NAKATINGALA kami pareho ni Dad sa hagdanan at hinintay kung bababa ba si Storm. Lihim akong nananalangin na sana ay mag exam siya ngayon dahil ako talaga ang nanghihinayang para sa kanya. Ayos lang naman kung undecided pa siya sa course na gusto niya, basta makapasa lang siya sa kahit saang universities. Isa pa ay alam kong marami ang manghihinayang kapag hindi siya pumasok, pinag-aagawan pa naman siya ng mga sikat na universities dahil sa galing niya.
Tiningnan ko si Dad at nalungkot ako ng makita ang malungkot niyang mga mata habang nakatulala.
“Dad…”
Ngumiti siya ng tipid sa akin. “Wala naman akong magagawa kung ayaw niya talaga.”
Ngumuso ako at sinundan siya ng tingin ng tumalikod na siya at handa ng umalis. Sobrang lapit ng loob niya kay Storm kaya nasasaktan siya para rito. Hindi ko naman siya masisisi kung malungkot siya dahil kahit ako ay nalulungkot.
Natigil ako sa pag-iisip nang makarinig ng yabag. Wala sa sariling napapalakpak ako ng makita ang walang emosyong mukha ni Storm habang pababa ng hagdan.
“Storm…” nakangiting ani ko, pero agad na kumunot ang noo ko nang makita ang maputla niyang mukha. “Teka, may sakit ka ba?” lumapit ako dinikit ang palad ko sa noo niya at tama nga ako dahil mainit siya.
“Ayos lang ako.” Aniya at umubo.
“Storm. Salamat, hijo.” Masayang sambit ni Dad at niyakap siya. “Pero kaya mo ba? Mukhang hindi maganda ang lagay mo.”
Tumango siya at muling umubo. “Mauna na ‘ko.” Paalam niya.
Sinundan lang namin siya ng tingin ni Dad hanggang sa makalabas siya ng pinto.
“Okay lang kaya siya?” bulong ko sa sarili. Nag-aalala ako dahil mukhang mataas talaga ang lagnat niya, baka mamaya ay makatulog siya habang nag eexam.
“Nasabi ba sa’yo ni Storm kung saan siya mag aaral?” bigla ay tanong ni Dad.
Napaawang ang bibig ko dahil ngayon ko lang narealize na hindi ko alam kung saan siya mag eexam. Todo pilit ako sa kanya na mag-aral siya, pero hindi ko naman alam kung makakasama ko ba siya sa university.
Okay lang, ang mahalaga ay mag-aaral siya. Pero mas masaya sana kung sa iisang university lang kami.
Sundan ko kaya siya?
Agad kong kinuha ang bag ko at walang sabing lumabas ng bahay. Nakita ko si Storm na patawid na ng kalsada kaya binilisan ko ang pagtakbo.
Aaalamin ko lang naman kung saan siya mag eexam. Wala namang masama sa ginagawa ko diba?
Napatago ako sa poste ng bigla siyang lumingon. Nakita niya ba ‘ko? Alam niya bang sinusundan ko siya?
Tanga ka talaga, Shan. Pati ba naman pagtatago ng maayos, hindi mo kaya?
T-teka, nasa’n na siya?
Kumunot ang noo ko ng biglang mawala sa paningin ko si Storm. Kanina lang ay kitang kita ko pa siya, tapos natulala lang ako sandali, nawala na siya agad? Ang bilis naman niya.
Nagpalinga-linga ako at hinanap siya sa buong paligid.
“Bakit mo ‘ko sinusundan?”
“Ay palaka!”
Napahawak ako sa dibdib ko nang biglang sumulpot si Storm sa tabi ko.
Napangiwi ako nang makita ang walang emosyon at maputla niyang mukha. “A-ano? S-sinong nagsabing sinusundan kita? H-hindi ah.”
“Umuwi ka na.” aniya at nagsimula nang maglakad ulit.
Napanguso ako at bagsak ang balikat na sinundan na lang siya ng tingin.
“Storm!”
Huminto siya at lumingon sa’kin. “Galingan mo!” sigaw ko.
Umirap lang siya at nagpatuloy na sa paglalakad. Tsk, sungit talaga.
Malungkot na lumiko ako at nagsimula nang maglakad pabalik ng bahay. Sayang at nahuli niya ‘ko, paano ko na ngayon malalaman kung sa’n siya mag aaral?
Dahan-dahan lang ang lakad ko pauwi. Wala akong gagawin ngayon kaya nag-iisip ako kung saan ako pupunta. Sa huli ay napagpasyahan kong mag mall na lang muna para magpalipas ng oras. Tinext ko sila Drei at Bri para sana magpasama kaso ay pareho silang busy kaya hindi na ako nag-abala.
Nagtitingin tingin ako ng damit ng biglang mapadako ang paningin ko sa men section at mahagip ng mata ko ang magandang tuxedo.
Bagay na bagay ‘yun kay Storm…
Nakangiting lumapit ako at hinawakan ang brown na tuxedo.
“Maganda ang tela niya at malambot sa balat.” Bulong ko sa sarili.
Pero parang maganda rin ang kulay itim na katabi ng brown na tuxedo. Ang saya siguro kung mabibili ko sila pareho.
Hinanap ko ang tag price at agad akong napangiwi ng makita ang presyo ng isang tuxedo.
“Ang mahal…” malungkot na sambit ko.
Paubos na ang allowance ko at dahil bakasyon ngayon ay hindi ako nanghihingi kay Dad. Isa pa ay hindi talaga ako nasanay na manghingi sa kanya ng extra bukod sa allowance ko, ewan ko ba, pinalaki nila ako na ganu’n ni Mama.
Saka mas okay sana kung sarili kong pera ang gagamitin ko kung sakaling reregaluhan ko si Storm, para naman wala siyang masabi na hindi maganda kapag nalaman niya ang presyo.
Laki sa ampunan si Storm kaya alam ko na matipid siyang tao. Ni minsan ay hindi ko pa siya nakitang nag shopping ng sarili niyang damit at kapag binibilhan siya ni Dad ay madalas niyang sabihin na sana ay hindi na ito nag-abala pa na bilhan siya ng mamahaling gamit.
Kaya sigurado ako na kung hihingi ako kay Dad ng ipangbibili ng regalo sa kanya ay hindi niya magugustuhan.
Pero sa’n naman ako kukuha ng pera?
Ah, alam ko na. Bakit hindi na lang ako mag part time job muna? Tutal naman ay bakasyon pa at next month pa ang simula ulit ng klase. Isa pa ay wala naman akong pagkakaabalahan sa bahay kaya mabuting mag part time job na lang muna ako.
Lumabas ako ng Mall at agad na umuwi ng bahay para maghanap sa internet ng pwedeng pasukan.
“Hmm… ito kaya? Ang kaso ay masyadong malayo.” Sambit ko sa sarili. “Ito namang isa ay masyadong mababa ang sweldo. Kung isang buwan lang akong magtatrabaho ay hindi kakasya ang pera ko para mabili ‘yung tuxedo na masyadong mahal.”
Napabuntong hininga ako at malungkot na bumaba para kumuha ng tubig.
Hapon na, wala pa kaya siya?
Pagkadaan ko sa sala ay nahagip ng mata ko ang iilang piraso ng diyaryo. Agad ko iyong kinuha at naupo sa sofa.
May mga part time jobs rito! Ayos!
“Pwede ang isang ‘to.” Ani ko at binilugan ang part time job sa isang kilalang kainan. Mataas ang sweldo at hindi rin kalayuan. “Tama, dito na lang!” nakangiting sambit ko at agad na kinuha ang bag ko para umalis.
Ngayon na ako mag aapply dahil baka may makakuhang iba, mahirap na.
Dala-dala ang diyaryo ay pumunta ako sa location ng kainan. Dinadayo ang kainan at marami ang kumakain ng makarating ako ro’n.
“Excuse me po.” Tawag ko sa lalaking nakasuot ng blue uniform.
“Yes?”
Itinaas ko ang hawak na diyaryo at ngumiti. “Interesado po ako sa part time job.”
Tumango siya at sinenyasan akong sumunod sa kanya. May iilan silang hinanap na papel sa’kin na agad ko ring naibigay at pagkatapos ay saglit pa akong ininterview ni Sir Marcus, ang may ari ng mismong restaurant. Bata pa siya at nabanggit niya na pamana sa kanya ng lolo niya ang resto.
“Tanggap ka na, Shan. Pwede ka nang magsimula bukas.”
“Talaga po? Maraming salamat po!”
Nakangiti akong umuwi ng bahay dala-dala ang uniform ng waitress. Ibinigay ‘to sa’kin ni Sir Marcus para raw pagpasok ko bukas ay suot ko na. Pero hindi ko naman magagawa ‘yun dahil ayokong malaman ni Dad na nagtatrabaho ako.
“Ginabi ka.”
“Ay butiki.” Nahampas ko ang balikat ni Storm nang bigla siyang sumulpot sa tabi ko, “Hilig mo ba ang manggulat palagi?” inis na ani ko.
“Ano ‘yang hawak mo?” turo niya sa hawak kong uniform na agad kong itinago sa likuran ko.
Pambihira, baka hindi pa ako nagsisimula ay malaman na niya agad na magtatrabaho ako.
“W-wala ‘to.” Nakangiwing ani ako. “Teka, kamusta ang exam mo?” pag-iiba ko sa usapan.
“Ayos lang.”
Tumango tango ako at ngumiti. “Ganu’n ba, alam ko namang madali lang sa’yo ‘yun.”
“Nakatulog ako.”
Nanlaki ang mata ko sa narinig. “Totoo ba?”
Tumango siya. “Oo, pero natapos ko naman sagutan.” Kampanteng aniya.
“Super genius ka kaya alam kong makakapasa ka kahit pa nakatulog ka.” Pag comfort ko sa kanya.
“Alam ko.” Mayabang na sagot niya.
Tsk, yabang talaga.
KINABUKASAN ay maaga akong nagising para magtrabaho. Tinupi ko ang denim na jacket at itim na palda na hindi aabot sa tuhod ang haba at pinasok iyon sa loob ng bag ko. Ngayon ang unang araw ko kaya kahit 10 AM pa ang pasok ko ay maaga akong gumising at nag-ayos.
10 ng umaga hanggang 10 ng gabi ang pasok ko sa restaurant at balak ko pang mag overtime palagi para madagdagan ang sahod ko. Sabi naman sa’kin ni Sir Marcus ay ako raw ang bahala, total ay 24/7 ang kainan na ‘yun at makakatulong rin ang pag-oovertime ko.
“Shan? May lakad ka?” takang tanong ni Dad nang makita ako.
Umupo ako sa tabi niya at uminom ng kape. “Opo.”
“Saan?”
Napaawang ang bibig ko dahil hindi ko napaghandaan ang idadahilan ko. “A-ano, kanila Drei lang po.M-mamamasyal kami sa mall.”
Napangiwi ako ng sabay silang tumitig sa’kin ni Storm.
“Sarado pa ang mall, maaga pa.” ani Dad sabay tingin sa relo niya.
Alas otso pa lang at 10AM ang bukas ng mga mall, bakit ba iyon ang dinahilan ko? Baliw na talaga ako.
“A-ah, may dadaanan pa po kasi kami.”
Tumango-tango si Dad at mukhang naniwala naman siya.
“Tama ‘yan, tutal ay bakasyon ninyo kaya sulitin niyo.” Nakangiting aniya sa’kin.
“Opo.”
“Ikaw Storm? May gagawin ka ba today?” tanong ni Dad sa kanya.
Nakahinga ako ng maluwag dahil hindi na ako ang topic.
“Sasama po ako sa inyo sa We Care.” Maiksing sagot niya na tinanguhan din ni Dad.
Mabilis kong inubos ang pagkain ko at tumayo na para magpaalam. 20 minutes lang ang byahe papunta sa Yuan’s Bar and Restaurant, kung saan ako magtatrabaho kaya hindi masyadong hassle.
“Good morning, sir.” Bati ko nang makita si Sir Marcus pagkalabas ko ng banyo.
Bata pa siya at tingin ko ay nag-aaral pa rin dahil halata sa itsura niya. Nabanggit niya rin na 21 years old pa lang siya, halos dalawang taon lang ang agwat naming dalawa.
“Hi, Shan.” Nakangiting bati niya. “Ang aga mo.”
“Opo.” Napakamot ako ng ulo.
“Bagay sa’yo ang uniform mo.”
Ngumiti lang ako sa sinabi niya. Naka bun ang mahaba kong buhok at may apron ako sa palda. Maganda talaga ang uniform ng waitress nila at presentable tingnan. Required rin ang boots kaya mas lalong maganda tingnan at komportable.
Buong araw ay naging abala ako sa pages-serve sa costumer. Marami kaming waitress pero dahil dagsa ang costumers ay nakakapagod pa rin.
“Pahinga ka muna, Shan. Kanina ka pa paikot-ikot.” Ani Fred, isa rin sa waiter.
“Hindi ayos lang.” nakangiting sagot ko at muling lumapit sa bagong dating na costumer. Mababait ang mga kasamahan ko sa trabaho at lahat ay masaya at magaan kasama kaya naman nag eenjoy ako at hindi ko namalayan ang oras.
“Hindi ka pa mag out?” tanong ni Mia nang i-abot ko ang bagong order sa kanya.
Napatingin ako sa relo ko at nakitang mag aala-una na pala ng madaling araw kaya napangiwi ako at tinanggal na ang itim na apron na nakatali sa bewang ko.
“Out na ‘ko, Mia. See you tomorrow.” Paalam ko.
“Ingat sa pag-uwi, Shan.” Rinig kong sigaw nila Fred habang palabas ako ng resto. Kumaway ako sa kanila bago tuluyang nakalabas.
Madilim na ang paligid at kakaunti na lang rin ang nakikita kong sasakyan. Ito ang hindi ko napag-isapan, kung paano makakauwi agad. Kapag ganitong oras ay kakaunti na lang ang pumapasada at mahirap rin makatyempo ng jeep at bus dahil punuan. Ayoko namang mag taxi dahil masyadong mahal, nag-iipon ako kaya dapat ay hindi ako nag-aaksaya sa taxi.
Naglakad ako hanggang sa terminal ng jeep. Isang jeep lang naman ang sasakyan ko pauwi at kaunting lakad lang ay makakarating na ako sa bahay.
Ilang minuto pa muna akong naghintay bago ako nakatyempo ng jeep na pwede pang singitan. Nang tingnan ko ang relo ko ay napangiwi ako ng makitang 1:30 na ng umaga.
Sana tulog na si Dad, dahil lagot ako kung hindi pa. Wala akong maisip na idadahilan kaya sana hindi niya ako maabutan.
Ilang minuto lang rin ang nilakad ko bago nakarating sa bahay. Dinala ko talaga ang susi ko dahil baka mamaya ay ma-lock ni manang sa pag-aakalang nasa loob lang ako, mas mabuti nang handa.
“Shan, inumaga ka na.” ani Manang nang siya ang bumungad sa akin pagpasok ko ng bahay.
Napakamot ako ng ulo at sumenyas na ‘wag siyang maingay. “Secret lang natin ‘to manang ha. ‘Wag mo pong sabihin kay Daddy.”
Napailing siya bago tumango. “Ikaw talagang bata ka, o siya magpahinga ka na.”
“Thank you po.”
Bagsak ang balikat na umakyat ako ng hagdan. Masakit ang buong katawan ko at ngayon lang umepekto sa akin ang magdamag na pagtayo at paglakad lakad. I
Napaayos ako ng tayo nang madaanan si Storm na kakalabas lang ng kwarto niya.
“H-hi.”
Tiningnan niya lang ako at walang sabing nilampasan. Hindi naman siguro niya sasabihin kay Dad ‘di ba? Sabagay, wala namang pakialam ang isang ‘yan kaya alam kong safe ako, isa pa ay hindi naman siya madaldal.
Sinundan ko lang siya ng tingin hanggang sa makababa siya ng hagdan. Pagkapasok ko sa kwarto ko ay hindi na ako nakapagbihis at agad na ibinagsak ang katawan sa kama.
“Unang araw pa lang, Shan. Tiis lang.” ani ko sa sarili at hindi na napigilan ang pagbagsak ng mga mata dahil sa labis na kapaguran.