Magkaharap ba umupo sina Sophia at Mr. Augusto sa pahabang lamesa kusina kung saan rin naghihimay ng isda ang Inay niya. Gusto niya sanang tulungan ito pero pinigilan siya nito at malalansahan daw siya.
"Pwede naman ho akong maghugas ng kamay mamaya pagkatapos Inay eh." Umanyo siyang tatayo upang maghugas sana ng kamay pero sinamaan siya nito ng tingin.
"Diyan ka lang. Ako na ang gagawa nito. Saglit lang to kaya maghintay na kayong dalawa diyan."
Tahimik siyang umayos ng upo at bahagyang tumingin sa ginoo na noon ay nakatingin lang sa kanilang mag-ina. Nginitian niya ito bilang paghingi ng paumanhin na ginantihan lang nito ng pagkumpas ng isang kamay pagkuwa'y inilahad ang kamay sa kanya.
"Marunong ka bang maglaro ng sungka?"
"Hindi po eh."
"Susan, hindi mo tinuruan ang batang ito na maglaro ng sungka? Hindi mo ba alam kung gaano kaganda ng larong iyon? Pampatalas din ng utak ang sungka at pampahaba ng pasensya."
Isang irap ang pinakawalan ng Inay niya para kay Mr. Augusto. "At sa tingin mo sa araw-araw na naririto ako sa bahay na ito ay magagawa ko pang magturo ng laro? Kung magtuturo ako ng laro anong kakainin niyo dito, aber?"
"Inay!" Aniya bilang pag-awat sa mga sinabi at sasabihin pa nito. Napatingin siya ulit kay Mr. Augusto upang alamin kung nagalit ba pero nginitian lang siya nito.
"Tapos na ako dito maghimay. Diyan lang kayo habang binabalot ko tong mga ito."
"Tulungan na kita Inay para matapos kayo kaagad."
Muli ay sinamaan siya nito ng tingin. "Ang sabi ko ay diyan ka lang. Kaya ko naman."
Dahil doon ay hindi na siya gumalaw sa kanyang pagkakaupo at kung hindi pa siya inutusan ni Mr. Augusto na kuhanin yung sungkaan ay hindi siya gagalaw sa kanyang pagkakaupo.
"Nasa ibaba lang iyon ng T.V. Makikita mo yun kaagad pagsilip mo doon sa baba ng T.V."
Tumalima siya at pumunta sa may salas. Hindi naman siya natagalan sa paghahanap dahil pagkasilip niya sa pahabang cabinet ay kaagad niyang nakita ang pakay na maingat na nakalagay sa loob at nahaharangan ng salaming pintuan.
Binuksan niya iyon at bibitbitin na sana ng marinig ang boses ni Virgil sa likod niya.
"Anong kinukuha mo diyan?"
"Ipinapakuha lang sa akin 'to." Mahina ang boses na turo niya sa sungkaan. "Ipinapadala ni Mr. Augusto sa kusina."
"Huwag mong galawin 'yan diyan!" Marahas itong gumawi sa likuran niya. Tinabig siya nito ng bahagya dahil nahaharangan niya ang bukasan ng cabinet kaya napasalampak siya ng upo sa sahig at pagkatapos ay isinara nito muli iyon. "Mga gamit ko 'tong nandito kaya wala kayong kukunin, naiintindihan mo?"
Napatango siya bagaman at hindi siya nakakilos kaagad. Nang makatayo na ito ay saka din niya itinukod ang isa niyang kamay sa sahig upang makaayos siya ng upo.
"Bumalik ka na doon." Mariin nitong utos sa kanya. "At sabihin mo sa Papa na huwag kang utusan ng kung ano-ano. Sunod ka rin ng sunod. Ano ka dito, alila?"
Tumaas ang kilay niya sa narinig. Sa sakit ng salitang mga narinig niya at sa mga ginagawa nito ay parang dapat ay sa sarili nito iyon ipinapatungkol at hindi sa ama nito.
"Ano di ka pa tatayo diyan?" Tumigil ito sa pagtalikod at ginawaran siya ng matalim na tingin.
Nagmadali siyang nag-iwas ng tingin dito at tumayo. Nang masiguradong maayos na ang dalawa niyang paa na nakaapak sa sahig ay tinalikuran niya ito ng may paghihimagsik. Ito ang palaging masama ang tingin sa kanya at kung makautos sa kanya ay parang nabili na ang kanyang pagkatao pero ang ama nito ang pinapasabihan sa kanyang huwag siyang uutusan.
Hindi na niya ito nilingon hanggang sa nakarating siya sa kusina.
"O, nasaan na?" Tanong kaagad ni Mr. Augusto pagkakita sa kanya.
Pasikreto siyang humugot ng malalim na hininga at ngumiti. "Nakasara po yung cabinet eh. Nakakandado po kaya hindi ko makuha."
"Nakasara naman pala e bakit ang tagal mo doon?" Usisa ng Inay niya.
"Sinubukan ko lang pong ikot-ikutin yung susian." Pagsisinungaling niya.
Bumalik siya sa kanyang kinauupuan kanina at naghintay hanggang sa matapos ang kanyang Inay at nakakain sila. Pagkatapos nila ay tinulungan niya munang maghugas ang kanyang Inay sa mga ginamit nito sa pagluluto pagkaraan niyon ay nagpaalam na siya kay Mr. Augusto na aalis na siya pero bago siya nito pinayagan ay nagpahatid muna ito sa opisina nito kaya muli siyang nakita ni Virgil na parang patalim ang tingin habang tulak-tulak niya ang wheelchair ng ama nito pagdaan nila sa nakabukas nitong kwarto. Kaya naman ng maihatid si Mr. Augusto ay tila siya hinahabol ng multo sa bilis ng kanyang lakad palabas ng bahay. Ni hindi na niya naalalang magpaalam sa kanyang Inay dahil sa pagmamadaling makaalis doon kaagad.
.....
"Pssttt..." Narinig ni Sophia ang mahinang sitsit ni Cindy habang nagbabasa siya ng kanyang notes. Nilinga niya ito at nang mahuli ang tingin niya ay kaagad nitong isinenyas ang kinaroroonan ni Virgil. "Anong problema niyon?"
Saglit niya lang nilinga ang lalaki. "Bakit?"
"Tingnan mo."
Tiningnan niya ulit si Virgil na nakatungo at nakatingin sa nakabukas nitong kwaderno. Seryoso itong nakatingin doon at wala siyang nakikitang problema sa kung anuman ang ginagawa nito.
"Ano bang problema doon?"
Umiling-iling si Cindy na tila may malaking problemang nakikita sa lalaki. "May sakit ba 'yun? Hindi normal yang ginagawa niya eh. Isipin mo, nakita mo na bang nagbasa 'yan? Hindi pa 'di ba?"
Saglit siyang napaisip sa sinabi ng kaibigan at muling tiningnan ang kinauupuan ni Virgil.
Nagbabasa nga ito!
Sa kabila ng ingay ng mga kaklase nila ay hindi nito iyon alintana dahil nakatungo pa rin ito at binabasa ang kung anumang nakasulat sa kwaderno nito!
Gumuhit ng maliit na ngiti ang labi niya pagkatapos ay nilinga ang kaibigan.
"Kung ano-anong nakikita mo. Mag-aral ka din kaya at may quiz tayo mamaya kay Mrs. Perez. Gusto mo na naman bang mangitlog 'dun?" Tukso niya dito dahil sa naging score nito sa quiz nila noong nakaraang linggo sa nasabing professor. Bawat klase kasi nila rito ay nagpapa-quiz ito at dahil isang beses lang nila ito ma-meet sa isang linggo ay mahirap bumawi sa mga score nila.
Tumaas lang ang gilid ng nguso nito sa pagkadisgusto. "Ipinaala mo pa talaga. Malapit ko na ngang makalimutan eh."
"Sige kalimutan mo at ng magtuloy-tuloy yang pangingitlog mo. Matutuwa ang Nanay mo niyan dahil makakapag-supply na kayo ng itlog."
"Ha-ha-ha." Irap nito sa kanya pagkatapos ay pinaamo ang tingin. "Pakopyahin mo na lang ako. Sige na."
"Oo na."
"Salamat." Malapad nitong ngiti.
Muli niyang ibinalik ang tingin sa kanyang binabasa pero maya-maya ay kalabit naman mula sa kaibigan ang nagpalinga sa kanya. "Ano na naman ngayon?"
Lumabi ito. "Hindi ko pa nakikita si Administrator. Ang lungkot ng araw ko."
Pinanlisikan niya ito ng mata. "Cindy! Nag-aaral ako. Huwag kang magulo."
Hindi ito nagpatinag at itinuro ang upuan ng kaklase nilang si Cris. Nabalitaan nilang na-suspende ito kaya ilang araw ng hindi nakakapasok. "Buti nga sa kanya no? Ang yabang niya kasi. Nananakit pa. Kung ako ang administartor dito hindi lang suspension ang abot sa akin niyon. Tatanggalin ko yun dito sa eskwelahan."
"Sshhh. Sobra ka naman. Graduating na rin yun. Sayang din naman kung bigla na lang siyang tatanggalin."
Nagtataka at kunot ang tingin na ibinigay nito sa kanya. "Patatawarin mo talaga 'yun kung ikaw ang admin dito?"
Tumango siya. "Parusa na rin naman yung suspension eh."
Napapantastikuhan ang tingin nitong iginawad sa kanya na sinabayan pa ng pag-iling. "Hindi ka bagay maging admin dito. Ang dapat sa'yo sa kumbento dahil sa bait mong 'yan." Tumayo ito. "Aayain sana kitang magmeryenda pero dahil patatawarin mo naman pala yung Cris na 'yun huwag na lang. Iba na lang ang aayain ko."
Sinundan niya ito ng tingin ng lumakad ito papunta sa likod at gumawi sa harapan ng upuan ni Virgil.
"Cindy!" Impit niyang tawag dito.
Gusto na sana niyang puntahan ang kaibigan ng magtaas dito ng tingin si Virgil pero napigil niya ang sarili nang maya-maya ay makitang tumayo ang lalaki. Paglingon sa kanya ni Cristy ay isang kindat ang ibinigay nito sa kanya. Siya naman ay nag-aalala ang tingin na sumunod sa mga ito hanggang sa nakalabas ng kanilang silid.
Ilang minuto rin na nawala ang mga ito. Pagkabalik ay inabutan siya ni Cindy ng biscuit pero ang ipinagtaka niya ay ang pananahimik nito pagkatapos niyon hanggang sa natapos ang kanilang klase pero ang ngiti nito ay hindi na nawala sa labi na ipinag-alala niya.
.....