KAHARAP ko ngayon si Storm. Uwian na namin at nakasalubong ko siya pabalik sa room. Suot suot na niya ang bag niya at handa nang umuwi.
“Nasa’n na ang gamit mo?”
“Ay teka lang, kukuhanin ko lang. Dito ka muna.”
Hindi ko na siya inintay na makasagot at nagmamadaling tumakbo ako papunta sa room.
“Uy, nandiyan ka na pala. Tara na Shan, ihahatid kita sa inyo.” Nakangiting ani Rence. Dala dala niya ang bag ko at sa kabila naman ay ang bag niya.
Para akong naestatwa nang magsimula na siyang maglakad.
“Teka rence!” tawag ko sa kanya at agad na humabol. “Wag mo na ako ihatid, may pupuntahan pa kasi ako.” Awkward akong ngumiti sa kanya pero hindi niya iyon pinansin.
“Ah gano’n ba? Sige doon na lang kita ihahatid.”
Oh my god, hindi niya pwedeng malaman na nasa iisang bahay kami nakatira ni Storm.
“Hindi na, akin na ‘yang bag ko.” Pilit kong inaagaw ang bag ko sa kanya pero hindi niya binibitiwan. Hanggang sa nakarating kami sa baba, nakita ko ro’n si Storm at nang magtama ang paningin namin ay tumaas ang kilay niya.
“Uy, Storm ikaw pala ‘yan. Congrats sa’yo.” Ngiting bati ni Rence sa kanya nang makita niya itong nakaupo sa bench. “Ihahatid ko na muna ang prinsesa ng last section.” Humarap siya sa akin at hinawakan ang kamay ko na ikinalaki ng mata ko. “Tara na, Shan.”
Wala akong nagawa nang hilain niya ako kaya naman napapakamot ulong ngumiti ako kay Storm na nanghihingi ng paumahin at sumenyas sa kanya na intayin ako. Hindi siya umimik at nanatili lang na nakatingin sa amin.
“Balita ko kasi ay nag co-commute ka pansamantala, naku mahirap ngayon ang bumyahe na mag-isa kaya ihahatid n akita palagi.”
Napakamot ako at umiling. “Hindi na kailangan rence, kaya ko na. Akin na ‘yang bag ko.”
Kukunin ko na sana ang bag ko pero muli niya ‘yung inilayo.
“Wag ka nang mahiya, Shan. Hindi ka na iba sa’kin.”
Marahas akong napabuga ng hangin at walang nagawa nang pumara na siya ng taxi. Tahimik lang ako sa byahe habang siya ay maingay kakakwento nang kung ano na hindi ko naiintindihan dahil ang utak ko ay na kay Storm.
Iniintay niya kaya ako?
Paano kung oo?
“Dito na lang po kuya.” Bigla ay saad ko at agad na inagaw ang bag ko kay Rence.
“T-teka Shan!”
Hindi ko siya pinansin at mabilis na isinara ang pintuan ng taxi at tumakbo paalis. Kailangan kong bumalik ng school, paniguradong inaantay ako ni Storm.
Hingal na hingal ako nang makarating ako sa labas ng university. Tinakbo ko ang papunta sa pwesto ni Storm kanina pero napaawang ang bibig ko nang wala na siya roon.
Nasa’n na siya?
Ang sabi ko ay intayin niya ‘ko ‘di ba?
Umikot pa ako sandali sa buong campus, baka sakaling naglakad lakad lang siya pero wala na akong Storm na nakita. Nanlulumong umupo ako sa isa sa mga bench at marahas na bumuntong hininga.
Kung alam ko lang na hindi niya ako iintayin ay hindi na sana ako bumaba.
Ilang minuto pa ang pinalipas ko bago ako walang ganang tumayo at nagsimula nang maglakad.
Oo nga naman, sino ba naman ako para intayin niya? Masyado na naman akong umasa.
Hindi ka na talaga nadala, Shan.
Malungkot akong naglakad pauwi ng bahay na mahigpit ang kapit sa strap ng bag. Kahit noong nakapasok na ako sa bahay ay dere-deretso akong pumunta sa kwarto ko at hindi pinansin ang kung sino mang nakaupo sa sala.
Padabog kong ihiniga ang katawan ko sa kama at napatulala sa kisame.
Alam ko namang hindi ako ganu'n ka-importante sa kanya kaya bakit ba ako umasa? Ayan tuloy ay ako na naman ang kawawa sa huli.
TULALA ako habang walang ganang isinusubo ang pagkain. Ayoko na sanang mag dinner ngayon dahil nandito si Storm pero nandito si Dad at baka kung ano ang isipin niya kapag hindi ako sumabay sa kanya.
"May sakit ka ba Shan?"
Napaayos ako ng upo dahil sa gulat. "Po?"
"Parang wala kang gana kumain, may masakit ba sa'yo?"
Sandali kong tinitigan si Dad at pagkatapos ay ngumiti ng tipid. "Pagod lang po ako."
Tumango tango siya. "Ah ganu'n ba, sige bilisan mo na riyan at nang makapagpahinga ka na."
Iniwas ko ang tingin ko kay Storm at agad na ibinaba ang paningin sa kinakain. Ayoko siyang makita ngayon dahil naaalala ko lang kung pa'no niya ipinamukha sa akin na wala talaga siyang pakialam sa akin.
Hindi ko alam kung paano ko natagalan ang prisensya niya habang kumakain kanina. Mabuti na lang at agad akong pinaakyat ni Dad sa kwarto ko sa pag-aakalang pagod nga ako.
Pagod naman talaga ako. Pagod nang umasa't masaktan.