Chapter 46

2016 Words
AGAD akong lumapit kay Mia nang tawagin niya ang pangalan ko mula sa counter. Habang naglalakad ay pasimple kong pinunasan ang butil na pawis na nasa noo ko. Malamig sa buong lugar pero kahit ganu’n ay pinagpapawisan pa rin ako, siguro dahil sa ka-busyhan at pagpapabalik balik sa kung saan. Idagdag pa na may mga costumers na nakapwesto sa 2nd floor at ako ang madalas na naghahatid ng orders nila. “Shan, paki-serve mo ito sa table 12.” Aniya habang abala sa paglalabas ng mga pinggan na may lamang pasta. “Oo sige.” Kinuha ko ang malaking tray at inilagay roon ang dalawang plato ng pasta at dalawang buko juice. May kabigatan, pero kahit papa’no ay sanay na rin ako dahil ilang oras na akong pabalik balik at mabibigat ang buhat. Kinakabahan pa ako kanina dahil pakiramdam ko ay matitisod ako ano mang oras pero laking pasasalamat ko dahil nagagawa kong kumilos ng mabilis kahit pa may buhat buhat akong mabigat na tray. Mabilis na nakapag adjust ang katawan ko sa trabaho kaya natutuwa ako. Pasado alas dos na ng tanghali at hanggang ngayon ay hindi pa kami nagtatanghalian lahat dahil sunod sunod ang datingan ng mga costumer na halos magbabarkada at kung hindi naman ay isang buong pamilya. Mabuti na lang at nakapag almusal ako kanina bago pumasok kaya hindi pa naman ako nahihilo at may energy pa. “Here’s your order, Ma’am, Sir.” Nakangiting ani ko at agad na isa-isang inilapag sa table nila ang order nila. “Enjoy your meal.” “Thank you,” ani ng babae habang nakangiti sa akin na tinanguhan ko lang.  Nagpaalam ako sa kanila nang may bagong dating na costumer at agad itong nilapitan.  “Here’s our menu, Ma’am.” Nakangiti kong inabot ang menu at nanatiling nakatayo sa gilid nila habang naghihintay ng order. Gusto ko sanang masahiin ang leeg at braso ko kaso ay baka mapagalitan ako dahil hindi maganda tingnan. Masakit na rin ang legs ko, pero kailangan kong umayos ng tayo at dapat ay maayos ang postura ko kaya lihim na lang akong napapangiwi.  “Two order of Hawaiian pizza, mushroom pasta for two and 2 water melon shake please.” Ani ng babae at inabot sa akin ang menu. Agad ko iyong nilista at ngumiti sa kanila bago nagpaalam at iniabot ang orders sa counter. Naroon si Fred na nakasandal at pasimpleng iniikot ikot ang leeg habang naghihintay ng orders. “Kaya pa, Shan?” natatawang tanong niya. Ngumiti ako at nag thumbs up. “Kaya pa.” “Grabe, nagwawala na ang tyan ko.” Mahinang reklamo ni Mia habang inaabot sa amin ang orders na i-seserve na. “Anong oras ba magsisialisan ang mga ‘yan?” “Huy, bunganga mo.” Sita sa kanya ni Fred, “Kapag ikaw narinig ni boss yare ka.” “Sus, as if naman tatanggalin niya ‘ko. Ang bait bait kaya nu’n, papasa na ngang anghel ‘yun si Sir Marcus, bukod sa mukhang anghel ay ugaling anghel rin.” Kinikilig na anito. Napailing na lang kami ni Fred at mabilis siyang iniwan para mag serve ng orders. Hahaba na naman kasi panigurado ang pagpapantasya niya, pero hindi ko naman siya masisisi dahil talagang ideal guy si Sir Marcus, kaya nga hulog na hulog si Mia sa kanya. Parang ako lang kay Storm. “Thank you for waiting, enjoy your meal.” Matapos mai-serve ang order ay dumeretso ako sa banyo para masahiin ng kaunti ang batok ko na nananakit na. Naupo ako sa toilet at dahan dahang minasahe ang binti at braso ko. Nakakaramdam na rin ako ng gutom kaya wala sa sariling sinipat ko ang relo ko. Alas tres na pala agad, ang bilis talaga ng oras kapag busy ka. Kamusta na kaya si Storm? Ano kayang ginagawa niya? Ang alam ko ay nasa We Care sila ni Dad ngayon… nagkita kaya sila nu’ng isang Shan? Si Ashana ba ‘yun? Magkasama kaya silang dalawa? Paano kung oo? Talaga bang, tutuparin niya ang pangako niyang kasal sa kanya? Bata pa sila nu’n, pero ramdam ko ang sinseridad nila sa isa’t isa ng mga oras na ‘yun. Pinilig ko ang ulo ko at inalis ang hindi magandang naiimagine. Bumibigat ang pakiramdam ko kapag naiisip ko na siya ang dinadalaw ni Storm doon. Tuwing weekends kasi ay palagi siyang sumasama kay Dad, simula noong natigil siya sa pagtutor sa akin ay iyon na ulit ang pinagkaabalahan niya at palaging late na siyang umuuwi kapag galing doon. Normal lang naman ‘yun dahil taga roon siya, pero hindi ko maiwasang hindi mag-alala dahil alam kong nandon rin ‘yung babaeng si Ashana na pinangakuan niya ng kasal. Paano kung sila pala talaga ang para sa isa’t isa? Makakayanan ko ba? Magagawa ko ba siyang bitawan? Makakalimutan ko ba siya? Bagsak ang balikat na lumabas ako ng banyo at muling nagtrabaho. Bigla ay nawalan ako ng gana at parang gusto ko na lang umuwi at magkulong sa kwarto ko buong araw. “Shan, gutom ka na ba? Mauna ka na kaya kumain doon sa kusina, kami na muna rito.” Bulong ni Fred nang makasabay kami sa counter. “Hindi, ayos lang ako. Sabay sabay na tayo.” Tipid akong ngumiti sa kanya. “Ba’t parang maputla ka na riyan? Baka mamaya nahihilo ka na, ayaw mo pa kumain.” Umiling ako at mahinang tumawa. “Hindi pa ako gutom.” Totoong nawala ang gutom ko nang maisip sila Storm. Bigla ay nawalan ako ng gana at para ring naubos ang energy ko. Nagsisi tuloy ako na hindi ako sumama sa kanila, edi sana alam ko kung sino ang kinikita niya doon. Hayy, Shan. Malala ka na talaga. BITBIT ko na ang gamit ko nang dumaan ako sa table nila Fred sa kitchen. Sabay sabay silang nag di-dinner dahil kakaunti na lang ang costumer. Kanina ay alas kwatro na kami nakapag lunch kaya hindi na ako sumama na kumain pa ng dinner dahil bukod sa busog pa ako ay wala na rin akong gana. “Out ka na, Shan? Kain ka na muna rito.” Aya ni Mia habang ngumunguya ng manok. “Lalagnatin ka ata dahil nalipasan ka ng gutom. Mukhang hindi ka sanay sa ganito.” Ani Fred. Umupo ako sa tabi nila at pinanood sila na kumain. “Hindi, busog pa kasi ako.” “Busog ka pa? Eh, alas kwatro pa tayo kumain kanina, anong oras na ngayon, ala-una na.” “Okay lang ako talaga, ituloy niyo na ang pag kain at mauuna na ako sa inyo.” Paalam ko. Nagsitango lang sila at sinabihan ako na mag-iingat bago pinagpatuloy ang masiglang pag kain. Tahimik akong naghihintay ng jeep habang nakatulala sa kawalan. Paniguradong tulog na silang lahat ngayon maliban kay Manang. Kaninang umaga ay sinabihan ko na si Manang na kung sakaling antukin na siya ay ayos lang dahil dala dala ko na ang susi ko. Ayoko namang makaabala pa, choice ko naman ito. Ilang minuto lang ang itinagal ko sa jeep at agad akong pumara ng tricycle. Sa buong byahe pauwi ay tahimik lang ako dahil naiisip ko pa rin si Storm at ‘yung isang Shan na nasa We Care. Kung sakali bang pumunta ako sa We Care, makakabuti ba sa’kin? Alam kong mali, pero parang mas gusto ko na lang na wala akong alam patungkol sa kanila. Gusto kong mag focus lang sa feelings ko para kay Storm at ‘wag nang intindihin ang kung ano mang meron sa kanila. Ang martyr pakinggan pero mas gusto ko ‘yun kaysa sa masaktan ako ng ganito kaaga. ‘Yung iba, mas gusto nilang malaman ang totoo habang maaga pa, pero ako hindi. Hindi pa kami nagkakaroon ng maayos na moment ni Storm bukod noong nag-aaral kami sa kwarto ko. Gusto ko munang sulitin, bago ako masaktan. Tutal ay malaman ko man ngayon o sa susunod, pareho lang rin na masasaktan ako. Kaya mas mabuti pang sulitin ko na muna ang pagiging masaya sa pangangarap sa kanya. “Diyan lang po sa tabi.” Ani ko nang makarating sa subdivision namin. Inabot ko ang 60 pesos bago nagsimulang maglakad. Pagkapihit ko ng pintuan ay nagulat ako nang hindi pa iyon naka lock. Pasado alas dos na kaya nakakapagtaka na gising pa rin si Manang. Sabi ko ay ‘wag na akong hintayin eh. Nailing na bulong ko sa sarili. Ni-lock ko ang pinto at walang siglang umakyat ng hagdan. Dederetso na sana ako sa kwarto ko nang mapansin ko ang anino ng kung sino mula sa balcony. “Storm?” mahinang tanong ko sa sarili habang nakatitig sa likuran ng lalaking nakatingala sa langit. Gusto ko siyang lapitan at tanungin kung kamusta ang araw niya. Kung bakit gising pa siya at kung ano ang ginawa niya sa We Care ngayong araw pero hindi ko magawa. Ni ihakbang ang mga paa ako ay hindi ko kaya dahil habang nakatitig ako sa likuran niya ay para nang pinipiga ang puso ko. Ayokong aminin, pero parang hindi siya para sa’kin. Masakit sa loob ko, pero alam kong hindi ako ang nasa puso niya at ang iniisip niya sa mga oras na ‘to. Kasi may Ashana… may ashana na matagal na niyang pinangakuan ng kasal. At ako? Extra lang ako sa love story nila. Isa lang akong ordinaryong babae na nagkagusto sa kanya habang may minamahal siyang iba. “Napaka swerte niya. Swerte siya dahil mahal mo siya, Storm. Kung nauna lang ako… kung ako ba ang una mong nakilala, mamahalin mo kaya ako? Kung ako ang nauna, ako ba ang pipiliin mo?” bulong ko sa sarili. Ramdam ko ang pag-init ng sulok ng mga mata ko at ang nagbabadyang luha na alam kong malapit nang bumagsak. Hindi ko inaasahan ang paglingon ni Storm sa gawi ko, pero hindi man lang ako natinag at para akong istatwa sa kinatatayuan ko. Nanlalabo ang paningin ko dahil sa luha pero hindi ko ‘yun pinansin. “Nandiyan ka na pala.” Seryosong aniya habang nakasandal sa railings at mataman akong tinititigan. Kita ko pa ang pagsipat niya sa akin mula ulo hanggang paa. Hindi ako sumagot at nanatiling nakatitig lang sa kanya habang pinipigilan ang pagbagsak ng luha ko. Ayokong umiyak na naman sa harapan niya, ayoko nang makita niya na mahina ako pagdating sa kanya. Malakas akong tao eh, pero pagdating sa kanya, ang bilis kong manghina. Sandali ko siyang tinitigan pa bago nagpasyang humakbang patungo sa kwarto ko. Hangga’t maaari ay ayoko muna siyang kausapin dahil baka humagulhol lang ako sa harapan niya. Kahit pa miss na miss ko siya ngayon. Kahit pa gusto kong marinig ng matagal ang boses niya at matitigan pa siya. Pero bago ko pa man mahawakan ang door knob ay narinig ko ang paghakbang niya palapit sa akin. Parang sasabog ang dibdib ko sa bawat yabag na naririnig ko, malakas ang kabog pero hindi masaya sa pakiramdam… kundi masakit, masakit na masakit. “Sa susunod, kung gagabihin ka ay magsasabi ka. “ Naistatwa ako at para akong binuhusan ng malamig na tubig ng marinig ang sinabi niya mula sa likuran ko. Ibig sabihin, nag-aalala siya sa’kin? Hinintay niya ba talaga ako? Totoo ba ‘to? “Nag-aalala ka ba sak---" “Dahil nag-aalala sa’yo ang Daddy mo.” Dagdag niya at pagkatapos ay nakapamulsa akong nilampasan. Nasa door knob lang ang paningin ko at ginagat ko ang pang ibabang labi ko para pigilan ang humikbi hanggang sa marinig ko ang pagsarado ng pintuan ng kwarto niya. At para bang isang go signal iyon, dahil agad na bumagsak ang luhang kanina ko pa pinipigil. Nanghihinang napahawak ako sa dibdib ko habang matindi ang kapit sa door knob.  Ang sakit. Ang sakit sakit.  Eh, ikaw? Hindi ka ba nag-aalala sa’kin? Ni hindi mo man lang ba ako tatanungin kung saan ako galing at kung sino ang kasama kong umuwi ng dis oras ng gabi? Kahit papa’no, umasa ako na baka sinadya niya akong intayin. Pero asa pa ‘ko, hindi nga pala ako importante. Wala lang ba talaga ako para sa’yo, storm? 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD