Nagtuloy-tuloy ang pag-aalala ni Sophia para sa kanyang kaibigan na hindi niya alam ang nangyayari basta't bigla na lang naging kaibigan ni Virgil sa hindi inaasahang napakabilis na panahon.
Dati-rati ay siya ang inaabanagan nito sa bungad ng kanilang classroom pero ngayon ay si Virgil na. dati-rati ay masasakit na salita ang naririnig niya dito patungkol sa binata pero ngayon ay puro papuri na. Madalas pa nga ay iniiwanan siya nito sa oras ng kanilang breaktime at sumasama sa lalaki sa pagbili sa kantina na akala mo ay biglang nakalimot na siya ang kaibigan nito at hindi ang lalaki. Unti-unti rin ay lumalim ang pag-aalala niya para sa kaibigan.
Isang umaga pagkarating niya sa eskwelahan ay naabutan niyang naroon na si Virgil sa loob ng kanilang silid-paaralan. Alam niyang kani-kanina pa ito dahil nadaaanan siya nito habang naglalakad siya papunta sa sakayan ng tricycle.
Mangilan-ngilan pa lang ang mga kaklase nilang naroon at kabilang si Cindy sa mga wala pa.
Umupo siya sa kanyang upuan nang hindi tumitingin sa kinaroroonan ni Virgil. Pawis siya dahil sa paglalakad niya kanina dagdagan pa na sobrang init ng araw sa labas.
Kinuha niya ang isa niyang notebook at pinaypayan ang kanyang sarili. Kung bakit naman kasi saka lang binubuksan ang aircon sa loob ng silid kapag oras na mismo ng klase at naroon na ang kanilang professor. Nagtitipid din siguro ang pamahalaan ng eskwelahan kahit na may mga donations naman itong natatanggap mula sa mga mayayamang magulang ng mga kaklase niya katulad na lang ni Virgil.
Dahil sa init na nararamdaman niya ay nilakasan niya ang kanyang pagpaypay. Kinuha niya rin ang isa niyang libro at nagsimula ng magbasa.
Ilang minuto ang lumipas nang marinig niyang tumunog ang aircon. Pag-angat niya ng tingin ay may maintenance personnel na sa loob ng classroom nila hawak-hawak ang remote na pangbukas ng aircon. Tumaas ng bahagya ang dalawa niyang kilay at inilinga ang paningin, noon niya lang napansin na sarado na pala ang mga bintana ng classroom. Pero wala pa doon ang professor nila. Tiningnan niya rin ang kanyang relo. Hindi pa rin iyon oras ng kanilang klase.
"Salamat po." Narinig niyang wika ni Virgil na noon ay nakatayo na at nakasandal sa isang bintana. Ang iba nilang mga kaklase ay nag-chorus din at nagpasalamat sa nagbukas ng aircon na ngumiti lang sa kanila.
Anong meron at binuksan na ang aircon? Aniya sa isip habang itinatabi ang ginamit niyang pamaypay.
Unti-unti na niyang nararamdaman ang lamig sa kwarto at tingin niya ay matutuyuan naman siya ng pawis. Kinalkal niya ang bag at kinuha mula doon ang kanyang bimpo. Inilagay niya iyon sa kanyang likod bago siya sumandal sa upuan at muling nagbasa.
Pagkarating ni Cindy ay nagulat din ito sa nadatnan pero sa halip na siya ang tanungin nito kung bakit bukas na ang aircon ay dumiritso ito sa likurang bahagi ng mga upuan matapos nitong ilapag ang bag sa tabi niya.
.....
Kinagabihan ay nakatitig siya sa T.V nila habang nakaupo sa pang-isahang upuan nang madatnan siya ng kanyang Inay. Isang ilaw lamang ang bukas sa bahay nila na tumatanglaw sa kanilang kusina kaya nagulat ang Inay niya nang makitang naroon siya sa may salas at nanonood pala ng telebisyon.
"Sophia! Ano ang ginagawa mo diyan sa dilim?"
Napukaw ang atensyon niya at ibinaba ang dalawang paang kipkip-kipkip niya. "Inay. Nandiyan na pala kayo. Kanina pa ba kayo?"
Nagliwanag ang buong salas nang buksan ng Inay niya ang ilaw sa maliit nilang salas. "Kakarating ko lang. Ano bang pinagkakaabalahan mo diyan at hindi mo man lang narinig kahit yung kahol ng aso sa labas?"
"Nanonood lang po ako."
Tiningnan nito ang pinapanood niya. "Nang basketball?"
Nilinga niya ang T.V. Bakit basketball na ang channel na pinapanood niya?
"Wala pong iba eh." Pagsisinungaling niya at pinindot ang remote. Balita ang laging pinapanood niya na siyang laging nadadatnan ng kanyang Inay kaya siguro nagtaka ito kung bakit sports channel ang pinapanood niya sa mga oras na iyon. Ibinalik niya sa balita ang channel.
"Nag-aral ka na ba? Baka inuubos mo na ang oras mo sa panonood ng mga walang katuturang bagay, Sophia?"
"Tapos na po, Inay." Tumayo siya at nagmano dito pagkatapos ay kinuha ang dala nito. "Ano po ito?"
"Ulam 'yan. Isalin mo na sa lagayan at ng makakain na tayo. May sinaing ka naman na di ba?"
"Opo Inay. Kanina pa po." Inilapag niya ang remote control. "Magbihis na po kayo Inay. Ako na ang bahala dito." Lumakad siya papunta sa kanilang kusina at kumuha ng mangkok. Isinalin niya doon ang dalang ulam ng kanyang Inay at nagsandok ng kanin.
"Sa makalawa ba may klase ka?" Tanong ni Susan pagkalabas ng kwarto. Dumiritso ito sa lababo at naghugas ng kamay bago dumulog sa lamesa.
"Bakit po?"
"Manganganak na yata yung isang inahing baka sa makalawa. Baka bigla kang ipinatawag para makatulong sa farm."
Umupo siya sa tabi ng ina. "Wala naman po akong gagawin. Wala po akong klase 'nun kaya okay lang po."
Malalim na tingin ang ibinigay ng Inay niya sa kanya. "Hindi ko sinasabing bawal kang pumunta pero hindi ko rin sinasabi sa'yo na mawili ka sa pagtulong-tulong mo. Madalas na napagsasamantalahan ang kagandahang loob ng isang tao, at ikaw, alam kong matulungin ka. Huwag mong hayaan na pagsamantalahan ng iba iyang pagiging matulungin mo."
"Po?"
"Papayagan kita kung sakaling pinapunta ka sa farm pero huwag kang magtatagal doon. Ang pag-aaral mo ang priyoridad mo."
"Opo, Inay. Hindi ko naman po pinapabayaan ang pag-aaral ko."
"Mabuti naman. Sige na, kumain na tayo."
.....
Katulad ng inaasahan nila ng kanyang Inay ay nagpahatid nga ng mga pagkain sa farm sa araw ng panganganak ng inahing baka na siya naman nilang pinaghandaan umaga pa lamang. Paano ay madalas na inaabot ng ilang oras ang panganganak ng mga inahin kaya binabantayan ang mga ito at dahil doon ay hindi na makapaghanda ng makakain ang mga tauhan ni Mr. Augusto sa farm.
Kasama niya si Emma na magdadala ng mga pagkain na pusturang-postura sa suot nitong mahabang itim na palda at blusang bulaklakin na binagayan ng suot nitong pink hairband na gawa sa tela na ang dulo ay nakalaylay lang sa balikat nito.
"Ang ganda naman ng suot mo Emma. Baka nakakalimutan mong farm yung pupuntahan mo at hindi bayan." Puna ng Inay niya habang nagkakarga sila ng mga pagkain sa van na imamaneho ni Kuya Dolfo.
"Hayaan niyo na ho Nanang Susan at baka makakita ako ng pogi doon sa farm. Minsanan lang naman ho ako makalabas at baka ngayon ko na makita yung forever ko." Kinikilig nitong wika na hindi itinago sa kanila ng Inay niya. Napangiti siya dito pero ang Inay niya ay napalatak dito.
"Maghahanap ka na lang din naman bakit doon pa sa farm? Gusto mo bang makapangasawa ng mahirap din?"
"Inay naman." Saway niya dito. "Pabayaan niyo na si Emma."
Hindi naman iyon nakaapekto sa kaibigan niya na tumawa pa.
"Biro lang naman 'yun Nanang Susan. Huwag niyo pong seryosohin masyado."
"Siya hala. Basta at mag-iingat kayo." Nilinga siya ng Inay niya. "Puntahan mo na si Dolfo dun sa likod at tapos na tayo dito. Para makaalis na at tatanghaliin kayo sa daan. Baka wala pang almusal ang mga tao doon sa farm."
"Sige po."
Tinungo niya ang kinaroroonan ni Dolfo na naglilinis ng cover ng sasakyan at sinabing nakahanda na sila. Sinabi naman nitong susunod na pero binilinan siyang puntahan din si Virgil dahil sasabay daw ito.
"Ayoko po. Kayo na lang. Alam niyo namang ayaw 'nun sa akin eh."
"Hayaan mo na at wala naman siyang magagawa. Ibinilin ni Mr. Augusto na sumabay na lang siya kaya nga saaakyan niya ang gagamitin natin eh."
"Kuya naman eh. Di mas lalong magagalit sa akin 'yun."
"Hindi 'yan. Sige na. Tatapusin ko lang 'to."
Mula doon sa kinaroroonan ni Dolfo ay umikot siya papunta sa may kusina at doon na pumasok ng bahay upang puntahan si Virgil sa kwarto nito.
Kabado man ay kumatok siya sa silid.
"Paalis na daw sabi ni Kuya Dolfo." Aniya kasabay ng katok pero wala siyang narinig na pagkilos mula sa loob. "Virgil?" Muli niyang katok sabay tawag sa pangalan nito.
"Oo na!" Biglang wika nito kasabay ng pagbukas ng pinto. "Madaling-madali?"
"Wala kasi akong marinig kanina eh." Umatras siya ng lakad. "Sabi ni Kuya Dolfo katukin daw kita at sasabay ka sa amin."
Inirapan siya nito. "Sasakyan ko yung gagamitin niyo kaya kayo ang makikisabay sa akin."
Tumango na lang siya. Tama naman ito.
Lumakad na ito papunta sa tarangkahan ng bahay kaya ng gumawi siya sa may kusina ay tinawag siya nito.
"Akala ko ba paalis na? Bakit papunta ka diyan?"
"Nasa likod yung tsinelas ko. Mabilis lang ako." Tinakbo na niya ang kusina at nang maisuot ang tsinelas ay nagtatakbo naman siya paikot papunta sa harap ng bahay kung saan niya naabutang naroon na ang lahat at handa ng umalis.
"Ito, i-abot mo ito kay Doc Alvin." Bilin ng Inay niya sa nakasupot na plastic container bago sila lumarga.
"Sige po, Inay."
.....