Nang utusan silang bumalik na sa classroom ay pinaiwan sina Virgil at Cris kasama ang professor nila at ang gwardiya.
Kung hindi siya nagkakamali ay iyon ang pagkakataong tatawagan ng admin ang mga magulang ng dalawa.
Hindi kailanman naging okupado si Mr. Augusto pagdating kay Virgil. Sa lahat ng pagkakataong may ginawa ang binata sa school at ipinatawag ang magulang nito ay nakakarating kaagad si Mr. Augusto kaya nasisigurado na niyang hindi matatapos ang araw na iyon at makakatikim na naman ang binata ng sermon.
"Ang tahimik mo?" Puna ni Cindy sa kanya.
Nakatapos na sila ng isang oras para sa unang subject pero hindi pa nakakabalik sina Virgil sa classroom nila. Maya-maya rin siyang napapatingin sa may gawi ng gate kung saan tanaw mula sa may kalakihang bintana ng classroom nila upang alamin kung sasakyan na ba ni Mr. Augusto ang dumating. Hindi tuloy siya makapag-focus sa lecture kanina sa una nilang subject na saglit lang ginawa ng kanilang professor dahil kinailangan nitong muling bumalik sa admin office.
"Wala lang. Tinitingnan ko lang at baka si Mr. Augusto na yung dumating."
Luminga din ang kaibigan niya sa gawi ng gate kung saan na nakapako ang tingin niya.
"Nakakatakot ba talaga ang Tatay ni Virgil?"
Luminga siya sa kaibigan.
Napaisip rin siya. Sa kanya ay tipikal na amo ang tingin niya sa ginoo. Ma-awtoridad. Tila hindi pwedeng mabali ang sasabihin pero mabait naman ito sa kanya, sa Inay niya at sa mga tauhan nito.
Ngunit pagdating kay Virgil ay ibang-iba ito. Parang ang higpit nito sa binata at parang malupit din. Hindi niya masabing pisikal pero kung pagbabasehan ang mga salitang ibinibigay nito sa anak ay tila nakakapanliit ang mga iyon.
"Hindi naman siya nakakatakot na nananakit pero..." Umiling siya. Hindi rin naman niya mabigyan ng tamang salita ang gawi ng ama ni Virgil sa anak nito. "Basta."
Umingos ang kaibigan niya. "Lagi ka naman sa kanila di ba?"
"Oo."
"Nakita mo na ba na sinaktan si Virgil ng Papa niya?"
Umiling siya. "Parang hindi pa, kahit isang beses."
"Ibig sabihin ay hindi naman pala nakakatakot ang Papa ni Virgil. Hindi nga siya sinasaktan eh."
"Siguro nga." Tangi na lang niyang nasambit at muling itinuon ang tingin sa may gawi ng gate. Hindi naglaon ay napatuwid siya ng tayo nang makita ang pamilyar na sasakyang dumating na kaagad namang pinagbuksan ng gwardiya ng gate.
"Yung Tatay na yan ni Virgil?" Tanong ni Cindy nang makitang hindi mapuknat ang tingin niya sa gawi ng gate.
Tumango lang siya.
"Ang gara naman ng sasakyan. Jeep ang style pero bongga. Wrangler."
Katulad ni Cindy ay nagagandahan din siya sa sasakyang iyon ni Mr. Augusto. Bagay iyon sa probinsya nila na hindi pa naman ganoon kagaganda ang mga kalsada. Madalas nga ay iyon ang ginagamit ng ginoo kapag pumupunta ito sa farm nito pero sa malalayo nitong lakad ay ang van na akala mo ay gamit ng mga goons sa pelikula na katulad ng kay Virgil ang ginagamit nito.
"Ano na ang mangyayari kay Virgil niyan?" Usisa ng kaibigan.
"Hindi ko alam." Napalakad siya sa may bintana nang tuluyan ng nakapasok ang sasakyan. Nang umibis roon si Dolfo ay nagmadali siyang tumakbo sa labas ng classroom nila.
"Hoy! Saan ka pupunta?" Sigaw ni Cindy na hindi na niya nagawa pang sagutin. Hindi niya alam pero parang may sariling isip ang mga paa niya na alam kung saan ang tutunguhin.
'Kailangan kong matulungan si Virgil!' Sigaw niya sa isip habang nagtatatakbo pababa ng hagdanan.
.....
Pagkarating sa ground floor ng building kung saan naroon ang admin ay matiyagang sinilip ni Sophia ang loob niyon mula sa maliit na salamin sa may pinto. Mula roon ay tanging ang kaklaseng si Cris lang ang nakikita niya at ang dulong bahagi ng lamesa ng administrator. May hinuha siyang wala pa roon si Mr. Augusto base sa nararamdaman niyang tila katahimikan sa loob kaya naman ay pumihit siya at tinungo ang palabas na daan ng building papunta sa parking lot ng eskwelahan. Madali naman niyang nakita ang sasakyan dahil mangilan-ngilan lang naman ang mga sasakyang naroroon at ang taong pakay niya na noon ay tulak-tulak na ng driver ang sinasakyang wheelchair pasalubong sa kanya.
"Sophia!" Malakas na tawag ni Mr. Augusto ng maispatan siya. Kita niyang madilim ang mukha nito pero kagyat iyong nabago nang kawayan niya.
Ilang beses siyang lumunok ng kanyang laway habang pinipilit na ngumiti sa paparating. Kailangan niyang masabi muna rito ang nangyari bago pa ito makapasok sa admin's office. Bago pa man nito makita si Virgil na kung saan ay alam niya na hindi magpapaliwanag sa ama ay kailangan niya munang maipaalam kay Mr. Augusto ang nangyari.
"Narito po kayo para kay Virgil, di ho ba?" Walang patumpik-tumpik na tanong niya na ikinataas ng kilay ng ginoo. Dahil doon ay lumakas ang loob niya.
"Hindi ho kasalanan ni Virgil ang nangyari. Tinulungan niya ho kaming kaklase niya kaya sa kanya po nabaling yung galit nung nang-aaway sa amin. Siya po 'yung sinuntok, hindi po siya gumanti kahit isang beses."
Luminga si Mr. Augusto kay Dolfo na wala namang reaksyon ang mukha pagkuwa'y muling ibinalik sa kanya ang tingin.
"Nagsasabi ka ba ng totoo?" Tanong nito sa kanya.
"Opo. Maniwala ho kayo sa akin. Wala hong sinaktan si Virgil. Siya ho ang kailangan ng tulong at baka nananakit na po yung mga tama niya. Huwag ho ninyo siyang pagalitan."
Tumango ang ginoo at sinenyasan ang kasama na hindi naman nag-aksaya ng panahon at kaagad na itinulak papasok ng building ang wheelchair ng amo.
Naiwan naman siyang hindi alam ang gagawin. Kung susunod ba sa mga ito o aakyat na lang sa itaas para sa kanyang sunod na klase.
Sa huli, pagkatapos ng ilang beses na pabalik-balik na lakad sa pinag-iwanan sa kanya nina Mr. Augusto ay nagdesisyon siyang maghintay na lang doon hanggang sa bumalik ulit ang ginoo.
Mga sampung minuto pa ang itinagal ni Sophia sa labas ng building bago niya nalingunan si Mr. Augusto kasunod si Dolfo na katulad kanina ay tulak-tulak ang wheelchair nito. Sa likuran pa ng mga ito ay kasunod ang kanilang administrator na nang tuluyang makalabas at maisara ang pinto ng silid ay sandali munang kinausap ang ama ni Virgil.
Pigil-pigil niya ang paghinga nang makitang natapos na ang pag-uusap ng dalawa at makita niyang patungo na sa kanyang gawi sina Mr. Augusto. Sinalubong na rin niya ang mga ito ay hindi na alintana na amo ito ng kanyang Inay.
"Bakit nandito ka pa? Wala ka bang klase?" Matigas na tanong ng ginoo sa kanya. Halatang hindi nito nagustuhan ang paghihintay niya sa labas ng eskwelahan.
"Meron ho pero-"
"Bumalik ka na sa klase mo. Hindi ikatutuwa ng Inay mo kung malalaman niya ang ginawa mo ngayon."
Napapahiyang nagbaba siya ng tingin. Parang ang naintindihan niya sa huling sinabi ng ginoo ay wala siyang karapatang panghimasukan ang mga ginagawa ng anak nito sa eskwelahang iyon.
"Pasensya na ho... Babalik na po ako sa klase..." Humakbang siya patalikod sa mga ito pero bago pa man siya tuluyang nakalayo ay narinig niya ang malakas na wika ni Mr. Augusto.
"I've trusted your words, Sophia... I've trusted your words."
Dahil doon ay muli siyang lumingon ng nakangiti sa mga ito. Nakita niyang magaan na rin ang mukha ng ginoo habang si Dolfo ay nag-thumbs up sign naman sa kanya.
Tumango siya bago patakbong binaybay ang lobby papasok ng building. Late man siya sa klase niya, at least panatag siyang hindi na mapapagalitan si Virgil mamaya pagka-uwi nito sa bahay at makita ng ama.