Bantulot na lumabas ng bahay nila si Sophia at binaybay ang daan patungo sa malaking bahay. Ilang araw na ang nakakalipas simula nang may mangyaring gulo sa eskwelahan nila.
Hindi pa siya muling nakakapunta sa bahay ng mga De Vera pero tuloy-tuloy naman ang naging pagpasok ni Virgil sa eskwela kaya nasisigurado niyang hindi ito naparusahan ng ama. Hindi rin naman niya nabalitaan mula sa kanyang Inay na pinagalitan ang binata ni Mr. Augusto kaya mas tumibay ang paniniwala niya.
Nagtataka lang siya ngayong umaga kung bakit siya sinadyang papuntahan ng ginoo kay Dolfo na ilang beses pa lamang nangyayari at sa tuwina ay may kinalaman iyon kay Virgil katulad na lamang halimbawa noong mga nakaraang pagkakataong napapasok sa gulo ang huli tapos siya ang tinatanong ng ama nito tungkol sa mga nangyari. Ang alam niya ay hindi naman ulit nasangkot sa away si Virgil pero bakit ngayon ay ipinapatawag siya ng ama nito.
Nang makita ang bungad ng malaking bahay mula sa dulo ng pathway na kinaroroonan niya ay saglit siyang nag-isip kung didiritso ba siya kay Mr. Augusto o dadaan muna sa kanyang Inay upang ipaalam ang pagparoon niya.
Sa huli ay nagdesisyon siyang gumawi muna sa may likod na bahagi ng bahay kung saan niya madalas nakikita ang kanyang Inay. Habang naglalakad ay hindi niya maiwasang tumingin-tingin sa paligid niya, iba ang nararamdaman niyang katahimikan at nagbibigay iyon ng kaba sa kanya. Kahit ang mga dahon ng niyog at aratilis sa di kalayuan ay sumasabay sa katahimikan na hindi man lang nagsisigalaw kahit parang malamig naman sa pakiramdam niya at may hanging umiihip at himahalik sa kanya.
Wala rin siyang nakikitang tao sa paligid. Ang kaibigang si Emma na madalas ay nakikita niyang nagsasampay o di kayang naglalaba ay hindi niya matanaw. Si Dolfo naman na ang ginagawa madalas kapag walang lakad ang mga amo nito ay ang paghuhugas ng sasakyan ay wala sa garahian.
'Bakit parang ako lang ang tao dito ngayon?' Aniya niya sa isip habang patuloy sa paglalakad papunta sa likod-bahay. Binilisan na rin niya ang kanyang lakad at nagmamadaling itinulak ang pintuan be papasok ng kusina pagkarating doon.
"O, bakit nagmamadali ka?" Napalingon ang Inay niyang nasa harapan ng lamesa at may hinihimay na isda. "Hinihingal ka pa, tumakbo ka ba papunta rito?"
"Hindi po." Aniyang umiiling pero nagpakawala ng malalim na paghinga. Lumakad siya palapit rito habang tumitingin sa paligid. "Nasaan ang mga tao dito Inay? Si Emma, bakit wala?"
Tumingin ang inay niya sa pinanggalingan niya at umiling. "Aba'y hindi ko alam. Naririto lang naman ako kanina pa at hindi naman yun nagpaalam na aalis siya."
"Eh si Mr. Augusto po? Nagpunta kasi sa bahay si Kuya Dolfo at ipinapasundo raw ho ako. Nandito ho ba siya?"
"Ah... pinapuntahan ka kay Dolfo?"
"Oho..."
"At bakit daw?" Tila nawala ang interes ng inay niyang makipag-usap sa kanya dahil sa isdang nasa pinggan at kaharap nito natuon na ang tingin ng ginang. Umupo siya sa kaharap nitong upuan.
"Hindi ko nga po alam eh. Hindi ko naman nabalitaang napaaway ulit si Virgil para tanungin na naman ako. Puntahan ko na po kaya sa opisina niya Inay?"
"Bahala ka. Kung nandito 'yun ay malamang ay nasa opisina niya lang naman iyon. Nakita mo ba yung sasakyan niya sa labas? Baka naman umalis sila ni Dolfo papunta sa farm."
"Naroon naman po Inay. Si Kuya Dolfo lang, hindi ko siya nakita sa labas."
Hindi na sumagot ang Inay niya at ang paghihimay ng isda ang inatupag kaya naman ay muli niyang pinukaw ang atensyon nito.
"Puntahan ko na lang ba sa opisina niya si Mr. Augusto Inay? Tingin niyo po?"
Tiningnan siya ng Inay niya na parang sinisugurado ang narinig at maya-maya ay tumango. "Bahala ka. Puntahan mo."
Kagyat siyang napa-nguso. Hindi man lang siya pigilan ng Inay niya, natatakot nga siya sa sobrang katahimikan ng bahay pero para namang itinataboy siya.
"Ano pang ginagawa mo diyan? Sige na. Bumalik ka dito pagkatapos mo roon at ng makapagdala ka ng ulam. Huwag ka ng magluto ng uulamin mo tutal narito ka na rin naman."
"Sige po." Bantulot niyang wika kasabay ng pagtayo at pagtalikod dito.
Mabagal ang lakad niya habang binabaybay ang pasilyo palabas ng kusina at papuntang sala kung saan naman liliko papunta sa opisina ni Mr. Augusto.
Pagkatanaw niya sa kwarto ni Virgil ay mas lalo niyang binagalan ang kanyang lakad. Tila siya may iniingatang dragon na pwedeng magising kung lalakasan niya ang kanyang paglalakad. Kulang na lang ay tumingkayad siya sa kanyang bawat hakbang huwag lang magising ang dragon na iyon.
Ngunit sa kakaingat niya ay siya namang biglang pagbukas ng pintuang yaon pagkatapat na pagkatapat niya. Impit na 'ay' ang tangi niyang nabigkas kasabay ng panlalaki ng kanyang mga mata nang mapatingin sa b****a ng pintuan kung saan naman nakatayo si Virgil na tanging puting tuwalya lamang ang nakabalot sa ibabang bahagi ng katawan nito habang ang mukha at buhok ay basang-basa.
"Anong kailangan mo?!" Malakas nitong tanong sa kanya nang lumipas ang ilang sandaling hindi siya gumagalaw sa kanyang kinatatayuan.
Kaagad niyang ibinaba ang tingin at umiling. "Da-dadaan lang ako... Pa-papunta ako sa opisina ng Papa mo."
"Anong kailangan mo sa kanya?"
"Wa-wala. Ipinatawag lang ako kay Kuya Dolfo."
Saglit siyang napatingin sa mukha nito at nakita niya ang pagguhit ng inis sa parati nitong masungit na mukha kaya kaagad siyang nagbaba ulit ng tingin. Maya-maya pa ay malakas na kalabog ng pinto nito dulot ng malakas nitong pagbagsak ng pintuan pasara ang gumulat sa kanya. Nasapo niya ang kanyang dibdib dahil sa gulat at kaba.
Akala niya ay walang tao sa bahay. Naliligo lang pala ang dragon kaya hindi niya ito naramdaman kanina, biro niyang aliw sa sarili pero hindi niya maiwasang ma-insulto sa ginawa nitong pagbagsak ng pintuan sa kanya.
Sabagay, gawain naman nito iyon, ano pa ba ang ikaiinsulto niyang bago?
Pumihit siya papunta sa opisina ng ama nito pero di katulad kanina na sobrang ingat niya sa kanyang paglalakad ay hinayaan niya ng tumunog ang tsinelas niyang suot sa pagkakataong iyon.
"Mr. Augusto?" Tawag niya sa matanda na sinabayan niya ng katok pagtapat niya sa pintuan. "Ipinatawag niyo raw po ako?"
"Pasok." Mahinang boses ang narinig niya.
Pinihit niya ang pinto at naghanda ng masayang ngiti para sa matanda. Katulad ng nakasanayan niya ay nasa likod ng malaking lamesa ang ginoo. May binabasang kung anong papeles kaya medyo nakayukyok ito sa lamesa habang ang isang kamay ay nakaalalay sa antipara.
"Ikaw na ba yan, Sophia? Halika nga dito at pakibasa nga ito. Ang liliit, hindi ko na halos makita." Natatawa nitong wika.
"Ako nga ho." Masaya niyang bati dito at mabilis ang lakad na gumawi sa lamesa. "Ano po ba 'yan?"
"Mga numero. Hindi ko mabasa ng maayos."
Napangiti siya. Palagi nitong reklamo iyon kapag may papeles galing sa accounting nito. Paano ay sabi nito, tila nagdidikit-dikit daw ang mga numero kahit may suot naman itong salamin sa mata.
"Sabi ko po sa inyo na palakihan ang font ng mga papeles para hindi ho kayo mahirapan sa pagbabasa. Ito po ba ang dahilan ng pagpapatawag niyo sa akin?"
"Oo. Ilang beses ko na rin sinabi iyan sa kanila pero ang mga loko ay hindi ako yata naririnig. Ang sabi ay standard size daw iyan."
Natawa silang pareho sa sinabi nito. "Akin na nga po 'yan." Aniya at umupo sa isang upuan sa harap ng lamesa.
Sanay na siyang laging nag-i-interpret ng mga papeles nito galing sa accounting kaya naman ay sanay na rin siyang makakakita ng milyong-milyong halaga ng perang pumapasok sa negosyo ng mga De Vera buwan-buwan.
Inisa-isa niya rito ang items na nakikita niya sa mga papeles at dahil magaling sa math ang matanda ay hindi na nito kailangan ng papel, nasusundan nito ang mga halaga ng perang binabanggit niya.
"Okay. Ibig sabihin ay may mga receivables pa tayong hinihintay ngayong buwan, tama?"
"Tama po."
Tumango ito at malapad ang ngiting ibinigay sa kanya. "Ano ang gusto mong kainin. Kain tayo sa labas?"
"Ngayon po?"
"Oo."
"Magluluto po yata ang Inay ng lumpiang isda..." Aniyang tila nanghihinayang. Paborito niya kasi iyon at natatakam na siyang makatikim niyon ulit.
"Talaga ba? Aba e huwag na pala. Paborito ko 'yun eh."
"Kaya nga po, huwag na." Sabay silang tumawa. Mabuti na lang at gusto rin pala nito ang lumpiang isda katulad niya.
"Halika. Pumunta na tayo sa kusina."
"Sige po." Itinulak niya ang wheelchair nito palabas at dahil panay ang pagbibiro ng ginoo ay tawa rin siya ng tawa dito kasalungat ng nararamdaman ni Virgil habang nakikinig ito sa ingay sa labas na nakakuyom ang kamao habang nakatingin sa makapal na pintuan.