ANO kaya ang magiging grade ko ngayon?” nakabusangot na ani Bri. Nandito kami sa cafeteria ngayon dahil wala kaming Prof.
“Basta hindi bagsak, kahit pasawang awa ay ayos na.” Natatawang ani Drei.
Tumawa rin ako at kumagat sa binili kong sand which.
“Ay, Shan. Wala ka bang balak na umamin kay Storm? Malay mo bet ka rin.”
Muntik na akong mabilaukan ng kinakain kong sandwhich dahil sa sinabi ni Bri.
“Ha?”
“Saka ga-graduate na tayo, gusto mo bang magkahiwalay kayo nang hindi ka man lang umaamin? ‘Di natin sure, baka pag college ay hindi na siya sa inyo tumira. Kaya mabuti pa ay umamin ka na.”
“Ha? Ayoko nga, nakakahiya.”
Siniko siko niya ako at pinanlakihan ng mata. “Dali na, malay mo bet ka rin.”
Napalunok ako dahil hindi ko maimagine ang sarili kong nagco-confess kay Storm. Saka isa pa ay napaka snober nu’n, kahit naman tinutulungan niya ako ay masungit pa rin siya sa’kin.
“Ayoko nga, nakakahiya.”
Inasar asar pa ako ni Bri hanggang sa napagod din siya. Mabuti naman dahil halos mangamatis ang mukha ko dahil sa kakahihiyan, naiimagine ko pa lang ay hiyang hiya na ako.
Pagkauwi ko nang bahay ay naabutan ko si Dad sa sala na nagbabasa ng libro.
Wala siyang lakad?
Lumapit ako sa kanya at bumeso. “Wala po kayong lakad?”
Tumawa siya ng mahina. “Wala, pahinga ko today. Naninibago ka bang nadadatnan mo ‘ko dito sa bahay?”
“Well…” nagkibit balikat ako habang tumatawa.
“Si Storm?”
“Nasa university pa po ata, hindi naman ‘yun sumasabay sa amin madalas ng uwi.”
Tumango siya at sinenyasan akong maupo sa tabi niya. “Kamusta ang school?”
“Ayos naman po.”
“Ayos naman ba ‘yung session ninyo ni Storm?”
Sumandal ako sa balikat niya at hinaplos niya ang buhok ko. “Yes, Dad. Actually, ay malaking tulong ‘yun sa’kin, dumadali ang pag-aaral ko dahil magaling siya talaga.”
“Sabi sa’yo eh, matalino talaga ‘yung batang ‘yun. Masungit lang tingnan pero mabait ‘yun.”
Hindi ako sumagot sa sinabi niya.
“Dad… pa’no ka po umamin kay Mommy noon?”
Napatingin siya sa akin kaya agad akong umayos ng upo at bahagyang napalunok. “Curious lang.”
“Binigyan ko siya ng letter.”
Nanlaki ang mata ko. “Letter? As in love letter?”
Tumawa siya ng mahina. “Oo, nu’ng kapanahunan namin ay hindi pa korni ang love letters. Saka hanggang ngayon naman ay mas gusto ko parin ang letters, mas sincere.”
“Ah…” tumango tango ako.
“Bakit? May nagugustuhan ka na ba?”
Agad akong napatayo at parang nag-init bigla ang mukha ko. “Wala po ah. Curious lang ako.”
“Oo na, oo na. Masyado kang defensive.” Tumatawang aniya. “Pero kung sakaling meron na, hindi naman kita pipigilan, kung sa’n ka masaya ay doon din ako.”
Hindi ko alam pero parang gusto kong maiyak dahil sa sinabi ni Dad. Wala man si Mommy, pero ramdam na ramdam ko ‘yung love ni Daddy at hindi ko na masabing may kulang pa sa’kin.
Lumapit ako sa kanya at niyakap siya. “Thank you, Dad.”
“Pero mas okay kung kasing talino ni Storm ‘yan.” Biro niya.
Napangiwi ako at hindi na sumagot.
Hindi lang kasing talino ni Storm, kasi si Storm talaga ang gusto ko.
Buong oras kong pinag isipan kung gagawa ba ako ng letter. Alam kong wala nang gumagawa nito ngayon pero gaya nga ng sabi ni Daddy, mas sincere kapag letter.
Umupo ako sa study table ko at kinuha ang ballpen ko at isang magandang papel na may design.
Huminga ako ng malalim bago nagsimulang nagsulat.
Halos wala akong tulog nang bumaba ako para mag breakfast dahil buong gabi kong pinag-isipan ‘yung isusulat ko sa letter pero hindi iyon ang iniintindi ko kundi ang kabang nararamdaman ko ngayon. Nakailang beses pa ako nang buntong hininga bago ako tuluyang nagpakita sa dining.
“Oh, bakit mukhang puyat ka?” nag-aalalang tanong ni Daddy.
“Po?”
“Hindi ka ba nakatulog ng maayos?”
“Ah, nakatulog naman po.” Napakamot ako sa ulo ko dahil nakatingin sa akin si Storm at hindi ko maipaliwanag ang kabang nararamdaman ko. “Nasobrahan po ako sa tulog kaya ganyan.”
Alam kong nonsense ang dahilan ko pero nagpapapasalamat ako na hindi na ako masyadong inusisa ni Daddy dahil hindi ako makasagot nang maayos sa kanya. Simula nang aminin ko sa sarili kong gusto ko si Storm ay mas lalo akong hindi naging komportable sa presensya niya, para akong laging kakapusin ng hininga dahil sa kanya at hindi maganda ‘yun.
Sabay dapat kaming papasok ni Storm pero mas pinili kong magpahuli, magandang bagay rin ang ugali niyang walang pakialam dahil hindi na siya nagtanong kung bakit at basta na lang akong iniwan.
Tama ba na umamin ako?
I mean, hindi ba’t parang mas okay kung wala siyang alam? Tutal naman ay balak ko rin na iwasan siya dahil hindi ko gusto ang epekto niya sa’kin.
Hay, ewan ko! Naguguluhan ako.
Lutang akong pumasok ng University dahil sa puro si Storm ang laman ng isip ko. Nakakainis pa na nakasalubong ko siya sa hallway at hindi man lang ako tinapunan ng tingin.
“Uy, Shan. Dinedma ka na naman ni Baby Storm?” natatawang ani Bri na bigla na lang sumulpot sa tabi ko.
“Tigilan mo ‘ko, Brianna wala akong tulog.”
“Ay weh? Bakit?”
Hulog ng langit talaga si Drei dahil hinila niya si Brianna at kinutusan.
“Ang aga aga, Brianna.”
“Alam niyo kayong dalawa, mga kj kayo.”
“Alam mo ikaw, ang ingay mo.” Ganti ni Drei na ikinatawa ko.
Umirap si Bri at nilampasan na kaming dalawa. Sabay na lang kaming napailing ni Drei dahil sa inasal niya at agad din namang sumunod.
“Anyway, ano nang plano mo?” bulong ni Drei nang makaupo kami sa upuan.
“Saan?” Alam ko naman ang tinutukoy niya pero mahirap na, mas mabuting sigurado at baka mamaya ay asarin pa ako.
“Kay Storm, kanino pa ba. Aamin ka ba?”
“Dapat ba?”
Nagkibit balikat siya. “Well, for me ay pwede naman, may point naman ang loka-lokang si Brianna. Pero ikaw ang bahala.”
“Hindi naman sobrang seryoso ng feelings ko sa kanya kaya ‘wag na lang.”
Tumawa siya ng mahina na ikinakunot ng noo ko.
“Sigurado ka?”
“Oo, ‘di ba kailan lang naman ako nagkagusto sa kanya.”
“Sus, samantalang hindi ka na bumalik noon sa We Care dahil sa kanya. If I know, na-love at first sight ka diyan kay Storm, ayaw mo lang aminin sa sarili mo.”
Nanlaki ang mata ko at pabiro siyang pinalo. “Hoy, hindi ah!”
“Kunwari ka pa.”
Aapila pa sana ako nang dumating ang Prof kaya wala akong nagawa kundi ang samaan lang siya ng tingin. I can’t believe na all this time ay ganu’n ang iniisip nila. Kaya siguro hindi na sila nagulat nu’ng umamin ako sa kanila kasi ganu’n na ang iniisip nila.
My god.
Ako? Na-love at first sight? Hell no!
Tuloy ay wala ako sa mood sa buong klase, hindi ko talaga gusto ‘yung part na na-love at first sight raw ako kay Storm samantalang ang landi landi niya noon. Biruin mong 12 years old pa lang siya ay nangako ngako na ng habang buhay du’n sa babaeng ayoko mang aminin, pero kahawig ko ng kaunti. Sino ba namang matinong lalaki ang ganu’n? Paniguradong babaero ang Storm na ‘yun.
Kaya napagpasyahan ko nang hindi na ibigay ang sulat. Mag mo-move on na ako sa kanya tutal ay hindi naman sobrang seryoso ng feelings ko sa kanya, isa lang itong dakilang puppy love na agad ding nawawala.
Tama, puppy love lang ‘to at mawawala rin agad.