang ng isang lalaking kalbo ang braso niya kaya muntik na akong mabangga doon.
Pilit na pinapatapang ko ang boses ko at matapang silang tiningnan. “Anong kailangan niyo?”
“Wala naman, ikaw naman. Masyado kang nagmamadali, inom muna tayo.”
“Hindi ako umiinom, nakikita niyo bang estudyante pa ako?” mataray na ani ko na ikinatawa nilang dalawa.
“Matapang na bata ito pare.” Nag-apir pa ang dalawa habang tumatawa.
“Excuse me at uuwi na ako.” Muli kong tinangkang lampasan sila pero agad na nagtaasan ang balahibo ko ng hawakan nilang pareho ang magkabilang braso ko. Ayoko mang ipakita na natatakot ako pero totoong takot na ako ngayon.
Ginala ko ang paningin ko sa paligid at lalo akong kinabahan nang makitang wala man lang ni isang tao na dadaan.
“Sama ka na muna sa amin, mabilis lang naman at ihahatid ka rin namin.” Nakangising ani ng isa.
Pilit akong kumakawala sa mahigpit na hawak nila. “Ayoko sabi eh.”
“Sige na bata, mag eenjoy ka naman dito promise.” Muli silang tumawa na parang mga baliw.
Nandidiri ako sa paraan ng pagtawa nilang dalawa at kinikilabutan ako sa naiisip kong pwedeng mangyari sa akin. Lalo na ng magsimula na silang maglakad habang hawak ang braso ko.
“Ayoko nga sabing sumama sa inyo!”
“Wala kang choice, hija.”
Hila hila nila ako at ilang beses ko nang nalunok ang laway ko dahil sa sobrang kaba. Lobat ang cellphone ko at hindi ko alam kung paano hihingi ng tulong dahil wala namang ibang tao bukod sa amin.
“Kuya, bitawan niyo na ako. Uuwi na po ako.” Gusto ko nang maiyak pero pinipigilan ko ang sarili ko.
“Sabi niya bitawan niyo raw siya.”
Nanlaki ang mata ko at agad na napalingon sa pinanggalingan ng boses.
Storm.
“Hoy, ‘wag ka na makisali rito. Kasama namin ‘to sa bahay, nag iinarte lang at ayaw umuwi.” Paliwanag ng kalbo na lalong hinigpitan ang hawak sa braso ko.
“Paano niyo magiging kasama ‘yan, eh ako ang kasama sa bahay niyan.” Walang emosyong saad niya.
Napangisi ang dalawa dahil sa narinig.
“Ah, ganu’n ba. Pwes, pahiram muna kami.”
“Bitaw sabi.” Madiing ani Storm at dahan dahang lumapit sa amin habang nakapamulsa.
Nakatitig lang ako sa kanya at hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko ngayon. Hindi ko alam kung dahil ba sa takot ko kaya parang lalabas na sa dibdib ko ang puso ko dahil sa sobrang lakas ng kabog niyon.
Nang makalapit siya sa amin ay agad niya akong hinila palapit sa kanya.
“Umalis na kayo. Kung ayaw niyong manghiram ng mukha sa aso ay simulan niyo nang tumakbo.”
Hindi ko alam kung natakot ba sa kanya ang dalawa pero nakita ko ang pag-iling ng mga ito.
“Bakit? Sino ka ba sa akala mo?” Dinuro duro ng lalaking kalbo si Storm at wala akong nagawa kundi ang magtago sa likuran niya habang siya ay hindi man lang natitinag.
“Ah, gulo talaga ang hanap niyo. Sige.”
Napasinghap ako ng bigyan niya ng isang malakas na suntok ang kalbong lalaki na agad na nagpatumba rito. Dahil na rin siguro sa kalasingan kaya agad iyong nawalan ng malay, o baka dahil malakas talaga ang suntok ni Storm? Ewan ko. Nang makita ng kasama niya ang nangyari ay agad na itong kumaripas ng takbo at iniwan ang lalaking nakahiga sa sahig.
Nanlalaki ang mata ko nang humarap sa akin si Storm na walang kaemo-emosyon ang mukha.
“Tara na.”
Napakurap kurap ako at napalunok bago tuluyang sumunod sa kanya. Sinulyapan ko pa sandali ang lalaking nakahandusay sa kalsada bago itunuon ng tuluyan ang pansin sa malapad na likod ni Storm.
Nanatili ako sa likuran niya at hindi pa rin makapaniwala sa nangyari. Hindi ko alam kung ano bang uunahin kong isipin.
Nagulat ako at agad na napahinto ng bigla siyang humarap sa akin na nakakunot ang noo.
“Saan ka ba galing at ang tapang mong umuwi ng ganitong oras? Nababaliw ka na ba?” mahina ang boses niya pero ramdam ko ang inis roon.
Nanatili lang akong nakatitig sa kanya dahil hindi ko alam ang sasabihin ko.
“S-sorry..” tanging nasabi ko matapos ang ilang segundong pananahimik.
Marahas siyang napabuga ng hangin bago ako tuluyang tinalikuran. Tahimik lang akong sumunod sa kanya hanggang sa makarating kami sa bahay. Hindi niya na ako inimik kaya dere-deretso akong umakyat sa kwarto ko.
Tulalang naupo ako sa kama ko at hindi ko alam kung ano ang iisipin. Takot na takot ako kanina… akala ko walang tutulong sa akin. Takot ako, pero at the same time ay namamangha ako, ito ang unang beses na nakita kong ganu’n si Storm. ‘Yung expression ng mukha niya at ang paraan ng pagtingin niya sa akin kanina.
Napailing ako at ibinagsak ang katawan ko sa kama. Ayoko nang isipin, ayokong mag expect at mag overthink. Baka sa huli, madisappoint lang ako. Siguro ‘yung sa takot ko na lang ako mag fo-focus. Tama, ‘yung naramdaman kong takot kanina. ‘Yun ang importante.
Tinulungan ka lang niya, Shan. ‘Yun lang ‘yun.