Chapter 17

1438 Words
"Ano yan?" Mula sa katabing upuan ng driver seat ay tanong ni Virgil na bahagya lang tumingin sa gawi nila ni Emma sa likod makaraan lamang ang ilang segundo matapos silang lumarga. Nagkatinginan silang magkaibigan na walang gustong magsalita dahil hindi naman nila alam kung sino sa kanilang dalawa ang kinakausap nito. Itinuro siya ni Emma kaya tumingin siya sa unahan kung saan naman niya nahuling nakatingin si Virgil sa rear view mirror. Siya naman ang nagturo sa sarili niya upang alamin dito kung siya ba ang kinakausap nito. "Ikaw nga. Ikaw ang kinakausap ko." Wika nitong nakakunot ang noo. "Ako pala." Aniya niyang ang sarili ang mas pinapatungkulan. "Alin ba ang itinatanong mo?" "Yang ibinigay ni Nanang Susan sa'yo. Ano ba yan?" Tiningnan niya ang plastic container na nakabalot sa plastic na inilagay niya sa pagitan nila ni Emma. Ini-angat niya iyon at ipinakita dito. "Ito?" "Oo nga. May iba pa ba siyang ibinigay sa'yo?" Umiling siya. "Wala na." "Wala naman pala eh. Malamang iyan ang tinutukoy ko." "Hindi ko alam eh." Balewala niyang sagot at inilapag ulit iyon. Sumandal din siya sa may bintana upang maiwasan na ang tingin nito. "Bakit ipinapabigay 'yan kay Doc Alvin? Close ba kayo?" Sumimangot siya saglit pero inayos din ang mukha bago siya muling tumingin sa may salamin. Nakatingin pa rin doon si Virgil. "Bakit ako ang tinatanong mo? Ang Inay ang nagpapabigay, baka sila ang close." Mahinang tawa mula kay Dolfo at Emma ang nagpalingon kay Virgil mula sa pagkakatingin sa kanya mula sa salamin. Si Dolfo na biglang sumeryoso ay nilingon ang binata. "Huwag mo kaming pansinin ni Emma. Isipin mong wala kami dito." Dahil doon ay muli siyang tiningnan ni Virgil sa salamin. "Akin na 'yan. Ako na ang mag-aabot kay Alvin." Kumunot ang noo niya. "Pero sabi ni Inay, ako daw ang mag-abot eh." "Ako na nga. Akin na 'yan. Tutulong naman ako sa kanya kaya makakarating 'yan." Alanganin niyang dinampot yung plastic at iniabot iyon kay Virgil. Ganoon pa man ay wala siyang nagawa nang hawakan na nito iyon at hilahin mula sa kamay niya. ..... Pagkarating nila sa farm ay nadatnan na nila doon si Mr. Augusto kausap ang mag-amang si Doc Alvin at si Mang Simeon. Kaagad siyang kinawayan ni Mr. Augusto at tinawag kaya naman ay nagmadali siyang lumapit dito. "Mr. Augusto, magandang umaga po." Nilinga niya din sina Doc Alvin at Mang Simeon at bumati sa mga ito. "May dala na ho kaming pagkain para sa almusal at tanghalian po. Ihahanda na po ba namin dun sa kubo?" "Mabuti naman at nakarating na kayo. Medyo nagugutom na nga kami. Si Virgil?" "Nasa sasakyan ho." Tiningnan niya ang sasakyan. Mula doon ay bumaba na si Emma at Dolfo. "O sige. Makikisuyo kami." "Walang anuman po." Bumalik siya sa sasakyan at inaya ang dalawang kasama na buhatin ang mga pagkain sa malaking kubong nasa di-kalayuan. Iyon ang kainan ng mga trabahante roon. May mangilan-ngilang nakakalat na kubo sa loob ng farm bilang pahingahan ng mga trabahante pero ang kubong tutunguhin nila ang pinakamalaki. "Hinahanap ka ng Papa mo." Aniya kay Virgil nang buksan niya ang pintuan sa likod upang kuhanin ang mga pagkain. Hindi ito sumagot bagkos ay bumaba ng sasakyan at gumawi sa kabilang pinto upang kumuha rin ng madadala papunta sa kubo. Hindi na lang niya ito pinansin at inabutan na lang ang dalawang kasama na nasa likuran niya na naghihintay ng dadalhin. "Ang sarap ng amoy dito sa farm no?" Wika ni Emma habang magkaabay silang naglalakad na may kanya-kanyang hawak na malaking kaserola. Nginitian niya ito. Naamoy niya rin iyon. Kahit ang simpleng amoy ng damo doon sa farm ay mabango dagdagan pa na napakasariwa ng hangin dahil sa iba't ibang punong nakatanim sa paligid nila. "Uy, bilisan niyo diyan at magkatagpo na naman ang kilay ng isa doon." Malakas na bulong ni Dolfo na nilagpasan sila ng lakad. Pagtingin niya sa kubo ay nasa may pintuan na si Virgil at parang galit na naman. Binilisan niya ang lakad na sinundan naman ni Emma. Pagkarating sa kubo ay kaagad niyang inilapag ang dala sa may lamesa at babalik na sana sa sasakyan nang magsalita si Virgil. "Mainit na. Kami na ang babalik doon, dito na kayo. I-ayos niyo na lang yung mga pagkain diyan sa lamesa. Tayo na Kuya Dolfo." Tinaasan siya ng kilay ni Dolfo bago ito sumunod kay Virgil. Si Emma naman ay hindi naikaila ang pagtataka. "May nangyari ba doon? Bakit sala sa init sala sa lamig 'yun?" Kibit-balikat siyang nagtungo sa lamesa at nagsimulang i-ayos ang mga gagamitin sa pagkain ng almusal habang ang mga niluto ng Inay niya para sa tanghalian ay ihiniwalay na niya. ..... Nang matapos kumain ang lahat ng mga trabahante sa farm ay mabilisan namang inimis nina Emma at Sophia ang mga pinagkainan kasama ni Aling Delia na ina ni Doc Alvin. Mabait ang matanda at magiliw kausap. Palibhasa ay puro kalalakihan ang nakakasama nito sa farm kaya wala itong maka-kwentuhan. "Ang Inay mo Sophia, kumusta naman? Hindi ko na nakakausap iyon." "Okay lang naman po Aling Delia. Nandoon po sa bahay nila Mr. Augusto. Mag-isa nga lang po yun ngayon." "Minsan nga ay pasyalan ko doon. Wala na rin naman akong nakakusap dito kung hindi yung mga hayop na binabantayan namin." "Opo naman. Pasyal ho kayo minsan sa bahay. Kapag wala naman po akong pasok ay nasa bahay lang po ako." "Aba'y sige. Pwede ko bang isama si Alvin ko? Puro hayop na rin ang nakakausap nitong panganay ko eh. Nag-aalala akong hindi na makahanap ng mapapangasawa dahil laging nasusubsob sa trabaho dito sa farm." Nagtawanan silang tatlo sa tinuran nito. "Ate Delia, huwag ho kayong mag-alala, kung sakali lang naman ho na hindi na talaga makahanap si Doc Alvin, nandito po ako. Ako na po ang magvo-volunteer para mapangasawa niya. Okay lang ho ba?" Presinta ni Emma na sinang-ayunan naman ng ale. "Aba'y oo naman. Bakit hindi e nakapaganda mong dalaga." Pumikit-pikit ang kaibigan niya habang nakatingin sa kanya. "Narinig mo? Ang ganda ko daw." Natawa siya dito ng malakas. Maganda naman talaga ang kaibigan niya. Palibhasa ay wala naman siyang ibang kaibigan kung hindi ito at si Cindy kaya wala siyang ibang mapagbatayan ng kagandahan pero totoong maganda ito at nakakatawa pa. Kung naging lalaki siya ay hindi siya mahihirapang magkagusto dito sa pakiwari niya. "Ikaw naman Sophia, wala ka pa bang nobyo?" Maya-maya ay tanong ng ale sa kanya. Tumigil siya saglit sa pagliligpit ng mga pinggan sa styro box at humarap dito. "Wala pa po. Bawal po at hindi pa ho ako tapos ng aking pag-aaral." "Pero pagkatapos mo, pwede na ba?" "Hindi pa rin ho at kailangan ko pa pong yumaman para sa Inay ko. Para hindi na ho siya maging kasambahay. Para makapag-pahinga naman ho siya." Tumango-tango ito. "Napakabait mo namang bata. Alam mo bang ganyan din ang palaging sinasabi nitong si Alvin ko? Hindi daw siya mag-aasawa hangga't hindi niya naipapaayos iyong bahay namin. Gusto raw niyang maging konkreto at para hindi na kami mababasa kung sakaling uulan. Paano ay umuulan din sa loob ng bahay namin kapag maulan. Ngayon ay kalahati na ng bahay namin ang bato." Dugtong nitong may pagmamalaki. "Talaga po? Wow naman." Tumingin siya sa gawi ng kinatatayuan ng binata. "Mabait po si Doc. Alvin kaya hayaan niyo na lang muna at huwag niyo ho munang pag-asawahin. Maganda nga po 'yun at kayo ang priority niya ngayon eh." "Sabagay." Dugtong ng ale na nagpasimangot kay Emma. "Eh di hindi po muna ako magvo-volunteer?" "Huwag muna!!!" Magkasabay nilang wika ng ale na sinundan nila ng tawanang tatlo. Matapos nilang magligpit ng mga pinagkainan ay nagpaalam muna sila ni Emma sa kasama ganoon din kay Mr. Augusto na maglalakad-lakad muna sila sa loob ng farm. Pumayag naman ito at binilinan na lang silang bumalik bago ang oras ng pananghalian na malugod naman nilang sinang-ayunan. Naisip na niya kung saan sila pupunta. May alam siyang batis malapit sa farm na napuntahan niya na isang beses. Napuntahan niya iyon noong bata pa siya. Ang pagkakaalam niya ay hindi na iyon pagmamay-ari ng mga De Vera gayunpaman ay gusto pa rin subukan at baka wala pa namang bakod sa bahaging iyon. "Sophia, hindi naman tayo maliligaw 'di ba?" Nag-aalalang tanong ng kaibigan habang palingon-lingon ito sa pinasok nilang kasukalan. "Hindi. Nakapunta na ako doon at malapit lang 'yun dito." "Sigurado ka ha?" "Oo." Siguradong-siguradong wika niya na binilisan pa ang lakad. Ang kaibigan niya ay walang nagawa kung hindi ang sumunod sa kanya habang maya-maya ay nagpapagpag ng palda dahil sa pagsabit ng kung ano-anong damo sa suot nito. "Bilisan mo Emma." .....
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD